Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Nagagawa ng Pagbati

Ang Nagagawa ng Pagbati

“HELLO! Kumusta ka?”

Tiyak na lagi mong ginagamit ang ganiyang pagbati. Baka may kasama pa nga itong pakikipagkamay o pagyakap. Maaaring magkakaiba ang mga kaugalian at salitang ginagamit depende sa lugar, pero pare-pareho lang ang layunin nito. Ang totoo, kapag hindi bumati o hindi tumugon sa pagbati ang isa, baka isipin ng iba na hindi siya mabait o wala siyang galang.

Pero hindi lahat ng tao ay palabati. Ang ilan ay nag-aalangang bumati dahil sa hiya o mababang tingin sa sarili. Nahihirapan naman ang iba na bumati sa mga taong iba ang lahi, kultura, o katayuan sa buhay. Pero kahit maikling pagbati lang, napakaganda pa rin ng epekto nito.

Tanungin ang sarili: ‘Ano ang nagagawa ng pagbati? At ano ang maituturo sa akin ng Salita ng Diyos tungkol sa pagbati?’

BATIIN ANG “LAHAT NG URI NG MGA TAO”

Nang tanggapin ni apostol Pedro sa kongregasyong Kristiyano ang unang Gentil na si Cornelio, sinabi niya: “Ang Diyos ay hindi nagtatangi.” (Gawa 10:34) Pagkaraan, isinulat ni Pedro na “nais [ng Diyos] na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.” (2 Ped. 3:9) Sa una, baka maiugnay natin ang mga tekstong ito sa isang nag-aaral pa lang ng Bibliya. Pero pinayuhan din ni Pedro ang mga Kristiyano: “Parangalan ang lahat ng uri ng mga tao, magkaroon ng pag-ibig sa buong samahan ng mga kapatid.” (1 Ped. 2:17) Kung gayon, hindi ba’t tama lang na batiin natin ang iba, anuman ang kanilang lahi, kultura, o pinagmulan? Pagpapakita iyan ng karangalan at pag-ibig sa kanila.

Pinasigla ni apostol Pablo ang mga nasa kongregasyon: “Tanggapin ang isa’t isa, kung paanong tinanggap din [kayo] ng Kristo.” (Roma 15:7) Partikular na binanggit ni Pablo ang mga kapatid na naging “tulong na nagpapalakas” sa kaniya. Lalong higit na kailangan ng mga kapatid sa ngayon ang pampalakas, habang napapaharap tayo sa matinding pagsalakay ni Satanas.—Col. 4:11; Apoc. 12:12, 17.

Sa pagbati, hindi lang natin naipadaramang tinatanggap natin ang iba; higit pa ang nagagawa nito, gaya ng ipinakikita ng mga halimbawa sa Bibliya.

KATIYAKAN, PAMPATIBAY-LOOB, PAG-IBIG

Noong kailangan nang ilipat sa bahay-bata ni Maria ang buhay ng Anak ng Diyos, nagsugo si Jehova ng anghel para kausapin siya. “Magandang araw, isa na lubhang kinalulugdan,” ang bati ng anghel, “si Jehova ay sumasaiyo.” Si Maria ay ‘lubhang nagulumihanan’ dahil hindi niya alam kung bakit siya kinakausap ng anghel. Nang makita ito ng anghel, sinabi niya: “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat nakasumpong ka ng lingap ng Diyos.” Ipinaliwanag ng anghel kay Maria na layunin ng Diyos na siya ang magsilang sa Mesiyas. Imbes na patuloy na magulumihanan, sumagot si Maria: “Narito! Ang aliping babae ni Jehova! Maganap nawa ito sa akin ayon sa iyong kapahayagan.”—Luc. 1:26-38.

Isang pribilehiyo para sa anghel na maging mensahero ni Jehova; pero hindi niya inisip na mababang atas ang makipag-usap sa isang di-sakdal na tao. Sinimulan niya ito sa isang pagbati. May matututuhan ba tayo sa halimbawang iyan? Dapat nating batiin agad ang iba at patibayin sila. Sa ilang salita lang, makatutulong tayo sa iba at mabibigyan natin sila ng katiyakan na talagang bahagi sila ng bayan ni Jehova.

Maraming nakilala si Pablo sa mga kongregasyon sa buong Asia Minor at Europa. Ang kaniyang mga sulat ay naglalaman ng maraming espesipikong pagbati. Makikita natin ito sa Roma kabanata 16. Nagpadala si Pablo ng mga pagbati sa marami niyang kapananampalataya. Binanggit niya si Febe, na “ating kapatid,” at hinimok ang mga kapatid na ‘tanggapin siya sa Panginoon sa paraang karapat-dapat sa mga banal, at tulungan siya sa anumang bagay na kakailanganin niya.’ Binati ni Pablo sina Prisca at Aquila, “na sa kanila ay hindi lamang ako ang nagpapasalamat kundi gayundin ang lahat ng kongregasyon ng mga bansa.” Binati niya ang ilan na hindi natin kilala sa ngayon—“ang minamahal kong si Epeneto” at sina “Trifena at Trifosa, mga babaing nagpapagal sa Panginoon.” Oo, binati agad ni Pablo ang mga kapatid.—Roma 16:1-16.

Isip-isipin ang tuwang naidulot nito sa kanila dahil naalaala sila. Tiyak na lumalim ang pag-ibig nila kay Pablo at sa isa’t isa! At siguradong napatibay ang ibang Kristiyano nang marinig nila ang maibiging mga pagbating iyon. Nakatulong ito para makapanatili silang matatag sa pananampalataya. Oo, ang taimtim na mga pagbati at komendasyon ay nagpapatibay ng pagkakaibigan at pinagkakaisa nito ang tapat na mga lingkod ng Diyos.

Nang dumating si Pablo sa daungan ng Puteoli at pumuntang Roma, ang mga Kristiyanong tagaroon ay dumating para salubungin siya. Nang matanaw niya sila, si Pablo ay “nagpasalamat sa Diyos at nagkaroon ng lakas ng loob.” (Gawa 28:13-15) Kung minsan, ang magagawa lang natin ay ang ngumiti o kumaway bilang pagbati. Pero kahit iyon lang ay puwede nang makapagpatibay sa isa, marahil sa isang nadedepres o nalulungkot.

MAGKAKATULAD NA KATAYUAN

Kinailangang magbigay ng matinding payo ang alagad na si Santiago. Ang ilang Kristiyano ay nagiging espirituwal na mga mangangalunya dahil nakikipagkaibigan sila sa sanlibutan. (Sant. 4:4) Pero pansinin kung paano sinimulan ni Santiago ang kaniyang liham:

“Si Santiago, isang alipin ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Kristo, sa labindalawang tribo na nakapangalat: Mga pagbati!” (Sant. 1:1) Tiyak na naging madali para sa mga nakabasa nito na tanggapin ang kaniyang payo nang makita nila sa kaniyang pagbati na magkakatulad ang katayuan nila sa harap ng Diyos. Oo, nagiging madali ang pakikipag-usap, kahit tungkol sa mga seryosong bagay, kapag sinimulan ito sa isang mapagpakumbabang pagbati.

Ang isang epektibong pagbati, gaano man kaikli, ay dapat na maging taimtim at kakikitaan ng tunay na pag-ibig. Iyan ang dapat nating gawin kahit pa hindi ito mapansin ng iba. (Mat. 22:39) Minsan, isang sister sa Ireland ang dumating sa Kingdom Hall nang eksaktong magsisimula na ang pulong. Habang nagmamadali siya sa pagpasok, isang brother ang lumingon, ngumiti, at nagsabi: “Hello. Natutuwa akong makita ka.” Deretso lang sa upuan ang sister.

Makalipas ang ilang linggo, nilapitan niya ang brother at sinabing may pinagdaraanan siyang problema sa kanilang tahanan. “Inis na inis ako nang gabing iyon,” ang sabi ng sister, “at muntik na nga akong hindi makapunta sa Kingdom Hall noon. Wala akong masyadong natandaan sa pulong, pero natandaan kong binati mo ako. Nadama kong talagang welcome ako. Salamat ha.”

Hindi alam ng brother ang nagawa ng kaniyang maikling pagbati. “Nang sabihin niyang napatibay siya ng kaunting salitang iyon,” ang sabi ng brother, “buti na lang at ginawa ko iyon. Ang sarap sa pakiramdam!”

Isinulat ni Solomon: “Ihagis mo ang iyong tinapay sa ibabaw ng tubig, sapagkat pagkalipas ng maraming araw ay masusumpungan mo itong muli.” (Ecles. 11:1) Kapag iniisip natin ang kahalagahan ng pagbati, lalo na sa ating mga kapuwa Kristiyano, napatitibay natin ang iba at ang ating sarili. Kaya huwag na huwag maliitin ang nagagawa ng pagbati.