ARALING ARTIKULO 26
Tinutulungan Tayo ng Pag-ibig na Madaig ang Takot
“Kakampi ko si Jehova; hindi ako matatakot.”—AWIT 118:6.
AWIT 105 Si Jehova ay Pag-ibig
NILALAMAN *
1. Ano ang ikinakatakot ng ilang kapatid?
TINGNAN ang halimbawa ng ilang Saksi ni Jehova. Gusto ni Nestor at ng asawa niyang si María na maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. * Para magawa iyon, kailangan nilang magpasimple ng buhay. Pero natatakot sila na baka hindi sila maging masaya kung kaunti na lang ang pera nila. Nang maging Saksi ni Jehova si Biniam sa isang bansa kung saan sinasalansang ang gawain natin, alam niya na puwede siyang pag-usigin. Kaya natakot siya. Pero ang mas ikinatakot niya ay ang magiging reaksiyon ng pamilya niya kapag nalaman nila na nagbago siya ng relihiyon. Na-diagnose si Valérie na may kanser siya na mabilis kumalat, at nahirapan siyang makahanap ng mag-oopera sa kaniya na rerespeto sa paniniwala niya tungkol sa dugo. At natatakot siyang mamatay.
2. Bakit kailangan nating madaig ang takot natin?
2 Marami ang nakakaranas ng ganiyang takot. Ikaw rin ba? Kung hindi natin makokontrol ang takot natin, baka makagawa tayo ng maling mga desisyon na makakaapekto sa kaugnayan natin kay Jehova. Iyan ang gusto ni Satanas. Ginagamit niya ang takot natin para malabag natin ang mga utos ni Jehova, kasama na ang pangangaral ng mabuting balita. (Apoc. 12:17) Napakasama ni Satanas, walang awa, at makapangyarihan. Pero mapoprotektahan mo ang sarili mo mula sa kaniya. Paano?
3. Paano natin madadaig ang takot?
3 Malalabanan natin si Satanas kung kumbinsido tayo na mahal tayo ni Jehova at na kakampi natin siya. (Awit 118:6) Halimbawa, nakaranas ng mahihirap na sitwasyon ang manunulat ng Awit 118. Marami siyang naging kaaway, na ang ilan ay prominenteng tao pa nga (talata 9, 10). Nakaranas din siya ng mabibigat na problema (talata 13). Tumanggap din siya ng matinding disiplina mula kay Jehova (talata 18). Pero umawit siya: “Hindi ako matatakot.” Bakit panatag siya? Kasi alam niya na kahit dinisiplina siya ni Jehova, mahal na mahal siya ng kaniyang Ama sa langit. Kumbinsido ang salmista na anuman ang mangyari sa kaniya, laging handang tumulong sa kaniya ang kaniyang maibiging Diyos.—Awit 118:29.
4. Kung magtitiwala tayo na mahal tayo ng Diyos, anong mga takot ang madadaig natin?
4 Dapat na kumbinsido tayo na mahal tayo ni Jehova. Makakatulong iyan para madaig natin ang tatlong karaniwang takot: (1) takot na hindi makapaglaan sa pamilya, (2) takot sa tao, at (3) takot sa kamatayan. Nadaig ng mga kapatid na binanggit sa unang parapo ang takot nila dahil kumbinsido sila na mahal sila ng Diyos.
TAKOT NA HINDI MAKAPAGLAAN SA PAMILYA
5. Ano ang inaalala ng ilang ulo ng pamilya? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)
5 Bilang ulo ng pamilya, sineseryoso ng isang Kristiyano ang pananagutan niya na maglaan ng materyal na pangangailangan ng pamilya niya. (1 Tim. 5:8) Nitong pandemic, nag-alala ka ba na baka mawalan ka ng trabaho? Nag-alala ka rin ba na baka wala kang maipakain sa pamilya mo o maipambayad sa renta ng bahay? Natakot ka ba na kung mawalan ka ng trabaho, hindi ka na makakahanap ulit? O baka gaya nina Nestor at María, na binanggit kanina, nag-aalangan ka bang pasimplehin ang buhay mo? Marami nang nabiktima si Satanas gamit ang mga takot na iyan.
6. Ano ang gusto ni Satanas na paniwalaan natin?
6 Gusto ni Satanas na maniwala tayo na hindi tayo mahalaga kay Jehova at na hindi Niya tayo tutulungan na paglaanan ang pamilya natin. Kapag nangyari iyan, baka isipin natin na hindi natin dapat iwan ang kasalukuyang trabaho natin kahit na may malabag tayong mga prinsipyo sa Bibliya.
7. Ano ang tinitiyak sa atin ni Jesus?
7 Kilalang-kilala ni Jesus ang ating Ama at tinitiyak niya sa atin: “Alam ng inyong Ama kung ano ang kailangan ninyo bago pa ninyo hingin iyon sa kaniya.” (Mat. 6:8) At alam ni Jesus na handang ilaan ni Jehova ang mga pangangailangan natin. Bilang mga Kristiyano, bahagi tayo ng pamilya ng Diyos. Si Jehova ang Ulo ng pamilya, at siguradong gagawin niya ang ipinapagawa niya sa lahat ng ulo ng pamilya sa 1 Timoteo 5:8.
8. (a) Paano natin madadaig ang takot na hindi mapaglaanan ang pamilya natin? (Mateo 6:31-33) (b) Gaya ng makikita sa larawan, paano natin matutularan ang mag-asawa na nagbigay ng pagkain sa isang sister?
8 Kung kumbinsido tayo na mahal tayo ni Jehova at ang pamilya natin, hindi tayo magdududa na ilalaan niya ang lahat ng pangangailangan natin. (Basahin ang Mateo 6:31-33.) At gusto niyang gawin iyan. Si Jehova ay isang mapagmahal at bukas-palad na Tagapaglaan! Nang lalangin niya ang lupa, hindi lang mga pangunahing pangangailangan natin para mabuhay ang ibinigay niya. Pinunô niya rin ang lupa ng mga bagay na magpapasaya sa atin. (Gen. 2:9) Kahit sapat na sapat lang ang pangangailangan natin, ang mahalaga ay nakakaraos tayo. Kahit kailan, hindi pa pumalya si Jehova sa paglalaan sa atin. (Mat. 6:11) Tandaan na anumang materyal na bagay ang isakripisyo natin, walang-wala iyon sa kayang ibigay sa atin ng Diyos ngayon at sa hinaharap. Iyan ang napatunayan nina Nestor at María.—Isa. 65:21, 22.
9. Ano ang matututuhan mo sa halimbawa nina Nestor at María?
9 Maalwan ang buhay nina Nestor at María sa Colombia. “Pinag-iisipan naming magpasimple ng buhay para mapalawak ang ministeryo namin,” ang sabi nila, “pero natatakot kami na baka hindi kami maging masaya kapag kaunti na lang ang pera namin.” Ano ang nakatulong sa kanila? Inalala nila kung paano sila pinangalagaan ni Jehova sa maraming paraan. Dahil nakumbinsi sila na hindi sila pababayaan ni Jehova, iniwan nila ang trabaho nila na may malaking suweldo. Ibinenta nila ang bahay nila at lumipat sa lugar kung saan mas malaki ang pangangailangan. Ano ang masasabi nila sa naging desisyon nila? Sinabi ni Nestor: “Totoong-totoo sa amin ang Mateo 6:33. Hindi kami nagkulang ng anuman. At mas masaya kami ngayon.”
TAKOT SA TAO
10. Bakit natatakot ang mga tao sa kapuwa nila?
10 Matagal nang pinipinsala ng tao ang kapuwa niya. (Ecles. 8:9) Halimbawa, may mga tao na inaabuso ang awtoridad nila, gumagawa ng krimen, nambu-bully sa eskuwelahan, at nananakit pa nga ng kapamilya. Kaya kinakatakutan ng tao ang kapuwa nila! Paano iyan sinasamantala ni Satanas?
11-12. Paano ginagamit ni Satanas laban sa atin ang takot sa tao?
11 Ginagamit ni Satanas ang takot sa tao para makipagkompromiso tayo at huminto sa pangangaral. Dahil sa impluwensiya ni Satanas, ipinagbabawal ng ilang gobyerno ang gawain natin at pinag-uusig tayo. (Luc. 21:12; Apoc. 2:10) Nagkakalat ang sanlibutan ni Satanas ng mga maling impormasyon at kasinungalingan tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Baka tuyain tayo o saktan pa nga ng mga taong naniniwala sa mga iyon. (Mat. 10:36) Hindi na tayo magugulat sa mga taktikang iyan ni Satanas. Ginamit na niya iyan noong unang siglo.—Gawa 5:27, 28, 40.
12 Bukod sa pagbabawal ng gobyerno, may iba pang ginagamit si Satanas laban sa atin. Natatakot ang ilan sa magiging reaksiyon ng mga kapamilya nila kapag naging Saksi sila. Mas ikinakatakot pa nga nila ito kaysa saktan sila sa pisikal. Mahal na mahal nila ang mga kamag-anak nila, at gusto nila na makilala at mahalin ng mga ito si Jehova. Masakit para sa kanila kapag naririnig nila ang mga kamag-anak nila na nagsasalita ng masama tungkol sa tunay na Diyos at sa mga sumasamba sa kaniya. Pero kung minsan, nagiging Saksi rin ang mga kamag-anak nila na dating salansang. Paano naman kung itakwil tayo ng mga kapamilya natin dahil sa mga paniniwala natin? Ano ang gagawin natin?
13. Kapag itinakwil tayo ng mga kapamilya natin, paano natin iyon makakayanan? (Awit 27:10)
13 Mapapatibay tayo sa sinasabi ng Awit 27:10. (Basahin.) Kapag iniisip natin kung gaano tayo kamahal ni Jehova, hindi tayo natatakot kahit itakwil tayo ng pamilya natin. At alam natin na gagantimpalaan niya ang pagtitiis natin. Mas kayang ilaan ni Jehova ang pisikal, emosyonal, at espirituwal na pangangailangan natin! Iyan ang napatunayan ni Biniam, na binanggit kanina.
14. Ano ang matututuhan mo kay Biniam?
14 Nagpasiyang maging Saksi ni Jehova si Biniam kahit alam niyang mapapaharap siya sa pag-uusig. Dahil alam niyang mahal siya ni Jehova, nadaig ni Biniam ang takot sa tao. “Hindi ko akalaing ganoon katindi ang pag-uusig,” ang sabi niya. “Pero mas natatakot ako sa pagsalansang ng pamilya ko kaysa sa pag-uusig ng gobyerno. Natatakot ako na kapag naging Saksi ni Jehova ako, baka madismaya si Tatay at isipin ng pamilya ko na wala akong kuwenta.” Pero nakumbinsi si Biniam na hindi pababayaan ni Jehova ang mga minamahal Niya. Sinabi ni Biniam: “Pinag-isipan kong mabuti kung paano tinulungan ni Jehova ang iba na makayanan ang kahirapan sa buhay, diskriminasyon, at karahasan. Alam ko na kapag nanatili akong tapat kay Jehova, pagpapalain niya ako. Ilang beses akong naaresto at na-torture pa nga, pero personal kong naranasan na tutulungan tayo ni Jehova kung mananatili tayong tapat sa kaniya.” Si Jehova ang naging Ama ni Biniam, at ang bayan Niya ang naging pamilya niya.
TAKOT SA KAMATAYAN
15. Bakit normal lang na matakot sa kamatayan?
15 Sinasabi ng Bibliya na ang kamatayan ay isang kaaway. (1 Cor. 15:25, 26) Ayaw nating isipin ang tungkol sa kamatayan, lalo na kung may malubha tayong sakit o ang mga mahal natin sa buhay. Bakit takót tayong mamatay? Dahil nilalang tayo ni Jehova na may pagnanais na mabuhay magpakailanman. (Ecles. 3:11) Kung may balanseng takot tayo sa kamatayan, iingatan natin ang ating buhay. Halimbawa, sisikapin nating kumain ng masustansiya at mag-ehersisyo, magpapatingin tayo sa doktor at magpapagamot kung kailangan, at iiwasan nating malagay sa peligro ang buhay natin.
16. Paano sinasamantala ni Satanas ang takot natin sa kamatayan?
16 Alam ni Satanas na gusto nating mabuhay. Kaya ipinaparatang niya na isasakripisyo natin ang lahat—kahit ang kaugnayan natin kay Jehova—para manatili tayong buháy. (Job 2:4, 5) Hindi iyan totoo! Pero dahil si Satanas “ang nagdudulot ng kamatayan,” sinasamantala niya ang takot natin dito para iwan natin si Jehova. (Heb. 2:14, 15) Kung minsan, iniimpluwensiyahan ni Satanas ang ilang tao para pagbantaan ang mga lingkod ni Jehova kung hindi nila itatakwil ang pananampalataya nila. Kapag nasa peligro naman ang buhay natin, puwede itong samantalahin ni Satanas para makipagkompromiso tayo. Baka pilitin tayo ng mga doktor o ng mga di-Saksing kapamilya na magpasalin ng dugo, na labag sa utos ng Diyos. O baka sabihan tayo ng iba na tumanggap ng paraan ng paggamot na labag sa mga prinsipyo sa Bibliya.
17. Ayon sa Roma 8:37-39, bakit hindi tayo dapat matakot sa kamatayan?
17 Ayaw nating mamatay, pero alam natin na mahal pa rin tayo ni Jehova kahit mangyari iyon. (Basahin ang Roma 8:37-39.) Kapag namatay ang mga kaibigan ni Jehova, nasa alaala niya sila, na para bang buháy pa rin sila. (Luc. 20:37, 38) Sabik na sabik siyang buhayin silang muli. (Job 14:15) Malaki ang ibinayad ni Jehova para “magkaroon [tayo] ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Alam natin na mahal na mahal tayo ni Jehova at nagmamalasakit siya sa atin. Kaya hindi niya tayo pababayaan kapag may sakit tayo o nanganganib ang buhay natin. Papatibayin niya tayo at bibigyan ng karunungan at lakas. Iyan ang naranasan ni Valérie at ng asawa niya.—Awit 41:3.
18. Ano ang matututuhan mo kay Valérie?
18 Noong edad 35 si Valérie, na-diagnose siya na may kanser. Kakaiba ang kanser niya at mabilis kumalat. Ano ang nakatulong sa kaniya na madaig ang takot sa kamatayan? Sinabi niya: “Sa isang iglap, nagbago ang lahat dahil sa diagnosis na iyon. Kailangan kong maoperahan agad para mabuhay. Kumonsulta ako sa maraming surgeon, pero ayaw nilang mag-opera nang walang dugo. Takot na takot ako, pero hinding-hindi ako magpapasalin ng dugo dahil utos iyon ng Diyos! Sa buong buhay ko, ipinaramdam sa akin ni Jehova na mahal niya ako. Pagkakataon ko naman ngayon na ipakita sa kaniya ang pagmamahal ko. Sa tuwing nakakarinig ako ng masamang balita, lalo akong nagiging determinado na daigin si Satanas at maging proud si Jehova sa akin. Naoperahan din ako nang walang dugo at matagumpay iyon. Mahina pa rin ang kalusugan ko ngayon, pero laging ibinibigay ni Jehova ang kailangan namin. Halimbawa, bago ako ma-diagnose, pinag-aralan sa pulong ang artikulong ‘Harapin ang mga Kapighatian Nang May Lakas ng Loob.’ * Talagang napatibay kami ng artikulong iyon. Paulit-ulit naming binasa iyon. Nakatulong din sa aming mag-asawa ang iba pang artikulo at ang espirituwal na rutin namin para magkaroon kami ng kapayapaan ng isip, manatiling balanse, at makagawa ng matatalinong desisyon.”
DAIGIN ANG TAKOT
19. Ano ang malapit nang mangyari?
19 Sa tulong ni Jehova, nakakayanan ng mga Kristiyano sa buong mundo ang mahihirap na sitwasyon at nadadaig nila ang Diyablo. (1 Ped. 5:8, 9) Magagawa mo rin iyan. Malapit nang iutos ni Jehova kay Jesus at sa mga kasama niyang tagapamahala na “sirain ang mga gawa ng Diyablo.” (1 Juan 3:8) Pagkatapos, “wala [nang] anumang katatakutan at kasisindakan” ang mga lingkod ng Diyos sa lupa. (Isa. 54:14; Mik. 4:4) Pero habang hinihintay iyon, magsikap tayong daigin ang ating takot.
20. Paano natin madadaig ang takot?
20 Laging tandaan na mahal tayo ni Jehova at pinoprotektahan niya tayo. Bulay-bulayin kung paano pinrotektahan ni Jehova ang mga lingkod niya noon at sabihin ito sa iba. At tandaan din kung paano niya tayo personal na tinulungan sa mahihirap na sitwasyon. Sa tulong ni Jehova, madadaig natin ang takot!—Awit 34:4.
AWIT 129 Hindi Tayo Susuko
^ Hindi laging masama na matakot. Dahil sa takot, maiiwasan natin ang mga panganib. Pero puwede tayong mapahamak kung hindi makatuwiran ang takot natin. Puwedeng gamitin iyan ni Satanas laban sa atin. Kaya dapat nating labanan ang gayong uri ng takot. Ano ang makakatulong sa atin? Malalaman natin sa artikulong ito na kung kumbinsido tayong kakampi natin si Jehova at na mahal niya tayo, madadaig natin ang anumang takot.
^ Binago ang ilang pangalan.
^ Tingnan ang Bantayan, isyu ng Oktubre 15, 2012, p. 7-11.