Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TALAMBUHAY

Inuuna Ko si Jehova sa Lahat ng Desisyon Ko

Inuuna Ko si Jehova sa Lahat ng Desisyon Ko

ISANG maaraw na umaga noong 1984, papunta ako sa trabaho mula sa amin, na isang mayamang lugar sa Caracas, Venezuela. Habang nasa daan, pinag-iisipan ko ang isang bagong artikulo sa magasing Bantayan. Tungkol iyon sa kung ano ang tingin sa atin ng kapuwa natin. Habang nakatingin sa mga nadadaanan kong bahay, naisip ko: ‘Ano kaya ang tingin sa akin ng mga kapitbahay namin? Isang executive sa bangko o isang ministro ng Diyos na nagtatrabaho para suportahan ang pamilya ko?’ Parang alam ko na ang iniisip nila, at hindi ko iyon gusto. Kaya may ginawa akong mga pagbabago.

Ipinanganak ako noong Mayo 19, 1940 sa bayan ng Amioûn, Lebanon. Pagkalipas ng ilang taon, lumipat ang pamilya namin sa lunsod ng Tripoli, kung saan ako pinalaki ng isang mapagmahal at masayang pamilya na nakakakilala at umiibig sa Diyos na Jehova. Bunso ako sa limang magkakapatid—tatlong babae at dalawang lalaki. Para sa mga magulang ko, pangalawahin lang ang pagkita ng pera. Nakapokus kami sa pagba-Bible study, pagdalo sa pulong, at pagtulong sa iba na makilala ang Diyos.

May ilang pinahirang Kristiyano sa kongregasyon namin. Isa na rito si Michel Aboud, na naging konduktor sa tinatawag natin noon na pag-aaral sa aklat. Natutuhan niya ang katotohanan sa New York at nangaral siya sa Lebanon noong 1921. Tandang-tanda ko pa kung paano niya nirespeto at tinulungan ang dalawang sister na nagtapos sa Paaralang Gilead—sina Anne at Gwen Beavor. Naging kaibigan namin sila. Pagkalipas ng ilang dekada, masayang-masaya ako kasi nakita ko si Anne sa United States. Di-nagtagal, nakita ko rin si Gwen, na napangasawa si Wilfred Gooch at naglilingkod sa Bethel sa London, England.

PANGANGARAL SA LEBANON

Noong kabataan pa ako, kaunti lang ang Saksi sa Lebanon. Pero masigasig naming itinuturo sa iba ang mga natutuhan namin sa Bibliya. Ginagawa namin iyon kahit pinag-uusig kami ng ilang lider ng relihiyon. Tandang-tanda ko pa ang ilang nangyari sa amin.

Minsan, magkasama kaming nangangaral ni Ate Sana sa isang apartment building. Habang nakikipag-usap sa mga tagaroon, may dumating na pari. Siguradong may nagpapunta sa kaniya. Galit na galit ang pari. Ininsulto niya si Ate at itinulak sa hagdan. Buti na lang, may tumawag ng pulis para matulungan si Ate kasi nasugatan siya. Dinala ang pari sa istasyon ng pulis at nalaman nilang may baril ito. Tinanong siya ng hepe ng pulis: “Ano ka ba talaga? Lider ng relihiyon o lider ng gang?”

Natatandaan ko rin noong umarkila ang kongregasyon namin ng bus na maghahatid sa amin sa isang liblib na bayan para mangaral. Okey naman ang lahat hanggang sa malaman ng pari doon ang ginagawa namin at magtawag ng mga manghaharas sa amin. Pinagbabato nila kami kaya nasugatan si Tatay. Naaalala ko pa na duguan ang mukha niya. Magkasama silang bumalik ni Nanay sa bus at sumunod kami na alalang-alala. Pero hinding-hindi ko makakalimutan ang sinabi ni Nanay noong nililinis niya ang sugat ni Tatay: “Jehova, patawarin n’yo po sila. Hindi nila alam ang ginagawa nila.”

Minsan naman, bumisita kami sa mga kamag-anak namin. Nagkataong nasa bahay ni Lolo ang isang prominenteng lider ng relihiyon, isang obispo. Alam niyang Saksi ni Jehova ang mga magulang ko. Kahit six years old pa lang ako, gusto niya akong ipahiya at sinabi, “Bakit hindi ka pa nabibinyagan?” Sinabi kong bata pa ako at kailangan ko pang matuto tungkol sa Bibliya at magkaroon ng matibay na pananampalataya bago ako mabautismuhan. Hindi niya nagustuhan ang sagot ko kaya sinabi niya kay Lolo na wala akong galang.

Pero iilan lang ang gayong di-magagandang karanasan. Karaniwan na, palakaibigan at mapagpatuloy ang mga taga-Lebanon kaya marami kaming nakakausap tungkol sa Bibliya at naba-Bible study.

PAGLIPAT SA IBANG BANSA

Noong nag-aaral pa ako, may isang kabataang brother na taga-Venezuela na dumalaw sa Lebanon. Nakidalo siya sa mga pulong namin. Nakilala niya si Ate Wafa at niligawan ito. Nang maglaon, nagpakasal sila at tumira sa Venezuela. Sa mga sulat ni Ate Wafa, kinukumbinsi niya si Tatay na lumipat ang buong pamilya sa Venezuela kasi miss na miss na niya kami. Noong bandang huli, napapayag din niya kami!

Dumating kami sa Venezuela noong 1953 at tumira sa Caracas, malapit sa palasyo ng presidente. Dahil kabataan pa ako, tuwang-tuwa ako kapag nakikita ko ang presidente sakay ng mamahalin niyang kotse. Pero hindi madali para sa mga magulang ko na mag-adjust sa bagong bansa, wika, kultura, pagkain, at klima. Kaya lang, noon namang nakakapag-adjust na sila, may nangyaring hindi maganda.

Mula sa kaliwa pakanan: Si Tatay. Si Nanay. Ako noong 1953 nang lumipat ang pamilya namin sa Venezuela

NAPAKALUNGKOT NA PANGYAYARI

Nagkasakit si Tatay. Hindi kami makapaniwala kasi malakas siya at malusog. Parang wala nga kaming matandaan na nagkasakit siya. Pagkatapos, na-diagnose na mayroon siyang pancreatic cancer at nagpaopera siya. Nakakalungkot, namatay siya pagkalipas ng isang linggo.

Hindi namin maipaliwanag ang nararamdaman namin. Nang mangyari iyon, 13 lang ako. Na-shock kami at parang gumuho ang mundo namin. Hindi matanggap ni Nanay na wala na si Tatay. Pero kailangan naming kayanin ito at nagawa namin iyon sa tulong ni Jehova. Naka-graduate ako sa high school sa Caracas noong 16 ako, at gustong-gusto kong suportahan ang pamilya ko.

Si Ate Sana at ang asawa niyang si Kuya Rubén, na malaki ang naitulong para mas mapalapít ako kay Jehova

Napangasawa naman ni Ate Sana si Kuya Rubén Araujo, na nagtapos sa Paaralang Gilead at bumalik sa Venezuela. Pagkatapos, lumipat sila sa New York. At nang gusto na akong pag-aralin ng pamilya ko sa unibersidad, doon na ako nag-aral sa New York at nakituloy kina Ate Sana at Kuya Rubén. Napakalaki ng naitulong nila para mas mapalapít ako kay Jehova. Marami ring matured na kapatid sa kongregasyon namin, ang Brooklyn Spanish Congregation. Masaya ako na nakilala ko ang dalawa sa kanila—sina Milton Henschel at Frederick Franz, na parehong naglingkod sa Bethel sa Brooklyn.

Nang mabautismuhan ako noong 1957

Noong malapit na akong magtapos sa unang taon sa unibersidad, nagsimula akong mag-isip tungkol sa ginagawa ko sa buhay ko. Binasa ko at pinag-isipang mabuti ang mga artikulo sa Bantayan tungkol sa mga Kristiyanong may magagandang tunguhin. Nakita ko kung gaano kasaya ang mga kakongregasyon kong payunir at Bethelite, at gusto kong maging gaya nila. Kaya lang, hindi pa ako bautisado. Pero naisip ko rin na kailangan kong ialay ang buhay ko kay Jehova. Kaya ginawa ko iyon at nagpabautismo noong Marso 30, 1957.

MAHAHALAGANG DESISYON

Pagkatapos kong magpabautismo, pinag-isipan kong magpayunir. Gustong-gusto ko iyon, pero parang ang hirap. Paano ko pagsasabayin ang pag-aaral at pagpapayunir? Maraming beses kaming nagsulatan ng pamilya ko sa Venezuela para ipaliwanag sa kanila ang desisyon kong tumigil sa pag-aaral, bumalik sa Venezuela, at magpayunir.

Bumalik ako sa Caracas noong Hunyo 1957. Pero nakita kong kapos sa pinansiyal ang pamilya namin. Kailangang may isa pa sa amin na kumita ng pera. Paano ako makakatulong? Inalok ako ng trabaho sa isang bangko, pero gusto ko talagang magpayunir at iyan ang dahilan kung bakit ako bumalik. Desidido ako na makapagtrabaho at makapagpayunir. Sa loob ng ilang taon, nagtrabaho ako nang full-time sa bangko at nagpayunir. Sobrang busy ko, pero noon lang ako naging ganoon kasaya!

Napakasaya ko rin nang makilala ko at mapangasawa si Sylvia, isang magandang sister na taga-Germany na mahal na mahal si Jehova. Lumipat sila ng mga magulang niya sa Venezuela. Nagkaroon kami ng dalawang anak, sina Michel (Mike) at Samira. Ako na rin ang nag-alaga kay Nanay at sa amin na siya tumira. Kahit huminto na ako sa pagpapayunir para maasikaso ang pamilya ko, hindi pa rin nawala ang sigasig ko. Kapag kaya namin, nag-o-auxiliary pioneer kami ni Sylvia tuwing bakasyon.

ISA PANG MAHALAGANG DESISYON

Nag-aaral pa ang mga anak ko nang maranasan ko ang binanggit ko sa simula ng artikulong ito. Inaamin ko na napakaalwan ng buhay ko at nirerespeto ako ng mga katrabaho ko sa bangko. Pero mas gusto ko na makilala ako bilang lingkod ni Jehova. Hindi iyon mawala-wala sa isip ko nang araw na iyon, kaya pinag-usapan naming mag-asawa ang budget namin. Kapag nagbitiw ako sa trabaho, makakatanggap ako ng malaking halaga. At dahil wala naman kaming utang, makakasapat ang pera namin sa mahaba-habang panahon kung papasimplehin namin ang buhay namin.

Hindi madali ang desisyong iyon pero talagang sinuportahan ako ng asawa ko at ni Nanay. Kaya makakapagpayunir na ulit ako. Sobrang saya ko! Parang walang magiging problema. Pero di-nagtagal, may natanggap kaming di-inaasahang balita.

ISANG DI-INAASAHANG PAGPAPALA!

Ang ikatlo naming anak na si Gabriel, na isang di-inaasahang pagpapala

Nagulat kami nang sabihin ng doktor na buntis si Sylvia. Napakasaya namin. Pero paano na ang plano kong magpayunir? Makakapagpayunir pa kaya ako? Nakapag-adjust din naman kami agad at masaya kami na magkaka-baby kami. Pero iniisip ko pa rin ang plano kong magpayunir.

Pinag-usapan namin ang tunguhin namin at desidido kaming ituloy ang plano. Ipinanganak si Gabriel noong Abril 1985. Nag-resign ako sa bangko at nag-regular pioneer ulit noong Hunyo 1985. Nang maglaon, naging miyembro ako ng Komite ng Sangay. Pero malayo sa Caracas ang sangay kaya kailangan kong magbiyahe nang mga 80 kilometro sa loob ng dalawa o tatlong araw kada linggo.

MULING PAGLIPAT

Nasa bayan ng La Victoria ang tanggapang pansangay. Kaya lumipat ang pamilya namin doon para mas malapit kami sa Bethel. Malaking pagbabago iyon! Talagang nagpapasalamat ako sa suporta ng pamilya ko. Si Ate Baha na ang nag-aalaga kay Nanay. May asawa na si Mike; pero dahil nasa poder pa rin namin sina Samira at Gabriel, kailangan nilang iwan ang mga kaibigan nila. Kailangan ding mag-adjust ni Sylvia kasi maliit na bayan lang ang La Victoria kumpara sa lunsod ng Caracas. Mas maliit din ang bahay na tinirhan namin. Talagang malaking pagbabago ang paglipat namin!

Pero nagbago ulit ang sitwasyon. Nag-asawa si Gabriel at bumukod si Samira. Pagkatapos, inimbitahan kami ni Sylvia na maging Bethelite noong 2007, isang pribilehiyo na nae-enjoy namin hanggang sa ngayon. Ang panganay naming si Mike ay isa nang elder at nagpapayunir kasama ang asawa niyang si Monica. Elder na rin si Gabriel at naglilingkod sa Italy kasama ang asawa niyang si Ambra. Si Samira naman ay payunir at remote volunteer sa Bethel.

Mula sa kaliwa pakanan: Kasama ang asawa kong si Sylvia sa sangay sa Venezuela. Ang panganay namin na si Mike kasama si Monica. Si Samira. Si Gabriel kasama si Ambra

IYON PA RIN ANG MAGIGING DESISYON KO

Marami akong ginawang mahahalagang desisyon sa buhay ko at wala akong pinagsisisihan. Iyon pa rin ang magiging desisyon ko. Talagang ipinagpapasalamat ko ang maraming pribilehiyong natanggap ko sa paglilingkod kay Jehova. Sa loob ng maraming taon, nakita ko kung gaano kahalagang mapanatili ang malapít na kaugnayan kay Jehova. Malaki man o maliit ang desisyong gagawin natin, bibigyan niya tayo ng kapayapaan na “nakahihigit sa lahat ng kaisipan.” (Fil. 4:6, 7) Masayang-masaya kami ni Sylvia sa paglilingkod sa Bethel at pinagpala kami ni Jehova dahil lagi namin siyang inuuna sa mga desisyon namin.