Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Sa mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova, bakit inilalarawan si apostol Pablo na kalbo o panot?

Ang totoo, walang makapagsasabi kung ano talaga ang hitsura ni Pablo. Ang mga drawing at painting sa ating mga publikasyon ay mga paglalarawan lang ng mga artist, at hindi base sa arkeolohiya.

Pero noon pa man, may makukuha tayong impormasyon tungkol sa pisikal na kaanyuan ni Pablo. Halimbawa, binanggit ng Zion’s Watch Tower, Marso 1, 1902: “Tungkol sa kaanyuan ni Pablo: . . . Sa ‘Acts of Paul and Thecla,’ na isinulat noong A. D. 150, may paglalarawan kay Pablo na malamang na pinakamapananaligan, at tradisyon na totoo. Inilarawan siya nito na ‘maliit, kalbo, sakang, matipuno, salubong ang kilay, at medyo mahaba ang ilong.’”

Ganito ang sabi ng Oxford Dictionary of the Christian Church (edisyon ng 1997) tungkol sa sinaunang akdang ito: “Posibleng may ilang katotohanan ang kasaysayang binabanggit sa ‘Acts.’” Lumilitaw na mataas ang pagkilala ng mga tao sa The Acts of Paul and Thecla noong unang mga siglo dahil mayroon pang 80 manuskritong Griego nito, bukod pa sa mga salin nito sa ibang wika. Kaya ang paglalarawan sa mga publikasyon natin ay batay sa sinaunang mga deskripsiyon ng hitsura ng apostol.

Pero tandaan na may mga bagay na mas mahalaga kaysa sa hitsura ni Pablo. Kahit noong isinasagawa ni Pablo ang kaniyang ministeryo, may ilang pumupuna na “ang kaniyang pagkanaririto sa personal ay mahina at ang kaniyang pananalita ay kahamak-hamak.” (2 Cor. 10:10) Pero huwag nating kalimutan na naging Kristiyano si Pablo nang makahimalang magpakita sa kaniya si Jesus. Pag-isipan din natin ang mga naisagawa ni Pablo bilang “isang piniling sisidlan [kay Jesus] upang dalhin ang [kaniyang] pangalan sa mga bansa.” (Gawa 9:3-5, 15; 22:6-8) At tiyak na makikinabang tayo nang malaki sa mga aklat ng Bibliya na ipinasulat ni Jehova kay Pablo!

Hindi ipinagmalaki ni Pablo ang mga nagawa niya bago maging Kristiyano at hindi rin niya inilarawan ang kaniyang pisikal na kaanyuan. (Gawa 26:4, 5; Fil. 3:4-6) Inamin niya: “Ako ang pinakamababa sa mga apostol, at hindi ako nararapat tawaging apostol.” (1 Cor. 15:9) Isinulat din niya: “Sa akin, isang tao na mas mababa kaysa sa pinakamababa sa lahat ng mga banal, ay ibinigay ang di-sana-nararapat na kabaitang ito, upang maipahayag ko sa mga bansa ang mabuting balita tungkol sa di-maarok na kayamanan ng Kristo.” (Efe. 3:8) Ang mensaheng iyan ay mas mahalaga kaysa sa hitsura ni Pablo.