ARALING ARTIKULO 25
Mga Elder—Matuto kay Gideon
“Kukulangin ako ng oras kung ilalahad ko pa ang tungkol [kay] Gideon.”—HEB. 11:32.
AWIT BLG. 124 Ipakita ang Katapatan
NILALAMAN a
1. Ayon sa 1 Pedro 5:2, ano ang mahalagang gawain ng mga elder?
IPINAGKATIWALA sa mga elder ang pangangalaga sa minamahal na mga tupa ni Jehova. Pinapahalagahan ng masisipag na lalaking ito ang pribilehiyo nilang maglingkod sa mga kapatid, at nagsisikap silang maging “mga pastol na talagang magpapastol” sa mga ito. (Jer. 23:4; basahin ang 1 Pedro 5:2.) Pagpapala sila sa mga kongregasyon!
2. Anong mga hamon ang puwedeng mapaharap sa mga elder?
2 Maraming napapaharap na hamon sa mga elder habang ginagampanan ang mga atas nila. Halimbawa, marami silang inaasikaso sa kongregasyon. Natutuhan ni Tony, isang elder sa United States, na kailangan niyang malaman ang limitasyon niya pagdating sa pagtanggap ng mga atas. Sinabi niya: “Nang magsimula ang COVID-19 pandemic, napakarami kong ginagawa para maorganisa ang mga pulong at ministeryo. Hindi ako nauubusan ng gagawin. Kaya naapektuhan ang pagbabasa ko ng Bibliya, personal study, at pananalangin.” Iba naman ang naging hamon kay Ilir, isang elder sa Kosovo. Nang magkaroon ng giyera sa lugar nila, nahirapan siyang sundin ang mga tagubilin ng organisasyon. Sinabi niya: “Nasubok ang lakas ng loob ko nang atasan ako ng tanggapang pansangay na tulungan ang mga kapatid na nasa delikadong lugar. Natakot ako. Para kasing hindi praktikal ang tagubilin.” Nahirapan naman si Tim, isang misyonero sa Asia, na matapos ang mga gawain niya sa araw-araw. Sinabi niya: “Minsan, dahil sa pagod, hirap na akong asikasuhin ang mga kapatid.” Ano ang makakatulong sa mga elder na napapaharap din sa ganiyang mga hamon?
3. Paano makakatulong sa ating lahat ang halimbawa ni Hukom Gideon?
3 Maraming matututuhan ang mga elder kay Hukom Gideon. (Heb. 6:12; 11:32) Pinrotektahan niya at pinastulan ang bayan ng Diyos. (Huk. 2:16; 1 Cro. 17:6) Tulad ni Gideon, inatasan din ang mga elder na mangalaga sa bayan ng Diyos sa mahirap na panahong ito. (Gawa 20:28; 2 Tim. 3:1) Matututo tayo sa kapakumbabaan at pagiging masunurin ni Gideon. Nasubok ang pagiging matiisin niya habang ginagampanan ang mga atas niya. Elder man tayo o hindi, maipapakita natin na talagang pinapahalagahan at sinusuportahan natin ang masisipag na brother na ito.—Heb. 13:17.
KAPAG NASUBOK ANG KAPAKUMBABAAN MO
4. Paano nagpakita ng kapakumbabaan si Gideon?
4 Mapagpakumbaba si Gideon. b Nang sabihin ng anghel ni Jehova kay Gideon na siya ang pinili na magligtas sa Israel mula sa mga makapangyarihang Midianita, sinabi niya: “Ang angkan ko ang pinakamababa sa Manases, at ako ang pinakahamak sa sambahayan ng aking ama.” (Huk. 6:15) Pakiramdam niya, hindi siya kuwalipikado sa atas na iyon. Pero alam ni Jehova na kaya niya. At nagtagumpay nga si Gideon sa tulong ni Jehova!
5. Paano puwedeng masubok ang kapakumbabaan ng mga elder?
5 Sinisikap ng mga elder na laging maging mapagpakumbaba. (Mik. 6:8; Gawa 20:18, 19) Hindi nila ipinagyayabang kung ano ang nagagawa nila at ang kaya nilang gawin. Pero hindi rin nila iniisip na wala silang halaga dahil sa mga pagkakamali o kahinaan nila. Kung minsan, nahihirapan ang mga elder na maging mapagpakumbaba. Halimbawa, baka tanggap nang tanggap ng atas ang isang elder, pero nahihirapan naman siyang gawin ang lahat ng iyon. O baka punahin siya o purihin sa paraan ng pagganap niya ng isang atas. Sa ganiyang mga sitwasyon, ano ang matututuhan ng mga elder kay Gideon?
6. Ano ang matututuhan ng mga elder sa kapakumbabaan ni Gideon? (Tingnan din ang larawan.)
6 Magpatulong. Alam ng taong mapagpakumbaba ang mga hindi niya kayang gawin. Mapagpakumbaba si Gideon kasi humingi siya ng tulong sa iba. (Huk. 6:27, 35; 7:24) Ganiyan din ang mahuhusay na elder. Sinabi ni Tony, na binanggit kanina: “Dahil sa paraan ng pagpapalaki sa akin, tanggap ako nang tanggap ng atas kahit hindi ko na kaya. Kaya pinag-usapan namin sa family worship ang tungkol sa kapakumbabaan. Hiningi ko ang opinyon ng asawa ko. Pinanood ko rin ulit ang video na Sanayin, Pagkatiwalaan, at Bigyang-Awtoridad ang Iba, Gaya ng Ginagawa ni Jesus na nasa jw.org.” Nagsimulang magpatulong si Tony sa iba. Ano ang resulta? Sinabi ni Tony: “Mas naaasikaso ang mga gawain sa kongregasyon at mas marami na akong panahon para patibayin ang pakikipagkaibigan ko kay Jehova.”
7. Paano matutularan ng mga elder si Gideon kapag may pumuna sa kanila? (Santiago 3:13)
7 Manatiling kalmado kapag pinupuna. Nasusubok din ang mga elder kapag may pumuna sa kanila. Tingnan ulit ang halimbawa ni Gideon. Alam niya na hindi siya perpekto. Kaya nanatili siyang kalmado nang punahin siya ng mga Efraimita. (Huk. 8:1-3) Hindi nagalit si Gideon. Nagpakita siya ng kapakumbabaan nang pakinggan niya ang mga reklamo nila at mabait na nakipag-usap sa kanila. Dahil doon, kumalma sila. Natutularan ng mga elder si Gideon kapag nakikinig silang mabuti at nananatiling mahinahon kapag may pumupuna sa kanila. (Basahin ang Santiago 3:13.) Kapag ginawa nila iyan, makakatulong sila para mapanatili ang kapayapaan sa kongregasyon.
8. Ano ang dapat gawin ng mga elder kapag pinupuri sila? Magbigay ng halimbawa.
8 Ibigay ang lahat ng papuri kay Jehova. Nang purihin si Gideon dahil sa tagumpay nila sa Midian, ibinigay niya ang papuri kay Jehova. (Huk. 8:22, 23) Paano matutularan ng mga elder si Gideon? Dapat nilang ibigay kay Jehova ang papuri sa mga nagagawa nila. (1 Cor. 4:6, 7) Halimbawa, kapag pinuri ang isang elder dahil mahusay siyang magturo, ano ang gagawin niya? Puwede niyang sabihin na dahil iyon sa Salita ng Diyos, kasi doon galing ang mga itinuturo niya, o na mahusay ang pagsasanay ng organisasyon ni Jehova. Puwedeng pag-isipan ng mga elder kung ang paraan ng pagtuturo nila ay nagbibigay ng papuri kay Jehova o sa sarili nila. Tingnan ang karanasan ni Timothy. Nang maging elder siya, gustong-gusto niyang nagpapahayag. Sinabi niya: “Mahahaba ang introduksiyon ko, at komplikado ang mga ilustrasyon ko. Dahil dito, sa akin na napupunta ang papuri at hindi na kay Jehova o sa Bibliya.” Nakita ni Timothy na kailangan niyang baguhin ang paraan niya ng pagtuturo. (Kaw. 27:21) Ano ang resulta? Ikinuwento niya: “Sinasabi sa akin ng mga kapatid na nakatulong sa kanila ang pahayag ko para makayanan nila ang mga problema, matiis ang mga pagsubok, o mas mapalapit kay Jehova. Mas masaya na ako ngayon kapag ganoon ang sinasabi ng mga kapatid.”
KAPAG NASUBOK ANG LAKAS NG LOOB MO AT PAGIGING MASUNURIN
9. Paano nasubok ang lakas ng loob at pagiging masunurin ni Gideon? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)
9 Nang maging hukom si Gideon, nasubok ang lakas ng loob niya at pagiging masunurin. Inatasan siyang wasakin ang altar ni Baal na pag-aari ng kaniyang ama. Mapanganib iyon! (Huk. 6:25, 26) Minsan naman, pagkatapos niyang magtipon ng mga mandirigma, dalawang beses siyang inutusan na bawasan ang bilang nila. (Huk. 7:2-7) Pagkatapos, inutusan siyang sumalakay bago maghatinggabi.—Huk. 7:9-11.
10. Paano puwedeng masubok ang pagiging masunurin ng isang elder?
10 Dapat na “handang sumunod” ang mga elder. (Sant. 3:17) Ang isang mahusay na elder ay sumusunod agad sa sinasabi ng Kasulatan at sa tagubilin ng organisasyon ng Diyos. Kaya magandang halimbawa siya sa iba. Pero puwede pa ring masubok ang pagiging masunurin niya. Halimbawa, baka mahirapan siya kapag sunod-sunod ang mga tagubilin o nagkaroon ng mga pagbabago sa mga ito. Baka may mga pagkakataon na maisip niya kung praktikal ba talaga ang isang tagubilin. O baka bigyan siya ng atas na puwedeng maging dahilan para maaresto siya. Sa ganiyang mga sitwasyon, paano matutularan ng mga elder ang pagiging masunurin ni Gideon?
11. Ano ang makakatulong sa mga elder na maging masunurin?
11 Makinig na mabuti sa tagubilin at sundin iyon. Sinabi ng Diyos kay Gideon kung paano gigibain ang altar ng kaniyang ama, kung saan magtatayo ng bagong altar para kay Jehova, at kung anong hayop ang ihahandog. Hindi kinuwestiyon ni Gideon ang tagubilin—sinunod niya kung ano ang eksaktong iniutos sa kaniya. Sa ngayon, nakakatanggap din ng tagubilin ang mga elder mula sa organisasyon ni Jehova. Nakakatanggap sila ng mga liham, patalastas, at iba pang tagubilin para manatili tayong ligtas at malapít kay Jehova. Mahal natin ang mga elder dahil maingat nilang sinusunod ang mga iyon. Nakikinabang ang buong kongregasyon.—Awit 119:112.
12. Paano masusunod ng mga elder ang Hebreo 13:17 kapag nakatanggap sila ng bagong tagubilin?
12 Tanggapin at suportahan ang mga pagbabago. Alalahanin na inutusan ni Jehova si Gideon na pauwiin ang halos lahat ng mandirigma. (Huk. 7:8) Baka naisip niya: ‘Kailangan ba talagang gawin ito? Ano na ang mangyayari?’ Pero sumunod pa rin si Gideon. Matutularan ng mga elder ngayon si Gideon kung susundin nila ang mga bagong tagubilin na natatanggap nila. (Basahin ang Hebreo 13:17.) Halimbawa, noong 2014, binago ng Lupong Tagapamahala ang paraan kung paano pinopondohan ang pagtatayo ng mga Kingdom Hall at Assembly Hall. (2 Cor. 8:12-14) Hindi na kailangang magbayad ng loan ng mga kongregasyon. Sa halip, magtutulong-tulong ang mga kongregasyon sa buong mundo para makapagtayo ng mga pasilidad kahit sa mga kongregasyon na walang kakayahang magbayad. Nang malaman ito ni José, inisip niya: ‘Walang maitatayo, kahit isang Kingdom Hall. Hindi uubra ang ganiyang kaayusan dito.’ Ano ang nakatulong kay José na suportahan ang pagbabago? Sinabi niya: “Ipinaalala sa akin ng Kawikaan 3:5, 6 na magtiwala kay Jehova. At napakaganda ng resulta! Mas marami na ang naitatayong Kingdom Hall at natutuhan nating magtulungan sa iba’t ibang paraan para magkaroon ng pagpapantay-pantay.”
13. (a) Saan kumbinsido si Gideon? (b) Paano matutularan ng mga elder si Gideon? (Tingnan din ang larawan.)
13 Gawin ang kalooban ni Jehova nang may lakas ng loob. Sumunod si Gideon kay Jehova kahit na natatakot siya at mapanganib ang atas niya. (Huk. 9:17) Pinatibay ni Jehova si Gideon, kaya naging kumbinsido siya na tutulungan siya ng Diyos na maprotektahan ang bayan Niya. Tulad ni Gideon, malakas din ang loob ng mga elder na nasa mga lugar na ipinagbabawal ang gawain natin. Nangunguna sila sa mga pulong at ministeryo kahit puwede silang maaresto, pagtatanungin, mawalan ng trabaho, o makaranas ng pananakit. c Sa malaking kapighatian, kailangan ng mga elder ang lakas ng loob para masunod ang mga tagubiling matatanggap nila gaano man iyon kadelikado. Baka may kinalaman iyon sa pangangaral tungkol sa hatol ni Jehova, na gaya ng malalaking tipak ng yelo, at kung ano ang dapat nating gawin para makaligtas sa pag-atake ni Gog ng Magog.—Ezek. 38:18; Apoc. 16:21.
KAPAG NASUBOK ANG PAGIGING MATIISIN MO
14. Paano nasubok ang pagiging matiisin ni Gideon?
14 Nagsikap nang husto si Gideon para magawa ang atas niya bilang hukom. Noong gabing makipagdigma sila sa mga Midianita, hinabol nina Gideon ang mga ito mula Lambak ng Jezreel hanggang sa Ilog Jordan, na posibleng napapalibutan ng mga halaman at maliliit na puno. (Huk. 7:22) Huminto ba si Gideon at ang 300 mandirigma sa Jordan? Kahit pagod na pagod na sila, hindi sila tumigil. Bandang huli, naabutan nila ang mga Midianita at tinalo ang mga ito.—Huk. 8:4-12.
15. Kailan puwedeng masubok ang pagiging matiisin ng mga elder?
15 Dahil sa pangangalaga sa kongregasyon at sa pamilya nila, kung minsan, puwedeng makaramdam ang mga elder ng sobrang pagkapagod sa pisikal, mental, o emosyonal na paraan. Sa ganiyang mga sitwasyon, paano matutularan ng mga elder si Gideon?
16-17. Ano ang nakatulong kay Gideon na makapagtiis, at saan makakapagtiwala ang mga elder? (Isaias 40:28-31) (Tingnan din ang larawan.)
16 Magtiwala na bibigyan ka ni Jehova ng lakas. Nagtiwala si Gideon na papalakasin siya ni Jehova, at iyon nga ang nangyari. (Huk. 6:14, 34) May pagkakataon na hinabol ni Gideon at ng mga kasama niya ang dalawang hari ng Midian. Tumatakbo lang sila habang nakasakay sa mga kamelyo ang mga hari. (Huk. 8:12, 21) Tinulungan sila ng Diyos na mahuli ang mga ito at manalo sa labanan. Makakaasa rin ang mga elder kay Jehova, dahil “hindi siya napapagod o nanlulupaypay.” Bibigyan niya sila ng lakas na kailangan nila.—Basahin ang Isaias 40:28-31.
17 Tingnan ang karanasan ni Matthew, na miyembro ng Hospital Liaison Committee. Ano ang nakakatulong sa kaniya na makapagtiis? Sinabi niya: “Totoong-totoo sa akin ang Filipos 4:13. Maraming beses na dahil sa pagod, parang hindi ko na kaya. Kaya marubdob akong nananalangin kay Jehova na bigyan ako ng lakas na kailangan ko para masuportahan ang mga kapatid. At lagi akong binibigyan ni Jehova ng lakas para makapagtiis.” Gaya ni Gideon, nagsisikap din ang mga elder na pangalagaan ang bayan ni Jehova kahit hindi ito laging madali. Siyempre, alam nilang may mga limitasyon sila at hindi nila kayang gawin ang lahat. Pero makakapagtiwala silang papakinggan ni Jehova ang mga panalangin nila at bibigyan sila ng lakas para makapagtiis.—Awit 116:1; Fil. 2:13.
18. Paano matutularan ng mga elder si Gideon?
18 Maraming matututuhan ang mga elder kay Gideon. Kailangan nilang maging mapagpakumbaba kapag tumatanggap ng atas at kapag may pumupuna o pumupuri sa kanila. Dapat din silang maging masunurin at magpakita ng lakas ng loob, lalo na ngayong napakalapit na ng katapusan ng sistemang ito. At kailangan nilang magtiwala na anuman ang mapaharap sa kanila, papalakasin sila ng Diyos. Kaya ipagpasalamat natin ang masisipag na pastol na ito at ‘lagi silang pahalagahan.’—Fil. 2:29.
AWIT BLG. 120 Tularan ang Kahinahunan ni Kristo
a Inatasan ni Jehova si Gideon na manguna sa bayan Niya at protektahan sila. Nangyari ito noong napakahirap ng kalagayan ng bansang Israel. Tapat na ginawa ni Gideon ang atas niya sa loob ng mga 40 taon kahit marami siyang naging problema. Tatalakayin natin kung paano makakatulong sa mga elder ang halimbawa niya kapag napaharap din sila sa mga pagsubok.
b Mapagpakumbaba tayo kung tama ang pananaw natin sa sarili at kung alam natin ang mga limitasyon natin. Iginagalang din natin ang iba at itinuturing silang nakakataas sa atin.—Fil. 2:3.
c Tingnan ang artikulong “Patuloy na Sumamba kay Jehova Kahit May Pagbabawal” sa Bantayan, isyu ng Hulyo 2019, p. 10-11, par. 10-13.