Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 25

Huwag Ninyong Titisurin ang “Maliliit na Ito”

Huwag Ninyong Titisurin ang “Maliliit na Ito”

“Huwag ninyong hahamakin ang isa sa maliliit na ito.”​—MAT. 18:10.

AWIT 113 Ang Taglay Nating Kapayapaan

NILALAMAN *

1. Ano ang ginawa ni Jehova para sa bawat isa sa atin?

ANG bawat isa sa atin ay inilapit ni Jehova sa kaniya. (Juan 6:44) Isipin ang ibig sabihin niyan. Habang sinusuri ni Jehova ang puso ng bilyon-bilyong tao sa buong mundo, nakita niya na tapat ka at mamahalin mo siya—at iyon ang mahalaga sa kaniya. (1 Cro. 28:9) Hindi ba nakakapagpatibay malaman na kilala ka ni Jehova, naiintindihan ka niya, at mahal ka niya?

2. Paano ipinakita ni Jesus na nagmamalasakit si Jehova sa bawat isa sa Kaniyang mga tupa?

2 Nagmamalasakit si Jehova sa iyo, pati na sa lahat ng kapatid. Ipinakita ni Jesus ang puntong ito nang ikumpara niya si Jehova sa isang pastol. Kung may 100 tupa at maligaw ang isa, ano ang gagawin ng pastol? “Iiwan [niya] sa mga bundok ang 99 at hahanapin ang isa na naligaw.” At kapag nakita niya ang nawawalang tupa, hindi siya magagalit dito. Matutuwa pa nga siya. Ano ang aral? Ang bawat tupa ay mahalaga kay Jehova. Sinabi ni Jesus: “Hindi gusto ng aking Ama sa langit na mapuksa ang kahit isa sa maliliit na ito.”​—Mat. 18:12-14.

3. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

3 Siguradong ayaw nating masaktan ang mga kapatid natin. Paano natin sila maiiwasang matisod? At ano ang puwede nating gawin kapag may nakasakit sa atin? Sasagutin ang mga iyan sa artikulong ito. Pero alamin muna natin kung sino ang “maliliit na ito” na tinutukoy sa Mateo kabanata 18.

SINO ANG “MALILIIT NA ITO”?

4. Sino ang “maliliit na ito”?

4 Ang “maliliit na ito” ay tumutukoy sa lahat ng alagad ni Jesus. Anuman ang edad nila, masasabing “gaya [sila] ng mga bata” dahil handa silang magpaturo kay Jesus. (Mat. 18:3) Iba-iba sila ng pinagmulan, kultura, pananaw, at ugali, pero lahat sila ay nananampalataya kay Kristo. Kaya naman, mahal na mahal niya sila.​—Mat. 18:6; Juan 1:12.

5. Ano ang nararamdaman ni Jehova kapag may nakatisod o nakasakit sa isang lingkod niya?

5 Napakahalaga kay Jehova ng bawat isa sa “maliliit na ito.” Para maintindihan iyan, isipin ang nararamdaman natin sa mga bata. Mahal na mahal natin sila. Gusto natin silang protektahan kasi mahina sila, kulang sa karanasan, at wala pang masyadong alam. Ang totoo, ayaw nating makitang may nasasaktan, pero mas naiinis tayo o nagagalit pa nga kapag may nanakit sa isang bata. Ganiyan din si Jehova. Gusto niya na protektahan tayo. Kaya naiinis siya o nagagalit pa nga kapag may nakatisod o nakasakit sa isang lingkod niya!—Isa. 63:9; Mar. 9:42.

6. Ayon sa 1 Corinto 1:26-29, ano ang tingin ng sanlibutan sa mga alagad ni Jesus?

6 Bakit pa maituturing na “maliliit” ang mga alagad ni Jesus? Kung iisipin, sino ba ang mahalaga sa sanlibutan? Ang mayayaman, sikat, at maiimpluwensiya. Kadalasan nang hindi ganiyan ang mga alagad ni Jesus. Kaya para sa sanlibutan, hamak lang sila at hindi mahalaga. (Basahin ang 1 Corinto 1:26-29.) Pero iba ang tingin ni Jehova sa kanila.

7. Ano ang gusto ni Jehova na maging tingin natin sa mga kapatid?

7 Mahal ni Jehova ang lahat ng lingkod niya, sila man ay matagal nang naglilingkod sa kaniya o baguhan lang. Mahalaga kay Jehova ang lahat ng kapatid, at dapat na ganoon din ang tingin natin sa kanila. Gusto nating mahalin hindi lang ang ilan sa kanila kundi ang “buong samahan ng mga kapatid.” (1 Ped. 2:17) Dapat na handa tayong gawin ang lahat para maprotektahan sila at maipakitang nagmamalasakit tayo sa kanila. Kaya kapag nakasakit tayo, hindi natin dapat isipin na wala lang iyon at masyado lang maramdamin ang kapatid. Bakit ba nasasaktan ang ilan? Baka dahil sa pagpapalaki sa kanila, mababa ang tingin ng ilang kapatid sa sarili nila. Ang iba naman ay bago lang sa katotohanan kaya madali pa silang matisod. Anuman ang dahilan, dapat nating sikapin na mapanatili ang kapayapaan. Pero kung lagi ring nasasaktan ang isang kapatid, dapat niyang maintindihan na hindi rin maganda ang ugaling iyon. Kailangan niyang sikaping magbago para maging masaya siya, pati na rin ang iba.

ITURING ANG IBA NA NAKATATAAS SA INYO

8. Anong ugali ng mga tao noong panahon ni Jesus ang nakaimpluwensiya sa mga alagad niya?

8 Bakit binanggit ni Jesus ang tungkol sa “maliliit na ito”? Tinanong siya ng mga alagad niya: “Sino talaga ang pinakadakila sa Kaharian ng langit?” (Mat. 18:1) Noon, napakahalaga ng posisyon para sa maraming Judio. Sinabi ng isang iskolar: “Ang mga tao ay handang magbuwis ng buhay alang-alang sa karangalan, reputasyon, popularidad, at sa paghanga at paggalang ng iba.”

9. Ano ang kinailangang gawin ng mga alagad ni Jesus?

9 Karaniwan nang gusto ng mga Judio noon na maging nakatataas sa iba. Kaya alam ni Jesus na kailangang magsikap ng mga alagad niya para mabago ang kaisipang iyon. Sinabi niya sa kanila: “Ang pinakadakila sa inyo ay dapat na maging gaya ng pinakabata, at ang nangunguna ay dapat na maging gaya ng naglilingkod.” (Luc. 22:26) Maipapakita natin na “gaya [tayo] ng pinakabata” kung ‘ituturing natin ang iba na nakatataas’ sa atin. (Fil. 2:3) Kung ganiyan tayo, malamang na mas maiiwasan nating matisod ang iba.

10. Anong payo ni Pablo ang dapat nating sundin?

10 Nakatataas sa atin ang mga kapatid sa iba’t ibang paraan. Madali nating makikita iyan kung magpopokus tayo sa magaganda nilang katangian. Dapat nating sundin ang payo ni apostol Pablo sa mga taga-Corinto: “Ano ba ang mayroon ka kaya naiisip mong nakahihigit ka sa iba? Ano ang mayroon ka na hindi mo tinanggap? At kung tinanggap mo iyon, bakit ka nagmamalaki na para bang hindi mo iyon tinanggap?” (1 Cor. 4:7) Dapat tayong mag-ingat para hindi tayo magpokus sa sarili natin at isipin na nakatataas tayo sa iba. Kung ang isang brother ay magaling magpahayag o ang isang sister ay mahusay magpasimula ng mga Bible study, dapat na lagi nilang ibigay ang papuri kay Jehova.

MAGPATAWAD “MULA SA PUSO”

11. Ano ang aral sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa isang hari at sa alipin nito?

11 Matapos babalaan ni Jesus ang mga tagasunod niya na huwag maging katitisuran sa iba, binanggit niya ang ilustrasyon tungkol sa isang hari at sa alipin nito. Hindi na pinagbayad ng hari ang alipin sa malaking utang na hindi na nito kayang bayaran. Pero pinapabayaran pa rin ng alipin sa kapuwa niya alipin ang utang nito na di-hamak na mas maliit kumpara sa utang niya sa hari. Nang malaman iyon ng hari, ipinabilanggo niya ang walang-awang alipin. Sinabi ni Jesus ang aral: “Ganiyan din ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa langit kung hindi ninyo patatawarin mula sa puso ang inyong kapatid.”​—Mat. 18:21-35.

12. Paano natin nasasaktan ang iba kapag hindi tayo nagpapatawad?

12 Ang ginawa ng alipin ay nakaapekto hindi lang sa kaniya kundi pati na rin sa iba. Una, nasaktan niya ang kapuwa niya alipin nang walang awa niya itong “ipinabilanggo . . . hanggang sa makabayad ito.” Ikalawa, nasaktan din ang ibang alipin na nakakita sa ginawa niya. Nang “makita ng mga kapuwa niya alipin ang nangyari, lungkot na lungkot sila.” Ano ang aral? May epekto sa iba ang ginagawa natin. Kung nagawan tayo ng pagkakamali ng isang kapatid at hindi natin siya pinapatawad, ano ang mangyayari? Una, masasaktan natin siya dahil hindi natin siya pinapatawad, hindi na pinapansin, at hindi na ipinapakitang mahal natin siya. Ikalawa, maaapektuhan din ang iba sa kongregasyon kapag napansin nilang hindi natin kasundo ang kapatid na iyon.

Magtatanim ka ba ng sama ng loob o magpapatawad mula sa puso? (Tingnan ang parapo 13-14) *

13. Ano ang matututuhan mo sa karanasan ng isang payunir?

13 Kung magpapatawad tayo, magiging masaya ang lahat. Iyan ang naranasan ng isang payunir na papangalanan nating Crystal. Nasaktan siya ng isang sister na kakongregasyon niya. Sinabi ni Crystal: “Sobrang sakit niyang magsalita. Ayoko nga siyang makasama sa sasakyan kapag nasa ministeryo. Nawawalan na rin ako ng gana sa ministeryo at hindi na ako masaya.” Pakiramdam ni Crystal, may dahilan naman siya para mainis. Pero hindi siya nagpadaig sa inis niya o nagpokus sa nararamdaman niya. Nagpakumbaba siya at sinunod ang payo ng Bibliya sa artikulong “Magpatawad Mula sa Iyong Puso” sa Oktubre 15, 1999 ng Bantayan. Pinatawad niya ang sister. Sinabi niya: “Naiintindihan ko na ngayon na lahat tayo ay nagsisikap na isuot ang bagong personalidad at na handa si Jehova na patawarin tayo araw-araw. Nawala y’ong bigat ng nararamdaman ko at masaya na ulit ako.”

14. Sa Mateo 18:21, 22, ano ang malamang na nahihirapan si apostol Pedro na gawin at ano ang matututuhan mo sa sagot ni Jesus?

14 Alam natin na dapat tayong magpatawad at iyon ang tamang gawin. Pero baka nahihirapan pa rin tayong gawin iyon. Malamang na may mga pagkakataong naramdaman din iyan ni apostol Pedro. (Basahin ang Mateo 18:21, 22.) Ano ang makakatulong sa atin? Una, isipin na pinapatawad tayo ni Jehova kahit gaano kalaki ang utang, o kasalanan, natin sa kaniya. (Mat. 18:32, 33) Hindi tayo karapat-dapat sa kapatawaran niya, pero pinapatawad pa rin niya tayo. (Awit 103:8-10) Isa pa, “pananagutan din nating ibigin ang isa’t isa.” Kaya hindi opsiyonal ang pagpapatawad. Dapat talaga nating patawarin ang mga kapatid natin. (1 Juan 4:11) Ikalawa, isipin ang resulta kung magpapatawad tayo. Matutulungan natin ang nakagawa ng pagkakamali sa atin, mapapanatili ang pagkakaisa ng kongregasyon, maiingatan natin ang pakikipagkaibigan natin kay Jehova, at mawawala ang bigat ng nararamdaman natin. (2 Cor. 2:7; Col. 3:14) Panghuli, manalangin tayo sa Isa na nagsasabing magpatawad tayo. Huwag nating hayaan si Satanas na sirain ang mapayapang kaugnayan natin sa mga kapatid. (Efe. 4:26, 27) Kailangan natin ang tulong ni Jehova para hindi tayo mabitag ni Satanas.

HUWAG MONG HAYAANG MATISOD KA

15. Ayon sa Colosas 3:13, ano ang puwede nating gawin kapag parang natitisod na tayo sa isang kapatid?

15 Paano kung may nagawa ang isang kapatid na hindi mo nagustuhan? Ano ang dapat mong gawin? Sikapin mo na mapanatili ang kapayapaan. Sabihin mo kay Jehova ang nararamdaman mo. Hilingin sa kaniya na tulungan ang taong nakasakit sa iyo, at tulungan ka rin na makita ang magagandang katangian ng taong iyon—ang mga katangiang nagustuhan ni Jehova sa kaniya. (Luc. 6:28) Kung hindi mo kayang palampasin ang nagawa niya, isipin ang pinakamagandang paraan kung paano mo siya kakausapin. Laging mabuting isipin na hindi sasadyain ng mga kapatid na saktan tayo. (Mat. 5:23, 24; 1 Cor. 13:7) Kapag kinausap mo siya, isipin na maganda naman ang intensiyon niya. Pero paano kung ayaw niyang makipagpayapaan? ‘Patuloy siyang pagtiisan’ at pagpasensiyahan. Huwag kang susuko. (Basahin ang Colosas 3:13.) Higit sa lahat, huwag na huwag kang magtatanim ng sama ng loob, dahil sisirain nito ang kaugnayan mo kay Jehova. Huwag mong hayaan na may anumang makatisod sa iyo. Kapag ginawa mo iyan, mapapatunayan mo na si Jehova ang pinakamahalaga sa buhay mo.​—Awit 119:165.

16. Ano ang pananagutan ng bawat isa sa atin?

16 Pinapahalagahan natin ang pribilehiyo na mapaglingkuran si Jehova kasama ang mga kapatid at maipakitang tayo ay “iisang kawan” sa ilalim ng “iisang pastol”! (Juan 10:16) Sinabi sa pahina 165 ng aklat na Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova: “Dahil nakikinabang ka sa pagkakaisang iyan, may pananagutan ka sa pagpapanatili nito.” Kaya dapat nating tularan ang pananaw ni Jehova sa ating mga kapatid. Para sa kaniya, mahalaga ang bawat isa sa atin. Mahalaga rin ba sa iyo ang mga kapatid? Tandaan na nakikita at pinapahalagahan ni Jehova ang pagtulong mo at pagmamalasakit sa kanila.​—Mat. 10:42.

17. Ano ang determinado nating gawin?

17 Mahal natin ang mga kapananampalataya natin. Kaya “determinado tayong huwag maglagay ng katitisuran o harang sa harap ng isang kapatid.” (Roma 14:13) Itinuturing natin sila na nakahihigit sa atin at gusto natin silang patawarin mula sa puso. Huwag nating hayaan na matisod tayo ng iba. Sa halip, “itaguyod natin ang mga bagay na nagdudulot ng kapayapaan at nakapagpapatibay sa isa’t isa.”​—Roma 14:19.

AWIT 130 Maging Mapagpatawad

^ par. 5 Dahil hindi tayo perpekto, may mga nagagawa tayo o nasasabi na nakakasakit sa ating mga kapatid. Ano ang gagawin natin kapag nangyari iyon? Handa ba tayong lumapit para ayusin ang problema? Agad ba tayong humihingi ng tawad? O iniisip natin na kung nasaktan sila, problema na nila iyon? Pero paano naman kung tayo ang madaling masaktan sa sinasabi o ginagawa ng iba? Ikinakatuwiran ba natin, ‘Ganito na talaga ako eh’? O naiintindihan natin na kahinaan iyon at kailangan nating baguhin?

^ par. 53 LARAWAN: Isang sister ang naiinis sa kakongregasyon niya. Pinag-usapan nila ang problema nang silang dalawa lang, kinalimutan ang nangyari, at masayang naglingkod nang magkasama.