Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nagpapahubog Ka Ba sa Dakilang Magpapalayok?

Nagpapahubog Ka Ba sa Dakilang Magpapalayok?

“Narito! Gaya ng luwad sa kamay ng magpapalayok, gayon kayo sa aking kamay.”—JER. 18:6.

AWIT: 60, 22

1, 2. Bakit itinuring ng Diyos si Daniel bilang isang “lubhang kalugud-lugod na lalaki,” at paano tayo magiging masunurin gaya ni Daniel?

NANG pumasok sa sinaunang Babilonya ang mga tapong Judio, nadatnan nila ang isang lunsod na punô ng idolo at mga taong sumasamba sa masasamang espiritu. Pero ang tapat na mga Judio, gaya ni Daniel at ng kaniyang tatlong kasamahan, ay tumangging mahubog ng mga tao sa Babilonya. (Dan. 1:6, 8, 12; 3:16-18) Determinado si Daniel at ang kaniyang mga kasamahan na ibigay ang kanilang bukod-tanging debosyon kay Jehova bilang kanilang Magpapalayok. At nagtagumpay sila! Sa katunayan, kahit halos buong buhay na nakatira si Daniel sa Babilonya, sinabi ng anghel ng Diyos na siya ay isang “lubhang kalugud-lugod na lalaki.”—Dan. 10:11, 19.

2 Noong panahon ng Bibliya, ang isang magpapalayok ay maaaring gumamit ng molde para mahubog ang luwad sa hugis na nais niya. Kinikilala ng mga tunay na mananamba sa ngayon si Jehova bilang Soberano ng Uniberso, ang may awtoridad na humubog sa mga tao at mga bansa. (Basahin ang Jeremias 18:6.) May awtoridad din ang Diyos na hubugin tayo bilang indibiduwal. Pero kinikilala niya ang ating kalayaang magpasiya at gusto niyang kusang-loob tayong magpasakop sa kaniya. Talakayin natin ang tatlong bagay kung paano tayo mananatiling gaya ng malambot na luwad sa mga kamay ng Diyos: (1) Paano natin maiiwasan ang mga ugali na maaaring magpatigas sa atin para tanggihan ang payo ng Diyos? (2) Paano natin malilinang ang mga katangiang tutulong para manatili tayong malambot at mapagpasakop? (3) Paano magpapasakop sa Diyos ang mga magulang kapag hinuhubog nila ang kanilang mga anak?

IWASAN ANG MGA UGALI NA MAAARING MAGPATIGAS SA PUSO

3. Anong mga ugali ang maaaring magpatigas sa ating puso? Magbigay ng halimbawa.

3 “Higit sa lahat na dapat bantayan, ingatan mo ang iyong puso, sapagkat nagmumula rito ang mga bukal ng buhay,” ang sabi ng Kawikaan 4:23. Anong mga ugaling nakapagpapatigas sa puso ang dapat nating bantayan? Kasama rito ang pagiging masyadong ma-pride, pamimihasa sa kasalanan, at kawalan ng pananampalataya. Dahil sa mga ito, maaari tayong maging masuwayin at mapaghimagsik. (Dan. 5:1, 20; Heb. 3:13, 18, 19) Ganiyan ang nangyari kay Haring Uzias ng Juda. (Basahin ang 2 Cronica 26:3-5, 16-21.) Noong una, “ginawa [ni Uzias] ang tama sa paningin ni Jehova,” at ‘patuluyan niyang hinanap ang Diyos.’ Pero “nang siya ay malakas na, ang kaniyang puso ay nagpalalo,” bagaman ang lakas na ito ay galing sa Diyos! Tinangka pa nga niyang magsunog ng insenso sa templo—isang pribilehiyong para lang sa mga Aaronikong saserdote. Pagkatapos, nang sawayin siya ng mga saserdote, nagngalit pa ang hambog na si Uzias! Ang resulta? Dumanas siya ng kahiya-hiyang “pagbagsak” sa mga kamay ng Diyos at namatay na isang ketongin.—Kaw. 16:18.

4, 5. Ano ang maaaring mangyari kung hindi tayo magbabantay laban sa pride? Magbigay ng halimbawa.

4 Kung hindi tayo magbabantay laban sa pride, baka ‘mag-isip din tayo nang higit tungkol sa ating sarili kaysa sa nararapat isipin,’ na maaari pa ngang mauwi sa pagtanggi sa payo mula sa Kasulatan. (Roma 12:3; Kaw. 29:1) Pansinin ang karanasan ni Jim, isang Kristiyanong elder na hindi sumang-ayon sa kaniyang mga kapuwa elder tungkol sa isang bagay na pangkongregasyon. Ikinuwento niya: “Sa miting namin, sinabi ko sa mga elder na hindi sila maibigin, at umalis ako.” Pagkaraan ng mga anim na buwan, lumipat siya sa kalapit na kongregasyon pero hindi siya nahirang doon bilang elder. Inamin niya: “Nadismaya ako. Masyado akong naging mapagmatuwid sa sarili, kaya iniwan ko ang katotohanan.” Naging di-aktibo si Jim sa loob ng 10 taon. Sinabi niya: “Nasaktan ang pride ko, at sinisi ko si Jehova sa mga nangyayari. Mga ilang taon akong dinadalaw ng mga brother para paliwanagan ako, pero hindi ko tinanggap ang kanilang tulong.”

5 Ipinakikita ng karanasan ni Jim na dahil sa pride, baka ipagmatuwid natin ang ating maling ginagawa, kaya hindi na tayo madaling hubugin. (Jer. 17:9) “Hindi mawala-wala sa isip ko na sila talaga ang mali,” ang paliwanag ni Jim. Nasaktan ka na ba ng isang kapuwa Kristiyano o nawalan ng ilang pribilehiyo? Paano ka tumugon? Umiral ba ang pride mo? O inisip mo na mas mahalagang makipagpayapaan sa iyong kapatid at manatiling tapat kay Jehova?—Basahin ang Awit 119:165; Colosas 3:13.

6. Ano ang maaaring mangyari kung mamimihasa tayo sa kasalanan?

6 Ang pamimihasa sa kasalanan, at paglilihim nito, ay maaari ding maging dahilan para tanggihan ng isa ang payo ng Diyos. Kapag nangyari iyon, nagiging mas madali na ang paggawa ng kasalanan. Sinabi ng isang brother na nang maglaon, hindi na siya nakokonsensiya sa maling ginagawa niya. (Ecles. 8:11) Isang brother naman, na nahulog sa bitag ng pornograpya, ang umamin: “Napansin ko na nagiging mapamuna na ako sa mga elder.” Sinira ng pornograpya ang kaniyang espirituwalidad. Nang sa wakas ay mabunyag ang kaniyang ginagawa, tumanggap siya ng tulong mula sa mga elder. Siyempre pa, lahat tayo ay di-sakdal. Pero kung nagiging mapamuna na tayo o ipinagmamatuwid natin ang ating maling ginagawa sa halip na humingi ng kapatawaran at tulong ng Diyos, baka nagiging matigas na ang ating puso.

7, 8. (a) Paano tumigas ang puso ng mga Israelita dahil sa kawalan ng pananampalataya? (b) Ano ang aral nito para sa atin?

7 Nakapagpapatigas ng puso ang kawalan ng pananampalataya. Makikita ito sa nangyari sa mga Israelitang iniligtas ni Jehova mula sa Ehipto. Nakita nila ang maraming himala na ginawa ng Diyos, ang ilan pa nga rito ay talagang kamangha-mangha! Pero nang malapit na sila sa Lupang Pangako, nagpakita sila ng kawalan ng pananampalataya. Sa halip na magtiwala kay Jehova, natakot sila at nagbulong-bulungan laban kay Moises. Gusto pa nga nilang bumalik sa Ehipto, kung saan sila dating mga alipin! Talagang nasaktan si Jehova at sinabi niya: “Hanggang kailan ako pakikitunguhan nang walang paggalang ng bayang ito?” (Bil. 14:1-4, 11; Awit 78:40, 41) Dahil sa katigasan ng kanilang puso at kawalan ng pananampalataya, namatay ang salinlahing iyon sa ilang.

8 Sa ngayon, habang papalapít tayo sa bagong sanlibutan, nasusubok ang ating pananampalataya. Kaya naman dapat nating suriin ang kalidad ng ating pananampalataya. Halimbawa, tingnan ang sinabi ni Jesus sa Mateo 6:33. Tanungin ang sarili: ‘Ipinakikita ba ng aking mga priyoridad at desisyon na talagang naniniwala ako sa sinabi ni Jesus? Sasadyain ko bang lumiban sa mga pulong o sa paglilingkod sa larangan para kumita ng mas maraming pera? Ano ang gagawin ko kung inuubos ng trabaho ko ang aking panahon at lakas? Magpapahubog ba ako sa sanlibutan at hihinto sa paglilingkod kay Jehova?’

9. Bakit dapat nating “patuloy na subukin” kung tayo ay nasa pananampalataya, at paano natin ito magagawa?

9 Isipin naman ang isang lingkod ni Jehova na atubiling sumunod sa mga pamantayan ng Bibliya, halimbawa, pagdating sa mga kasamahan, pagtitiwalag, o paglilibang. Tanungin ang sarili, ‘Nangyayari na rin kaya ito sa akin?’ Kung mapansin nating tumitigas na ang ating puso, kailangan nating suriin agad ang ating pananampalataya! “Patuloy na subukin kung kayo ay nasa pananampalataya, patuloy na patunayan kung ano nga kayo,” ang payo sa atin ng Bibliya. (2 Cor. 13:5) Dapat na lagi nating tapatang suriin ang ating sarili sa tulong ng Salita ng Diyos.

MANATILING GAYA NG MALAMBOT NA LUWAD

10. Ano ang tutulong para maging gaya tayo ng malambot na luwad sa mga kamay ni Jehova?

10 Para manatili tayong gaya ng malambot na luwad, inilaan ng Diyos ang kaniyang Salita, ang kongregasyong Kristiyano, at ang ministeryo sa larangan. Kung paanong pinalalambot ng tubig ang luwad, ang araw-araw na pagbabasa ng Bibliya at pagbubulay-bulay rito ay tutulong sa atin na manatiling gaya ng malambot na luwad sa mga kamay ni Jehova. Inutusan ni Jehova ang mga hari ng Israel na magsulat para sa kanilang sarili ng isang kopya ng Kautusan ng Diyos at basahin iyon araw-araw. (Deut. 17:18, 19) Alam ng mga apostol na mahalaga sa kanilang ministeryo ang pagbabasa ng Kasulatan at pagbubulay-bulay rito. Kaya naman daan-daang beses nilang sinipi ang Hebreong Kasulatan sa kanilang mga isinulat, at pinasigla nila ang mga taong pinangangaralan nila na basahin at bulay-bulayin ang Kasulatan. (Gawa 17:11) Sa ngayon, alam din natin na mahalaga ang araw-araw na pagbabasa ng Salita ng Diyos at pagbubulay-bulay rito. (1 Tim. 4:15) Tutulong ito para manatili tayong mapagpakumbaba sa harap ni Jehova at madaling hubugin.

Gamitin ang mga paglalaan ng Diyos para manatili kang gaya ng malambot na luwad (Tingnan ang parapo 10-13)

11, 12. Paano maaaring gamitin ni Jehova ang kongregasyong Kristiyano para hubugin tayo ayon sa ating pangangailangan bilang indibiduwal? Magbigay ng halimbawa.

11 Sa pamamagitan ng kongregasyong Kristiyano, hinuhubog tayo ni Jehova ayon sa ating pangangailangan bilang indibiduwal. Nagsimulang lumambot ang kalooban ni Jim, na nabanggit kanina, nang isang elder ang magpakita ng personal na interes sa kaniya. “Ni minsan hindi niya ako sinisi o pinuna dahil sa sitwasyon ko,” ang sabi ni Jim. “Sa halip, nanatili siyang positibo at talagang gusto niyang makatulong.” Pagkaraan ng mga tatlong buwan, inanyayahan siya ng elder na dumalo sa pulong. “Mainit akong tinanggap ng kongregasyon,” ang sabi ni Jim, “at dahil sa kanilang pag-ibig, natauhan ako. Nakita ko na hindi ang damdamin ko ang pinakamahalaga. Sa tulong ng mga kapatid at ng aking mahal na asawa—na hindi nanghina ang pananampalataya—unti-unti akong lumakas sa espirituwal. Napatibay rin ako nang husto sa mga artikulong ‘Hindi si Jehova ang Dapat Sisihin’ at ‘Maglingkod kay Jehova Nang Buong Katapatan,’ na nasa Bantayan ng Nobyembre 15, 1992.”

12 Nang maglaon, muling nahirang si Jim bilang elder. Mula noon, natulungan niya ang ibang mga kapatid na mapagtagumpayan ang katulad na mga problema at makabangon sa espirituwal. Sinabi niya: “Akala ko matatag ang kaugnayan ko kay Jehova, pero hindi pala! Nagsisisi ako na hinayaan kong mabulag ako ng pride at nagpokus ako sa pagkakamali ng iba sa halip na sa mas mahahalagang bagay.”—1 Cor. 10:12.

13. Anong mga katangian ang malilinang natin sa ministeryo sa larangan, at ano ang mga pakinabang?

13 Paano tayo hinuhubog ng ministeryo sa larangan para sa ating ikabubuti? Kapag ibinabahagi natin ang mabuting balita sa iba, nalilinang natin ang kapakumbabaan at ang iba pang aspekto ng bunga ng espiritu ng Diyos. (Gal. 5:22, 23) Isip-isipin ang magagandang katangiang nalinang mo sa ministeryo. At habang nagpapakita tayo ng tulad-Kristong personalidad, naaakit ang mga tao sa ating mensahe at maaaring magbago ang kanilang saloobin sa atin. Halimbawa, dalawang Saksi sa Australia ang magalang na nakinig sa isang may-bahay na nagsalita sa kanila nang may kagaspangan. Pero nang maglaon, nagsisi ang babae sa ginawa niya at sumulat sa tanggapang pansangay. Sinabi niya: “Sa dalawang mapagpasensiya at mapagpakumbabang taong iyon, gusto kong humingi ng tawad dahil sa aking pagmamarunong at panghahamak. Kamangmangan nga na tumayo sa harap ng dalawang taong nagpapalaganap ng Salita ng Diyos at palayasin sila nang ganoon lang.” Isusulat kaya iyan ng may-bahay kung nagpakita man lang ng katiting na galit ang mga mamamahayag? Malamang na hindi. Talagang kapaki-pakinabang ang ating ministeryo—hindi lang sa atin kundi pati rin sa iba!

MAGPASAKOP SA DIYOS KAPAG HINUHUBOG ANG IYONG MGA ANAK

14. Ano ang dapat gawin ng mga magulang para maging epektibo sila sa paghubog sa kanilang mga anak?

14 Ang mga bata ay karaniwan nang sabik na matuto at mapagpakumbaba. (Mat. 18:1-4) Kaya naman, dapat sikapin ng mga magulang na ituro ang katotohanan sa kanilang maliliit na anak at tulungan silang mahalin ito. (2 Tim. 3:14, 15) Siyempre pa, para magtagumpay sila, kailangang itanim muna ng mga magulang ang katotohanan sa kanilang sariling puso, at isabuhay ito. Kung gagawin ito ng mga magulang, hindi lang maririnig kundi makikita rin ng mga bata ang katotohanan. Bukod diyan, ituturing nila ang disiplina bilang kapahayagan ng pag-ibig ng kanilang mga magulang at ni Jehova.

15, 16. Paano dapat ipakita ng mga magulang ang tiwala nila sa Diyos kapag natiwalag ang kanilang anak?

15 Pero kahit pinalaki sila bilang Kristiyano, may mga anak na umiiwan sa katotohanan o natitiwalag, na nagdudulot ng hinagpis sa pamilya. “Nang matiwalag ang kuya ko,” ang sabi ng isang sister sa South Africa, “para kaming namatayan. Napakasakit talaga!” Ano ang ginawa niya at ng kaniyang mga magulang? Sinunod nila ang tagubilin sa Salita ng Diyos. (Basahin ang 1 Corinto 5:11, 13.) “Ipinasiya naming sundin ang Bibliya,” ang sabi ng mga magulang, “dahil alam naming mas maganda ang kalalabasan ng pagsunod sa Diyos. Itinuring namin ang pagtitiwalag bilang disiplina mula sa Diyos, at kumbinsido kami na nagdidisiplina si Jehova udyok ng pag-ibig at sa tamang antas. Kaya naman hindi kami nakipag-ugnayan sa aming anak malibang may napakahalagang bagay na kailangang pag-usapan ang pamilya.”

16 Ano ang nadama ng kanilang anak? “Alam kong hindi galít sa akin ang mga kapamilya ko,” sinabi niya nang maglaon, “sinusunod lang nila si Jehova at ang kaniyang organisasyon.” Sinabi rin niya: “Kapag wala ka nang magawa kundi magmakaawa kay Jehova para humingi ng tulong at kapatawaran, mari-realize mo na kailangang-kailangan mo siya.” Isip-isipin ang kaligayahan ng pamilya nang makabalik sa kongregasyon ang lalaking ito! Oo, maganda ang magiging resulta kung magbibigay-pansin tayo sa Diyos sa lahat ng ating mga lakad.Kaw. 3:5, 6; 28:26.

17. Bakit dapat tayong maging mapagpasakop kay Jehova, at paano tayo makikinabang dito?

17 Inihula ni propeta Isaias na sa pagtatapos ng pagkatapon sa Babilonya, magsisisi ang mga Judio at sasabihin nila: “O Jehova, ikaw ang aming Ama. Kami ang luwad, at ikaw ang aming Magpapalayok; at kaming lahat ang gawa ng iyong kamay.” Pagkatapos, magsusumamo sila kay Jehova: “Huwag mong alalahanin magpakailanman ang aming kamalian. Tumingin ka ngayon, pakisuyo: kaming lahat ay iyong bayan.” (Isa. 64:8, 9) Kung mapagpakumbaba rin tayo at laging magpapasakop kay Jehova, ituturing niya tayong kalugud-lugod, gaya ni propeta Daniel. Bukod diyan, patuloy tayong huhubugin ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita, espiritu, at organisasyon para balang-araw, makatayo tayo sa harap niya bilang sakdal na “mga anak ng Diyos.”—Roma 8:21.