Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 23

Hindi Ka Nag-iisa, Kasama Mo si Jehova

Hindi Ka Nag-iisa, Kasama Mo si Jehova

“Si Jehova ay malapit sa lahat ng tumatawag sa kaniya.”​—AWIT 145:18.

AWIT 28 Maging Kaibigan ni Jehova

NILALAMAN *

1. Bakit nalulungkot kung minsan ang ilang lingkod ni Jehova?

MARAMI sa atin ang nalulungkot kung minsan. Para sa ilan, nawawala din ito agad. Para sa iba, matagal bago mawala ang kalungkutan nila. At kahit marami tayong kasama, baka nalulungkot pa rin tayo. Nahihirapan ang ilan na magkaroon ng mga kaibigan sa bago nilang kongregasyon. May ilan na nalulungkot kapag napalayo sila sa pamilya nila. Nalulungkot ang iba dahil miss na miss na nila ang mga namatay nilang mahal sa buhay. Pakiramdam naman ng ilang Kristiyano, lalo na ng mga baguhan, nag-iisa sila kapag pinag-uusig sila ng mga kapamilya at kaibigan nila na hindi Saksi.

2. Anong mga tanong ang sasagutin natin?

2 Kilalang-kilala tayo ni Jehova at naiintindihan niya tayo. Alam niya kapag malungkot tayo at gusto niya tayong tulungan. Paano tayo tinutulungan ni Jehova? Paano natin matutulungan ang sarili natin? At paano natin matutulungan ang mga kakongregasyon natin na nalulungkot? Talakayin natin ang sagot sa mga tanong na iyan.

NAGMAMALASAKIT SI JEHOVA

Nagpadala si Jehova ng anghel para tiyakin kay Elias na hindi ito nag-iisa (Tingnan ang parapo 3)

3. Paano ipinakita ni Jehova na nagmamalasakit siya kay Elias?

3 Gusto ni Jehova na maging masaya ang lahat ng mananamba niya. Malapit siya sa bawat isa sa atin, at alam niya kapag nalulungkot tayo o nasisiraan ng loob. (Awit 145:18, 19) Sa karanasan ng tapat na propetang si Elias, makikita natin na talagang mapagmalasakit si Jehova. Napakahirap ng kalagayan noon sa Israel. Matindi ang pag-uusig sa mga mananamba ni Jehova, at pinupuntirya si Elias ng makapangyarihan at maimpluwensiyang mga kaaway ng Diyos. (1 Hari 19:1, 2) Pinanghihinaan din ng loob si Elias kasi pakiramdam niya, siya na lang ang natitirang propeta na naglilingkod kay Jehova. (1 Hari 19:10) Kumilos agad si Jehova para tulungan si Elias. Nagpadala siya ng anghel para tiyakin sa kaniyang propeta na hindi ito nag-iisa at marami pang ibang Israelita na may takot sa Diyos!—1 Hari 19:5, 18.

4. Paano ipinapakita sa Marcos 10:29, 30 na nagmamalasakit si Jehova sa mga lingkod niya na hindi na sinusuportahan ng mga kapamilya o kaibigan?

4 Alam ni Jehova na malaki ang isinakripisyo ng ilan sa atin para mapaglingkuran siya. Ang ilan ay hindi na tinutulungan o sinusuportahan ng mga di-Saksing kapamilya o ng mga dati nilang kaibigan. Minsan, tinanong ni apostol Pedro si Jesus: “Iniwan na namin ang lahat at sumunod kami sa iyo; ano ang tatanggapin namin?” (Mat. 19:27) Tiniyak ni Jesus sa mga alagad niya na magiging bahagi sila ng isang malaking espirituwal na pamilya. (Basahin ang Marcos 10:29, 30.) At nangangako si Jehova, ang ating Ama, na susuportahan niya ang sinuman na gustong maglingkod sa kaniya. (Awit 9:10) Pero ano ang puwede mong gawin para matanggap ang tulong ni Jehova at mapaglabanan ang kalungkutan?

ANG PUWEDE MONG GAWIN KUNG PAKIRAMDAM MO AY NAG-IISA KA

5. Ano ang maitutulong kung magpopokus tayo sa kung paano tayo sinusuportahan ni Jehova?

5 Magpokus kung paano ka sinusuportahan ni Jehova. (Awit 55:22) Makakatulong ito para hindi mo maramdamang nag-iisa ka. Sinabi ni Carol, * isang single na sister na nag-iisang Saksi sa pamilya: “Lagi kong iniisip kung paano ako sinuportahan ni Jehova para malampasan ang mga pagsubok kaya hindi ko nararamdamang nag-iisa ako. Sigurado ako na lagi siyang nandiyan para sa akin.”

6. Paano makakapagpatibay sa mga nalulungkot ang 1 Pedro 5:9, 10?

6 Pag-isipan kung paano tinutulungan ni Jehova ang mga kapatid na nalulungkot. (Basahin ang 1 Pedro 5:9, 10.) Sinabi ni Hiroshi, isang brother na nag-iisang Saksi sa pamilya sa loob ng maraming taon: “Lahat naman ng kapatid, may problema. Pero ginagawa pa rin ng bawat isa ang buong makakaya nila para paglingkuran si Jehova. At nakakapagpatibay iyon para sa mga katulad ko na nag-iisang Saksi sa pamilya.”

7. Paano nakakatulong sa iyo ang panalangin?

7 Magkaroon ng mahusay na espirituwal na rutin. Kasama rito ang pagsasabi kay Jehova ng talagang nararamdaman mo. (1 Ped. 5:7) “Ang isa sa pinakamahalagang bagay na nakatulong sa akin para makayanan ang kalungkutan ay ang marubdob na pananalangin kay Jehova,” ang sabi ni Massiel. Nang magsimulang maglingkod kay Jehova ang kabataang sister na ito, nalungkot siya kasi hindi naglilingkod kay Jehova ang pamilya niya. “Siya ang naging Ama ko, at nananalangin ako sa kaniya nang maraming beses araw-araw para sabihin sa kaniya ang nararamdaman ko.”

Makakatulong ang pakikinig sa mga audio recording ng Bibliya at mga publikasyon para hindi masyadong malungkot ang isa (Tingnan ang parapo 8) *

8. Paano nakakatulong sa iyo ang pagbabasa ng Salita ng Diyos at pagbubulay-bulay?

8 Regular na basahin ang Salita ng Diyos, at bulay-bulayin ang mga ulat na nagpapakitang mahal ka ni Jehova. Nakakasira ng loob ang sinasabi ng pamilya ni Bianca sa kaniya. Pero sinabi niya: “Talagang nakatulong sa akin ang pagbabasa at pagbubulay-bulay sa mga ulat sa Bibliya at talambuhay ng mga lingkod ni Jehova na kapareho ko ng sitwasyon.” Nagsasaulo ang ilan ng nakakapagpatibay na mga teksto, gaya ng Awit 27:10 at Isaias 41:10. Para hindi masyadong malungkot ang iba, nakikinig naman sila sa mga audio recording kapag naghahanda ng mga pag-aaralan sa pulong o kapag nagbabasa ng Bibliya.

9. Paano nakakatulong sa iyo ang pagdalo sa mga pulong?

9 Sikaping regular na dumalo sa mga pulong. Malaki ang maitutulong sa iyo ng mga mapapakinggan mo doon at mas makikilala mo ang mga kapatid. (Heb. 10:24, 25) Sinabi ni Massiel, na binanggit kanina: “Napakamahiyain ko, pero sinikap ko talaga na madaluhan ang lahat ng pulong at makapagkomento. Dahil doon, mas naramdaman kong bahagi ako ng kongregasyon.”

10. Bakit mahalagang makipagkaibigan sa tapat na mga Kristiyano?

10 Makipagkaibigan sa tapat na mga Kristiyano. Makipagkaibigan sa mga kakongregasyon mo na alam mong marami kang matututuhan, kahit pa malayo ang agwat ng edad ninyo o magkaiba kayo ng pinagmulan. Sinasabi ng Bibliya na “taglay ng matatanda ang karunungan.” (Job 12:12) May matututuhan din ang mga may-edad sa mga tapat na kabataan. Malaki ang tanda ni Jonatan kay David, pero naging malapít na magkaibigan pa rin sila. (1 Sam. 18:1) Nagtulungan sila para mapaglingkuran si Jehova sa kabila ng mahihirap na hamon. (1 Sam. 23:16-18) “Mararamdaman talaga natin na parang mga magulang at mga kapatid natin ang mga nasa kongregasyon,” ang sabi ni Irina, isang sister na nag-iisang Saksi sa pamilya. “Ginagamit sila ni Jehova para hindi natin maramdamang nag-iisa tayo.”

11. Ano ang puwede mong gawin para magkaroon ng mabubuting kaibigan?

11 Hindi madaling makipagkaibigan, lalo na kung mahiyain ka. Sinabi ni Ratna, isang mahiyaing sister na naging Saksi kahit hinadlangan siya ng iba, “Alam ko na kailangan ko ang tulong at suporta ng espirituwal na pamilya ko.” Hindi madaling sabihin sa iba ang nararamdaman mo, pero doon nagsisimula ang malapít na pagkakaibigan. Siguradong gusto kang tulungan at patibayin ng mga kaibigan mo, pero kailangan mong sabihin sa kanila kung paano ka nila matutulungan.

12. Paano makakatulong ang pagsama sa ministeryo para magkaroon ka ng mabubuting kaibigan?

12 Ang pagsama sa ministeryo ang isa sa pinakamagandang paraan para magkaroon ng mga kaibigan. Sinabi ni Carol, na binanggit kanina: “Marami akong sister na nakasama sa ministeryo at sa iba pang espirituwal na gawain at naging mabubuting kaibigan ko sila. Ginamit sila ni Jehova para suportahan ako sa nakalipas na mga taon.” Sulit na makipagkaibigan sa tapat na mga Kristiyano. Ginagamit ni Jehova ang mga kaibigan natin para tulungan tayo kapag may problema tayo at nalulungkot.​—Kaw. 17:17.

IPARAMDAM NA KAPAMILYA NATIN SILA

13. Ano ang pananagutan ng bawat isa sa kongregasyon?

13 Pananagutan ng bawat isa na magpakita ng pag-ibig at tumulong na maging mapayapa ang kongregasyon para walang makaramdam na nag-iisa siya. (Juan 13:35) Mapapatibay natin ang iba sa sinasabi o ginagawa natin. Sinabi ng isang sister: “Nang malaman ko ang katotohanan, ang kongregasyon na ang naging pamilya ko. Hindi ako magiging Saksi ni Jehova kung wala ang tulong nila.” Ano ang puwede mong gawin para maipadama sa mga nag-iisang Saksi sa pamilya na bahagi sila ng kongregasyon?

14. Paano mo kakaibiganin ang mga baguhan?

14 Maunang makipagkaibigan. Iparamdam natin sa mga baguhan na welcome sila sa kongregasyon. (Roma 15:7) Pero hindi sapat ang basta batiin lang sila. Kailangan natin silang kaibiganin. Kaya maging mabait at ipakitang nagmamalasakit tayo sa kanila. Sikapin nating maintindihan kung ano ang pinagdadaanan nila, pero iwasan nating manghimasok. Hindi madali para sa ilan na sabihin ang nararamdaman nila, kaya huwag natin silang pilitin. Sa halip, maging maingat sa pagtatanong at makinig na mabuti sa mga sasabihin nila. Halimbawa, puwede mong itanong sa kanila kung paano nila nalaman ang katotohanan.

15. Paano matutulungan ng mga may-gulang na Kristiyano ang iba sa kongregasyon?

15 Mapapatibay ang lahat sa kongregasyon kung nagpapakita ng malasakit ang bawat isa, lalo na ang mga elder o ang may-gulang na mga Kristiyano. Sinabi ni Melissa, na pinalaki ng nanay niya sa katotohanan: “Talagang nagpapasalamat ako sa mga naging tatay ko sa espirituwal. Naglaan sila ng panahon sa akin. Nandiyan sila tuwing kailangan ko ng makakausap.” Ang isang kabataang brother naman na si Mauricio ay nalungkot at nadama niya na nag-iisa siya nang iwan ng nag-Bible study sa kaniya ang katotohanan. Sinabi niya: “Nadama ko ang pagmamalasakit ng mga elder at napatibay talaga ako noon. Lagi nila akong kinukumusta. Sinasamahan nila ako sa ministeryo, ikinukuwento sa akin ang magagandang punto na nakuha nila sa personal study nila, at nakikipaglaro pa nga sila sa akin.” Parehong nagpayunir sina Melissa at Mauricio.

May kakongregasyon ka ba na mas kailangan ang tulong at panahon mo? (Tingnan ang parapo 16-19) *

16-17. Ano ang ilang praktikal na tulong na puwede nating ibigay?

16 Magbigay ng praktikal na tulong. (Gal. 6:10) “Kung minsan, sapat na y’ong simpleng pagpapakita ng kabaitan kapag may pinagdadaanan ka,” ang sabi ni Leo, isang misyonero na naglilingkod sa ibang bansa malayo sa pamilya niya. “Naalala ko no’ng mabangga ang kotse ko. Pagkauwi ko, stress na stress ako. Tapos, inimbitahan ako ng isang mag-asawa na kumain sa kanila. Hindi ko maalala kung ano ang kinain namin, pero tandang-tanda ko na matiyaga silang nakinig sa akin. Dahil doon, gumaan ang pakiramdam ko!”

17 Nasisiyahan tayo sa mga teokratikong pagtitipon, gaya ng mga asamblea at kombensiyon, dahil nakakakuwentuhan natin ang mga kapatid tungkol sa programa. Pero sinabi ni Carol, na binanggit kanina, “Nalulungkot talaga ako tuwing assembly at convention.” Bakit? “Kahit napapalibutan ako ng daan-daan o libo-libo pa ngang kapatid,” ang sabi niya, “madalas, y’ong magkakapamilya naman ang magkakasama. Kaya pakiramdam ko, nag-iisa pa rin ako.” Nahihirapan namang dumalo ang ilan sa mga kombensiyon o asamblea dahil kamamatay lang ng mahal nila sa buhay. May kilala ka bang mga kapatid na ganiyan ang sitwasyon? Bakit hindi mo sila imbitahan na sumama sa pamilya ninyo sa susunod na asamblea o kombensiyon?

18. Paano natin masusunod ang 2 Corinto 6:11-13?

18 Maglaan ng panahon kasama sila. Maglaan ng panahon para makipagsamahan sa mga kapatid, lalo na doon sa mga tingin mo ay nalulungkot. Gusto nating ‘buksang mabuti ang ating puso’ para sa kanila. (Basahin ang 2 Corinto 6:11-13.) “Natutuwa talaga kami kapag iniimbitahan kami ng mga kapatid sa bahay nila o niyayaya nila kaming mamasyal,” ang sabi ni Melissa, na binanggit kanina. May naiisip ka bang kakongregasyon mo na puwede mong imbitahan?

19. Kailan mas mapapahalagahan ng mga kapatid ang paglalaan mo ng panahon para sa kanila?

19 May mga panahon din na mas mapapahalagahan ng mga kapatid ang pakikipagsamahan natin sa kanila. Halimbawa, nahihirapan ang ilan na makasama ang di-Saksi nilang kapamilya kapag holiday. May mga petsa naman na sobrang nalulungkot ang ilan, gaya ng anibersaryo ng kamatayan ng mahal nila sa buhay. Kapag naglalaan tayo ng panahon para makasama ang mga gaya nila, ipinapakita natin na ‘talagang nagmamalasakit’ tayo.​—Fil. 2:20.

20. Paano makakatulong ang sinabi ni Jesus sa Mateo 12:48-50 kapag nalulungkot tayo?

20 Maraming dahilan kung bakit pakiramdam ng isang Kristiyano ay nag-iisa siya. Pero huwag nating kakalimutan na alam na alam iyon ni Jehova. Inilalaan niya ang kailangan natin at kadalasan nang sa pamamagitan ng mga kapatid. (Basahin ang Mateo 12:48-50.) Tayo naman, maipapakita natin na pinapahalagahan natin ang tulong ni Jehova kung gagawin natin ang ating buong makakaya para masuportahan ang ating espirituwal na pamilya. Kahit na nalulungkot tayo kung minsan, tandaan na hindi tayo nag-iisa dahil lagi nating kasama si Jehova!

AWIT 46 Salamat, Jehova

^ par. 5 Nalulungkot ka rin ba kung minsan? Kung oo, tandaan mong alam ni Jehova ang pinagdadaanan mo at gusto niyang tulungan ka. Sa artikulong ito, tatalakayin kung ano ang puwede mong gawin para makayanan ang kalungkutan. Malalaman din natin kung paano natin mapapatibay ang mga kapatid na nalulungkot.

^ par. 5 Binago ang ilang pangalan.

^ par. 60 LARAWAN: Nakakatulong sa isang brother na namatayan ng asawa ang pakikinig sa mga audio recording ng Bibliya at ng pag-aaralan sa pulong.

^ par. 62 LARAWAN: Dumalaw ang isang mag-ama at nagpakita ng kabaitan sa kakongregasyon nila na may-edad na.