Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 25

Umasa kay Jehova Kapag Nai-stress

Umasa kay Jehova Kapag Nai-stress

“Naghihirap ang kalooban ko.”​—1 SAM. 1:15.

AWIT 30 Aking Kaibigan, Diyos, at Ama

NILALAMAN *

1. Bakit dapat nating pakinggan ang babala ni Jesus?

SA HULA ni Jesus tungkol sa mga huling araw, sinabi niya: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili para hindi mapabigatan ang inyong puso ng . . . mga álalahanín sa buhay.” (Luc. 21:34) Kailangan nating pakinggan ang babalang iyan. Bakit? Dahil dumaranas din tayo ng nakaka-stress na mga problema gaya ng iba.

2. Ano-anong problema ang nararanasan ng mga kapatid?

2 Kung minsan, nagkakasabay-sabay ang mga problema. Tingnan ang mga halimbawang ito. Ang Saksing si John, * na may multiple sclerosis, ay iniwan ng misis niya matapos ang 19-na-taóng pagsasama. Pagkatapos, tumigil sa paglilingkod kay Jehova ang dalawa niyang anak na babae. Iba naman ang problema ng mag-asawang Bob at Linda. Pareho silang nawalan ng trabaho, at nawalan din sila ng bahay. Bukod diyan, na-diagnose si Linda na may sakit sa puso na puwede niyang ikamatay, at humihina na ang immune system niya dahil sa isa pang sakit.

3. Ano ang tinitiyak sa atin ng Filipos 4:6, 7 tungkol kay Jehova?

3 Makakatiyak tayo na naiintindihan ng ating Maylalang at mapagmahal na Ama, si Jehova, ang epekto sa atin ng stress. At gusto niya tayong tulungang maharap ang mga problema. (Basahin ang Filipos 4:6, 7.) Mababasa sa Salita ng Diyos ang iba’t ibang problemang dinanas ng mga lingkod niya. Mababasa rin dito kung paano sila tinulungan ni Jehova na maharap ang mga iyon. Talakayin natin ang ilang halimbawa.

SI ELIAS—“ISANG TAONG MAY DAMDAMING TULAD NG SA ATIN”

4. Ano-anong hamon ang napaharap kay Elias, at paano siya umasa kay Jehova?

4 Naglingkod si Elias kay Jehova sa panahong mahirap ang kalagayan, at napaharap siya sa matitinding problema. Si Haring Ahab ay isa sa mga di-tapat na hari ng Israel, at napangasawa niya si Jezebel, na napakasama at isang mananamba ni Baal. Pinalaganap nila sa lupain ang pagsamba kay Baal at ipinapatay ang maraming propeta ni Jehova. Nakatakas si Elias. Nakaligtas din siya sa panahon ng taggutom dahil umasa siya kay Jehova. (1 Hari 17:2-4, 14-16) Bukod diyan, umasa siya kay Jehova nang hamunin niya ang mga propeta at mananamba ni Baal. Hinikayat niya ang mga Israelita na maglingkod kay Jehova. (1 Hari 18:21-24, 36-38) Kitang-kita ni Elias na tinutulungan siya ni Jehova sa mahirap na panahong iyon.

Nagsugo si Jehova ng isang anghel para tulungan si Elias na lumakas ulit (Tingnan ang parapo 5-6) *

5-6. Ayon sa 1 Hari 19:1-4, ano ang nadama ni Elias, at paano ipinakita ni Jehova na mahal niya si Elias?

5 Basahin ang 1 Hari 19:1-4. Pero natakot si Elias nang pagbantaan ni Reyna Jezebel ang buhay niya. Kaya tumakas siya papuntang Beer-sheba. Nawalan na siya ng pag-asa at “hiniling niya na mamatay na sana siya.” Bakit? Hindi perpekto si Elias, “isang taong may damdaming tulad ng sa atin.” (Sant. 5:17) Baka sobra na ang stress niya at pagod na pagod na siya. Baka naisip ni Elias na nawalan ng saysay ang pagtataguyod niya ng dalisay na pagsamba, na wala siyang naitulong sa Israel, at nag-iisa na lang siya sa paglilingkod kay Jehova. (1 Hari 18:3, 4, 13; 19:10, 14) Baka magulat tayo sa naging reaksiyon ng tapat na propetang ito. Pero naintindihan ni Jehova ang nadarama ni Elias.

6 Hindi pinagsabihan ni Jehova si Elias. Sa halip, tinulungan niya ito na lumakas ulit. (1 Hari 19:5-7) Nang maglaon, may kabaitang itinuwid ni Jehova ang pananaw ni Elias sa pamamagitan ng pagpapakita ng Kaniyang kapangyarihan. Pagkatapos, sinabi ni Jehova kay Elias na mayroon pa siyang 7,000 sa Israel na hindi sumasamba kay Baal. (1 Hari 19:11-18) Sa praktikal na paraan, ipinakita ni Jehova kay Elias na mahal niya ito.

TULONG MULA KAY JEHOVA

7. Bakit nakakapagpatibay ang paraan ni Jehova ng pagtulong kay Elias?

7 May pinagdaraanan ka ba? Nakakapagpatibay ngang malaman na naintindihan ni Jehova si Elias! Tinitiyak nito sa atin na naiintindihan niya rin ang pinagdaraanan natin. Alam niya ang ating mga limitasyon, kahit pa nga ang iniisip natin at nadarama. (Awit 103:14; 139:3, 4) Kung aasa tayo kay Jehova gaya ni Elias, tutulungan Niya tayong maharap ang nakaka-stress na mga problema.​—Awit 55:22.

8. Paano ka tutulungan ni Jehova na maharap ang stress?

8 Kapag nai-stress, baka makapag-isip ka ng mga negatibong bagay na magpapahina ng loob mo. Kapag nangyari iyan, tandaan na tutulungan ka ni Jehova na maharap ang stress. Paano? Gusto niyang sabihin mo sa kaniya ang mga ikinababahala mo. At sasagutin niya ang paghingi mo ng tulong. (Awit 5:3; 1 Ped. 5:7) Kaya laging ipanalangin kay Jehova ang iyong mga problema. Hindi siya direktang makikipag-usap sa iyo gaya ng ginawa niya kay Elias, pero makikipag-usap siya sa iyo sa pamamagitan ng kaniyang Salita at organisasyon. Ang mga ulat sa Bibliya ay magpapatibay sa iyo at magbibigay ng pag-asa. Mapapatibay ka rin ng mga kapatid.​—Roma 15:4; Heb. 10:24, 25.

9. Paano makakatulong ang isang mapagkakatiwalaang kaibigan?

9 Sinabi ni Jehova kay Elias na iatas kay Eliseo ang ilang responsibilidad dahil gusto Niyang bigyan si Elias ng makakasama. Tiyak na nakatulong si Eliseo kay Elias na makayanan ang mga problema. Gayundin, kapag sinasabi natin ang ating pinagdaraanan sa isang mapagkakatiwalaang kaibigan, gagaan ang pakiramdam natin. (2 Hari 2:2; Kaw. 17:17) Kung pakiramdam mo ay wala kang mapagsabihan ng problema, manalangin kay Jehova na makahanap ka sana ng isang may-gulang na Kristiyanong magpapatibay sa iyo.

10. Bakit nakakapagpatibay ang karanasan ni Elias, at paano makakatulong sa atin ang pangako sa Isaias 40:28, 29?

10 Tinulungan ni Jehova si Elias na makayanan ang stress at makapaglingkod nang tapat sa loob ng maraming taon. Nakakapagpatibay ang karanasan ni Elias. Baka pagod na pagod na tayo at pinanghihinaan ng loob dahil sa sobrang stress. Pero kung aasa tayo kay Jehova, bibigyan niya tayo ng lakas para patuloy na makapaglingkod sa kaniya.​—Basahin ang Isaias 40:28, 29.

UMASA KAY JEHOVA SI HANA, SI DAVID, AT ANG ISANG SALMISTA

11-13. Paano naapektuhan ng stress ang tatlong lingkod noon ng Diyos?

11 May iba pang karakter sa Bibliya na dumanas din ng sobrang stress. Halimbawa, dumanas si Hana ng kahihiyan dahil sa pagiging baog at ng pang-iinsulto mula sa karibal niya sa kaniyang asawa. (1 Sam. 1:2, 6) Sa sobrang stress, lagi siyang umiiyak at hindi makakain.​—1 Sam. 1:7, 10.

12 May mga pagkakataong dumanas ng matinding stress si Haring David. Isipin ang mga problemang napaharap sa kaniya. Binagabag siya ng konsensiya niya sa dami ng naging kasalanan niya. (Awit 40:12) Nagrebelde sa kaniya ang mahal niyang anak na si Absalom, na humantong sa kamatayan nito. (2 Sam. 15:13, 14; 18:33) At nagtaksil sa kaniya ang isa sa pinakamalapít niyang kaibigan. (2 Sam. 16:23–17:2; Awit 55:12-14) Makikita sa mga awit na isinulat ni David ang panghihina ng loob niya, pati na ang malaking tiwala niya kay Jehova.​—Awit 38:5-10; 94:17-19.

Ano ang nakatulong sa salmista na maging masaya ulit sa paglilingkod? (Tingnan ang parapo 13-15) *

13 Isang salmista ang nainggit sa pamumuhay ng masasamang tao. Posibleng inapo siya ng Levitang si Asap, at naglingkod siya noon sa “maringal na santuwaryo ng Diyos.” Na-stress ang salmistang ito, kaya nawala ang kagalakan niya at pagkakontento. Naisip pa nga niyang kulang ang pagpapalang natatanggap niya sa paglilingkod kay Jehova.​—Awit 73:2-5, 7, 12-14, 16, 17, 21.

14-15. Ano ang matututuhan natin sa tatlong halimbawa sa Bibliya tungkol sa paghingi ng tulong kay Jehova?

14 Ang tatlong tunay na mananambang iyon ay umasa sa tulong ni Jehova. Sinabi nila sa kaniya ang mga álalahanín nila. Sinabi nila kay Jehova ang lahat ng nagpapahirap ng kalooban nila. At lagi silang pumupunta sa lugar ng pagsamba kay Jehova.​—1 Sam. 1:9, 10; Awit 55:22; 73:17; 122:1.

15 Dahil sa habag, tinulungan ni Jehova ang bawat isa sa kanila. Nagkaroon ng kapayapaan ng isip si Hana. (1 Sam. 1:18) Sumulat si David: “Maraming paghihirap ang matuwid, pero inililigtas siya ni Jehova sa lahat ng ito.” (Awit 34:19) At nadama ng salmista na ‘hawak ni Jehova ang kanang kamay niya’ habang maibigin siyang pinapatnubayan. Umawit siya: “Sa akin, nakakabuti ang paglapit sa Diyos. Ginawa kong kanlungan ang Kataas-taasang Panginoong Jehova.” (Awit 73:23, 24, 28) Ano ang matututuhan natin sa mga halimbawang ito? Kung minsan, pinapahirapan tayo ng nakaka-stress na mga problema. Pero makakayanan natin ang mga ito kung bubulay-bulayin natin ang ginawang pagtulong ni Jehova sa iba, aasa tayo sa kaniya sa panalangin, at susundin natin ang hinihiling niya.​—Awit 143:1, 4-8.

UMASA KAY JEHOVA AT MAGTAGUMPAY

Noong una, gusto ng isang sister na ibukod ang sarili niya, pero nagbago ang mga bagay-bagay nang magsikap siyang tumulong sa iba (Tingnan ang parapo 16-17)

16-17. (a) Bakit hindi tayo dapat lumayo sa iba? (b) Paano natin maibabalik ang ating lakas?

16 Ang tatlong halimbawang iyon ay nagtuturo ng isa pang mahalagang aral​—huwag lumayo kay Jehova at sa mga lingkod niya. (Kaw. 18:1) Sinabi ni Nancy, na sobrang na-stress nang iwan ng mister niya: “Maraming pagkakataong ayokong makisalamuha o makipag-usap sa iba. Pero habang lumalayo ako, lalo akong nalulungkot.” Nagbago ang mga bagay-bagay nang magsikap si Nancy na tulungan ang ibang dumaranas ng problema. Sinabi niya: “Nakikinig ako habang sinasabi nila ang pinagdaraanan nila. Napansin ko na habang nagkakaroon ako ng empatiya sa kanila, unti-unting nababawasan ang awa ko sa aking sarili.”

17 Babalik ang lakas natin kapag dumadalo tayo sa mga pulong sa kongregasyon. Kapag nasa pulong tayo, nabibigyan natin si Jehova ng higit pang pagkakataon na ‘tulungan tayo at aliwin.’ (Awit 86:17) Pinapatibay niya tayo sa pamamagitan ng banal na espiritu, ng kaniyang Salita, at ng mga lingkod niya. At nagkakaroon tayo ng pagkakataong ‘makipagpatibayan.’ (Roma 1:11, 12) Sinabi ng sister na si Sophia: “Tinutulungan ako ni Jehova at ng mga kapatid na makayanan ang problema. Napakahalaga sa akin ng mga pulong. Napansin ko na habang nagpopokus ako sa ministeryo at sa kongregasyon, mas nakakayanan ko ang stress at hindi na ako gaanong nababahala.”

18. Kapag pinanghihinaan tayo ng loob, ano ang ibibigay sa atin ni Jehova?

18 Kapag pinanghihinaan tayo ng loob, tandaan natin na hindi lang nangangako si Jehova na permanente niyang aalisin ang stress sa hinaharap, kundi tutulungan din niya tayo na makayanan ito ngayon. Bibigyan niya tayo ng “pagnanais at lakas” para mapaglabanan ang panghihina ng loob at kawalan ng pag-asa.​—Fil. 2:13.

19. Ano ang tinitiyak sa atin ng Roma 8:37-39?

19 Basahin ang Roma 8:37-39. Tinitiyak sa atin ni apostol Pablo na walang anumang makapaghihiwalay sa atin mula sa pag-ibig ng Diyos. Paano natin matutulungan ang mga kapatid na makayanan ang stress? Tatalakayin sa susunod na artikulo kung paano natin matutularan si Jehova sa pagpapakita ng habag at sa pagtulong sa mga kapatid na nai-stress.

AWIT 44 Panalangin ng Nanghihina

^ par. 5 Ang sobra at nagtatagal na stress ay nakakasamâ sa kalusugan at emosyon. Paano tayo matutulungan ni Jehova? Tatalakayin natin kung paano tinulungan ni Jehova si Elias noong naghihirap ang kalooban nito. Matututo rin tayo mula sa iba pang halimbawa sa Bibliya kung paano tayo lalapit kay Jehova kapag nai-stress.

^ par. 2 Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.

^ par. 53 LARAWAN: Dahan-dahang ginising ng anghel ni Jehova si Elias at binigyan ito ng tinapay at tubig.

^ par. 55 LARAWAN: Isang salmista na posibleng inapo ni Asap na sumusulat ng mga awit at kumakanta kasama ang mga kapuwa niya Levita.