ARALING ARTIKULO 25
Pinagpapala ni Jehova ang mga Nagpapatawad
“Kung paanong lubusan kayong pinatawad ni Jehova, dapat na ganoon din ang gawin ninyo.”—COL. 3:13.
AWIT 130 Maging Mapagpatawad
NILALAMAN *
1. Ano ang tinitiyak ni Jehova sa mga tunay na nagsisisi?
SI Jehova ang ating Maylalang, Tagapagbigay-Batas, at Hukom. Pero siya rin ang ating mapagmahal na Ama sa langit. (Awit 100:3; Isa. 33:22) Kapag nagkasala tayo sa kaniya at tunay na nagsisisi, may kakayahan siyang patawarin tayo at gustong-gusto niyang gawin iyon. (Awit 86:5) Sa pamamagitan ni propeta Isaias, tinitiyak sa atin ni Jehova: “Kahit na ang mga kasalanan ninyo ay gaya ng iskarlata, mapapuputi ang mga ito na gaya ng niyebe.”—Isa. 1:18.
2. Ano ang dapat nating gawin kung gusto nating magkaroon ng magandang kaugnayan sa iba?
2 Dahil hindi tayo perpekto, lahat tayo ay nakakapagsalita at nakakagawa ng mga bagay na nakakasakit sa iba. (Sant. 3:2) Pero kahit ganoon, puwede pa rin tayong mapalapít sa kanila kung magiging mapagpatawad tayo. (Kaw. 17:9; 19:11; Mat. 18:21, 22) Kung masaktan natin ang isa’t isa dahil lang sa simpleng mga bagay, gusto ni Jehova na magpatawad tayo. (Col. 3:13) May magandang dahilan para gawin iyan, kasi nagpapatawad si Jehova “nang lubusan.”—Isa. 55:7.
3. Ano ang mga tatalakayin natin sa artikulong ito?
3 Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung paano matutularan ng di-perpektong mga tao ang pagpapatawad ni Jehova. Anong mga kasalanan ang dapat nating ipagtapat sa mga elder? Bakit pinapasigla tayo ni Jehova na patawarin ang iba? Ano ang matututuhan natin sa mga kapatid na talagang naapektuhan ng kasalanan ng iba?
KAPAG NAKAGAWA NG MALUBHANG KASALANAN ANG ISANG KRISTIYANO
4. (a) Kapag nakagawa ng malubhang pagkakasala ang isang lingkod ni Jehova, ano ang dapat niyang gawin? (b) Ano ang pananagutan ng mga elder kapag kinausap nila ang nagkasala?
4 Dapat ipagtapat sa mga elder ang malulubhang kasalanan. Makikita ang ilan sa mga ito sa 1 Corinto 6:9, 10. Ang malulubhang kasalanan ay matinding paglabag sa mga utos ng Diyos. Kapag nagkasala nang malubha ang isang Kristiyano, dapat siyang lumapit sa Diyos na Jehova sa panalangin, at dapat niya itong ipagtapat sa mga elder sa kongregasyon. (Awit 32:5; Sant. 5:14) Ano ang pananagutan ng mga elder? Si Jehova lang ang may awtoridad na lubusang magpatawad sa mga kasalanan. At ginawa niya itong posible sa pamamagitan ng haing pantubos. * Pero pinagkatiwalaan ni Jehova ang mga elder ng pananagutan na alamin mula sa Kasulatan kung karapat-dapat manatili sa kongregasyon ang nagkasala. (1 Cor. 5:12) Para magawa iyan, inaalam nila ang sagot sa mga tanong na ito: Sinadya ba ng isa ang paggawa ng kasalanan? Itinago ba niya ito sa iba? Paulit-ulit ba niya itong ginagawa sa loob ng mahabang panahon? Higit sa lahat, may ebidensiya ba na talagang nagsisisi siya? May mga palatandaan ba na pinatawad na siya ni Jehova?—Gawa 3:19.
5. Ano ang magagandang resulta ng ginagawa ng mga elder?
5 Kapag kinakausap ng mga elder ang nagkasala, tunguhin nila na makagawa ng desisyon na gaya ng desisyon na ginawa na sa langit. (Mat. 18:18) Paano nakikinabang ang kongregasyon sa kaayusang ito? Napoprotektahan ang mahahalagang tupa ni Jehova kapag inalis sa kongregasyon ang di-nagsisising nagkasala. (1 Cor. 5:6, 7, 11-13; Tito 3:10, 11) Makakatulong din ito sa nagkasala na magsisi at makinabang mula sa pagpapatawad ni Jehova. (Luc. 5:32) Ipapanalangin ng mga elder ang nagsisising nagkasala at hihilingin nila kay Jehova na tulungan siyang maibalik ang espirituwalidad niya.—Sant. 5:15.
6. Kung matiwalag ang isa, posible pa kaya siyang mapatawad? Ipaliwanag.
6 Ipagpalagay nang nakita ng mga elder na hindi nagsisisi ang nagkasala nang kausapin nila siya. Sa ganitong kaso, ititiwalag siya mula sa kongregasyon. Kung nilabag niya ang batas ng gobyerno, hindi siya poprotektahan ng mga elder mula sa kaparusahan. Pinapahintulutan ni Jehova ang sekular na mga awtoridad na hatulan at parusahan ang sinumang lumalabag sa batas—nagsisisi man ito o hindi. (Roma 13:4) Pero kung matauhan ang nagkasala at talagang magsisi siya at manumbalik, handa siyang patawarin ni Jehova. (Luc. 15:17-24) At posible iyan kahit sobrang bigat ng mga kasalanan niya.—2 Cro. 33:9, 12, 13; 1 Tim. 1:15.
7. Paano natin masasabi na pinapatawad natin ang isang nagkasala sa atin?
7 Mabuti na lang at nalaman natin na hindi tayo ang magpapasiya kung papatawarin ni Jehova ang isang nagkasala! Pero may isang bagay na kailangan nating pagpasiyahan. Ano iyon? Baka may mga pagkakataon na nagawan tayo ng mali ng isang tao—baka mabigat pa nga ang naging kasalanan niya—pero humingi siya ng tawad. May pagkakataon naman na hindi siya humingi ng tawad. Kung ganiyan ang sitwasyon, puwede tayong magpasiya na patawarin siya. Ibig sabihin, hindi na tayo magkikimkim ng sama ng loob at magagalit sa kaniya. Ang totoo, baka kailangan natin ng panahon at pagsisikap, lalo na kapag sobra tayong nasaktan. Ganito ang sinabi ng Bantayan ng Setyembre 15, 1994: “Kapag pinatawad mo ang isang nagkasala, hindi ito nangangahulugan na pinalalampas mo ang kasalanan. Para sa isang Kristiyano, ang pagpapatawad ay nangangahulugan ng may-tiwalang paglalagay niyaon sa mga kamay ni Jehova. Siya ang matuwid na Hukom sa buong sansinukob, at ilalapat niya ang katarungan sa tamang panahon.” Bakit tayo pinapasigla ni Jehova na magpatawad at ipaubaya sa kaniya ang mga bagay-bagay?
KUNG BAKIT TAYO PINAPASIGLA NI JEHOVA NA MAGPATAWAD
8. Paano natin ipinapakitang pinapahalagahan natin ang awa ni Jehova?
8 Kapag nagpapatawad tayo, ipinapakita natin na pinapahalagahan natin ang awa ni Jehova. Sa isang ilustrasyon, inihalintulad ni Jesus si Jehova sa isang panginoon na kinansela ang napakalaking utang ng alipin niya dahil wala itong kakayahang magbayad. Pero hindi nagpakita ng awa ang aliping iyon sa isang alipin na may maliit na utang sa kaniya. (Mat. 18:23-35) Ano ang itinuturo sa atin ni Jesus? Kung talagang pinapahalagahan natin ang dakilang awa ni Jehova sa atin, mapapakilos tayo na patawarin ang iba. (Awit 103:9) Ganito ang sinabi ng The Watchtower maraming taon na ang nakakaraan: “Gaano man karaming beses nating patawarin ang kapuwa natin, hindi natin mapapantayan ang laki ng pagpapatawad at awa ng Diyos sa atin sa pamamagitan ni Kristo.”
9. Kanino nagpapakita ng awa si Jehova? (Mateo 6:14, 15)
9 Papatawarin ang mga nagpapatawad. Nagpapakita ng awa si Jehova sa mga maawain. (Mat. 5:7; Sant. 2:13) Nilinaw iyan ni Jesus nang turuan niya ang mga alagad niya kung paano mananalangin. (Basahin ang Mateo 6:14, 15.) Ganiyan din ang matututuhan natin sa sinabi ni Jehova sa lingkod niyang si Job. Talagang nasaktan ang tapat na lalaking ito sa masasakit na salitang sinabi nina Elipaz, Bildad, at Zopar. Sinabi ni Jehova kay Job na ipanalangin niya sila. Nang gawin iyon ni Job, pinagpala siya ni Jehova.—Job 42:8-10.
10. Bakit nakakasamâ ang pagkikimkim ng sama ng loob? (Efeso 4:31, 32)
10 Nakakasamâ ang pagkikimkim ng sama ng loob. Ang pagkikimkim ng sama ng loob ay parang mabigat na pasanin. Gusto ni Jehova na alisin natin iyon para gumaan ang loob natin. (Basahin ang Efeso 4:31, 32.) Pinapayuhan niya tayo na ‘alisin ang galit at huwag nang magngalit.’ (Awit 37:8) Makakatulong sa atin ang pagsunod sa payong iyan. Kung magkikimkim tayo ng sama ng loob, makakaapekto iyan sa ating pisikal at mental na kalusugan. (Kaw. 14:30) Hindi ang nakasakit sa atin ang maaapektuhan. Para itong pag-inom ng lason. Kapag ikaw ang uminom nito, hindi siya ang mapapahamak. Pero kung magpapatawad tayo, binibigyan natin ang sarili natin ng regalo. (Kaw. 11:17) Nagkakaroon tayo ng kapayapaan ng isip at puso, at patuloy tayong makakapaglingkod kay Jehova.
11. Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa paghihiganti? (Roma 12:19-21)
11 Kay Jehova ang paghihiganti. Hindi tayo binigyan ni Jehova ng awtoridad na maghiganti kapag may nagkakasala sa atin. (Basahin ang Roma 12:19-21.) Dahil hindi tayo perpekto at limitado lang ang nalalaman natin, wala tayong kakayahang humatol nang tama, di-gaya ng Diyos. (Heb. 4:13) At kung minsan, dahil sa emosyon natin, nahihirapan tayong makagawa ng tamang paghatol. Ipinasulat ni Jehova kay Santiago: “Ang galit ng tao ay hindi nagbubunga ng katuwiran ng Diyos.” (Sant. 1:20) Talagang makakatiyak tayo na gagawin ni Jehova ang tama at ilalapat niya ang katarungan.
12. Paano natin maipapakita na nagtitiwala tayo sa katarungan ni Jehova?
12 Kapag nagpapatawad tayo, ipinapakita nating nagtitiwala tayo sa katarungan ni Jehova. Kung ipapaubaya natin kay Jehova ang mga bagay-bagay, ipinapakita nating nagtitiwala tayo na kayang ayusin ni Jehova ang lahat ng problemang idinulot ng kasalanan. Sa ipinangako niyang bagong sanlibutan, “hindi na maaalaala pa” ang masasakit na alaalang naranasan natin, at “mawawala na ang mga ito sa puso” natin nang lubusan. (Isa. 65:17) Pero kung sobra tayong nasaktan, posible ba talagang mawala ang galit at hinanakit sa puso natin? Tingnan kung paano ito nagawa ng ilan.
MGA PAGPAPALA KAPAG NAGPAPATAWAD TAYO
13-14. Sa karanasan nina Tony at José, ano ang natutuhan mo tungkol sa pagpapatawad?
13 Maraming kapatid ang nagpasiyang magpatawad kahit sobra silang nasaktan sa ginawa ng iba. Anong mga pagpapala ang naranasan nila?
14 Bago maging Saksi ni Jehova, nalaman ni Tony, * taga-Pilipinas, na pinatay ang kuya niya ng isang lalaki na ang pangalan ay José. Noong panahong iyon, kilalá si Tony na marahas at gusto niyang mahanap ang lalaking iyon para maghiganti. Si José naman ay naaresto at nakulong dahil sa krimeng ginawa niya. Nang makalaya si José, ipinangako ni Tony sa sarili niya na hahanapin niya ito at papatayin. Bumili pa nga siya ng baril. Di-nagtagal, nakipag-aral ng Bibliya si Tony sa mga Saksi ni Jehova. Sinabi niya, “Natutuhan ko na kailangan kong baguhin ang ugali at mga pagkilos ko, pati na rin ang galit na nararamdaman ko.” Nang maglaon, nabautismuhan si Tony at di-nagtagal, naging elder siya. Laking gulat niya nang malaman niya na naging Saksi ni Jehova rin si José! Nang magkita sila, niyakap nila ang isa’t isa, at sinabi ni Tony kay José na pinatawad niya na ito. Sinabi ni Tony na hindi niya maipaliwanag ang sayang naramdaman niya dahil nagpatawad siya. Pinagpala ni Jehova si Tony dahil handa siyang magpatawad.
15-16. Sa karanasan nina Peter at Sue, ano ang natutuhan mo tungkol sa pagpapatawad?
15 Noong 1985, kasalukuyang nasa pulong sa Kingdom Hall sina Peter at Sue nang biglang magkaroon ng malakas na pagsabog. Isang lalaking hindi Saksi ni Jehova ang naglagay ng bomba sa loob ng Kingdom Hall! Nagtamo ng matitinding pinsala si Sue. Nasira ang paningin niya, pandinig, at pang-amoy. * Madalas maitanong nina Peter at Sue, ‘Anong klaseng tao ang gagawa ng napakasamang bagay na iyon?’ Pagkalipas ng maraming taon, naaresto at nasentensiyahan ng habambuhay na pagkabilanggo ang gumawa ng krimeng iyon. Nang tanungin sina Peter at Sue kung napatawad na nila ang lalaki, sinabi nila: “Itinuro sa amin ni Jehova na nakakasamâ sa pisikal, emosyonal, at mental ang pagkikimkim ng galit at sama ng loob. Kaya sa simula pa lang, hiniling na namin kay Jehova na tulungan kaming maalis ang galit at hinanakit para makapagpatawad kami at maipagpatuloy ang buhay namin.”
16 Naging madali ba para sa kanila na magpatawad? May mga pagkakataon na hindi. Sinabi pa nila: “Kung minsan, kapag nahihirapan si Sue dahil sa mga injury niya, nakakaramdam ulit kami ng galit. Pero ayaw naming isip-isipin iyon, kaya madali ring nawawala ang galit namin. Ang totoo, masasabi talaga namin na kung magiging Saksi ang taong iyon, tatanggapin namin siya. Sa karanasang ito, nakita namin na talagang nagpapalaya ang mga prinsipyo sa Bibliya sa paraang hindi mo maiisip! Napatibay rin kami dahil alam naming malapit nang ayusin ni Jehova ang lahat ng bagay.”
17. Sa karanasan ni Myra, ano ang matututuhan mo tungkol sa pagpapatawad?
17 May asawa na si Myra at may dalawa nang anak nang matuto siya ng katotohanan. Hindi naging Saksi ang asawa niya. Nang bandang huli, nangalunya ito at iniwan sila. Sinabi ni Myra: “Nang iwan kaming mag-iina ng asawa ko, naramdaman ko rin ang naramdaman ng maraming pinagtaksilan ng asawa nila—pagkabigla, hindi makapaniwala, pagdadalamhati, panghihinayang, galit, at paninisi sa sarili.” Kahit hiwalay na sila, nasasaktan pa rin siya. Sinabi pa ni Myra: “Ilang buwan din akong balisa at galít, at nakita ko na nakakaapekto na iyon sa kaugnayan ko kay Jehova at sa iba.” Sa ngayon, masasabi niya na hindi na siya galít at wala na siyang hinanakit sa dati niyang asawa. Umaasa rin siya na darating ang panahon na kikilalanin nito si Jehova. Nagawa ni Myra na kalimutan ang nakaraan. Kahit nagsosolong magulang, napalaki niya ang dalawang anak niya na maging lingkod ni Jehova. Sa ngayon, masayang naglilingkod kay Jehova si Myra kasama ang mga anak niya at ang kani-kanilang pamilya.
PERPEKTO ANG KATARUNGAN NI JEHOVA
18. Bakit makakapagtiwala tayo kay Jehova bilang ang Kataas-taasang Hukom?
18 Mabuti na lang at hindi ibinigay sa atin ni Jehova ang awtoridad para hatulan ang iba! Si Jehova ang bahala sa mahalagang gawaing ito dahil siya ang Kataas-taasang Hukom. (Roma 14:10-12) Talagang makakapagtiwala tayo na lagi siyang hahatol kaayon ng perpektong pamantayan niya ng tama at mali. (Gen. 18:25; 1 Hari 8:32) Laging matuwid ang hatol niya!
19. Dahil perpekto ang katarungan ni Jehova, ano ang maaasahan natin?
19 Nasasabik na tayo sa panahon kapag inayos na ni Jehova ang masasamang resulta ng kasalanan at pagiging di-perpekto ng tao. Sa panahong iyon, ang lahat ng sakit na nararamdaman natin sa pisikal at emosyonal ay lubusan nang mawawala. (Awit 72:12-14; Apoc. 21:3, 4) Ang mga ito ay hindi na maaalaala pa. Habang hinihintay natin ang napakagandang panahong iyon, talagang nagpapasalamat tayo kay Jehova dahil binigyan niya tayo ng kakayahang tularan ang pagiging mapagpatawad niya.
AWIT 18 Salamat sa Pantubos
^ Gustong-gusto ni Jehova na patawarin ang mga nagsisising nagkasala. Bilang mga Kristiyano, gusto natin siyang tularan kapag may nakasakit sa atin. Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang mga kasalanan ng iba na puwede mong patawarin at ang mga kasalanan na dapat mong ipagtapat sa mga elder. Tatalakayin din natin kung bakit gusto ni Jehova na patawarin natin ang isa’t isa at ang mga pagpapala na tatanggapin natin kapag ginawa natin iyan.
^ Tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Bantayan, Abril 15, 1996.
^ Binago ang ilang pangalan.
^ Tingnan ang Gumising! ng Enero 8, 1992, p. 9-13. Panoorin din sa JW Broadcasting® ang video na Peter at Sue Schulz: Mapagtatagumpayan ang Trauma.