Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TALAMBUHAY

Hindi Ako Binigo ni Jehova Kahit Kailan!

Hindi Ako Binigo ni Jehova Kahit Kailan!

Isa ako sa apat na batang babaeng pinili para magbigay ng bulaklak kay Adolf Hitler matapos ang kaniyang talumpati. Bakit? Ang tatay ko ay aktibong-aktibo sa gawain ng mga Nazi at drayber siya ng lider ng isang lokal na sangay ng partidong iyon. Sarado Katoliko naman ang nanay ko at gusto niyang magmadre ako. Pero hindi ako naging Nazi o madre. Hayaan ninyong ikuwento ko kung bakit.

LUMAKI ako sa Graz, Austria. Noong pitong taóng gulang ako, ipinasok ako sa isang paaralan para maturuan sa relihiyon. Pero nasaksihan ko roon ang nakapandidiring imoralidad na ginagawa ng mga pari at madre. Kaya wala pang isang taon, pinayagan ako ni Nanay na umalis sa paaralang iyon.

Ang aming pamilya kasama si Tatay na nakauniporme ng militar

Pagkatapos, nag-aral ako sa isang boarding school. Isang gabi, pinuntahan ako ni Tatay para dalhin sa isang ligtas na lugar dahil binobomba ang Graz noon. Tumakas kami papunta sa bayan ng Schladming. Pagkatawid namin sa isang tulay, pinasabog ito. Noong isang pagkakataon naman, habang kami ng lola ko ay nasa bakuran, pinagbabaril kami ng mga eroplano. Nang matapos ang digmaan, pakiramdam namin, binigo kami ng gobyerno at ng simbahan.

NAKILALA KO SI JEHOVA

Noong 1950, ibinahagi ng isang Saksi ni Jehova kay Nanay ang mensahe ng Bibliya. Nakikinig ako sa mga pag-uusap nila at sumasama rin kay Nanay sa ilang pagpupulong. Nang makumbinsi siyang nasa mga Saksi ni Jehova ang katotohanan, nagpabautismo siya noong 1952.

Akala ko noon, ang lokal na kongregasyon ay samahan ng mga may-edad na babae. Pero nang dumalo kami sa isang kongregasyon na may maraming kabataan, hindi pala ito pangmatatanda lang! Nang bumalik ako sa Graz, dinadaluhan ko na ang lahat ng pulong, at nakumbinsi rin ako na ang natututuhan ko ay ang katotohanan. Nakilala ko si Jehova bilang Diyos na laging handang tumulong sa mga lingkod niya. Lagi siyang nandiyan kapag parang mag-isa nating hinaharap ang mahihirap na sitwasyon.—Awit 3:5, 6.

Gusto kong ibahagi ang katotohanan sa iba. Ibinahagi ko muna ito sa mga kapatid ko. Hindi na sa amin nakatira ang apat kong ate. Nagtatrabaho sila bilang mga guro sa iba’t ibang nayon. Pero binibisita ko sila para pasiglahing mag-aral ng Bibliya. Nang maglaon, ang lahat ng kapatid ko ay naging mga Saksi ni Jehova.

Dadalawang linggo pa lang akong nagbabahay-bahay nang makausap ko ang isang babae na mahigit 30 anyos. Inaralan ko siya ng Bibliya. Sumulong siya at nabautismuhan, at nang maglaon, pati na ang kaniyang mister at dalawang anak. Napatibay nito ang pananampalataya ko. Bakit? Kasi walang pormal na nagturo sa akin ng Bibliya. Kaya kailangan kong maghandang mabuti sa bawat pag-aaral namin. Tinuturuan ko muna ang sarili ko para maturuan ko ang study ko. Dahil diyan, lumalim ang pagpapahalaga ko sa katotohanan. At noong Abril 1954, nagpabautismo ako bilang sagisag ng pag-aalay ko kay Jehova.

“PINAG-UUSIG KAMI, NGUNIT HINDI INIIWAN SA KAGIPITAN”

Noong 1955, dumalo ako sa mga internasyonal na kombensiyon sa Germany, France, at England. Sa London, nakilala ko si Brother Albert Schroeder. Isa siyang instruktor ng Bible School of Gilead, at naglingkod din bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala. Nang mag-tour kami sa British Museum, ipinakita sa amin ni Brother Schroeder ang ilang manuskrito ng Bibliya. Naglalaman ang mga ito ng pangalan ng Diyos sa mga titik Hebreo, at ipinaliwanag niya ang kahalagahan nito. Naantig ako at napatibay, kaya lalo akong naging determinado na ibahagi ang katotohanan mula sa Salita ng Diyos.

Kasama ang partner ko (kanan), bilang mga special pioneer sa Mistelbach, Austria

Noong Enero 1, 1956, nag-regular pioneer ako. Pagkaraan ng apat na buwan, inanyayahan akong maglingkod bilang special pioneer sa Austria. Nang panahong iyon, wala pang Saksi sa bayan ng Mistelbach, kung saan ako naatasang maglingkod. Pero napaharap ako sa isang hamon. Magkaibang-magkaiba kami ng partner ko. Laking-siyudad ako at wala pang 19 anyos; probinsiyana naman siya at 25 anyos. Tinatanghali ako ng gising; maaga naman siyang bumabangon. Gabing-gabi na ako matulog; maaga naman siyang nagpapahinga. Pero dahil sa pagkakapit namin ng mga payo sa Bibliya, napagtagumpayan namin ang aming mga pagkakaiba at masaya kaming naglingkod bilang magkapartner.

Ang totoo, napaharap kami sa iba pang mahihirap na hamon. Pinag-usig din kami pero ‘hindi iniwan sa kagipitan.’ (2 Cor. 4:7-9) Minsan, habang nangangaral kami sa isang nayon, pinakawalan ng mga tao ang mga aso nila. Napaligiran kami ng partner ko ng malalaking asong tumatahol at galít na galít. Naghawak-kamay kami at nanalangin ako, “Jehova, pakisuyo, kapag kinagat nila kami, sana mamatay po kami agad!” Nang mga isang dipa na lang ang layo nila sa amin, tumigil sila, ikinawag ang kanilang buntot, at umalis. Ramdam naming pinrotektahan kami ni Jehova. Pagkatapos ng pangyayaring iyon, itinuloy namin ang pangangaral sa buong nayon. Napakasaya namin kasi naging maganda ang pagtugon ng mga tao. Siguro nagulat sila na hindi kami kinagat ng mga aso at na nagpatuloy pa kami matapos ang nakakatakot na karanasang iyon. Nang maglaon, ang ilan sa kanila ay naging mga Saksi.

May isa pa kaming nakakatakot na karanasan. Isang araw, umuwing lasing ang may-ari ng tinutuluyan namin. Nasa kuwarto kami sa ikalawang palapag noon nang marinig naming nagbabanta siya na papatayin niya kami dahil ginagambala raw namin ang mga kapitbahay. Sinubukan siyang pakalmahin ng misis niya pero walang nangyari. Agad kaming naglagay ng mga upuan para harangan ang pinto, at nag-impake. Pagbukas namin ng pinto, nakatayo ang lalaki sa itaas ng hagdanan at may hawak na malaking kutsilyo. Kaya sa likod kami tumakas, tumakbo sa mahabang daanan ng hardin, na dala-dala ang lahat ng gamit namin, at wala nang planong bumalik.

Sa isang hotel kami tumuloy. Nanatili kami roon nang halos isang taon, at nakatulong iyon sa aming ministeryo. Paano? Nasa sentro ng bayan ang hotel, at gusto ng ilang Bible study namin na sa hotel idaos ang pag-aaral. Idinaos din namin sa aming kuwarto ang pag-aaral sa aklat at ang lingguhang Pag-aaral sa Bantayan, at mga 15 ang dumadalo.

Mahigit isang taon kami sa Mistelbach. Pagkatapos, inatasan naman ako sa Feldbach, sa timog-silangan ng Graz. Nagkaroon ako ng bagong partner at wala ring kongregasyon doon. Tumira kami sa isang maliit na kuwarto sa ikalawang palapag ng isang bahay na gawa sa troso. Pumapasok ang hangin sa mga puwang sa pagitan ng mga troso kaya tinatakpan namin iyon ng diyaryo. Kailangan din naming umigib ng tubig sa balon. Pero sulit naman ang lahat. Sa loob lang ng ilang buwan, isang grupo ang naitatag. Nang maglaon, 30 miyembro ng isang pamilya na ini-study namin ang tumanggap sa katotohanan.

Napasidhi ng mga karanasang iyon ang pagpapahalaga ko sa di-nabibigong tulong ni Jehova sa mga umuuna sa Kaharian. Kahit sa mga panahong walang taong makakatulong sa atin, laging nandiyan si Jehova.—Awit 121:1-3.

INALALAYAN NG KANIYANG “KANANG KAMAY NG KATUWIRAN”

Noong 1958, isang internasyonal na kombensiyon ang ginanap sa Yankee Stadium at Polo Grounds sa New York City. Nag-aplay ako na dumalo, at tinanong ako ng sangay sa Austria kung interesado akong mag-aral sa ika-32 klase ng Paaralang Gilead. Matatanggihan ko ba ang pribilehiyong iyon? Sumagot agad ako, “Sige po!”

Sa klase namin, katabi ko si Brother Martin Poetzinger. Napaharap siya noon sa nakapanghihilakbot na mga karanasan sa mga kampong piitan ng Nazi. Nang maglaon, naglingkod din siya bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala. Habang nagkaklase, minsan ay bumubulong siya sa akin, “Erika, ano’ng ibig sabihin n’on sa German?”

Sa kalagitnaan ng kurso, ipinatalastas ni Brother Nathan Knorr ang aming mga atas. Ang atas ko ay sa Paraguay. Dahil napakabata ko pa, kailangan ko ang permiso ng tatay ko para makapasok sa bansang iyon. Dumating ako sa Paraguay noong Marso 1959. Naatasan ako sa isang missionary home sa Asunción, at nagkaroon ng bagong partner.

Di-nagtagal, nakilala ko si Walter Bright, isang misyonero na nagtapos naman sa ika-30 klase. Nang maglaon, nagpakasal kami. Kaya magkasama na naming mahaharap ang mga hamon sa buhay. Kapag mayroon kaming mabigat na problema, binabasa namin ang pangako ni Jehova sa Isaias 41:10: “Huwag kang matakot, sapagkat ako ay sumasaiyo. Huwag kang luminga-linga, sapagkat ako ang iyong Diyos. Patitibayin kita.” Tinitiyak nito sa amin na kung mananatili kaming tapat sa Diyos at uunahin ang kaniyang Kaharian, hinding-hindi niya kami bibiguin.

Nang maglaon, naatasan kami sa isang lugar na malapit sa border ng Brazil. Inuutusan ng klero doon ang mga bata na batuhin ang missionary home namin, na hindi naman ganoon katibay. Mabuti na lang, nai-study ni Walter ang hepe ng pulisya. Tiniyak nito na may mga pulis na magbabantay malapit sa aming missionary home sa loob ng isang linggo. Kaya hindi na kami ginulo ng mga mang-uusig. Di-nagtagal, inilipat kami sa isang mas maayos na tuluyan sa kabilang ibayo ng border ng Brazil. Nakabuti ang paglipat namin doon dahil pareho na naming maidaraos ang mga pulong sa Paraguay at sa Brazil. Bago kami umalis sa atas na iyon, mayroon nang dalawang maliit na kongregasyon doon.

Kasama ang mister kong si Walter, noong mga misyonero kami sa Asunción, Paraguay

PATULOY AKONG INALALAYAN NI JEHOVA

Ayon sa mga doktor ko, hindi na raw ako magkakaanak. Kaya noong 1962, nagulat kaming malaman na buntis ako! Lumipat kami sa Hollywood, Florida, malapit sa pamilya ni Walter. Sa loob ng ilang taon, wala kami sa kalagayang magpayunir dahil nagkapamilya kami. Pero patuloy pa rin naming inuna ang Kaharian sa aming buhay.—Mat. 6:33.

Dumating kami sa Florida noong Nobyembre 1962. Nagulat kaming malaman na dahil sa pananaw ng mga tagaroon, magkahiwalay na nagpupulong ang mga itim na kapatid at ang mga puti, at magkahiwalay rin ang teritoryong pinangangaralan nila. Pero si Jehova ay hindi nagtatangi ng lahi, kaya di-nagtagal, nagsama-sama na sa mga kongregasyon ang magkakaibang lahi. Kitang-kita ang kamay ni Jehova sa kaayusang ito dahil dumami ang mga kongregasyon sa lugar na iyon.

Nakalulungkot, namatay si Walter dahil sa brain cancer noong 2015. Naging mahusay na asawa siya sa loob ng 55-taóng pagsasama namin. Mahal niya si Jehova at marami siyang natulungang kapatid. Nananabik akong makita siyang may mabuting kalusugan kapag binuhay na siyang muli.—Gawa 24:15.

Nagpapasalamat ako dahil nakapaglingkod ako nang buong panahon nang mahigit 40 taon. Napakarami kong masasayang karanasan. Halimbawa, nasaksihan namin ni Walter na mabautismuhan ang 136 sa mga study namin. Siyempre, may mga hamon din. Pero hindi namin hinayaang makahadlang ang mga iyon sa paglilingkod namin sa ating tapat na Diyos. Sa halip, naging mas malapít kami sa kaniya, na may tiwalang lulutasin niya ang mga bagay-bagay sa kaniyang sariling panahon at paraan. At hindi niya kami binigo!—2 Tim. 4:16, 17.

Nami-miss ko pa rin si Walter, pero nakatulong sa akin ang pagpapayunir. Talagang nakabuti sa akin ang pagtuturo sa iba, lalo na ng tungkol sa pag-asa sa pagkabuhay-muli. Oo, hindi ako binigo ni Jehova kahit kailan. Naging tapat siya sa kaniyang pangako. Pinatibay niya ako at patuloy na inalalayan sa pamamagitan ng kaniyang “kanang kamay ng katuwiran.”—Isa. 41:10.