Protektahan ang Sarili sa mga Bitag ni Satanas
NAGHAHANDA nang tumawid ang mga Israelita sa Ilog Jordan papunta sa lupaing ipinangako sa kanila ng Diyos. Pero may dumating na mga bisitang hindi nila inaasahan—mga babaeng banyaga—at inimbitahan ng mga ito ang mga lalaki sa isang malaking handaan. Mukhang magandang pagkakataon ito para magkaroon ng mga bagong kaibigan, makipagsayawan, at makatikim ng masasarap na pagkain. Ang kaugalian at moralidad ng mga babaeng iyon ay hindi kaayon ng Kautusan ng Diyos, pero inisip ng ilang lalaking Israelita: ‘Hindi naman kami magpapaimpluwensiya sa kanila. Mag-iingat kami.’
Ano ang nangyari? Sinasabi ng Bibliya: “Ang bayan ay nakipagtalik sa mga anak na babae ng Moab.” Ang totoo, gusto ng mga babaeng iyon na sambahin ng mga lalaking Israelita ang mga huwad na diyos. At iyon nga ang ginawa nila! Kaya “galit na galit si Jehova sa Israel.”—Sinuway ng mga Israelitang iyon ang Kautusan ng Diyos sa dalawang paraan: Yumukod sila sa mga idolo at gumawa ng seksuwal na imoralidad. Libo-libo ang namatay dahil sa kanilang pagsuway. (Ex. 20:4, 5, 14; Deut. 13:6-9) Bakit lalo pang naging masaklap ang trahedyang ito? Malapit na sana silang tumawid sa Jordan papunta sa Lupang Pangako. Pero dahil sa pagsuway nila sa Kautusan ng Diyos, libo-libong Israelita ang hindi na nakatawid.—Bil. 25:5, 9.
May kinalaman sa pangyayaring iyon, sumulat si apostol Pablo: “Ang mga bagay na ito na nangyari sa kanila ay nagsisilbing halimbawa at isinulat para maging babala sa atin na nabubuhay sa wakas ng sistemang ito.” (1 Cor. 10:7-11) Tiyak na tuwang-tuwa si Satanas nang makagawa ng malubhang kasalanan ang mga Israelitang iyon at hindi makapasok sa Lupang Pangako. Talagang isang katalinuhan na isapuso natin ang babalang iyon, dahil gagawin ni Satanas ang lahat para hindi tayo makapasok sa bagong sanlibutan ng Diyos!
ISANG MAPANGANIB NA BITAG
Pinupuntirya ni Satanas ang mga Kristiyano gamit ang mga taktikang alam na alam niyang epektibo noon pa man. Ginamit niya sa mga Israelita noon ang seksuwal na imoralidad. At mapanganib na bitag pa rin iyan hanggang ngayon. Ang isang epektibong paraan para mahulog tayo rito ay ang pornograpya.
Sa ngayon, madalas na napapanood ang pornograpya nang walang nakakaalam. Noong araw, kapag gusto ng isang tao na makakita ng pornograpya, kailangan pa niyang pumunta sa sinehan na may mahahalay na pelikula o sa bilihan ng malalaswang babasahin. At malamang na marami ang hindi gumagawa niyan dahil nakakahiyang makita ang isang tao sa lugar na iyon o malapit doon. Pero ngayon, ang sinumang may access sa Internet ay puwedeng manood ng pornograpya, nasa trabaho man siya o kahit nasa kotse. At sa maraming bansa, kahit sino ay nakakapanood na ng pornograpya kahit nasa bahay lang siya.
Hindi lang iyan. Dahil sa mga gadyet, lalong naging madali ang manood ng pornograpya. Naglalakad man o nakasakay sa bus o tren, puwedeng makakita ang mga tao ng mahahalay na larawan sa kanilang gadyet.
Dahil mas madali nang makapanood ng pornograpya at mailihim ito, lalong dumami ang mga taong napipinsala nito. Sinisira ng mga nanonood ng pornograpya ang pagsasama nilang mag-asawa, ang kanilang dignidad, at ang kanilang konsensiya. Ang mas malala pa, sinisira nila ang pakikipagkaibigan nila sa Diyos. Talagang napapahamak ang mga nanonood ng pornograpya. Madalas na nagdudulot ito ng malalalim na sugat, na kahit gumaling sa paglipas ng panahon, nag-iiwan naman ng permanenteng pilat.
Pero dapat nating tandaan na nagbibigay si Jehova ng proteksiyon mula sa bitag na ito ni Satanas. Para maprotektahan ni Jehova, dapat nating gawin ang hindi nagawa ng mga Israelita—ang ‘sumunod sa lahat ng sinasabi niya.’ (Ex. 19:5) Kailangang malinaw sa atin na galit na galit ang Diyos sa pornograpya. Bakit?
KAPOOTAN ITO, GAYA NG PAGKAPOOT DITO NI JEHOVA
Pag-isipan ito: Ang mga kautusang ibinigay ng Diyos sa Israel ay naiiba sa mga kautusang sinusunod ng ibang bansa noon. Gaya ng isang pader, pinoprotektahan nito ang Israel mula sa mga bansang nakapalibot sa kanila at sa masasamang gawain ng mga ito. (Deut. 4:6-8) Malinaw sa mga kautusang iyon ang isang mahalagang katotohanan: Kinapopootan ni Jehova ang seksuwal na imoralidad.
Matapos banggitin ni Jehova ang karima-rimarim na kahalayan ng kalapít na mga bansa, sinabi niya sa mga Israelita: “Huwag ninyong gagawin ang ginagawa ng mga tao sa Canaan, kung saan ko kayo dadalhin. . . . Marumi ang lupain, at paparusahan ko ang mga nakatira dito dahil sa kasalanan nila.” Para sa banal na Diyos ng Israel, marumi ang lupain ng mga Canaanita dahil sa nakapandidiri nilang pamumuhay.—Lev. 18:3, 25.
Kahit pinarusahan ni Jehova ang mga Canaanita, may mga nagpatuloy pa rin sa paggawa ng seksuwal na imoralidad. Makalipas ang mahigit 1,500 taon, inilarawan ni Pablo ang mga bansang kinabibilangan ng mga Kristiyano bilang mga bansang “hindi na . . . nakokonsensiya.” Sa katunayan, “hindi na sila mapigilan sa paggawi nang may kapangahasan at ginagawa nila ang bawat uri ng karumihan nang may kasakiman.” (Efe. 4:17-19) Marami rin sa ngayon ang imoral, at hindi nila ito ikinahihiya. Dapat umiwas ang mga tunay na Kristiyano sa pagtingin sa imoral na gawain ng mga tagasanlibutan.
Ang pornograpya ay isang malaking kalapastanganan sa Diyos. Nilalang niya ang tao ayon sa kaniyang larawan at wangis. Binigyan niya tayo ng kakayahang mamuhay nang disente. Kaya makatuwiran lang na maglagay ang Diyos ng limitasyon pagdating sa sex. Ibinigay niya ito sa mga mag-asawa para masiyahan sila. (Gen. 1:26-28; Kaw. 5:18, 19) Pero ano ang ginagawa ng mga nagpapalaganap ng pornograpya? Binabale-wala nila ang pamantayan ng Diyos sa moral. Oo, ang mga taong iyon ay walang paggalang kay Jehova. Kaya hahatulan sila ng Diyos.—Roma 1:24-27.
Paano naman ang mga sadyang nagbabasa o nanonood ng pornograpya? Baka iniisip ng ilan na wala namang masama rito. Pero ang totoo, sinusuportahan nila ang mga nagwawalang-bahala sa mga pamantayan ni Jehova. Baka hindi naman ito ang intensiyon nila nang magsimula silang manood ng pornograpya. Gayunman, maliwanag na dapat kasuklaman ng mga tunay na mananamba ng Diyos ang pornograpya. Ipinapayo Awit 97:10.
ng Bibliya: “O kayong umiibig kay Jehova, kapootan ninyo ang kasamaan.”—Posibleng mahirapang sumunod sa payong iyan kahit ang mga umiiwas sa pornograpya. Hindi tayo perpekto, at baka kailangan nating makipaglaban nang husto para madaig ang maruruming seksuwal na pagnanasa. Baka sinasabi rin natin sa ating sarili na hindi naman maling tumingin dito. (Jer. 17:9) Pero napaglabanan ito ng marami nang maging Kristiyano sila. Nakakapagpatibay iyan sa mga may ganiyang problema. Tingnan kung paano ka matutulungan ng Salita ng Diyos na makaiwas sa bitag ni Satanas na pornograpya.
ALISIN SA ISIP ANG IMORAL NA PAGNANASA
Gaya ng nabanggit na, maraming Israelita ang napahamak dahil nagpadala sila sa maling pagnanasa. Puwede ring mangyari iyan ngayon. Sinabi ni Santiago, kapatid ni Jesus sa ina: “Ang bawat isa ay . . . nadadala at naaakit ng sarili niyang pagnanasa. At ang pagnanasa, kapag naglihi na, ay nagsisilang ng kasalanan.” (Sant. 1:14, 15) Kapag hinayaan ng isang tao na sumidhi ang mali niyang pagnanasa, malamang na magkasala siya. Kaya alisin natin agad sa ating isip ang imoral na mga bagay.
Kapag naglalaro pa rin sa isip mo ang imoral na mga bagay, kumilos agad. Sinabi ni Jesus: “Kaya nga, kung nagkakasala ka dahil sa iyong kamay o paa, putulin mo ito at itapon. . . . At kung nagkakasala ka dahil sa mata mo, dukitin mo ito at itapon.” (Mat. 18:8, 9) Hindi naman ito literal. Gusto lang ipakita ni Jesus na kailangang alisin ang nagiging dahilan ng pagkakasala—agad-agad. Paano natin masusunod ang payong iyan pagdating sa pornograpya?
Kapag may nakita kang pornograpya, huwag mong isipin, ‘Hindi ako maaapektuhan nito.’ Umiwas agad. Patayin agad ang telebisyon. Patayin agad ang computer o gadyet. At ipokus ang isip sa mga bagay na malinis. Kung gagawin mo iyan, makokontrol mo ang pag-iisip mo sa halip na ikaw ang makontrol ng maling pagnanasa.
IMORAL NA MGA BAGAY NA NAPATATAK SA ISIP
Paano kung hindi ka na nanonood ng pornograpya, pero sumasagi pa rin sa isip mo ang mga
napanood mo noon? Hindi madaling maalis sa isip ng isang tao ang mahahalay na larawan o kaisipan. Bigla-bigla na lang itong bumabalik. Kapag nangyari iyan, baka matukso kang gumawa ng maruming bagay, gaya ng masturbasyon. Tandaan mo iyan para makapaghanda ka at mapaglabanan ang mga iyon.Patibayin ang iyong determinasyong mag-isip at kumilos ayon sa kalooban ng Diyos. Maging gaya ni apostol Pablo, na handang ‘bugbugin ang kaniyang katawan at gawin itong alipin.’ (1 Cor. 9:27) Huwag kang magpaalipin sa maruruming pagnanasa. ‘Magbagong-anyo ka sa pamamagitan ng pagbabago ng iyong pag-iisip, para mapatunayan mo sa iyong sarili kung ano ang mabuti, katanggap-tanggap, at perpektong kalooban ng Diyos.’ (Roma 12:2) Tandaan: Ang pag-iisíp at pagkilos ayon sa kalooban ng Diyos ay magdudulot ng higit na kasiyahan kaysa sa paggawa ng imoral na mga bagay.
Ang pag-iisíp at pagkilos ayon sa kalooban ng Diyos ay magdudulot ng higit na kasiyahan kaysa sa paggawa ng imoral na mga bagay
Magsaulo ng ilang teksto sa Bibliya. At kapag sumagi sa isip mo ang maruruming bagay, pilitin mong maalaala ang mga tekstong iyon. Ang mga tekstong gaya ng Awit 119:37; Isaias 52:11; Mateo 5:28; Efeso 5:3; Colosas 3:5; at 1 Tesalonica 4:4-8 ay makakatulong na maiayon ang isip mo sa pananaw ni Jehova sa pornograpya at sa inaasahan niyang gagawin mo.
Paano kung may mga pagkakataong nahihirapan kang pigilin ang pagtingin o pag-iisíp ng tungkol sa imoral na mga bagay? Tularan si Jesus. (1 Ped. 2:21) Matapos siyang mabautismuhan, paulit-ulit siyang tinukso ni Satanas. Ano ang ginawa ni Jesus? Paulit-ulit siyang tumanggi. Lagi siyang sumisipi sa Kasulatan kapag tumatanggi siya sa mga tukso ni Satanas. Sinabi ni Jesus: “Lumayas ka, Satanas!” at iniwan siya ni Satanas. Gaya ni Jesus, na palaging tumatanggi sa mga tukso ng Diyablo, ganoon din ang gawin mo. (Mat. 4:1-11) Patuloy na pupunuin ni Satanas at ng kaniyang sanlibutan ang isip mo ng imoral na mga bagay. Pero huwag kang susuko. Puwede kang magtagumpay laban sa pornograpya. Sa tulong ni Jehova, matatalo mo ang kaaway.
MANALANGIN KAY JEHOVA, AT SUNDIN SIYA
Patuloy na manalangin kay Jehova at hingin ang tulong niya. Sinabi ni Pablo: “Ipaalám ninyo sa Diyos ang lahat ng pakiusap ninyo sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ang magbabantay sa inyong puso at isip sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Fil. 4:6, 7) Bibigyan ka ng Diyos ng kapayapaan ng isip para mapaglabanan ang maling pagnanasa. Kung lalapit ka kay Jehova, ‘lalapit siya sa iyo.’—Sant. 4:8.
Ang pinakamagandang panlaban mo sa anumang bitag ni Satanas ay ang pagiging malapit sa Kataas-taasan ng uniberso. Sinabi ni Jesus: “Ang tagapamahala ng mundo [si Satanas] ay dumarating, at wala siyang kontrol sa akin.” (Juan 14:30) Bakit gayon na lang ang kumpiyansa ni Jesus? Sinabi niya: “Ang nagsugo sa akin ay kasama ko; hindi niya ako iniwang nag-iisa, dahil lagi kong ginagawa ang mga gusto niya.” (Juan 8:29) Kung gagawin mo ang mga bagay na gusto ni Jehova, hinding-hindi ka rin niya iiwan. Iwasan ang bitag ng pornograpya nang hindi ka mabiktima ni Satanas.