Alam Mo Ba?
Noong panahon ni Jesus, ano-anong buwis ang kailangang bayaran ng mga tao?
NOON, kaugalian ng mga Israelita na magbigay ng pera para suportahan ang tunay na pagsamba. Pero noong panahon ni Jesus, naging komplikado at pabigat sa mga Judio ang pagbabayad ng buwis.
Para masuportahan ang pagsamba sa tabernakulo at sa templo, kailangang magbayad ng lahat ng adultong Judio ng kalahating siklo (dalawang drakma). Noong unang siglo, ginagamit iyon sa pagmamantini at paghahandog sa templo na ipinatayo ni Herodes. May mga Judiong nagtanong kay Pedro kung nagbabayad ng buwis si Jesus at sinabi ni Jesus na hindi naman maling magbayad ng buwis. Inutusan pa nga niya si Pedro na kumuha ng baryang pambayad ng buwis.—Mat. 17:24-27.
Nagbibigay rin ang bayan ng Diyos noon ng ikapu, o ng ikasampung bahagi ng kanilang ani o kita. (Lev. 27:30-32; Bil. 18:26-28) Pilit na pinagbabayad ng mga lider ng relihiyon ang mga tao ng ikapung ito. Sinasabi nila na obligado ang mga tao na ibigay ang ikasampu ng bawat pananim, kahit ng “yerbabuena at ng eneldo at ng komino.” Hindi naman mali para kay Jesus ang pagbibigay ng ikapu, pero ibinunyag niya ang pagiging mapagkunwari ng mga eskriba at mga Pariseo.—Mat. 23:23.
Noong panahong iyon, mga Romano ang namamahala at marami rin silang buwis na pinapabayaran sa mga Judio. Halimbawa, ang mga may-ari ng lupa ay kailangang magbayad ng buwis. Puwedeng pera o produkto ang ipambayad nila at iyon ay mga 20 hanggang 25 porsiyento ng ani ng lupa nila. May buwis din na kailangang bayaran ang bawat Judio. Nang tanungin ng mga Pariseo si Jesus tungkol sa buwis na ito, sinabi niya ang dapat na maging pananaw sa pagbabayad ng buwis: “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, pero sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.”—Mat. 22:15-22.
May buwis din noon para sa mga produktong inaangkat o iniluluwas sa isang distrito. Kinokolekta iyon sa mga piyer, tulay, sangandaan, o sa pasukan ng mga bayan o mga pamilihan.
Napakabigat ng mga buwis na binabayaran ng mga tao sa ilalim ng pamamahala ng Roma. Sinabi ng Romanong istoryador na si Tacitus na noong namamahala si Emperador Tiberio at nandito si Jesus sa lupa, “ang Sirya at ang Judæa, na nabibigatan na sa kanilang mga pasanin, ay nakiusap na bawasan ang kanilang tributo.”
Naging pabigat din ang paraan ng paniningil ng buwis. Ang karapatan na maningil ng buwis ay idinadaan sa bidding. Ang mga may pinakamataas na bid na kumikita mula sa mga resibo ay nangongontrata ng mga aktuwal na maniningil ng buwis, na gumagawa rin ng paraan para kumita sila. Lumilitaw na si Zaqueo ay may mga tauhan na naniningil ng buwis para sa kaniya. (Luc. 19:1, 2) Kaya hindi nakakapagtaka na kinaiinisan ng mga tao ang kalakarang ito at mababa ang tingin nila sa mga maniningil ng buwis.