Mga Kabataan—Paano Ninyo Mapaghahandaan ang Bautismo?
“Ang gawin ang iyong kalooban, O Diyos ko, ay kinalulugdan ko.”—AWIT 40:8.
1, 2. (a) Ipaliwanag kung bakit seryosong hakbang ang pagpapabautismo. (b) Ano ang kailangang tiyakin ng isa bago siya magpabautismo?
IKAW ba’y isang kabataang nagbabalak magpabautismo? Kung oo, ito ang pinakamalaking pribilehiyo na puwedeng makamit ng isang tao. Pero gaya ng ipinakita sa nakaraang artikulo, seryosong bagay ang pagpapabautismo. Sagisag ito ng iyong pag-aalay kay Jehova—isang taimtim na pangako na paglilingkuran mo siya habambuhay at uunahin ang kalooban niya. Makatuwiran lang na magpabautismo ka kapag kuwalipikado ka nang gawin ang desisyong iyan, kapag ikaw talaga ang may kagustuhan nito, at kapag nauunawaan mo na ang kahulugan ng pag-aalay.
2 Paano kung hindi ka pa sigurado kung handa ka nang magpabautismo? O paano kung gusto mo nang magpabautismo pero sinasabi ng mga magulang mo na maghintay ka muna, marahil hanggang sa magkaroon ka pa ng higit na karanasan sa pamumuhay bilang Kristiyano? Anuman ang sitwasyon, huwag panghinaan ng loob. Sa halip, magsikap na sumulong para mabautismuhan ka sa lalong madaling panahon. Hinggil diyan, puwede
kang magtakda ng tunguhin may kinalaman sa iyong (1) paninindigan, (2) paggawi, at (3) pagpapahalaga.ANG IYONG PANININDIGAN
3, 4. Ano ang matututuhan ng mga kabataan kay Timoteo?
3 Pag-isipan ang mga tanong na ito: Bakit ako naniniwalang may Diyos? Ano ang nakakukumbinsi sa akin na ang Bibliya ay kinasihang Salita ng Diyos? Bakit ako naniniwalang mas makabubuting mamuhay ayon sa mga pamantayang moral ng Diyos kaysa tularan ang pamumuhay ng sanlibutan? Hindi namin ito itinatanong para mag-alinlangan ka. Sa halip, matutulungan ka ng mga ito na sundin ang payo ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Roma: ‘Patunayan ninyo sa inyong sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.’ (Roma 12:2) Pero bakit kailangan pang patunayan ng mga Kristiyanong iyon sa kanilang sarili ang isang bagay na tinanggap na nila?
4 Pansinin ang isang halimbawa sa Bibliya. Pamilyar si Timoteo sa Kasulatan. Tinuruan siya ng kaniyang ina at lola “mula sa pagkasanggol.” Pero hinimok pa rin ni Pablo si Timoteo: “Magpatuloy ka sa mga bagay na iyong natutuhan at nahikayat na sampalatayanan.” (2 Tim. 3:14, 15) Ayon sa isang reperensiya, ang orihinal na salitang isinalin bilang “nahikayat” ay may diwang “makumbinsi at matiyak na totoo ang isang bagay.” Tinanggap ni Timoteo ang katotohanan, hindi dahil iyon ang sinabi ng kaniyang ina at lola, kundi dahil nangatuwiran siya sa kaniyang natutuhan at siya ay nahikayat.—Basahin ang Roma 12:1.
5, 6. Bakit mahalagang matutuhan mong gamitin ang iyong “kakayahan sa pangangatuwiran” habang bata ka pa?
5 Kumusta ka naman? Baka matagal mo nang alam ang katotohanan. Kung oo, bakit hindi mo sikaping suriin ang mga dahilan ng iyong mga paniniwala? Mapatitibay nito ang iyong paninindigan at maiiwasan mong matangay ng panggigipit ng kasama, propaganda ng sanlibutan, o ng iyong damdamin.
6 Kapag natutuhan mong gamitin ang iyong “kakayahan sa pangangatuwiran” habang bata ka pa, matututuhan mong sagutin ang mga tanong ng mga kasama mo, gaya ng: ‘Paano ka nakatitiyak na may Diyos? Kung maibigin ang Diyos, bakit niya hinahayaan ang kasamaan? Talaga bang mula’t sapol ay umiiral na ang Diyos?’ Kapag nakahanda ka, hindi mapahihina ng gayong mga tanong ang iyong pananampalataya. Sa halip, pakikilusin ka ng mga tanong na ito na higit pang pag-aralan ang Bibliya.
7-9. Ilarawan kung paano titibay ang iyong paninindigan sa tulong ng mga gabay sa pag-aaral na “Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?”
7 Ang masikap na pag-aaral ng Bibliya ay tutulong sa iyo na masagot ang mga tanong, malinawan ang anumang pag-aalinlangan, at mapatibay ang iyong paninindigan. (Gawa 17:11) Maraming paglalaan na makatutulong sa iyo. Nakatulong sa marami ang brosyur na The Origin of Life—Five Questions Worth Asking at ang aklat na Is There a Creator Who Cares About You? Nakinabang din ang maraming kabataan sa seryeng “Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?” na makikita sa jw.org. Tingnan sa TURO NG BIBLIYA. Ang bawat gabay sa pag-aaral sa seryeng ito ay dinisenyo para patibayin ang iyong paninindigan tungkol sa isang paksa sa Bibliya.
8 Dahil pamilyar ka na sa Bibliya, baka madali na lang para sa iyo na sagutin ang mga tanong sa mga gabay sa pag-aaral. Pero bakit ka kumbinsido sa mga sagot mo? Tutulungan ka ng mga gabay sa pag-aaral na mangatuwiran sa mga teksto at isulat ang iyong paniniwala para maipaliwanag mo naman ito sa iba. Marami na ang natulungan
ng feature na “Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?” para tumibay ang kanilang paninindigan. Kung may access ka sa Internet, bakit hindi gawing bahagi ng iyong personal na pag-aaral ang seryeng ito?9 Ang pagpapatibay ng iyong paninindigan ay isang mahalagang hakbang tungo sa bautismo. Sinabi ng isang sister na tin-edyer: “Bago ako magpabautismo, pinag-aralan ko ang Bibliya at nakita kong ito ang tunay na relihiyon. At sa araw-araw, lalong tumitibay ang paninindigan ko.”
ANG IYONG PAGGAWI
10. Bakit makatuwirang asahan na ang bautisadong Kristiyano ay magpapakita ng paggawing kaayon ng kaniyang pananampalataya?
10 Sinasabi ng Bibliya: “Ang pananampalataya, kung wala itong mga gawa, ay patay sa ganang sarili.” (Sant. 2:17) Kung matibay ang paninindigan mo, makatuwiran lang na asahang makikita ito sa iyong paggawi. Anong uri ng paggawi? Binabanggit ng Bibliya ang “banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon.”—Basahin ang 2 Pedro 3:11.
11. Ipaliwanag ang kahulugan ng pananalitang “banal na mga paggawi.”
11 Para maipakita ang “banal na mga paggawi,” dapat kang maging malinis sa moral. Kumusta ka pagdating dito? Halimbawa, sa nakaraang anim na buwan, naipakita mo ba na ang iyong “mga kakayahan sa pang-unawa” ay nasanay para makilala ang pagkakaiba ng tama at ng mali? (Heb. 5:14) May naiisip ka bang mga pagkakataon kung kailan napaglabanan mo ang tukso o panggigipit? Mabuting halimbawa ka ba sa paaralan pagdating sa paggawi? Naninindigan ka ba sa iyong pananampalataya sa halip na makiayon sa mga kaklase mo para makaiwas sa panunuya? (1 Ped. 4:3, 4) Totoo, walang sinuman ang perpekto. Kahit ang matatagal nang lingkod ni Jehova ay nahihirapan ding manindigan kung minsan. Pero taas-noong dinadala ng taong nakaalay kay Jehova ang pangalan ng Diyos, at ipinakikita niya ito sa kaniyang paggawi.
12. Ano ang ilan sa “mga gawa ng makadiyos na debosyon,” at ano ang dapat na maging tingin mo sa mga ito?
12 Kumusta naman ang “mga gawa ng makadiyos na debosyon”? Kasama rito ang mga gawain mo sa kongregasyon, gaya ng pagdalo sa mga pulong at pakikibahagi sa ministeryo. Kasama rin dito ang mga gawaing hindi nakikita ng iba, gaya ng iyong pananalangin at personal na pag-aaral. Para sa isang nakaalay na lingkod ni Jehova, hindi pabigat ang mga ito. Sa halip, madarama niya ang gaya ng damdamin ni Haring David: “Ang gawin ang iyong kalooban, O Diyos ko, ay kinalulugdan ko, at ang iyong kautusan ay nasa aking mga panloob na bahagi.”—Awit 40:8.
13, 14. Anong paglalaan ang makatutulong sa iyo na gumawa ng “mga gawa ng makadiyos na debosyon”? Paano nakinabang dito ang ilang kabataan?
13 Para matulungan kang magtakda ng mga tunguhin, may worksheet sa pahina 308 at 309 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2. Puwede mong isulat sa worksheet ang mga sagot mo sa mga tanong na gaya ng “Gaano kaespesipiko ang iyong mga panalangin, at mapapansin ba sa iyong mga panalangin na talagang mahal mo si Jehova?” “Anu-ano ang personal na pinag-aaralan mo?” “Sumasama ka ba sa pangangaral kahit wala ang mga magulang mo?” Sa worksheet, may mapagsusulatan din ng mga tunguhin mo tungkol sa iyong mga panalangin, personal na pag-aaral, at ministeryo.
14 Nakatulong ang worksheet na ito sa maraming kabataang nagbabalak magpabautismo. Sinabi ng kabataang sister na si
Tilda: “Ginamit ko ang worksheet sa paggawa ng mga tunguhin. Isa-isa kong inabot ang mga tunguhing iyon at pagkaraan ng isang taon, handa na akong magpabautismo.” Nakinabang din dito ang kabataang brother na si Patrick. “Alam ko na kung ano ang mga tunguhin ko,” ang sabi niya, “pero nang isulat ko ang mga iyon, naging mas pursigido akong abutin ang mga iyon.”15. Ipaliwanag kung bakit ang pag-aalay ay isang personal na desisyon.
15 Ang isang tanong sa worksheet ay: “Maglilingkod ka pa rin ba kay Jehova kahit huminto na ang iyong mga magulang at kaibigan sa paglilingkod sa Kaniya?” Bilang nakaalay at bautisadong Kristiyano, tandaan na ikaw mismo ang tatayo sa harap ni Jehova. Hindi mo dapat iasa sa iba, kahit sa mga magulang mo, ang iyong paglilingkod. Ang iyong banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon ay nagpapakitang tinanggap mo na ang katotohanan at sumusulong ka tungo sa bautismo.
ANG IYONG PAGPAPAHALAGA
16, 17. (a) Ano ang dapat magpakilos sa isang tao na maging Kristiyano? (b) Paano mailalarawan ang pagpapahalaga sa pantubos?
16 Isang lalaking bihasa sa Kautusang Mosaiko ang nagtanong kay Jesus: “Alin ang pinakadakilang utos sa Kautusan?” Sumagot si Jesus: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.” (Mat. 22:35-37) Ipinakita ni Jesus na buong-pusong pag-ibig kay Jehova ang dapat na maging motibo sa paggawa ng mga gawaing Kristiyano, kasama na ang pagpapabautismo. Para lumalim ang pag-ibig mo kay Jehova, ang isang paraan ay ang pagbubulay-bulay sa pinakadakilang kaloob ni Jehova—ang haing pantubos ng kaniyang Anak. (Basahin ang 2 Corinto 5:14, 15; 1 Juan 4:9, 19.) Kapag binulay-bulay mo ang pantubos, mauudyukan kang ipakita ang iyong pagpapahalaga rito.
17 Puwedeng ilarawan ang pagtugon mo sa pantubos sa ganitong paraan: Isiping nalulunod ka at may sumagip sa iyo. Basta ka na lang ba uuwi, magpapatuyo, at kalilimutan ang ginawa ng taong iyon para sa iyo? Siyempre hindi! Tatanaw ka ng utang na loob dahil iniligtas ka niya. Utang mo sa kaniya ang iyong buhay! Pero mas malaki ang utang natin sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo. Kung wala ang pantubos, hindi tayo maliligtas mula sa kasalanan at kamatayan. Dahil sa kanilang dakilang pag-ibig, may pag-asa tayong mabuhay magpakailanman sa isang paraisong lupa!
18, 19. (a) Bakit hindi ka dapat matakot na maging pag-aari ni Jehova? (b) Paano mapapabuti ang buhay mo kapag naglilingkod ka kay Jehova?
Heb. 11:6) Kapag nag-alay ka at nagpabautismo, hindi ka mapapasamâ kundi mapapabuti. Sinabi ng isang 24-anyos na brother na nagpabautismo bago siya magtin-edyer: “Kung nagpabautismo ako nang mas matanda ako, baka mas malalim ang unawa ko, pero ang desisyon kong mag-alay kay Jehova ay naging proteksiyon sa akin mula sa makasanlibutang mga tunguhin.”
18 Pinahahalagahan mo ba ang ginawa ni Jehova para sa iyo? Kung gayon, angkop lang na ialay mo kay Jehova ang iyong buhay at magpabautismo. Tandaan na kapag nag-alay ka, nangangako ka kay Jehova na gagawin mo ang kaniyang kalooban magpakailanman, anuman ang mangyari. Dapat ka bang matakot na gumawa ng ganiyang pangako? Hindi! Tandaan na laging iniisip ni Jehova ang pinakamabuti para sa iyo, at siya ang “tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.” (19 Gusto ni Jehova ang pinakamabuti para sa iyo. Pero si Satanas ay makasarili at walang pakialam sa iyo. Kung susundin mo siya, wala siyang maibibigay na mabuti. Paano nga niya magagawa iyon kung siya mismo ay walang magandang pag-asa sa hinaharap? Ang tanging naghihintay sa kaniya ay isang masaklap na kinabukasan, at iyon lang ang maibibigay niya!—Apoc. 20:10.
20. Ano ang magagawa ng isang kabataan para sumulong tungo sa pag-aalay at bautismo? (Tingnan din ang kahong “ Tulong Para Sumulong Ka sa Espirituwal.”)
20 Maliwanag, ang pag-aalay kay Jehova ang pinakamagandang desisyong magagawa mo. Handa ka na ba? Kung oo, huwag mag-atubiling gawin iyon. Pero kung sa palagay mo ay kailangan mo pa ng panahon, sundin mo ang mga mungkahi sa artikulong ito para sumulong ka. Ipinayo ni Pablo sa mga taga-Filipos: “Sa anumang antas tayo nakagawa na ng pagsulong, patuloy tayong lumakad nang maayos sa rutina ring ito.” (Fil. 3:16) Kung susundin mo iyan, di-magtatagal ay nanaisin mong ialay ang iyong buhay kay Jehova at magpabautismo.