ARALING ARTIKULO 26
Tulungan ang Iba na Makayanan ang Stress
“Lahat kayo ay magkaisa sa pag-iisip, magdamayan, magmahalan bilang magkakapatid, maging mahabagin at magiliw, at maging mapagpakumbaba.”—1 PED. 3:8.
AWIT 107 Tularan ang Pag-ibig ni Jehova
NILALAMAN *
1. Paano natin matutularan ang ating mapagmahal na Ama, si Jehova?
MAHAL na mahal tayo ni Jehova. (Juan 3:16) Gusto nating tularan ang ating mapagmahal na Ama. Kaya nagsisikap tayong “magdamayan, magmahalan bilang magkakapatid, [at] maging mahabagin at magiliw” sa lahat, pero lalo na sa “mga kapananampalataya natin.” (1 Ped. 3:8; Gal. 6:10) Kapag may problema ang mga kapananampalataya natin, gusto natin silang matulungan.
2. Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
2 Lahat ng gustong mapabilang sa pamilya ni Jehova ay daranas ng nakaka-stress na mga sitwasyon. (Mar. 10:29, 30) Habang papalapít ang wakas ng sistemang ito, malamang na mapaharap tayo sa mas maraming problema. Paano natin matutulungan ang isa’t isa? Talakayin natin kung ano ang matututuhan natin sa ulat ng Bibliya tungkol kina Lot, Job, at Noemi. Tatalakayin din natin ang ilang hamong napapaharap ngayon sa ating mga kapatid at kung paano natin sila matutulungan.
MAGING MATIYAGA
3. Gaya ng ipinapakita sa 2 Pedro 2:7, 8, saan nagkamali si Lot, at ano ang resulta?
3 Nagkamali si Lot sa desisyon niyang tumira sa Sodoma kasama ng napakaimoral na mga tao. (Basahin ang 2 Pedro 2:7, 8.) Mayaman ang lugar na iyon, pero malaki ang naging kapalit ng paglipat niya roon. (Gen. 13:8-13; 14:12) Lumilitaw na napamahal sa asawa ni Lot ang lunsod na iyon o ang mga tagaroon kaya sumuway sa Diyos ang asawa niya. Namatay ito nang magpaulan si Jehova ng apoy at asupre. At ang dalawang anak naman ni Lot ay nagkaroon ng mga nobyong namatay sa Sodoma. Si Lot ay nawalan ng bahay, mga pag-aari, at ang pinakamasakit sa lahat, ng asawa. (Gen. 19:12-14, 17, 26) Sa panahong iyon, nawalan ba ng pasensiya si Jehova kay Lot? Hindi.
4. Paano naging matiyaga si Jehova kay Lot? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)
4 Kahit nagkamali si Lot sa desisyon niyang tumira sa Sodoma, nagsugo pa rin si Jehova ng mga anghel para iligtas siya at ang pamilya niya. Pero imbes na sumunod agad sa utos ng mga anghel na umalis ng Sodoma, ‘hindi pa rin nagmadali’ si Lot. Kinailangan pa siyang hilahin ng mga anghel at ilabas sa lunsod kasama ang pamilya niya. (Gen. 19:15, 16) Pagkatapos, sinabihan siya ng mga anghel na tumakas papunta sa mabundok na rehiyon. Pero sa halip na sundin si Jehova, hiniling ni Lot na sa kalapít na bayan na lang sila papuntahin. (Gen. 19:17-20) Matiyagang nakinig si Jehova at hinayaan niya silang pumunta sa bayang iyon. Nang maglaon, natakot na si Lot na manirahan doon, kaya lumipat siya sa mabundok na rehiyon, ang mismong lugar na pinapapuntahan sa kanila ni Jehova sa simula pa lang. (Gen. 19:30) Napakatiyaga talaga ni Jehova! Paano natin siya matutularan?
5-6. Paano natin masusunod ang 1 Tesalonica 5:14 bilang pagtulad sa Diyos?
5 Gaya ni Lot, baka magkamali rin sa pagdedesisyon ang isang kapatid at magdulot ito sa kaniya ng malulubhang problema. Kapag nangyari iyan, ano ang gagawin natin? Baka matukso tayong sabihin sa kaniya na inaani lang niya ang itinanim niya, na totoo naman. (Gal. 6:7) Pero may mas maganda tayong magagawa. Puwede nating tularan ang ginawang pagtulong ni Jehova kay Lot. Paano?
6 Nagsugo si Jehova ng mga anghel hindi lang para babalaan si Lot kundi para tulungan din siyang makaligtas sa kapahamakang darating sa Sodoma. Baka kailangan din nating babalaan ang isang kapatid kung nakikita nating mapapahamak siya. Pero baka may maitutulong din tayo sa kaniya. Kahit hindi niya agad masunod ang payo mula sa Bibliya, kailangan nating maging matiyaga. Tularan ang dalawang anghel. Imbes na sumuko at iwan ang ating kapatid, tulungan natin siya sa praktikal na paraan. (1 Juan 3:18) Baka kailangan pa nating iabot ang ating kamay para mahila siya, wika nga, at tulungan siyang masunod ang magandang payong ibinigay sa kaniya.—Basahin ang 1 Tesalonica 5:14.
7. Paano natin matutularan ang pananaw ni Jehova kay Lot?
7 Sa halip na magpokus si Jehova sa mga kahinaan ni Lot, ipinasulat pa nga niya kay apostol Pedro na si Lot ay isang taong matuwid. Nakakatuwang malaman na pinapatawad ni Jehova ang ating mga pagkakamali. (Awit 130:3) Matutularan ba natin ang pananaw ni Jehova kay Lot? Kung magpopokus tayo sa magagandang katangian ng mga kapatid, mas magiging matiyaga tayo sa kanila. Dahil diyan, malamang na tanggapin nila ang tulong natin.
MAGING MAHABAGIN
8. Kapag mahabagin tayo, ano ang gagawin natin?
8 Di-gaya ni Lot, ang pagdurusa ni Job ay hindi dahil sa maling desisyon. Pero dumanas siya ng mga trahedya—nawala ang kaniyang mga pag-aari at magandang katayuan sa buhay, at nagkasakit siya nang malubha. At ang pinakamasaklap, namatay ang lahat ng anak nilang mag-asawa. Inakusahan din siya ng tatlo niyang di-tunay na kaibigan. Bakit hindi sila nahabag kay Job? Hindi nila
inunawang mabuti ang sitwasyon. Kaya basta na lang nila hinusgahan si Job. Paano natin maiiwasan ang ganiyang pagkakamali? Tandaan na si Jehova lang ang nakakaalam ng buong sitwasyon ng isang tao. Makinig na mabuti sa sinasabi ng isang nagdurusa. Sikapin mong damhin ang sakit na nadarama niya. Kapag ginawa mo iyan, makakapagpakita ka ng empatiya sa iyong kapatid.9. Kapag mahabagin tayo, ano ang hindi natin gagawin, at bakit?
9 Kapag mahabagin tayo, hindi tayo magkakalat ng tsismis tungkol sa problema ng iba. Ang nagkakalat ng tsismis ay hindi nagpapatibay sa kongregasyon; sinisira niya ito. (Kaw. 20:19; Roma 14:19) Hindi siya nagpapakita ng kabaitan. Hindi niya pinag-iisipan ang mga sinasabi niya, at lalo niyang nasasaktan ang isang nagdurusa. (Kaw. 12:18; Efe. 4:31, 32) Makakabuti nga kung titingnan natin ang magagandang katangian ng isang tao at iisipin kung paano natin siya matutulungan!
10. Ano ang itinuturo sa atin ng Job 6:2, 3?
10 Basahin ang Job 6:2, 3. May pagkakataong naging “padalos-dalos [si Job] sa pagsasalita.” Pero bandang huli, binawi niya ang mga sinabi niya. (Job 42:6) Gaya ni Job, ang isang taong nai-stress ay baka nakakapagsalita rin nang padalos-dalos, na pinagsisisihan niya bandang huli. Ano ang dapat nating gawin? Imbes na punahin siya, maging mahabagin. Tandaan, hindi tayo nilalang ni Jehova para dumanas ng mga problemang gaya ng nararanasan natin ngayon. Kaya natural lang na makapagsalita nang padalos-dalos ang isang tapat na lingkod ni Jehova na masyadong nai-stress. Kahit makapagsalita siya nang hindi tama tungkol kay Jehova o sa atin, huwag tayong magalit agad o husgahan siya sa kaniyang sinabi.—Kaw. 19:11.
11. Paano matutularan ng mga elder si Elihu kapag nagpapayo?
11 Kung minsan, ang isang taong nai-stress ay kailangan ding mapayuhan o madisiplina, na makakatulong sa kaniya. (Gal. 6:1) Paano ito magagawa ng mga elder? Magandang tularan nila si Elihu, na nakinig kay Job nang may empatiya. (Job 33:6, 7) Nagbigay lang ng payo si Elihu matapos niyang maintindihan ang tumatakbo sa isip ni Job. Ang mga elder na tumutulad kay Elihu ay nakikinig na mabuti at nagsisikap na maintindihan ang sitwasyon ng isang kapatid. Kaya kapag nagbibigay sila ng payo, kadalasang tumatagos ito sa puso ng pinapayuhan nila.
MAGSALITA NG NAKAKAPAGPATIBAY
12. Ano ang naging epekto kay Noemi ng pagkamatay ng kaniyang asawa at dalawang anak?
12 Si Noemi ay isang tapat na lingkod ni Jehova. Pero nang mamatay ang asawa niya at dalawang anak na lalaki, ang pangalan niya ay gusto niyang palitan ng “Mara,” ibig sabihin, “Mapait.” (Ruth 1:3, 5, 20, tlb., 21) Hindi siya iniwan ng manugang niyang si Ruth sa lahat ng pagsubok. Hindi lang siya tinulungan ni Ruth sa praktikal na paraan, pinatibay rin siya nito. Ipinadama ni Ruth ang pagmamahal at suporta niya kay Noemi sa pamamagitan ng simple at taimtim na mga salita.—Ruth 1:16, 17.
13. Bakit kailangan nating tulungan ang mga namatayan ng asawa?
13 Kapag namatayan ng asawa ang isang kapatid, kailangan natin siyang tulungan. Ang mag-asawa ay parang dalawang punong magkatabi na sabay lumaki. Sa paglipas ng panahon, pumupulupot ang mga ugat nito sa isa’t isa. Kapag nabunot ang isang puno at namatay, malaki ang magiging epekto nito sa isa pang puno. Gayundin, kapag ang isa ay namatayan ng asawa, baka makadama siya ng iba-iba at matitinding emosyon sa mahabang panahon. Si Paula, * na biglang namatayan ng asawa, ay nagsabi: “Biglang nagbago ang buhay ko, at parang gumuho ang mundo ko. Nawala ang pinakamatalik kong kaibigan. Nasasabi ko sa kaniya ang lahat. Masaya siya kapag masaya ako, at lagi siyang nandiyan kapag may problema ako. Siya ang sandalan ko kapag malungkot ako. Pakiramdam ko, hindi na ako kumpleto.”
14-15. Paano natin mapapatibay ang isang namatayan ng asawa?
14 Paano natin mapapatibay ang isang namatayan ng asawa? Ang unang-unang dapat gawin ay kausapin siya, kahit parang asiwa ka o hindi ka sigurado sa sasabihin mo. Sinabi ni Paula, na nabanggit kanina: “Naiintindihan kong naaasiwa ang mga tao na pag-usapan ang tungkol sa kamatayan. Nag-aalala sila na baka makapagsalita sila ng hindi maganda. Pero mas masakit kung wala silang sinasabi.” Kahit simple lang ang sabihin natin, pahahalagahan iyon ng isang nagdadalamhati. Sinabi ni Paula: “Nagpapasalamat ako kahit ang sinasabi lang ng mga kaibigan ko, ‘Nakikiramay ako.’”
15 Si William, na namatayan ng asawa ilang taon na ang nakakalipas, ay nagsabi: “Natutuwa ako kapag ikinukuwento ng iba ang magagandang alaala ng misis ko; ibig sabihin kasi n’on, mahal nila siya at iginagalang. Malaking tulong ’yon sa akin. Gumagaan ang pakiramdam ko, kasi mahal na mahal ko ang aking asawa at naging mahalagang bahagi siya ng buhay ko.” Sinabi ng biyudang si Bianca: “Napapatibay ako kapag ang
iba ay nananalanging kasama ako at kapag nagbabahagi sila sa akin ng isa o dalawang teksto. Nakakatulong sa akin kapag nagkukuwento sila tungkol sa asawa ko at kapag nakikinig sila sa mga kuwento ko tungkol sa kaniya.”16. (a) Anong tulong ang dapat nating ibigay sa namatayan ng mahal sa buhay? (b) Ayon sa Santiago 1:27, ano ang responsibilidad natin?
16 Kung paanong hindi iniwan ni Ruth ang biyudang si Noemi, kailangan din nating patuloy na tulungan ang sinumang namatayan ng mahal sa buhay. Sinabi ni Paula, na nabanggit kanina: “Pagkamatay ng asawa ko, bumuhos ang tulong sa akin. Pero sa paglipas ng panahon, naging busy na ulit sila sa kani-kaniyang gawain. Pero ibang-iba na ang naging buhay ko. Makakatulong sana kung iisipin ng iba na ang nagdadalamhati ay nangangailangan ng tulong sa susunod na mga buwan—o mga taon pa nga.” Siyempre, magkakaiba ang mga tao. Ang ilan ay madaling makapag-adjust. Pero mayroon ding nasasaktan pa rin tuwing may ginagawa silang bagay na magkasama nilang ginagawa noon ng asawa nila. Iba-iba magdalamhati ang mga tao. Tandaan natin na binigyan tayo ni Jehova ng pribilehiyo at responsibilidad na alagaan ang mga namatayan ng asawa.—Basahin ang Santiago 1:27.
17. Bakit kailangan ng tulong ng mga iniwan ng asawa?
17 Nagdurusa at naghihirap ang kalooban ng mga iniwan ng asawa. Si Joyce, na ipinagpalit ng asawa sa ibang babae, ay nagsabi: “Mas masakit sa akin ang paghihiwalay naming
mag-asawa kaysa kung namatay siya. Kung namatay siya sa isang aksidente o sakit, hindi siya ang may gusto n’on. Pero sa nangyari sa amin, ginusto niyang iwan ako. Pakiramdam ko, wala akong kuwentang babae.”18. Ano ang puwede nating gawin para matulungan ang mga nawalan ng asawa?
18 Kapag ang mga nawalan ng asawa ay tinutulungan natin, kahit sa maliliit na paraan, ipinapakita nating mahal natin sila. Ngayong nag-iisa na sila, mas kailangan nila ng mga kaibigang masasandalan. (Kaw. 17:17) Paano ka magiging ganiyang uri ng kaibigan? Puwede mo silang imbitahan sa isang simpleng salusalo. Samahan mo sila sa paglilibang o sa ministeryo. O anyayahan mo sila paminsan-minsan sa inyong pampamilyang pagsamba. Kung gagawin mo iyan, mapapasaya mo si Jehova, dahil siya ay “malapit sa mga may pusong nasasaktan” at “tagapagtanggol ng mga biyuda.”—Awit 34:18; 68:5.
19. Ayon sa simulain ng 1 Pedro 3:8, ano ang determinado mong gawin?
19 Malapit nang mamahala sa mundo ang Kaharian ng Diyos, at ang lahat ng “paghihirap ay malilimutan” na. Nasasabik na tayong dumating ang panahon kung kailan “ang dating mga bagay ay hindi na maaalaala pa, at mawawala na ang mga ito sa puso.” (Isa. 65:16, 17) Pero sa ngayon, tulungan natin ang isa’t isa at ipakita natin sa salita at gawa na mahal natin ang ating mga kapananampalataya.—Basahin ang 1 Pedro 3:8.
AWIT 111 Mga Dahilan ng Ating Kagalakan
^ par. 5 Sina Lot, Job, at Noemi ay naglingkod nang tapat kay Jehova, pero may mabibigat din silang pinagdaanan. Tatalakayin sa artikulong ito kung ano ang matututuhan natin sa karanasan nila. Tatalakayin din dito kung bakit mahalagang maging matiyaga tayo at mahabagin sa mga kapatid na may problema at magsalita sa kanila ng nakakapagpatibay.
^ par. 13 Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.
^ par. 57 LARAWAN: Matiyagang nakinig ang elder sa isang brother na masama ang loob at nagsasalita nang “padalos-dalos.” Pagkalipas ng ilang araw, noong kalmado na ang brother, pinayuhan siya ng elder sa mabait na paraan.
^ par. 59 LARAWAN: Kasama ng isang mag-asawa ang isang brother na kamamatay lang ng asawa. Pinag-uusapan nila ang masasayang alaala ng asawa niya.