Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagkamapagpatuloy—Bakit Kailangang-kailangan?

Pagkamapagpatuloy—Bakit Kailangang-kailangan?

“Maging mapagpatuloy sa isa’t isa nang walang bulung-bulungan.”—1 PED. 4:9.

AWIT: 100, 87

1. Sa anong mahihirap na sitwasyon napaharap ang unang-siglong mga Kristiyano?

SA PAGITAN ng 62 at 64 C.E., sumulat si apostol Pedro sa “mga pansamantalang naninirahan na nakapangalat sa Ponto, Galacia, Capadocia, Asia, at Bitinia.” (1 Ped. 1:1) Ang mga kongregasyong ito sa Asia Minor ay nangangailangan ng patnubay at pampatibay-loob. Dumaranas sila ng pagsalansang at mapang-abusong pananalita. Napapaharap din sila sa matinding pag-uusig. Nabubuhay rin sila noon sa mapanganib na panahon. Isinulat ni Pedro: “Ang wakas ng lahat ng mga bagay ay malapit na.” Oo, wala nang 10 taon, magwawakas na ang Judiong sistema ng mga bagay. Ano ang makatutulong sa mga Kristiyano sa maigting na panahong iyon?—1 Ped. 4:4, 7, 12.

2, 3. Bakit pinasigla ni Pedro ang mga kapatid na maging mapagpatuloy? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

2 Pinasigla ni Pedro ang mga kapatid: “Maging mapagpatuloy sa isa’t isa.” (1 Ped. 4:9) Sa wikang Griego, ang salitang “pagkamapagpatuloy” ay literal na nangangahulugang “pagkagiliw, o kabaitan, sa ibang mga tao.” Pero pansinin na pinasigla ni Pedro ang mga kapatid na maging mapagpatuloy “sa isa’t isa”—sa mga kakilala nila at kasama sa kongregasyon. Paano makatutulong sa kanila ang pagiging mapagpatuloy?

3 Mas mapapalapít sila sa isa’t isa. Marahil naranasan mo na rin iyan. Naimbitahan ka na ba sa bahay ng isang kaibigan? Tiyak na nagkaroon ka ng masasayang alaala dahil doon. At nang imbitahan mo ang ilang kakongregasyon mo, hindi ba lumalim ang pagkakaibigan ninyo? Kung mapagpatuloy tayo, mas makikilala natin ang ating mga kapatid. Kailangan ng mga Kristiyano noong panahon ni Pedro na maging mas malapít sa isa’t isa habang sumasamâ ang mga kalagayan. Ganiyan din ang dapat nating gawin sa “mga huling araw” na ito.—2 Tim. 3:1.

4. Anong mga tanong ang tatalakayin natin sa artikulong ito?

4 Sa anong mga pagkakataon tayo maaaring maging mapagpatuloy “sa isa’t isa”? Paano natin mahaharap ang mga hadlang sa pagiging mapagpatuloy? Paano naman kung tayo ang inanyayahan?

MGA PAGKAKATAON PARA MAGING MAPAGPATULOY

5. Paano tayo magiging mapagpatuloy sa Kristiyanong pagpupulong?

5 Sa mga pulong: Malugod nating tinatanggap ang lahat ng dumadalo sa ating Kristiyanong pagpupulong dahil tulad natin, sila ay panauhin din sa espirituwal na piging. Si Jehova at ang kaniyang organisasyon ang ating punong-abala. (Roma 15:7) Kaya kapag dumadalo ang mga baguhan, tayo ay nagiging katulong na punong-abala. Bakit hindi magkusang makipagkilala sa kanila, anuman ang kanilang suot o ayos? (Sant. 2:1-4) Kung makita mong wala pang nag-aasikaso sa isang bisita, puwede mo ba siyang yayaing maupo sa tabi mo? Mas makikinabang siya kung tutulungan mo siyang sumubaybay sa pulong at mahanap ang mga tekstong binabasa. Sa paggawa nito, sinusunod natin ang “landasin ng pagkamapagpatuloy.”—Roma 12:13.

6. Sino ang dapat na maging mga pangunahing bisita natin sa tahanan?

6 Para kumain o magmeryenda: Noong panahon ng Bibliya, kasama sa pagkamapagpatuloy ang pag-aanyaya sa iba na kumain sa tahanan. (Gen. 18:1-8; Huk. 13:15; Luc. 24:28-30) Ang paanyaya na makasalo ang isa ay pag-aalok sa kaniya ng pakikipagkaibigan at kapayapaan. Sino ang dapat nating maging mga pangunahing bisita? Ang mga taong bahagi ng buhay natin—mga kapatid sa kongregasyon. Hindi ba tayo-tayo rin ang magtutulungan sa mahihirap na panahon? Kailangan tayong maging tapat na magkakaibigan at magkaroon ng mapayapang ugnayan sa isa’t isa. Halimbawa, noong 2011, in-adjust ng Lupong Tagapamahala ang oras ng Pag-aaral sa Bantayan ng pamilyang Bethel sa United States. Mula 6:45 ng gabi, ginawa itong 6:15 ng gabi. Bakit? Ayon sa patalastas, malamang na mas marami ang magpakita ng pagkamapagpatuloy at tumanggap ng paanyaya sa kanilang kapuwa Bethelite kung mas maagang matatapos ang pag-aaral. Ganito rin ang ginawa ng ibang mga sangay. Dahil sa kaayusang ito, naging mas malapít sa isa’t isa ang mga pamilyang Bethel.

7, 8. Paano tayo magiging mapagpatuloy sa mga dumadalaw na kinatawan ng organisasyon ni Jehova?

7 Kapag may bisita tayong mga speaker galing sa ibang kongregasyon, mga tagapangasiwa ng sirkito, at mga kinatawan ng tanggapang pansangay, magagandang pagkakataon ito para maging mapagpatuloy. (Basahin ang 3 Juan 5-8.) Puwede ka bang maglaan sa kanila ng meryenda o anyayahan silang kumain?

8 Naalaala ng isang sister sa United States: “Sa nakalipas na mga taon, kaming mag-asawa ay nakapagpatulóy sa bahay namin ng maraming speaker kasama ang kani-kanilang asawa. Masayang-masaya kami sa bawat pagkakataong iyon, at higit sa lahat, napatibay kami sa espirituwal. Sulit talaga!”

9, 10. (a) Sino ang mga nangangailangan ng matutuluyan? (b) Puwede bang makatulong kahit ang may maliliit na tahanan? Magbigay ng halimbawa.

9 Sa mga kapatid na nangangailangan ng matutuluyan: Noong sinaunang panahon, kasama sa pagkamapagpatuloy ang paglalaan ng matutuluyan sa mga bisita. (Job 31:32; Flm. 22) Ganiyan din sa ngayon. Kadalasan, ang mga tagapangasiwa ng sirkito ay nangangailangan ng matutuluyan kapag dumadalaw sa mga kongregasyon. Nangangailangan din ng matutuluyan ang mga estudyante ng mga teokratikong paaralan, pati na ang mga construction volunteer. Baka mangailangan din ng pansamantalang matitirhan ang mga pamilyang sinalanta ng sakuna hangga’t hindi pa naaayos ang mga bahay nila. Huwag nating isipin na ang may malalaking bahay lang ang puwedeng makatulong. Baka maraming beses na nilang ginawa ito. Puwede mo bang patuluyin ang iba kahit maliit lang ang bahay mo?

10 Naalaala pa ng isang brother sa South Korea nang maglaan siya ng matutuluyan para sa mga estudyante ng mga teokratikong paaralan. Isinulat niya: “Noong una, nag-aalangan ako kasi bagong-kasal kami ng misis ko at maliit lang ang bahay namin. Pero masayang karanasan ang pagtuloy sa amin ng mga estudyante. Bilang bagong-kasal, nakita namin kung gaano kasaya ang mga mag-asawa kapag magkasama silang naglilingkod kay Jehova at nagtataguyod ng espirituwal na mga tunguhin.”

11. Bakit kailangang pagpakitaan ng pagkamapagpatuloy ang mga bagong-lipat sa inyong kongregasyon?

11 Sa mga bagong-lipat sa kongregasyon: Baka may ilang indibiduwal at pamilya na lumipat sa inyong lugar. Maaaring ang ilan ay lumipat kung saan mas malaki ang pangangailangan. Baka may mga payunir na ipinadala para tumulong sa inyong kongregasyon. Malaking pagbabago iyan para sa kanila dahil kailangan nilang mag-adjust sa bagong komunidad, kongregasyon, at baka pati na rin sa wika o kultura. Puwede mo ba silang imbitahang magmeryenda, kumain, o sumama sa outing para magkaroon sila ng bagong mga kaibigan at makapag-adjust sa kanilang bagong kalagayan?

12. Anong karanasan ang nagpapakita na hindi naman kailangan ng maraming handa para maging mapagpatuloy?

12 Hindi naman kailangan ang maraming handa para maging mapagpatuloy. (Basahin ang Lucas 10:41, 42.) Ikinuwento ng isang brother ang karanasan nilang mag-asawa noong mga bagong misyonero pa lang sila: “Napakabata namin, walang karanasan, at naho-homesick. Isang gabi, matindi ang pagka-homesick ng misis ko, at wala akong magawa para tulungan siya. Nang bandang 7:30 ng gabi, may kumatok sa pinto. Isang babaeng Bible study ang pumunta na may dalang tatlong orange para i-welcome kami. Kaya pinapasok namin siya at binigyan ng isang basong tubig. Nagtimpla rin kami ng tsaa at mainit na tsokolate. Hindi pa kami marunong mag-Swahili, at hindi naman siya marunong mag-Ingles. Pero dahil sa pangyayaring iyon, nagsimula ang aming masayang pakikipagkaibigan sa mga kapatid doon.”

PAGTAGUMPAYAN ANG MGA HADLANG

13. Ano ang magagandang resulta ng pagkamapagpatuloy?

13 Nag-aalangan ka bang mag-anyaya sa iba? Kung oo, baka mapalampas mo ang masayang pagsasamahan at pagkakataong makabuo ng namamalaging pagkakaibigan. Ang pagkamapagpatuloy ay isa sa pinakaepektibong panlaban sa kalungkutan. Kung gayon, bakit may mga nag-aalangan na maging mapagpatuloy? May iba’t ibang dahilan.

14. Ano ang puwede nating gawin kung wala tayong sapat na oras at lakas para tumanggap ng isang paanyaya o mag-anyaya sa iba?

14 Oras at lakas: Abalang-abala ang mga lingkod ni Jehova at marami silang pananagutan. Kaya baka madama ng ilan na wala silang oras at lakas para mag-imbita. Kung ganiyan ang sitwasyon mo, baka kailangan mong suriin ang iskedyul mo. Puwede ka bang gumawa ng mga pagbabago para tumanggap ng isang paanyaya o mag-anyaya naman sa iba? Pinasisigla ng Kasulatan ang mga Kristiyano na maging mapagpatuloy. (Heb. 13:2) Hindi maling maglaan ng panahon para dito; ang totoo, iyan ang dapat nating gawin. Siyempre pa, baka kailangan mong bawasan ang panahon mo sa di-gaanong mahahalagang gawain.

15. Ano ang ikinababahala ng ilan sa pagpapakita ng pagkamapagpatuloy?

15 Ang saloobin mo sa iyong sarili: Gusto mo bang maging mapagpatuloy pero parang hindi mo kaya? Nahihiya at natatakot ang ilan dahil baka maubusan sila ng kuwento o baka mainip ang kanilang mga bisita. Iniisip naman ng iba na limitado lang ang pera nila at hindi sila makapaghanda gaya ng ibang kapatid. Pero tandaan, ang pinakamahalaga sa isang tahanan ay hindi ang ganda nito, kundi ang pagiging maayos, malinis, at pagiging mapagpatuloy ng nakatira dito.

16, 17. Ano ang puwede mong gawin kung nag-aalala kang mag-anyaya?

16 Kung nag-aalala kang mag-imbita ng mga bisita, hindi ka nag-iisa. Sinabi ng isang elder sa Britain: “Nakakanerbiyos maghanda para sa mga bisita. Pero gaya ng anumang bagay na may kinalaman sa paglilingkod kay Jehova, ang kasiyahan at mabubuting resulta nito ay hindi matutumbasan ng kahit anong kabalisahan. Kahit kape at kuwentuhan lang, masaya na ako.” Tandaan, laging mabuting magpakita ng personal na interes sa mga bisita. (Fil. 2:4) Halos lahat ay nasisiyahang magkuwento tungkol sa kanilang mga karanasan. Magandang pagkakataon ang mga social gathering para marinig ang mga karanasan ng mga kapatid. Isinulat ng isa pang elder: “Kapag pumupunta sa bahay ang mga kapatid, mas naiintindihan at nakikilala ko sila, lalo na kung paano nila nalaman ang katotohanan.” Tutulong ang personal na interes para masiyahan ang lahat.

17 Isang sister na payunir ang nagpatulóy sa mga estudyante ng iba’t ibang teokratikong paaralan. Sinabi niya: “Noong una, nag-aalala ako kasi simple lang ang tinutuluyan ko at segunda-mano ang mga gamit ko. Pero napanatag ako sa sinabi ng misis ng isa sa mga instruktor. Kapag nasa gawaing paglalakbay raw sila, ang pinakamasasayang linggo nila ay kapag nakikituloy sila sa isang taong espirituwal na walang gaanong materyal na pag-aari pero kapareho nila ng tunguhin—ang maglingkod kay Jehova at panatilihing simple ang buhay. Naalaala ko tuloy ang laging sinasabi ni Nanay sa aming magkakapatid: ‘Mas mabuti ang gulay basta may pag-ibig.’” (Kaw. 15:17) Kaya kung udyok ng pag-ibig ang iyong pagiging mapagpatuloy, wala kang dapat ipag-alala.

18, 19. Paano makatutulong ang pagiging mapagpatuloy para mapagtagumpayan ang negatibong damdamin natin sa iba?

18 Ang saloobin mo sa iba: Naiirita ka ba sa isang kapatid sa inyong kongregasyon? Kung hindi mo paglalabanan ang negatibong damdaming iyan, baka tumagal ito at hindi na mawala. Ang pagkakaiba-iba ng personalidad ay makahahadlang sa kagustuhan mong maging mapagpatuloy. O baka naman may nakasakit sa iyo noon, at hindi mo iyon makalimutan.

19 Para mapahusay ang kaugnayan mo sa iba, kahit sa mga kaaway pa nga, ipinapayo ng Bibliya ang pagkamapagpatuloy. (Basahin ang Kawikaan 25:21, 22.) Makababawas ito ng tensiyon at makapag-aalis ng hinanakit. Mapalilitaw nito ang kaibig-ibig na mga katangian ng iba, mga katangiang nakita ni Jehova nang ilapit niya sila sa katotohanan. (Juan 6:44) Kung aanyayahan mo ang isa udyok ng pag-ibig, nang hindi niya inaasahan, baka magsimulang bumuti ang ugnayan ninyo. Paano mo matitiyak na pag-ibig nga ang motibo mo? Ang isang paraan ay ang pagsunod sa Filipos 2:3: “May kababaan ng pag-iisip na [ituring] na ang iba ay nakatataas sa inyo.” Pag-isipan kung paano nakatataas, o nakahihigit, sa atin ang ating mga kapatid—sa kanilang pananampalataya, pagbabata, o iba pang katangiang Kristiyano. Kung ito ang titingnan natin, sisidhi ang pag-ibig natin sa kanila at makapagpapakita tayo ng taimtim na pagkamapagpatuloy na magpapabuti ng kaugnayan natin sa kanila.

KAPAG TAYO ANG INANYAYAHAN

Naghahandang mabuti ang mga nag-anyaya para sa kanilang bisita (Tingnan ang parapo 20)

20. Paano tayo magpapakita ng paggalang sa tinanggap nating imbitasyon, at bakit?

20 Nagtanong ang salmistang si David: “O Jehova, sino ang magiging panauhin sa iyong tolda?” (Awit 15:1) Pagkatapos nito, tinalakay niya ang espirituwal na mga katangiang hinahanap ng Diyos sa mga panauhin niya. Isa sa mga ito ay ang pagiging tapat sa ating mga pangako: “Sumumpa siya sa kaniyang ikasasama, at gayunma’y hindi siya nagbabago.” (Awit 15:4) Kaya kapag tumanggap tayo ng paanyaya, hindi natin ito dapat kanselahin kung walang makatuwirang dahilan. Baka nakapaghanda na ang nag-anyaya at baka masayang ito kung basta-basta tayo magkakansela. (Mat. 5:37) Kinakansela ng ilan ang naunang imbitasyon dahil sa isang mas magandang paanyaya. Pero pagpapakita ba iyon ng pag-ibig at paggalang? Kapag tumatanggap ng paanyaya, dapat natin itong pahalagahan anuman ang naihanda ng nag-anyaya sa atin. (Luc. 10:7) At kung hindi talaga maiiwasang magkansela, makabubuting sabihin ito agad sa nag-anyaya bilang pagpapakita ng konsiderasyon.

21. Paano tayo magiging mabuting panauhin kung igagalang natin ang lokal na mga kostumbre?

21 Mahalaga ring igalang ang lokal na mga kostumbre. Sa ilang kultura, tinatanggap kahit ang mga di-inaasahang bisita; sa iba naman, mas maganda kung mayroong patiunang usapan. Sa ibang lugar, inihahain sa mga bisita ang pinakamasarap na pagkain, at saka lang makakakain ang pamilya; sa iba naman, lahat ay pare-pareho ng kinakain. Sa ilang lugar, ang mga bisita ay nagdadala rin ng pagkain para sa pagtitipon; sa iba naman, hindi inoobliga ng nag-anyaya na magdala ng pagkain ang kanilang bisita. At sa ibang kultura, magalang munang tinatanggihan ang una o ikalawang paanyaya; sa iba naman, ang pagtanggi ay itinuturing na kawalan ng pagpapahalaga. Kaya gawin natin ang buo nating makakaya para mapasaya ang mga nag-aanyaya sa atin.

22. Bakit napakahalaga na “maging mapagpatuloy sa isa’t isa”?

22 Sinabi ni Pedro: “Ang wakas ng lahat ng mga bagay ay malapit na.” (1 Ped. 4:7) Oo, haharapin natin ang pinakamatinding kapighatiang hindi pa nangyayari kailanman. Habang lumalala ang mga kalagayan, kailangan ang masidhing pag-ibig sa gitna nating magkakapatid. Kaya kapit na kapit sa mga Kristiyano ngayon ang payo ni Pedro: “Maging mapagpatuloy sa isa’t isa.” (1 Ped. 4:9) Oo, ang pagkamapagpatuloy ay kasiya-siya at mahalagang bahagi ng ating buhay ngayon, at magpakailanman.