TALAMBUHAY
Inaliw sa Lahat ng Aking Kabalisahan
Sa kanlurang pampang ng Ilog Indus, na Pakistan ngayon, matatagpuan ang sinaunang lunsod ng Sukkur. Doon ako ipinanganak noong Nobyembre 9, 1929. Noong mga panahong iyon natanggap ng mga magulang ko ang isang set ng makukulay na aklat mula sa isang misyonerong Ingles. Habang lumalaki ako, nakatulong sa akin ang salig-Bibliyang mga aklat na iyon na malaman ang katotohanan.
ANG tawag sa mga aklat na iyon ay rainbow set. Nang suriin ko ang mga iyon, nakatawag-pansin sa akin ang magagandang larawan nito. Kaya naman mula sa pagkabata, naging interesado ako sa mga kaalaman mula sa Bibliya, gaya ng mababasa sa magagandang tomong iyon.
Noong Digmaang Pandaigdig II, habang nanganganib na masakop ang India, parang gumuho ang mundo ko. Naghiwalay ang mga magulang ko at pagkatapos ay nagdiborsiyo. Hindi ko maintindihan kung bakit naghiwalay ang dalawang taong pinakamamahal ko. Naging manhid ako at pakiramdam ko’y pinabayaan ako. Solong anak ako, at parang wala akong maaasahang aaliw at susuporta sa akin na kailangang-kailangan ko.
Nakatira kami noon ni Inay sa Karachi, ang kabiserang panlalawigan. Isang araw, pumunta sa bahay namin si Fred Hardaker, isang matandang doktor na Saksi ni Jehova. Kapareho niya ng relihiyon ang misyonerong nagbigay ng mga aklat sa aming pamilya. Inalok niya si Inay ng Bible study. Tumanggi si Inay pero sinabi niyang baka ako
ang interesado. Nagsimula akong makipag-aral kay Brother Hardaker nang sumunod na linggo.Pagkalipas ng ilang linggo, dumalo na ako sa mga pulong Kristiyano sa klinika ni Brother Hardaker. Mga 12 may-edad nang Saksi ang nagpupulong doon. Inaliw nila ako at itinuring na anak. Naaalaala ko pa na umuupo sila sa tabi ko para maging magkapantay ang mga mata namin, at kinakausap nila ako bilang mga tunay kong kaibigan, na siyang kailangang-kailangan ko noon.
Di-nagtagal, nagpasama sa akin si Brother Hardaker sa ministeryo. Tinuruan niya akong mag-operate ng portable phonograph para maiparinig ang maiikling pahayag mula sa Bibliya. Medyo prangka ang ilang pahayag, kaya hindi ito nagustuhan ng ilang may-bahay. Pero excited akong magpatotoo sa iba. Sabik na sabik ako sa mga katotohanan sa Bibliya at gustong-gusto kong ibahagi ito sa iba.
Habang sinasakop ng mga Hapon ang India, lalong ginigipit ng mga awtoridad ng Britanya ang mga Saksi ni Jehova. Nang dakong huli, noong Hulyo 1943, naapektuhan ako ng panggigipit na iyon. Pinatalsik ako ng prinsipal ng paaralan, isang klerigong Anglikano, dahil “masamang impluwensiya” raw ako. Sinabi niya kay Inay na masamang halimbawa raw sa ibang mga estudyante ang pakikisama ko sa mga Saksi ni Jehova. Nag-alala si Inay at pinagbawalan niya akong makisama sa mga Saksi. Nang maglaon, ipinadala niya ako kay Itay sa Peshawar, isang bayan na mga 1,370 kilometro pahilaga. Dahil hindi ako nakakadalo, nanghina ako sa espirituwal.
LUMAKAS ULIT AKO SA ESPIRITUWAL
Noong 1947, bumalik ako sa Karachi para maghanap ng trabaho. Dumalaw ako sa klinika ni Dr. Hardaker. Tuwang-tuwa siya nang makita ako.
“Kumusta, may dinaramdam ka ba?” ang tanong niya, sa pag-aakalang magpapakonsulta ako.
“Wala po akong sakit sa pisikal,” ang sagot ko. “Sa espirituwal po ang sakit ko. Kailangan ko pong magpa-Bible study.”
“Kailan mo gustong mag-umpisa?” ang tanong niya.
“Ngayon po sana kung puwede,” ang sagot ko.
Napakaganda ng pag-aaral namin nang gabing iyon. Pakiramdam ko’y nanumbalik ang espirituwalidad ko. Pilit akong pinipigilan ni Inay na makisama sa mga Saksi, pero determinado na ako ngayong dibdibin ang katotohanan. Noong Agosto 31, 1947, nagpabautismo ako bilang sagisag ng aking pag-aalay kay Jehova. Di-nagtagal, sa edad na 17, naglingkod ako bilang regular pioneer.
MASAYANG PAGLILINGKOD BILANG PAYUNIR
Ang unang atas ko bilang payunir ay sa Quetta, dating himpilang militar ng Britanya. Noong 1947, hinati ang bansa bilang India at Pakistan. * Dahil dito, lumaganap ang karahasan sa relihiyon kung kaya nangyari ang isa sa pinakamalaking paglikas sa kasaysayan. Mga 14 na milyong refugee ang lumikas. Ang mga Muslim sa India ay lumipat sa Pakistan; ang mga Hindu at Sikh naman sa Pakistan ay lumipat sa India. Sa gitna ng kaguluhang ito, sumakay ako sa isang siksikang tren sa Karachi at sumabit sa isang hawakan sa labas ng tren. Nakasabit ako sa halos buong biyahe ko papuntang Quetta.
Sa Quetta, nakilala ko si George Singh, isang special pioneer na mahigit 20 anyos. Binigyan niya ako ng lumang bisikleta na magagamit ko sa aming maburol na teritoryo. Madalas na solo ako sa pangangaral. Sa loob ng anim na buwan, nagkaroon ako ng 17 Bible study, at ilan sa kanila ang tumanggap ng katotohanan. Isa na rito si Sadiq Masih, isang opisyal ng hukbo, na tumulong sa amin ni George sa pagsasalin ng ilang literatura sa Bibliya sa wikang Urdu, ang pambansang wika ng Pakistan. Nang maglaon, si Sadiq ay naging masigasig na mamamahayag ng mabuting balita.
Pagkaraan, bumalik ako sa Karachi at naglingkod doon kasama sina Henry Finch at Harry Forrest, mga bagong datíng na misyonero mula sa Paaralang Gilead. Napakarami kong natutuhan sa kanila! Minsan, sumama ako kay Brother Finch sa hilagang Pakistan para mangaral. Sa paanan ng matataas na bundok, nakatagpo kami ng mga taganayong nagsasalita ng Urdu. Uhaw na uhaw sila sa katotohanan mula sa Bibliya. Makalipas ang dalawang taon, nakapag-aral ako sa Paaralang Gilead; bumalik ako sa Pakistan bilang part-time na tagapangasiwa ng
sirkito. Tumira ako sa isang missionary home sa Lahore, kasama ng tatlo pang misyonero.PAGBANGON MULA SA KRISIS
Nakalulungkot, noong 1954, nagkaroon ng di-pagkakaunawaan ang dalawang misyonero, kaya minabuti ng tanggapang pansangay na bigyan sila ng ibang atas. Dahil may kinampihan ako sa kanila na hindi ko dapat ginawa, nakatanggap ako ng matinding payo. Lungkot na lungkot ako dahil hindi ako naging maingat. Bumalik ako sa Karachi at pagkatapos ay pumunta ako sa London, England, para maibalik muli ang sigla ko sa paglilingkuran.
Sa London, maraming bethelite na nakaugnay sa aming kongregasyon. Maibigin akong sinanay ni Pryce Hughes, ang mabait na lingkod ng sangay. Isang araw, ikinuwento niya sa akin na minsa’y napayuhan siya nang matindi ni Joseph F. Rutherford, ang nangangasiwa noon sa gawaing pangangaral sa buong daigdig. Nang mangatuwiran si Brother Hughes, pinagalitan siya ni Brother Rutherford. Nagtaka ako nang makita kong nakangiti si Brother Hughes habang nagkukuwento. Sinabi niyang nagdamdam siya sa simula. Pero pagkaraan, naisip niyang kailangan nga niya ang matinding payo at na kapahayagan iyon ng pag-ibig ni Jehova. (Heb. 12:6) Naantig ako sa sinabi niyang iyon at nakatulong ito sa akin para bumalik ang kagalakan ko sa paglilingkod.
Noong panahong iyon, lumipat si Inay sa London at pumayag na magpa-Bible study kay John E. Barr, na naging miyembro ng Lupong Tagapamahala. Sumulong siya sa espirituwal at nabautismuhan noong 1957. Nang maglaon, nalaman kong nagpa-study rin pala sa mga Saksi si Itay noong nabubuhay pa siya.
Noong 1958, pinakasalan ko si Lene, isang sister na taga-Denmark na lumipat sa London. Nang sumunod na taon, nagkaanak kami ng babae, si Jane, ang panganay sa aming limang anak. Tumanggap din ako ng mga pribilehiyo ng paglilingkod sa Fulham Congregation. Pero dumating ang panahon na kinailangan naming lumipat sa mas mainit na lugar dahil sa mahinang kalusugan ni Lene. Kaya noong 1967, lumipat kami sa Adelaide, Australia.
ISANG MASAKLAP NA TRAHEDYA
Kabilang sa aming kongregasyon sa Adelaide ang 12 pinahirang Kristiyano na may-edad na. Nangunguna sila sa masigasig na pangangaral. Nagkaroon agad kami ng magandang rutin ng paglilingkod kay Jehova.
Noong 1979, isinilang ang aming ikalimang anak, si Daniel. Siya ay may Down syndrome * at hindi magtatagal ang buhay niya. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin mailarawan ang dalamhating naramdaman namin. Ginawa namin ang lahat ng aming makakaya para masapatan ang pangangailangan niya, nang hindi pinababayaan ang apat pa naming anak. Dahil sa dalawang butas sa puso ni Daniel, kung minsan ay nangingitim siya sa kakulangan ng oxygen, at kailangan namin siyang isugod sa ospital. Pero sa kabila ng kaniyang kalagayan, napakatalino niya at mapagmahal. Mahal na mahal din niya si Jehova. Kapag nananalangin kaming pamilya bago kumain, pinagdaraop niya ang maliliit niyang kamay, tumatango, at taimtim na nagsasabi ng “Amen!” At saka lang siya kakain.
Noong apat na taon na si Daniel, nagkaroon siya ng acute leukemia. Damang-dama namin ni Lene ang pagod at hirap ng kalooban. Halos masiraan ako ng bait. Pero noong masasagad na kami, dinalaw kami ng aming tagapangasiwa ng sirkito, si Neville Bromwich. Nang gabing iyon, niyakap niya kami habang umiiyak siya. Napaiyak na rin kami. Napakalaking kaaliwan sa amin ang kaniyang mga sinabi na punô ng pagmamahal at awa. Halos ala-una na ng madaling araw siya umalis. Di-nagtagal, namatay si Daniel. Iyon ang pinakamasaklap na nangyari sa buhay namin. Pero nakapagbata kami, dahil nagtitiwala kaming walang anumang bagay—kahit kamatayan—ang makapaghihiwalay kay Daniel sa pag-ibig ni Jehova. (Roma 8:38, 39) Nasasabik kaming makasama siya kapag binuhay siyang muli sa bagong sanlibutan ng Diyos!—Juan 5:28, 29.
KAGALAKAN SA PAGTULONG SA IBA
Sa ngayon, kahit dalawang beses na akong na-stroke, naglilingkod pa rin ako bilang elder sa aming kongregasyon. Malaking tulong ang mga naranasan ko para magkaroon ako ng empatiya at awa sa iba, lalo na sa mga dumaranas ng problema. Sinisikap kong huwag silang hatulan. Sa halip, tinatanong ko ang sarili ko: ‘Ano kaya ang kanilang mga naranasan na nakaapekto sa kanilang damdamin at pag-iisip? Paano ko kaya maipapakitang nagmamalasakit ako sa kanila? Paano ko kaya sila mapapatibay na gawin ang kalooban ni Jehova?’ Gustong-gusto ko ang gawaing pagpapastol sa kongregasyon! Sa katunayan, kapag inaaliw ko at pinagiginhawa ang iba sa espirituwal na paraan, naaaliw din ako at napagiginhawa.
Nadama ko ang gaya ng sinabi ng salmista: “Nang ang aking mga nakababalisang kaisipan ay dumami sa loob ko, ang . . . mga pang-aaliw [ni Jehova] ay nagsimulang humaplos sa akin.” (Awit 94:19) Pinatibay niya akong harapin ang mga problema sa pamilya, pagsalansang sa relihiyon, pagkabigo, at depresyon. Oo, naging tunay na Ama sa akin si Jehova!
^ par. 19 Noong una, ang Pakistan ay binubuo ng West Pakistan (Pakistan ngayon) at East Pakistan (Bangladesh ngayon).
^ par. 29 Tingnan ang artikulong “Pagpapalaki ng Anak na May Down Syndrome—Ang mga Hamon at Pagpapala” sa Gumising! ng Hunyo 2011.