Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ang Kaharian Ko ay Hindi Bahagi ng Sanlibutang Ito”

“Ang Kaharian Ko ay Hindi Bahagi ng Sanlibutang Ito”

“Dahil dito ay dumating ako sa sanlibutan, upang ako ay magpatotoo sa katotohanan.”—JUAN 18:37.

AWIT: 15, 74

1, 2. (a) Bakit lalong nagkakabaha-bahagi ang sanlibutan? (b) Anong mga tanong ang sasagutin natin sa pag-aaral na ito?

“MULA pa noong bata ako, puro kawalang-katarungan ang nakikita ko,” ang kuwento ng isang sister sa timugang Europa tungkol sa kaniyang nakaraan. “Kaya inayawan ko ang politika sa aming bansa, at sinuportahan ko ang mga ekstremista. Sa katunayan, matagal akong naging kasintahan ng isang terorista.” Isang brother naman sa timugang Aprika ang dating nangangatuwirang hindi mali ang karahasan. “Naniniwala akong mas magaling ang aming tribo kaysa sa lahat ng ibang tribo, at umanib ako sa isang partido politikal,” ang sabi niya. “Gamit ang sibat, tinuruan kaming pumatay ng mga kalaban—kahit ng mga katribo namin na sumusuporta sa ibang partido.” Inamin ng isang sister na taga-Europa: “Nagtatangi ako noon, at galít ako sa mga taong iba ang lahi o relihiyon.”

2 Ang dating saloobing iyan ng tatlong nabanggit ang lumalaganap ngayon sa sanlibutan. Dumarami ang mararahas na militanteng kilusan, tumitindi ang pagkakabaha-bahagi sa politika, at sa maraming bansa, ang mga dayuhan ay madalas na kinapopootan. Gaya ng inihula ng Bibliya, sa mga huling araw na ito, ang mga tao ay “hindi bukás sa anumang kasunduan.” (2 Tim. 3:1, 3) Lalong nagkakabaha-bahagi ang sanlibutan ngayon, pero paano napananatili ng mga Kristiyano ang kanilang pagkakaisa? Marami tayong matututuhan kung susuriin natin kung paano hinarap ni Jesus ang isang sitwasyon noong unang siglo habang nagkakagulo ang lupain dahil sa politika. Talakayin natin ang tatlong pangunahing punto: Bakit tumanggi si Jesus na makibahagi sa anumang militanteng kilusan? Paano niya ipinakitang ang mga lingkod ng Diyos ay hindi dapat makisangkot sa mga isyu sa politika? At paano itinuro sa atin ni Jesus na ang pagiging marahas ay hindi tama?

ANG SALOOBIN NI JESUS SA MGA MILITANTENG KILUSAN

3, 4. (a) Ano ang mga inaasahan ng mga Judio noong panahon ni Jesus? (b) Paano nakaapekto sa mga alagad ni Jesus ang gayong saloobin?

3 Maraming Judiong pinangangaralan ni Jesus ang sabik na makalaya mula sa Roma. Ito ang pilit na ipinadarama ng mga panatikong Judio sa mga tao. Marami sa mga ekstremistang iyon ang sumunod sa mga ideya ni Hudas na taga-Galilea. Isa siyang huwad na mesiyas noong unang siglo at marami siyang nailigaw. Sinabi ng Judiong istoryador na si Josephus na “sinulsulan [ni Hudas] ang mga kababayan niya na maghimagsik, anupat tinawag silang mga duwag dahil pumayag silang magbayad ng tributo sa mga Romano.” Ipinapatay ng mga Romano si Hudas. (Gawa 5:37) May mga panatiko pa ngang gumamit ng dahas para maisulong ang kanilang mga tunguhin.

4 Bukod sa mga ekstremistang iyon, sabik ding naghihintay ang mga ordinaryong Judio sa pagdating ng isang politikal na Mesiyas. Umaasa silang kapag dumating ang Mesiyas, magdudulot ito ng karangalan sa kanilang bansa at kalayaan mula sa paniniil ng Roma. (Luc. 2:38; 3:15) Marami ang naniniwalang magtatatag ang Mesiyas ng isang kaharian sa Israel. Kapag nangyari iyon, milyon-milyong Judiong nangalat sa iba’t ibang bansa ang babalik sa kanilang sariling lupain. Alalahanin na minsang nagtanong si Juan Bautista kay Jesus: “Ikaw ba ang Isa na Darating, o may iba pa ba kaming aasahan?” (Mat. 11:2, 3) Gusto sigurong malaman ni Juan kung may ibang tutupad sa lahat ng inaasahan ng mga Judio. Ang dalawang alagad na nakakita sa binuhay-muling si Jesus habang nasa daan papuntang Emaus ay umaasa rin sa Mesiyas. (Basahin ang Lucas 24:21.) Di-nagtagal, tinanong si Jesus ng kaniyang mga apostol: “Panginoon, isasauli mo ba ang kaharian sa Israel sa panahong ito?”—Gawa 1:6.

5. (a) Bakit gusto ng mga taga-Galilea na gawing hari si Jesus? (b) Paano itinuwid ni Jesus ang kanilang pag-iisip?

5 Tiyak na ang mga inaasahang iyon tungkol sa Mesiyas ang naging dahilan kung bakit gusto ng mga taga-Galilea na gawing hari si Jesus. Malamang na iniisip nilang si Jesus ay magiging isang magaling na lider. Napakahusay niyang tagapagsalita; nagpapagaling ng mga maysakit; nagpapakain pa nga sa mga nagugutom. Matapos pakainin ni Jesus ang 5,000 lalaki, nahalata niya ang planong gawin ng mga tao. “Si Jesus, sa pagkaalam na papalapit na sila at aagawin siya upang gawin siyang hari, ay muling umalis na nag-iisa patungo sa bundok.” (Juan 6:10-15) Kinabukasan, malamang na kalmado na ang mga tao. Kaya ipinaliwanag niya sa kanila ang talagang layunin niya. Dumating siya para magbigay ng espirituwal, hindi ng materyal, na mga pakinabang. “Gumawa kayo, hindi para sa pagkaing nasisira, kundi para sa pagkaing nananatili para sa buhay na walang hanggan,” ang sabi niya sa kanila.—Juan 6:25-27.

6. Paano nilinaw ni Jesus na hindi siya naghahangad ng makapolitikang kapangyarihan sa lupa? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

6 Noong malapit nang ipapatay si Jesus, napansin niyang inaasahan ng ilan sa kaniyang mga tagasunod na magtatatag siya sa lupa ng isang kaharian, doon sa Jerusalem. Itinuwid niya ang ideyang iyan gamit ang ilustrasyon tungkol sa mga mina. Ipinakikita nito na si Jesus, ang “taong ipinanganak na maharlika” ay maglalakbay at mawawala nang mahabang panahon. (Luc. 19:11-13, 15) Binanggit din ni Jesus na neutral siya pagdating sa mga Romanong awtoridad. Tinanong siya ni Poncio Pilato: “Ikaw ba ang hari ng mga Judio?” (Juan 18:33) Natatakot siguro ang gobernador na baka magdulot si Jesus ng kaguluhan sa politika, ang pangunahing ikinababahala sa panahon ng pamumuno ni Pilato. Sumagot si Jesus: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.” (Juan 18:36) Hindi siya nakialam sa politika, dahil ang Kaharian niya ay nasa langit. Sinabi niya kay Pilato na ang gawain niya sa lupa ay ang “magpatotoo sa katotohanan.”—Basahin ang Juan 18:37.

Nakapokus ka ba sa mga problema ng daigdig o sa Kaharian ng Diyos? (Tingnan ang parapo 7)

7. Bakit isang hamon na umiwas sa pagsuporta sa mga militanteng kilusan kahit sa isip lang?

7 Gaya ni Jesus, kung maliwanag sa atin ang ating atas, hindi tayo susuporta sa anumang militanteng kilusan kahit sa isip lang. Hindi ito laging madali. “Lalong nagiging radikal ang mga tao sa lugar namin,” ang sabi ng isang naglalakbay na tagapangasiwa. “Kitang-kita ang pagiging makabayan, at marami ang naniniwalang gaganda ang buhay nila kung makikibahagi sila sa militanteng kilusan. Mabuti na lang at napananatili ng mga kapatid ang kanilang pagkakaisa dahil nakapokus sila sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. Umaasa silang ang Diyos ang lulutas sa kawalang-katarungan at sa iba pang problemang napapaharap sa atin.”

PAANO HINARAP NI JESUS ANG MGA ISYU SA POLITIKA NA LUMILIKHA NG PAGKAKABAHA-BAHAGI?

8. Magbigay ng halimbawa ng pabigat na hinarap ng mga Judio noong unang siglo.

8 Madalas na dahil sa kawalang-katarungan, lalong nagiging mainit ang politika. Ang pagbabayad ng buwis ay isang mainit na isyu noong panahon ni Jesus. Sa katunayan, nagrebelde si Hudas na taga-Galilea, na binanggit kanina, dahil sa pagrerehistro na nilayon para matiyak na ang mga Judio ay nagbabayad ng buwis sa Roma. Ang mga sakop ng Roma, kasali na ang mga nakikinig noon kay Jesus, ay kailangang magbayad ng mga buwis, gaya ng sa pagkain, lupa, at bahay. At lalo pang nagpabigat ang pagiging tiwali ng mga maniningil ng buwis. Ang mga ito ay nakakabili sa gobyerno ng posisyon sa pampublikong subasta at saka nila ito gagamitin para magkapera. Si Zaqueo, ang punong maniningil ng buwis sa Jerico, ay yumaman dahil sa pangingikil. (Luc. 19:2, 8) Malamang na iyan din ang ginagawa ng marami.

9, 10. (a) Paano tinangka ng mga kaaway ni Jesus na isangkot siya sa isang isyu sa politika? (b) Ano ang matututuhan natin sa sagot ni Jesus? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

9 Tinangka ng mga kaaway ni Jesus na sukulin siya may kinalaman sa pagbabayad ng buwis. Ang isyu ay tungkol sa “pangulong buwis,” isang denario na ipinapataw sa mga sakop ng Roma. (Basahin ang Mateo 22:16-18.) Ayaw na ayaw ito ng mga Judio. Katunayan kasi ito na sakop sila ng Roma. Ang “mga tagasunod sa partido ni Herodes,” na nagbangon ng isyung ito, ay umaasang maaakusahan si Jesus ng sedisyon kapag kinontra niya ang pagbabayad ng buwis. Kapag sinabi naman niyang kailangang magbayad ng buwis, iiwan siya ng mga tagasunod niya.

10 Nanatiling neutral si Jesus sa isyu ng pagbabayad ng buwis. “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos,” ang sabi niya. (Mat. 22:21) Siyempre pa, alam ni Jesus na maraming tiwaling maniningil ng buwis. Pero ayaw ni Jesus na mailihis siya mula sa mas mahalagang isyu—ang Kaharian ng Diyos, na siyang tunay na solusyon. Sa gayon ay nagpakita siya ng halimbawa sa lahat ng mga tagasunod niya. Hindi sila dapat makisangkot sa mga isyu sa politika, kahit mukhang tama naman o makatuwiran ang mga ito. Ang hinahanap ng mga Kristiyano ay ang Kaharian ng Diyos at ang kaniyang katuwiran. Iyan ang ginagawa nila sa halip na magbigay ng opinyon tungkol sa ilang di-makatarungang gawain, o magsalita laban dito.—Mat. 6:33.

11. Paano natin maipakikita sa positibong paraan ang ating pagnanais na itaguyod ang katarungan?

11 Maraming Saksi ni Jehova ang hindi na nakikialam sa mga isyu sa politika na dati nilang ipinaglalaban. “Matapos mag-aral ng araling panlipunan sa isang unibersidad, naging radikal ang pananaw ko,” ang sabi ng isang sister sa Great Britain. “Gusto kong ipaglaban ang karapatan naming mga itim, dahil aping-api na kami. Kahit nananalo ako sa mga argumento, hindi pa rin ako masaya. Hindi ko naisip na dapat palang maalis muna sa puso ng tao ang dahilan ng pagtatangi ng lahi. Pero nang mag-aral ako ng Bibliya, nakita kong dapat ko itong simulan sa puso ko. At isang sister na puti ang matiyagang tumulong sa akin na gawin ito. Sa ngayon, isa na akong regular pioneer sa kongregasyon ng sign language, at sinisikap kong makatulong sa lahat ng uri ng tao.”

“IBALIK MO ANG IYONG TABAK SA KINALALAGYAN NITO”

12. Anong uri ng “lebadura” ang pinaiiwasan ni Jesus sa kaniyang mga alagad?

12 Noong panahon ni Jesus, karaniwan nang nakikialam ang relihiyon sa politika. Sinabi ng aklat na Daily Life in Palestine at the Time of Christ na “ang iba’t ibang sekta ng relihiyong kinauugnayan ng mga Judio ay parang katumbas ng tinatawag nating mga partido sa politika.” Kaya naman binabalaan ni Jesus ang kaniyang mga alagad: “Maging mapagmasid kayo, mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo at sa lebadura ni Herodes.” (Mar. 8:15) Ang pagbanggit na ito kay Herodes ay malamang na tumutukoy sa mga tagasunod sa partido ni Herodes. Sa makapolitikang paraan, sinuportahan ng mga Pariseo ang kalayaan ng mga Judio. Sa ulat ni Mateo, binanggit din ni Jesus ang mga Saduceo. Ayaw nilang magkaroon ng pagbabago. Marami kasi sa kanilang miyembro ang may mataas na posisyon sa gobyerno ng Roma. Mariing binabalaan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na umiwas sa mga turo, o lebadura, na ipinaglalaban ng tatlong grupong ito. (Mat. 16:6, 12) Kapansin-pansin, nangyari ang pag-uusap na ito di-nagtagal matapos gustuhin ng mga tao na gawing hari si Jesus.

13, 14. (a) Paano nagdulot ng karahasan at kawalang-katarungan ang mga isyu sa politika at relihiyon? (b) Bakit hindi dapat maging marahas kahit dumaranas ng kawalang-katarungan? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

13 Kapag nakialam ang relihiyon sa politika, nagdudulot ito ng karahasan. Itinuro ni Jesus sa kaniyang mga alagad na dapat silang manatiling neutral. Isa iyan sa mga dahilan kung bakit gustong ipapatay si Jesus ng mga punong saserdote at ng mga Pariseo. Itinuring nila si Jesus bilang karibal sa politika at relihiyon, at na banta siya sa kanilang posisyon. “Kung pababayaan natin siya nang ganito, silang lahat ay mananampalataya sa kaniya, at darating ang mga Romano at kukunin kapuwa ang ating dako at ang ating bansa,” ang sabi nila. (Juan 11:48) Kaya naman nanguna ang mataas na saserdoteng si Caifas sa pagpaplanong patayin si Jesus.—Juan 11:49-53; 18:14.

14 Nagpadala si Caifas ng mga kawal sa kadiliman ng gabi para arestuhin si Jesus. Alam ni Jesus ang kahiya-hiyang paraang ito, kaya noong huling hapunan niya kasama ang mga apostol, inutusan niya silang kumuha ng mga tabak. Sapat na ang dalawa nito para turuan sila ng mahalagang aral. (Luc. 22:36-38) Nang gabi ring iyon, tinaga ni Pedro ang isa sa mga mang-uumog gamit ang tabak. Tiyak na ikinagalit niya ang di-makatarungang pag-aresto kay Jesus sa kadiliman ng gabi. (Juan 18:10) Pero sinabi ni Jesus kay Pedro: “Ibalik mo ang iyong tabak sa kinalalagyan nito, sapagkat ang lahat niyaong humahawak ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak.” (Mat. 26:52, 53) Ang mabisang aral na ito ay kaugnay ng ipinanalangin ni Jesus ilang oras bago mangyari ito—hindi sila dapat maging bahagi ng sanlibutan. (Basahin ang Juan 17:16.) Ang Diyos lang ang makapag-aalis ng kawalang-katarungan.

15, 16. (a) Paano natutulungan ng Salita ng Diyos ang mga Kristiyano na makaiwas sa gulo? (b) Anong pagkakaiba ang nakikita ni Jehova kapag pinagmamasdan niya ang daigdig sa ngayon?

15 Ang aral na iyan ay natutuhan din ng sister mula sa timugang Europa, na binanggit kanina. “Nakita kong walang naidudulot na katarungan ang karahasan,” ang sabi niya. “Nakita kong ang taong mararahas ay kadalasan nang namamatay. At marami ang nagiging magagalitin. Natutuwa akong malaman mula sa Bibliya na ang Diyos lang ang makapagdudulot ng tunay na katarungan sa lupa. Ang mensaheng iyan ang ipinangangaral ko sa nakalipas na 25 taon.” Ang sibat ng kapatid sa timugang Aprika ay pinalitan niya ng “tabak ng espiritu,” ang Salita ng Diyos. Ipinangangaral na niya ngayon ang mensahe ng kapayapaan sa mga tao, anuman ang tribo nila. (Efe. 6:17) At nang maging Saksi ni Jehova ang sister na taga-Europa, nagpakasal siya sa isang brother mula sa etnikong grupo na dati niyang kinapopootan. Nagbago ang tatlong ito dahil gusto nilang tularan si Kristo.

16 At napakahalaga ng mga pagbabagong ito! Ang sangkatauhan ay inihahalintulad ng Bibliya sa isang dagat na patuloy na umaalimbukay, isang dagat na hindi humuhupa. (Isa. 17:12; 57:20, 21; Apoc. 13:1) Habang ang mga isyu sa politika ay nagdudulot ng galit, pagkakabaha-bahagi, at karahasan, napananatili naman natin ang kapayapaan at pagkakaisa. At habang pinagmamasdan ni Jehova ang ating nababahaging daigdig, tiyak na natutuwa naman siyang makita na nagkakaisa ang kaniyang bayan.—Basahin ang Zefanias 3:17.

17. (a) Ano ang tatlong paraan para maitaguyod natin ang pagkakaisa? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

17 Nakita natin na puwedeng itaguyod ang Kristiyanong pagkakaisa sa tatlong paraan: (1) Nagtitiwala tayong itutuwid ng makalangit na Kaharian ng Diyos ang kawalang-katarungan, (2) hindi tayo nakikisangkot sa mga isyu sa politika, at (3) iniiwasan natin ang karahasan. Pero kung minsan, ang ating pagkakaisa ay puwedeng manganib dahil sa pagtatangi. Tatalakayin sa susunod na artikulo kung paano natin mapagtatagumpayan ang hamong ito, gaya ng ginawa ng mga Kristiyano noong unang siglo.