Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Pagkapanganak kay Jesus, bakit nanatili sina Jose at Maria sa Betlehem imbes na umuwi sa Nazaret?
Hindi sinasabi ng Bibliya. Pero may binanggit itong mga detalye na posibleng dahilan ng desisyon nila.
Nang sabihin ng isang anghel kay Maria na magdadalang-tao siya at magkakaanak, nakatira noon sina Maria at Jose sa Nazaret, isang lunsod sa Galilea. (Luc. 1:26-31; 2:4) Nang maglaon, umuwi sila sa Nazaret pagkagaling nila sa Ehipto. Doon lumaki si Jesus at naging Nazareno. (Mat. 2:19-23) Kaya kilalá sina Jesus, Jose, at Maria na taga-Nazaret.
May kamag-anak si Maria sa Juda, si Elisabet, na asawa ng saserdoteng si Zacarias at ina ni Juan Bautista. (Luc. 1:5, 9, 13, 36) Nang dalawin ni Maria si Elisabet, tatlong buwan siyang nanatili sa Juda. Pagkatapos, bumalik din siya sa Nazaret. (Luc. 1:39, 40, 56) Kaya medyo pamilyar si Maria sa Juda.
Nang sundin ni Jose ang utos na magparehistro, naglakbay siya mula Nazaret papuntang Betlehem, ang “lunsod ni David” at ang lugar kung saan inihulang ipapanganak ang Mesiyas. (Luc. 2:3, 4; 1 Sam. 17:15; 20:6; Mik. 5:2) Siyempre, pagkapanganak ni Maria kay Jesus, alam ni Jose na mahihirapan si Maria at ang sanggol sa mahabang paglalakbay pabalik ng Nazaret. Hindi muna sila umalis sa Betlehem, na mga siyam na kilometro lang ang layo mula sa Jerusalem. Kumbinyente iyon para sa kanila, kasi kailangan nilang dalhin ang sanggol sa templo at maghandog ayon sa kahilingan ng Kautusan.—Lev. 12:2, 6-8; Luc. 2:22-24.
Sinabi ng anghel ng Diyos kay Maria na ibibigay sa anak niya ang “trono ni David” at “maghahari” ito. Posible kayang naisip nina Jose at Maria na may importanteng dahilan kung bakit sa lunsod ni David ipinanganak si Jesus? (Luc. 1:32, 33; 2:11, 17) Kaya malamang na nagpasiya silang manatili muna roon at hintayin ang iba pang ipapagawa ng Diyos sa kanila.
Hindi natin alam kung gaano na sila katagal sa Betlehem nang puntahan sila ng ilang astrologo. Pero may bahay na silang tinitirhan noon at si Jesus ay hindi na sanggol kundi isa nang “bata.” (Mat. 2:11) Ipinapakita nito na matagal-tagal din silang tumira sa Betlehem imbes na bumalik agad sa Nazaret.
Ipinag-utos ni Herodes na “patayin ang lahat ng batang lalaki sa Betlehem . . . mula dalawang taóng gulang pababa.” (Mat. 2:16) Nagbabala ang Diyos kay Jose, kaya tumakas siya kasama ang mag-ina niya sa Ehipto. Nanatili sila doon hanggang sa mamatay si Herodes. Nang maglaon, tumira si Jose at ang pamilya niya sa Nazaret. Bakit hindi na sila bumalik sa Betlehem? Para makaiwas sa malupit na anak ni Herodes na si Arquelao, na namamahala noon sa Judea. Isa pa, nagbabala ulit ang Diyos kay Jose na huwag pumunta doon. Sa Nazaret, ligtas si Jesus at mapapalaki nila siya na isang tunay na mananamba ng Diyos.—Mat. 2:19-22; 13:55; Luc. 2:39, 52.
Posibleng namatay si Jose bago buksan ni Jesus ang pag-asang mabuhay sa langit. Kaya sa lupa bubuhaying muli si Jose. Sa hinaharap, puwede nating itanong sa kaniya kung ano pa ang dahilan kung bakit sila nanatili ni Maria sa Betlehem pagkapanganak kay Jesus.