Alam Mo Ba?
Pinapayagan ba ng mga Romano na ilibing ang isa na ibinayubay sa tulos gaya ni Jesus?
ALAM ng marami ang ulat na ibinayubay sa tulos si Jesus sa pagitan ng dalawang kriminal. (Mat. 27:35-38) Pero may mga tao na kumukuwestiyon sa sinasabi ng Bibliya na inihanda ang katawan ni Jesus para ilibing.—Mar. 15:42-46.
Pinagdududahan ng ilang kritiko ng mga Ebanghelyo na ang isang hinatulan ng kamatayan ay pinapayagang tumanggap ng disenteng libing. Naniniwala sila na malamang na tumanggap ng ibang pagtrato ang mga hinatulan bilang kriminal. Ipinaliwanag ng journalist na si Ariel Sabar sa magasing Smithsonian kung bakit ganiyan ang pananaw ng ilan. Isinulat niya: “Ang pagpapako sa krus ay isang parusa na ipinapataw sa pinakamasasamang tao sa lipunan. At para sa ilang eksperto, nakakatawang isipin na bibigyan ng mga Romano ang gayong mga tao ng dangal sa pamamagitan ng disenteng libing.” Gusto ng mga Romano na hiyain ang mga hinatulang kriminal, kaya madalas na iniiwan nila ang bangkay ng mga ito sa tulos para kainin ng mga hayop. Pagkatapos, ang anumang matitira sa bangkay ay posibleng ihagis lang sa libingan.
Pero iba ang ipinapakita ng arkeolohiya kung tungkol sa labí ng ilang Judio na hinatulan ng kamatayan. Noong 1968, may nahukay na mga buto ng isang taong hinatulan ng kamatayan noong unang siglo. Nakita nila ang mga butong ito sa libingan ng isang pamilyang Judio malapit sa Jerusalem. Ang mga ito ay nasa isang ossuary, o lalagyan ng buto. Kasama sa mga nahukay ang buto ng sakong na ipinako sa isang kahoy gamit ang pako na 11.5 sentimetro ang haba. “Ang sakong na ito, na buto ng isang taong nagngangalang Yehochanan,” ang sabi ni Sabar, “ay isang ebidensiya na nagpapakitang kapani-paniwala ang ulat ng Ebanghelyo tungkol sa paglilibing kay Jesus.” Kapansin-pansin, “ipinapakita ng sakong ni Yehochanan na noong panahon ni Jesus, pinapayagan ng mga Romano na ilibing ang isang Judio na ipinako sa krus.”
Malamang na may iba’t ibang opinyon tungkol sa posisyon ni Jesus sa tulos batay sa nakitang butong iyon ng sakong. Pero malinaw na ang ilang hinatulan bilang kriminal ay inilibing at hindi basta itinapon. Maliwanag na totoo ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa paglilibing sa katawan ni Jesus. Pinapatunayan ng ebidensiyang iyon ang sinasabi ng Bibliya.
Ang pinakamahalaga, inihula ni Jehova na ililibing si Jesus sa libingan ng isang mayamang lalaki, at walang makakahadlang sa Diyos na tuparin ang hulang iyon.—Isa. 53:9; 55:11.