Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Bakit iniugnay ng Bagong Sanlibutang Salin ang Awit 12:7 sa “mahihina” (talata 5), sa halip na sa “mga salita ni Jehova” (talata 6)?
Sinasabi sa Awit 12:1-4 na “naglaho na ang mga tapat sa sangkatauhan.” Pagkatapos, sinabi sa Awit 12:5-7:
“‘Dahil inaapi ang mahihina,
Dahil nagbubuntonghininga ang mga dukha,
Kikilos ako,’ ang sabi ni Jehova.
‘Ililigtas ko sila sa mga humahamak sa kanila.’
Ang mga salita ni Jehova ay dalisay;
Gaya ito ng pilak na dinalisay sa hurnong luwad, nilinis nang pitong ulit.
Babantayan mo sila, O Jehova;
Poprotektahan mo ang bawat isa sa kanila magpakailanman mula sa henerasyong ito.”
Sa talata 5, sinabi ng Diyos na ililigtas niya ang “mahihina.”
Sa talata 6 naman, binanggit na ‘ang mga salita ni Jehova ay dalisay, gaya ng pilak na dinalisay.’ At sang-ayon diyan ang lahat ng tapat na Kristiyano.—Awit 18:30; 119:140.
Tingnan natin ngayon ang talata 7. Iniisip ng ilan na ang “babantayan” at “poprotektahan” dito ni Jehova ay ang mga salita niya, dahil ito ang binanggit sa naunang talata. At talaga namang iningatan ng Diyos ang Bibliya mula sa mga nagsikap na itago ito sa mga tao at sirain.—Isa. 40:8; 1 Ped. 1:25.
Pero totoo din na binabantayan ni Jehova ang mga tao, gaya ng sinabi sa talata 5. Tinulungan at patuloy na tutulungan at ililigtas ni Jehova ang mga “naaapi” at “pinahihirapan.”—Job 36:15; Awit 6:4; 31:1, 2; 54:7; 145:20.
Pinili ng Bagong Sanlibutang Salin na iugnay ang Awit 12:7 sa “mahihina.” Ano ang basehan nito?
Makikita sa konteksto na tumutukoy ang Awit 12:7 sa mga tao.
Sa mga unang talata ng Awit 12, sinabi ni David na nagsisinungaling ang masasamang tao sa tapat na mga lingkod ni Jehova. Sa talata 3, binanggit naman na paparusahan ni Jehova ang mga taong iyon. Tinitiyak ng awit na ito na tutuparin ng Diyos ang pangako niya sa mga lingkod niya dahil dalisay ang mga salita niya.
Kaya maliwanag na ang “babantayan” at “poprotektahan” ni Jehova sa talata 7 ay ang mga taong biktima ng masasama.
Sa tekstong ito, ang panghalip na ginamit sa Hebreong Masoretiko ay puwedeng tumukoy sa mga tao o sa mga salita. Pero sa Griegong Septuagint, dalawang beses na ginamit ang panghalip na “tayo” sa talata 7, na malinaw na tumutukoy sa tapat na mga lingkod na mahina at inaapi. At sa dulo ng talatang ito, binanggit na “ang bawat isa” sa mga tapat na ito ay poprotektahan “mula sa henerasyong ito,” na tumutukoy sa mga taong nagtataguyod ng kasamaan. (Awit 12:7, 8) Ganito naman ang salin ng Aramaikong Targum: “Poprotektahan mo, O PANGINOON, ang mga matuwid, at babantayan mo sila mula sa masamang henerasyong ito magpakailanman. Nagpapagala-gala ang masasama, gaya ng linta na sumisipsip sa dugo ng mga anak ng tao.” Dagdag na patunay ito na hindi tumutukoy sa mga salita ng Diyos ang Awit 12:7.
Kaya ang tekstong ito ay pampatibay sa “mga tapat.” Kikilos ang Diyos para sa kanila.