ARALING ARTIKULO 27
Bakit Dapat Tayong Matakot kay Jehova?
“Ang mga natatakot kay Jehova ang nagiging matalik niyang kaibigan.”—AWIT 25:14.
AWIT BLG. 8 Si Jehova ang Ating Kanlungan
NILALAMAN a
1-2. Ayon sa Awit 25:14, ano ang dapat nating gawin kung gusto nating maging matalik na kaibigan si Jehova?
SA TINGIN mo, anong mga katangian ang kailangan para manatiling matalik na kaibigan mo ang isang tao? Baka pag-ibig at pagtutulungan ang sagot mo. Hindi man lang siguro sumagi sa isip mo ang pagkatakot. Pero gaya ng sinasabi sa temang teksto, kung gusto nating maging matalik na kaibigan si Jehova, dapat na “natatakot” tayo sa kaniya.—Basahin ang Awit 25:14.
2 Lahat tayo, kailangan nating panatilihin ang tamang pagkatakot kay Jehova, gaano man tayo katagal nang naglilingkod sa kaniya. Pero ano ba ang ibig sabihin ng pagkatakot sa Diyos? Paano natin matututuhang gawin iyan? At ano ang matututuhan natin sa katiwalang si Obadias, sa mataas na saserdoteng si Jehoiada, at kay Haring Jehoas tungkol sa pagkatakot kay Jehova?
ANO ANG IBIG SABIHIN NG PAGKATAKOT SA DIYOS?
3. Paano tayo mapoprotektahan ng pagkatakot?
3 Natatakot tayo kapag pakiramdam natin, may panganib. Maganda iyon kasi tutulong iyon sa atin na makagawa ng tamang desisyon. Hindi tayo maglalakad malapit sa bangin kasi takot tayong mahulog. Aalis din tayo sa isang delikadong sitwasyon kasi takot tayong mapahamak. At hindi natin sasaktan ang kaibigan natin kasi takot tayong masira ang kaugnayan natin sa kaniya.
4. Ano ang gusto ni Satanas na maramdaman natin kay Jehova?
4 Gusto ni Satanas na magkaroon ang mga tao ng maling pagkatakot kay Jehova. Gusto niya na maniwala tayo sa sinabi ni Elipaz—na mapaghiganti at magagalitin si Jehova, at kahit kailan, hindi natin siya mapapasaya. (Job 4:18, 19) Gusto ni Satanas na sa sobrang takot natin kay Jehova, titigil na tayo sa paglilingkod sa Kaniya. Para hindi niya tayo madaya, dapat na magkaroon tayo ng tamang pagkatakot sa Diyos.
5. Ano ang ibig sabihin ng pagkatakot sa Diyos?
5 Masasabi nating tama ang pagkatakot natin sa Diyos kung mahal natin siya at iniiwasan natin ang anumang makakasira sa kaugnayan natin sa kaniya. Ganiyan si Jesus; mayroon siyang “makadiyos na takot.” (Heb. 5:7) Balanse ang pagkatakot niya kay Jehova—hindi sobra. (Isa. 11:2, 3) Ang totoo, mahal na mahal niya si Jehova at gusto niyang sundin ang mga utos Niya. (Juan 14:21, 31) Gaya ni Jesus, mataas ang paggalang natin kay Jehova kasi maibigin Siya, marunong, makatarungan, at makapangyarihan. Alam din natin na mahal na mahal tayo ni Jehova at may epekto sa kaniya kung ginagawa natin o hindi ang mga itinuturo niya sa atin. Puwede natin siyang masaktan o mapasaya.—Awit 78:41; Kaw. 27:11.
MATUTONG MATAKOT SA DIYOS
6. Ano ang isang paraan para matuto tayong matakot sa Diyos? (Awit 34:11)
6 Hindi tayo ipinanganak na may pagkatakot kay Jehova; dapat natin itong matutuhan. (Basahin ang Awit 34:11.) Paano? Ang isang paraan ay pag-aralan ang mga nilalang ng Diyos. Habang mas nakikita natin sa “mga bagay na ginawa niya” ang kaniyang karunungan, kapangyarihan, at pag-ibig sa atin, lalo natin siyang iginagalang at minamahal. (Roma 1:20) Sinabi ng sister na si Adrienne: “Namamangha ako sa karunungan ni Jehova na nakikita sa mga nilalang niya. Na-realize ko na alam niya ang pinakamabuti para sa akin.” Dahil sa nabulay-bulay niya, sinabi niya, “Ayokong masira ang kaugnayan ko kay Jehova, kasi siya ang nagbigay ng buhay ko.” Sa linggong ito, puwede ka bang maglaan ng panahon para pag-isipan ang mga nilalang ni Jehova? Tutulong iyan sa iyo para mas igalang mo siya at mahalin.—Awit 111:2, 3.
7. Bakit nakakatulong ang panalangin para magkaroon tayo ng tamang pagkatakot kay Jehova?
7 Ang isa pang paraan para matuto tayong matakot sa Diyos ay ang regular na pananalangin. Kapag lagi tayong nananalangin, mas nagiging totoo sa atin si Jehova. Sa tuwing humihingi tayo sa kaniya ng lakas para makapagtiis, naaalala natin na talagang makapangyarihan siya. Sa tuwing pinapasalamatan natin si Jehova dahil ibinigay niya ang Anak niya, naaalala natin ang pag-ibig niya sa atin. At sa tuwing nagsusumamo tayo kay Jehova na tulungan tayo sa problema natin, naaalala natin kung gaano siya karunong. Dahil sa ganitong mga panalangin, lalo nating iginagalang si Jehova. Mas nagiging determinado rin tayong iwasan ang anumang makakasira sa pakikipagkaibigan natin sa kaniya.
8. Paano natin mapapanatili ang pagkatakot sa Diyos?
8 Paano natin mapapanatili ang pagkatakot sa Diyos? Kailangan nating pag-aralan ang Bibliya at matuto sa mabubuti at masasamang halimbawa dito. Pag-uusapan natin ang dalawang tapat na lingkod ni Jehova—si Obadias, na katiwala ng sambahayan ni Haring Ahab, at ang mataas na saserdoteng si Jehoiada. Pag-uusapan din natin si Haring Jehoas ng Juda, na dating tapat pero iniwan si Jehova nang bandang huli.
MAGING MALAKAS ANG LOOB GAYA NI OBADIAS
9. Paano nakatulong kay Obadias ang pagkatakot niya kay Jehova? (1 Hari 18:3, 12)
9 Sinasabi ng Bibliya: “Malaki ang takot ni Obadias kay Jehova.” (Basahin ang 1 Hari 18:3, 12.) Paano nakatulong kay Obadias b ang takot niya sa Diyos? Naging tapat siya at mapagkakatiwalaan. Dahil dito, ipinagkatiwala sa kaniya ng hari ang pamamahala sa sambahayan nito. (Ihambing ang Nehemias 7:2.) Nagkaroon din si Obadias ng lakas ng loob dahil sa takot niya sa Diyos. Kailangang-kailangan niya iyon. Nabuhay siya noong namamahala ang masamang haring si Ahab, na “mas masama sa paningin ni Jehova kaysa sa lahat ng [haring] nauna sa kaniya.” (1 Hari 16:30) Isa pa, galit na galit kay Jehova si Jezebel, ang asawa ni Ahab na sumasamba kay Baal. Sinikap ni Jezebel na alisin ang tunay na pagsamba sa hilagang kaharian. Marami pa nga siyang ipinapatay na propeta ng Diyos. (1 Hari 18:4) Talagang hindi madali para kay Obadias na sambahin si Jehova noong panahong iyon.
10. Paano nagpakita ng lakas ng loob si Obadias?
10 Paano nagpakita ng lakas ng loob si Obadias? Noong tinutugis ni Jezebel ang mga propeta ng Diyos para patayin, itinago ni Obadias ang 100 sa kanila, “50 sa isang kuweba, at pinaglaanan sila ng tinapay at tubig.” (1 Hari 18:13, 14) Kung mahuhuli si Obadias, siguradong papatayin siya! Tao lang si Obadias, at siguradong ayaw niyang mamatay. Pero mas mahal niya si Jehova at ang mga lingkod Niya kaysa sa sarili niyang buhay.
11. Paano tinutularan ng mga lingkod ni Jehova ngayon si Obadias? (Tingnan din ang larawan.)
11 Sa ngayon, maraming lingkod ni Jehova ang nakatira sa mga bansang ipinagbabawal ang gawain natin. Iginagalang nila ang mga awtoridad. Pero gaya ni Obadias, kay Jehova lang nila ibinibigay ang bukod-tanging debosyon nila. (Mat. 22:21) Dahil may takot sila sa Diyos, siya ang sinusunod nila sa halip na mga tao. (Gawa 5:29) Kaya patuloy silang nangangaral at nagpupulong nang palihim. (Mat. 10:16, 28) Sinisigurado nila na nakakatanggap din ng espirituwal na pagkain ang ibang mga kapatid. Halimbawa, nakatira si Henri sa isang bansa sa Africa kung saan ipinagbabawal noon ang gawain natin. Nagboluntaryo si Henri na maghatid ng espirituwal na pagkain sa mga kapatid. Isinulat niya: “Mahiyain ako. Kaya sigurado ako na nagkaroon lang ako ng lakas ng loob dahil sa matinding paggalang ko kay Jehova.” Matutularan mo ba ang lakas ng loob ni Henri? Magagawa mo iyan kung mayroon kang takot sa Diyos.
MAGING TAPAT GAYA NG MATAAS NA SASERDOTENG SI JEHOIADA
12. Paano ipinakita ng mataas na saserdoteng si Jehoiada at ng asawa niya na tapat sila kay Jehova?
12 Dahil may takot kay Jehova ang mataas na saserdoteng si Jehoiada, naging tapat siya at itinaguyod niya ang tunay na pagsamba. Ipinakita niya iyan nang agawin ng anak ni Jezebel na si Athalia ang pamamahala sa Juda. Takot na takot ang bayan kay Athalia. Malupit siya at sakim sa kapangyarihan. Pinatay niya ang lahat ng anak ng hari, na sarili niyang mga apo! (2 Cro. 22:10, 11) Pero may isang batang hindi napatay—si Jehoas. Iniligtas siya ni Jehosabet, na asawa ni Jehoiada. Itinago ng mag-asawa ang bata at inalagaan ito. Dahil doon, nakatulong sila para magkaroon pa rin ng hari mula sa angkan ni David. Tapat si Jehoiada kay Jehova, at hindi siya natakot kay Athalia.—Kaw. 29:25.
13. Nang pitong taóng gulang na si Jehoas, paano ulit ipinakita ni Jehoiada na tapat siya?
13 Nang pitong taóng gulang na si Jehoas, pinatunayan ulit ni Jehoiada na tapat siya kay Jehova. May ginawa siyang plano. Kung magtatagumpay iyon, magiging hari si Jehoas, ang legal na tagapagmana ni David. Pero kung hindi, siguradong papatayin si Jehoiada. Sa tulong ni Jehova, nagtagumpay ang plano niya. Sinuportahan siya ng mga pinuno at mga Levita, naging hari si Jehoas, at naipapatay si Athalia. (2 Cro. 23:1-5, 11, 12, 15; 24:1) Pagkatapos, “si Jehoiada ay gumawa ng tipan sa pagitan ni Jehova at ng hari at ng bayan, na patuloy silang magiging bayan ni Jehova.” (2 Hari 11:17) “Naglagay rin siya ng mga bantay sa pintuang-daan ng bahay ni Jehova, para hindi makapasok ang sinumang naging marumi sa anumang dahilan.”—2 Cro. 23:19.
14. Paano pinarangalan si Jehoiada dahil sa pagpaparangal niya kay Jehova?
14 Sinabi na noon ni Jehova: “Ang mga nagpaparangal sa akin ay pararangalan ko.” Ginawa iyan ni Jehova kay Jehoiada. (1 Sam. 2:30) Halimbawa, ipinasulat niya sa Bibliya ang magagandang ginawa nito para matuto tayo. (Roma 15:4) At nang mamatay si Jehoiada, binigyan siya ng espesyal na karangalan nang ilibing siya “sa Lunsod ni David kasama ng mga hari, dahil gumawa siya ng mabuti sa Israel para sa tunay na Diyos at sa bahay Niya.”—2 Cro. 24:15, 16.
15. Ano ang matututuhan natin sa ulat tungkol kay Jehoiada? (Tingnan din ang larawan.)
15 Matutulungan tayo ng ulat tungkol kay Jehoiada na magkaroon ng takot sa Diyos. Matutularan ng mga Kristiyanong tagapangasiwa si Jehoiada kung mananatili silang tapat at alerto habang pinoprotektahan nila ang kawan ng Diyos. (Gawa 20:28) Mapapatibay rin kay Jehoiada ang mga may-edad na. Kasi kung may takot sila kay Jehova at mananatiling tapat sa kaniya, gagamitin niya sila para mangyari ang kalooban niya. Hindi niya sila binabale-wala. Kaya magandang pag-isipan ng mga kabataan kung paano tinrato ni Jehova si Jehoiada. Gaya ni Jehova, dapat nilang tratuhin nang may dignidad at paggalang ang mga may-edad na, lalo na ang matatagal nang tapat na naglilingkod sa kaniya. (Kaw. 16:31) At tayong lahat, matututo sa mga pinuno at mga Levita na sumuporta kay Jehoiada. Suportahan din natin ang “mga nangunguna” sa atin at maging masunurin sa kanila.—Heb. 13:17.
HUWAG TULARAN SI HARING JEHOAS
16. Ano ang masasabi natin kay Haring Jehoas?
16 Naging magandang impluwensiya si Jehoiada kay Haring Jehoas. (2 Hari 12:2) Kaya kahit bata pa lang siya, gusto na niyang mapasaya si Jehova. Pero nang mamatay si Jehoiada, nakinig si Jehoas sa mga apostatang mataas na opisyal. Ang resulta? Siya at ang bayan ay nagsimulang “maglingkod sa mga sagradong poste at sa mga idolo.” (2 Cro. 24:4, 17, 18) Kahit nasaktan nila si Jehova, “paulit-ulit siyang nagsugo sa kanila ng mga propeta para manumbalik sila . . . , pero hindi sila nakinig.” Hindi rin sila nakinig kahit sa anak ni Jehoiada na si Zacarias, na isang propeta at saserdote ni Jehova. At ang totoo, pinsan din siya ni Jehoas. Mas malala pa diyan, ipinapatay ni Jehoas si Zacarias. Hindi siya tumanaw ng utang na loob sa pamilyang malaki ang nagawa para sa kaniya.—2 Cro. 22:11; 24:19-22.
17. Ano ang masaklap na nangyari kay Jehoas?
17 Naiwala ni Jehoas ang takot niya kay Jehova, at napahamak siya dahil doon. Sinabi na noon ni Jehova: “Ang mga humahamak sa akin ay hahamakin.” (1 Sam. 2:30) Tinalo ng maliit na hukbo ng Sirya ang “napakalaking hukbo” ni Jehoas, at “iniwan nila siyang sugatán.” Pagkatapos, pinatay siya ng sarili niyang mga lingkod dahil sa pagpatay niya kay Zacarias. Dahil masama siyang hari, hindi siya itinuring na karapat-dapat ilibing “sa libingan ng mga hari.”—2 Cro. 24:23-25; tingnan ang study note na “anak ni Barakias” sa Mateo 23:35.
18. Ayon sa Jeremias 17:7, 8, paano natin maiiwasang matulad kay Jehoas?
18 Ano ang natutuhan natin sa nangyari kay Jehoas? Para siyang puno na mababaw ang ugat at nakadepende sa suporta ng isang tukod. Nang mawala ang tukod—si Jehoiada—at umihip na parang hangin ang apostasya, bumagsak si Jehoas. Ipinapakita nito na ang pagkatakot natin sa Diyos ay hindi lang dapat nakadepende sa magandang impluwensiya ng mga kapatid at kapamilya natin. Para manatiling matatag ang espirituwalidad natin, dapat nating patibayin ang pag-ibig at paggalang natin kay Jehova. Kailangan nating regular na mag-aral, magbulay-bulay, at manalangin para magawa iyan.—Basahin ang Jeremias 17:7, 8; Col. 2:6, 7.
19. Ano ang hinihiling ni Jehova sa atin?
19 Hindi naman ganoon kalaki ang hinihiling ni Jehova sa atin. Mababasa sa Eclesiastes 12:13 ang kahilingan niya: “Matakot ka sa tunay na Diyos at sundin mo ang mga utos niya, dahil ito ang obligasyon ng tao.” Kung may takot tayo sa Diyos, mananatili tayong tapat kay Jehova anuman ang mangyari, gaya nina Obadias at Jehoiada. Walang makakasira sa pakikipagkaibigan natin kay Jehova.
AWIT BLG. 3 Ikaw ang Aming Pag-asa at Lakas
a Sa Bibliya, malawak ang kahulugan ng salitang “takot.” Depende sa konteksto, puwede itong tumukoy sa pagkasindak, paggalang, o pagkamangha. Sa artikulong ito, pag-aaralan natin kung paano tayo magkakaroon ng takot na tutulong sa atin na maging malakas ang loob at tapat sa paglilingkod sa ating Ama sa langit.
b Hindi siya si propeta Obadias na manunulat ng Bibliya at nabuhay daan-daang taon mula noong panahon niya.
c LARAWAN: Naghahatid ng espirituwal na pagkain ang isang brother sa panahong ipinagbabawal ang gawain natin.
d LARAWAN: Natututong mag-telephone witnessing ang kabataang sister sa may-edad na sister; nagpapakita ng magandang halimbawa ang may-edad na brother dahil malakas ang loob niya sa pampublikong pagpapatotoo; sinasanay ng makaranasang brother ang iba sa pagmamantini ng Kingdom Hall.