Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TALAMBUHAY

Nakinabang Ako sa Paglakad na Kasama ng Marurunong

Nakinabang Ako sa Paglakad na Kasama ng Marurunong

MAALIWALAS ang umagang iyon sa Brookings, South Dakota, U.S.A., pero maginaw. Ramdam kong malapit na ang taglamig. Pero baka magtaka kayo kung bakit nagkatipon ang isang maliit na grupong giniginaw sa loob ng isang malamig na kamalig. Nakatayo kami sa harap ng isang labangan, o inuman ng mga hayop, na may lamang malamig na tubig! Hayaan ninyong ikuwento ko ang buhay ko para maunawaan ninyo.

ANG AMING PAMILYA

Si Tiyo Alfred at ang tatay ko

Isinilang ako noong Marso 7, 1936, at ako ang bunso sa apat na magkakapatid. Nakatira kami sa isang maliit na bukid sa silangang bahagi ng South Dakota. Mahalaga sa pamilya namin ang pagbubukid, pero hindi ito ang pinakamahalaga. Noong 1934, nabautismuhan ang mga magulang ko bilang mga Saksi ni Jehova. Inialay nila ang kanilang buhay sa ating makalangit na Ama, si Jehova, kaya pangunahin sa kanila ang paggawa ng kalooban niya. Ang tatay ko, si Clarence, at nang maglaon, ang aking Tiyo Alfred, ay naglingkod bilang company servant (tinatawag ngayong koordineytor ng lupon ng matatanda) sa aming maliit na kongregasyon sa Conde, South Dakota.

Regular kaming dumadalo sa Kristiyanong pagpupulong at nagbabahay-bahay para sabihin sa iba ang kamangha-manghang pag-asa ng Bibliya para sa hinaharap. Maganda ang epekto sa amin ng halimbawa at pagsasanay ng aming mga magulang. Kaya naman, si Ate Dorothy at ako ay naging mamamahayag ng Kaharian sa edad na anim. Noong 1943, sumali ako sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, na kasisimula pa lang noon.

Nagpayunir ako noong 1952

Mahalaga rin sa amin ang mga kombensiyon at asamblea. Noong 1949, si Brother Grant Suiter ang dumadalaw na tagapagsalita sa kombensiyon sa Sioux Falls, South Dakota. Tandang-tanda ko pa ang pahayag niya, “Mas Malapit Na ang Wakas Kaysa sa Iniisip Mo!” Idiniin niya na kailangang gamitin ng lahat ng nakaalay na Kristiyano ang kanilang buhay sa paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Iyan ang nagpakilos sa akin na mag-alay kay Jehova. Kaya naman nang sumunod na pansirkitong asamblea sa Brookings, naroon ako sa malamig na kamalig na nabanggit kanina, bilang isa sa apat na kandidato sa bautismo. Ang metal na labangang iyon ang naging “baptismal pool” namin noong Nobyembre 12, 1949.

Naging tunguhin ko ang pagpapayunir, at nagsimula akong magpayunir noong Enero 1, 1952, sa edad na 15. Ang sabi ng Bibliya: “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong,” at maraming marurunong sa pamilya namin ang sumuporta sa desisyon kong magpayunir. (Kaw. 13:20) Si Tiyo Julius, na 60 anyos, ang naging partner ko sa pagpapayunir. Kahit malaki ang agwat ng edad namin, naging masaya kami sa ministeryo. Marami akong natutuhan sa kaniya at sa karanasan niya sa buhay. Di-nagtagal, nagpayunir din si Ate Dorothy.

TINULUNGAN AKO NG MGA TAGAPANGASIWA NG SIRKITO

Noong kabataan ako, inaanyayahan ng mga magulang namin ang mga tagapangasiwa ng sirkito at ang kani-kanilang asawa na tumuloy sa amin. Isang mag-asawa na nakatulong nang malaki sa akin ay sina Jesse at Lynn Cantwell. Dahil sa kanilang malasakit at pampatibay-loob, napasigla akong magpayunir at magtakda ng teokratikong mga tunguhin. Kapag dumadalaw sila sa mga kongregasyong malapit sa amin, niyayaya nila akong sumama sa kanila sa ministeryo. Talagang napakasaya at nakapagpapatibay!

Si Bud Miller ang sumunod naming tagapangasiwa ng sirkito. Noong dumadalaw siya at ang misis niyang si Joan sa kongregasyon namin, 18 anyos na ako at napapaharap sa usapin ng paglilingkod sa militar. Noong una, binigyan ako ng lokal na draft board (lupong nangangalap ng mga sundalo) ng gawain na para sa akin ay labag sa tagubilin ni Jesus na dapat maging neutral sa politika ang kaniyang mga tagasunod. At gusto kong mangaral ng mabuting balita ng Kaharian. (Juan 15:19) Kaya umapela ako sa draft board na ituring ako bilang isang ministro.

Napatibay ako nang mag-alok si Brother Miller na samahan ako sa pagdinig ng draft board. Hindi siya mahiyain, at hindi siya takót sa mga tao. Talagang lumakas ang loob ko dahil kasama ko ang isang taong espirituwal na tulad niya! Dahil sa pagdinig na iyon, kinilala ako ng draft board bilang isang ministro noong 1954. Iyan ang naging daan para maabot ko ang isa pang teokratikong tunguhin.

Sa farm, noong bagong Bethelite ako

Nang panahong iyon, nakatanggap ako ng paanyaya na maglingkod sa Bethel, sa tinatawag noon na Watchtower Farm, sa Staten Island, New York. Nakapaglingkod ako doon nang mga tatlong taon. Marami akong magagandang karanasan dahil sa marurunong na kapatid na nakilala ko at nakatrabaho.

PAGLILINGKOD SA BETHEL

Sa WBBR kasama si Brother Franz

Nasa farm sa Staten Island ang istasyon ng radyo na WBBR. Ginamit ito ng mga Saksi ni Jehova mula 1924 hanggang 1957. Mga 15 hanggang 20 miyembro lang ng pamilyang Bethel ang inatasang magtrabaho sa farm. Karamihan sa amin ay kabataan pa at walang karanasan. Pero kasama namin si Brother Eldon Woodworth, isang may-edad na pinahiran. Talagang isa siyang marunong na kapatid. Para namin siyang tatay, at marami kaming natutuhan sa kaniya. Minsan, kapag mayroong di-pagkakaunawaan, sinasabi ni Brother Woodworth, “Kamangha-mangha ang naisasagawa ng Panginoon kung titingnan ang mga ginagamit niya.”

Natatangi ang sigasig ni Brother Harry Peterson sa ministeryo

Pribilehiyo rin naming makasama si Brother Frederick W. Franz. Napakarunong niya at alam na alam niya ang Bibliya. At nagpakita siya ng personal na interes sa amin. Ang kusinero namin ay si Brother Harry Peterson; mas madaling bigkasin iyan kaysa sa tunay na apelyido niya, Papargyropoulos. Isa rin siyang pinahiran, at napakasigasig niya sa ministeryo. Ginagampanang mabuti ni Brother Peterson ang trabaho niya sa Bethel pero hindi niya pinababayaan ang ministeryo. Bawat buwan, nakapagpapasakamay siya nang daan-daang magasin. Napakarami rin niyang alam sa Bibliya, at sinasagot niya ang marami naming tanong.

NATUTO MULA SA MARURUNONG NA SISTER

Sa farm, inihahanda namin ang mga prutas at gulay at inilalagay ang mga ito sa mga garapon. Taon-taon, mga 45,000 garapon ng prutas at gulay ang nagagawa para sa buong pamilyang Bethel. Nakatrabaho ko si Etta Huth, isang marunong na sister. Siya ang gumagawa ng mga resipi para sa pinepreserbang prutas at gulay. Tinutulungan kami ng mga sister na nakatira malapit sa farm, at si Sister Etta ang tumutulong sa pag-oorganisa ng kanilang gagawin. Pero kahit maraming alam si Sister Etta sa trabahong ito, naging mabuting halimbawa siya sa paggalang sa mga brother na nangangasiwa sa farm. Para sa akin, isa siyang mainam na halimbawa ng pagpapasakop sa teokratikong pagkaulo.

Kasama si Angela at si Etta Huth

Isa si Angela Romano sa mga kabataang sister na tumutulong sa farm. Si Sister Etta ang umalalay sa kaniya nang maging Saksi siya. Kaya naman, habang naglilingkod sa Bethel, nakakilala pa ako ng isang marunong na sister, na ngayon ay 58 taon ko nang kasamang naglilingkod kay Jehova. Ikinasal kami ni Angie noong Abril 1958, at pinagpala kami ng maraming pribilehiyo sa paglilingkod. Naging matatag ang aming pagsasama dahil sa di-matatawarang katapatan ni Angie sa Diyos na Jehova. Talagang maaasahan ko siya, anumang pagsubok ang dumating sa amin.

NAGING MISYONERO AT NAGLALAKBAY NA TAGAPANGASIWA

Nang ipagbili ang pasilidad ng WBBR sa Staten Island noong 1957, sandali akong naglingkod sa Bethel sa Brooklyn. Nang ikasal kami ni Angie, lumabas ako ng Bethel, at mga tatlong taon kaming nagpayunir sa Staten Island. Nakapagtrabaho pa nga ako para sa mga bagong may-ari ng istasyon ng radyo, na tinawag na WPOW.

Determinado kami ni Angie na panatilihing simple ang buhay namin para makapaglingkod saanman kami kailangan. Kaya noong 1961, tinanggap namin ang paanyaya na mag-special pioneer sa Falls City, Nebraska. Bagong-bago pa lang kami doon nang anyayahan kaming mag-aral sa isang-buwang Kingdom Ministry School, sa South Lansing, New York. Nag-enjoy kami sa paaralan at umasa kaming magagamit namin ang aming natutuhan pagbalik sa Nebraska. Kaya gulat na gulat kami nang makatanggap kami ng bagong atas—bilang mga misyonero sa Cambodia! Sa magandang lupaing ito sa Timog-Silangang Asia, nakakita, nakarinig, at nakaamoy kami ng mga bagay na bago sa amin. Sabik na sabik kaming ipangaral ang mabuting balita roon.

Pero nagbago ang sitwasyon sa politika, kaya kinailangan naming lumipat sa Timog Vietnam. Kaya lang, pagkaraan ng dalawang taon, nagkasakit ako nang malubha, kung kaya bumalik kami sa United States. Kinailangan ko ng panahon para muling lumakas, at nang makabawi ako, pumasok uli kami sa buong-panahong paglilingkod.

Noong 1975, kasama si Angela bago ang isang interbyu sa telebisyon

Noong Marso 1965, nagsimula kaming dumalaw sa mga kongregasyon sa gawaing paglalakbay. Sa loob ng 33 taon, nasiyahan kami ni Angie sa gawaing pansirkito at pandistrito, pati na sa pag-oorganisa ng mga kombensiyon. Noon pa man ay mahalaga na sa akin ang mga kombensiyon, kaya masaya akong tumulong sa pag-oorganisa sa mga ito. Ilang taon din kaming nasa New York City, at maraming kombensiyon ang idinaos sa Yankee Stadium.

PAGBABALIK SA BETHEL AT MGA PAARALANG TEOKRATIKO

Gaya ng iba pang nasa pantanging buong-panahong paglilingkod, maraming bago at kapana-panabik na atas ang naghihintay sa amin ni Angie. Halimbawa, noong 1995, hinilingan akong magturo ng Ministerial Training School. Pagkaraan ng tatlong taon, inanyayahan kaming bumalik sa Bethel. Tuwang-tuwa akong bumalik kung saan nagsimula ang aking pantanging buong-panahong paglilingkod 40 taon na ang nakararaan. Nagtrabaho ako sa Service Department at naging instruktor sa iba’t ibang paaralan. Noong 2007, binuo ng Lupong Tagapamahala ang Theocratic Schools Department para mangasiwa sa lahat ng paaralan sa Bethel. Pribilehiyo kong maging tagapangasiwa ng departamentong ito sa loob ng ilang taon.

Kamakailan, nagkaroon ng maraming mahahalagang pagbabago sa larangan ng teokratikong edukasyon. Pinasimulan ang School for Congregation Elders noong 2008. Sa sumunod na dalawang taon, mahigit 12,000 elder ang nakapag-aral sa paaralang ito sa Patterson at sa Bethel sa Brooklyn. Patuloy na idinaraos ang paaralang ito sa iba’t ibang lugar, sa tulong ng sinanay na mga field instructor. Noong 2010, pinalitan ang pangalan ng Ministerial Training School at ginawang Bible School for Single Brothers, at pinasimulan ang isang bagong paaralan, ang Bible School for Christian Couples.

Pasimula noong 2015 taon ng paglilingkod, pinagsama ang dalawang paaralang iyon at naging School for Kingdom Evangelizers. Ang mga estudyante nito ay mga mag-asawa, at mga brother o sister na single. Sa buong mundo, marami ang natuwang malaman na idaraos ang paaralang ito sa maraming sangay. Napakasayang makita na marami pa ang magkakapribilehiyong mag-aral sa mga paaralang ito, at natutuwa akong makilala ang maraming kapatid na gumawa ng mga pagbabago para makatanggap ng pagsasanay.

Kapag naiisip ko ang aking buhay bago ako nabautismuhan sa labangang iyon hanggang ngayon, nagpapasalamat ako kay Jehova para sa marurunong na kapatid na gumabay sa akin sa daan ng katotohanan. Hindi lahat sila ay mga kaedaran ko o kalahi, pero mga taong espirituwal sila. Kitang-kita sa kanilang kilos at saloobin ang matinding pag-ibig nila kay Jehova. Sa kaniyang organisasyon, marami tayong marurunong na kapatid na makakasama sa paglakad sa katotohanan. Iyan ang ginawa ko at talagang nakinabang ako.

Gustong-gusto kong makilala ang mga estudyante mula sa iba’t ibang bansa