Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Makinig Kayo sa Disiplina at Magpakarunong”

“Makinig Kayo sa Disiplina at Magpakarunong”

“Mga anak, . . . makinig kayo sa disiplina at magpakarunong.”—KAW. 8:32, 33.

AWIT: 56, 89

1. Paano natin matatamo ang karunungan, at paano tayo makikinabang dito?

SI Jehova ang Pinagmumulan ng karunungan, at sagana niya itong ibinabahagi sa iba. Sinasabi ng Santiago 1:5: “Kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, patuloy siyang humingi sa Diyos, sapagkat siya ay saganang nagbibigay sa lahat at hindi nandurusta.” Ang isang paraan para matamo ang karunungan mula sa Diyos ay ang pagtanggap sa kaniyang disiplina. Iingatan tayo ng karunungang iyan mula sa mga panganib sa moral at espirituwal. (Kaw. 2:10-12) Dahil dito, “[makapananatili tayo] sa pag-ibig ng Diyos,” na may pag-asang mabuhay nang walang hanggan.—Jud. 21.

2. Paano natin mas mapahahalagahan ang disiplina ng Diyos?

2 Pero dahil hindi tayo sakdal o dahil sa paraan ng pagpapalaki sa atin, nahihirapan tayong tumanggap ng disiplina o magkaroon ng tamang pananaw rito. Mas mapahahalagahan natin ang disiplina kung mararanasan natin ang kapakinabangan nito, na katunayan ng pag-ibig ng Diyos sa atin. “Ang disiplina ni Jehova, O anak ko, ay huwag mong itakwil; . . . sapagkat ang iniibig ni Jehova ay sinasaway niya,” ang sabi ng Kawikaan 3:11, 12. Oo, makatitiyak tayo na kapakanan natin ang iniisip ni Jehova. (Basahin ang Hebreo 12:5-11.) Dahil kilalang-kilala tayo ng Diyos, ang disiplina niya ay laging angkop at nasa tamang antas. Talakayin natin ngayon ang apat na aspekto ng disiplina: (1) disiplina sa sarili, (2) disiplina ng magulang, (3) disiplina sa loob ng kongregasyon, at (4) isang bagay na mas masakit kaysa sa pansamantalang sakit na dulot ng disiplina.

DISIPLINA SA SARILI—ISANG KARUNUNGAN

3. Paano natututuhan ng bata ang disiplina sa sarili? Ilarawan.

3 Kung mayroon tayong disiplina sa sarili, kokontrolin natin ang ating mga ikinikilos at iniisip. Hindi tayo ipinanganak na may disiplina sa sarili. Kailangan natin itong matutuhan. Bilang paglalarawan: Kapag nag-aaral pa lang magbisikleta ang isang bata, kailangan munang hawakan ng magulang ang bisikleta. Pero habang natututong magbalanse ang bata, saglit na binibitiwan ng magulang ang bisikleta paminsan-minsan. Kapag marunong nang magbalanse ang bata, hahayaan na siya ng magulang niya. Sa katulad na paraan, kapag matiyagang sinasanay ng mga magulang ang kanilang maliliit na anak sa “disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova,” natutulungan din nila ang mga ito na magkaroon ng disiplina sa sarili at karunungan.—Efe. 6:4.

4, 5. (a) Bakit mahalagang bahagi ng “bagong personalidad” ang disiplina sa sarili? (b) Bakit hindi tayo dapat sumuko kahit ‘mabuwal tayo nang pitong ulit’?

4 Kapit din ang mga simulaing iyan sa mga nakakilala kay Jehova noong adulto na sila. Baka nakapagpapakita na sila ng disiplina sa sarili. Gayunman, masasabing kulang pa sila sa espirituwal na pagkamaygulang. Pero puwede silang patuloy na sumulong tungo sa pagkamaygulang habang isinusuot nila ang tulad-Kristong “bagong personalidad.” (Efe. 4:23, 24) Mahalagang bahagi nito ang disiplina sa sarili. Dahil dito, natututo tayong “itakwil ang pagka-di-makadiyos at makasanlibutang mga pagnanasa at mamuhay na taglay ang katinuan ng pag-iisip at katuwiran at makadiyos na debosyon sa gitna ng kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay.”—Tito 2:12.

5 Siyempre, makasalanan pa rin tayo. (Ecles. 7:20) Pero ang isang pagkakamali ay hindi nangangahulugan na wala na tayong pag-asa o disiplina sa sarili. “Ang matuwid ay maaaring mabuwal nang kahit pitong ulit, at tiyak na babangon siya,” ang sabi ng Kawikaan 24:16. Ano ang makatutulong sa atin? Hindi sapat ang sariling determinasyon. Kailangan natin ang espiritu ng Diyos. (Basahin ang Filipos 4:13.) Kasama sa bunga ng espiritu ang pagpipigil sa sarili, na kaugnay ng disiplina sa sarili.

6. Paano tayo magiging mas mahusay sa pag-aaral ng Salita ng Diyos? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

6 Para malinang ang disiplina sa sarili, kailangan ang marubdob na pananalangin, pag-aaral ng Bibliya, at pagbubulay-bulay. Pero paano kung nahihirapan kang mag-aral ng Salita ng Diyos? Baka iniisip mo na hindi ka palaaral. Pero kung hahayaan mo si Jehova, tutulungan ka niyang ‘magkaroon ng pananabik’ sa kaniyang Salita. (1 Ped. 2:2) Ipanalangin kay Jehova na magkaroon ka ng disiplina sa sarili sa pag-aaral ng kaniyang Salita. Pagkatapos, kumilos kaayon ng iyong mga panalangin. Halimbawa, gawin munang maikli ang iyong mga pag-aaral. Habang tumatagal, mas magiging madali at kasiya-siya ang pag-aaral mo. Tiyak na magiging mahalaga sa iyo ang mga panahong binubulay-bulay mo ang magagandang kaisipan ni Jehova.—1 Tim. 4:15.

7. Paano makatutulong ang disiplina sa sarili para maabot ang espirituwal na mga tunguhin?

7 Tutulong sa atin ang disiplina sa sarili para maabot ang espirituwal na mga tunguhin. Halimbawa, nadama ng isang ama na nanghihina ang kaniyang sigasig. Kaya ginawa niyang tunguhin ang mag-regular pioneer at nagbasa siya ng mga artikulo sa ating mga magasin tungkol dito. Ito, kasama ng panalangin, ang nagpatibay sa kaniya sa espirituwal. Nagpapatala rin siya bilang auxiliary pioneer sa pana-panahon. Ang resulta? Sa kabila ng mga hadlang, nanatili siyang nakapokus sa tunguhin niya at naging regular pioneer.

PALAKIHIN ANG MGA ANAK SA DISIPLINA NI JEHOVA

Hindi ipinanganak ang mga bata na may kaalaman tungkol sa tama at mali; kailangan silang sanayin (Tingnan ang parapo 8)

8-10. Ano ang makatutulong sa Kristiyanong mga magulang na palakihin ang kanilang mga anak bilang mga lingkod ni Jehova? Ilarawan.

8 Napakahalaga ng pribilehiyo ng Kristiyanong mga magulang—ang palakihin ang kanilang mga anak “sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Efe. 6:4) Pero hindi ito madali, lalo na sa ngayon. (2 Tim. 3:1-5) Hindi ipinanganak ang mga bata na may kaalaman tungkol sa tama at mali. Kahit may budhi sila, kailangan nila ng disiplina para sanayin ito. (Roma 2:14, 15) Ayon sa isang reperensiya sa Bibliya, ang salitang Griego na isinaling “disiplina” ay maaaring isaling “child development,” o pagpapalaki sa anak para maging responsableng adulto.

9 Ang mga anak na maibiging dinidisiplina ay karaniwan nang lumalaking panatag. Natututuhan nila na ang kalayaan ay may hangganan at na ang mga desisyon ay may mga resulta—mabuti man o masama. Kaya naman, napakahalagang magpagabay kay Jehova ang Kristiyanong mga magulang. Tandaan, iba-iba ang paraan ng pagpapalaki sa mga anak, depende sa kultura at panahon. Pero kung ang mga magulang ay nagpapagabay sa Diyos, hindi na nila kailangang manghula kung ano ang gagawin o magtiwala man sa karanasan at karunungan ng tao.

10 Matututo tayo sa halimbawa ni Noe. Nang utusan siya ni Jehova na magtayo ng arka, hindi makaaasa si Noe sa sarili niyang karanasan dahil hindi pa siya nakagawa ng arka kahit kailan. Kaya kailangan niyang magtiwala kay Jehova para magawa niya ito nang “gayung-gayon,” ayon sa sinabi ni Jehova. (Gen. 6:22) Ang resulta? Nagtagumpay si Noe, at naligtas ang kaniyang pamilya. Dahil nagtiwala siya sa karunungan ni Jehova, nagtagumpay rin siya bilang ama. Naturuan niyang mabuti ang kaniyang mga anak at nakapagpakita siya ng magandang halimbawa sa kanila kahit hamon ito noong panahon bago ang Baha.—Gen. 6:5.

11. Bakit napakahalaga ng halimbawa ng mga magulang sa pagsasanay sa kanilang mga anak?

11 Bilang magulang, paano mo magagawa nang “gayung-gayon” ang iyong papel? Magpagabay ka kay Jehova. Hayaan mong turuan ka niya kung paano palalakihin ang iyong anak sa tulong ng kaniyang Salita at organisasyon. Malamang na pasalamatan ka ng iyong anak paglaki niya! Isang brother ang sumulat: “Talagang nagpapasalamat ako sa mga magulang ko sa paraan ng pagpapalaki nila sa akin. Ginawa nila ang lahat para maabot ang puso ko. Malaki ang naging papel nila sa pagsulong ko sa espirituwal.” Pero sa kabila ng pagsisikap ng mga magulang, may ilang anak na tumalikod kay Jehova. Gayunman, ang mga magulang na ito ay may malinis na budhi. Makaaasa rin sila na balang-araw, manunumbalik kay Jehova ang kanilang anak.

12, 13. (a) Kapag natiwalag ang kanilang anak, paano maipakikita ng mga magulang ang kanilang pagkamasunurin sa Diyos? (b) Paano nakinabang ang isang pamilya dahil sa pagsunod ng mga magulang kay Jehova?

12 Talagang nasusubok ang pagkamasunurin ng ilang magulang kapag natiwalag ang kanilang anak. Isang sister ang may anak na babae, na natiwalag at umalis ng bahay. Inamin niya: “Naghahanap ako ng butas sa ating mga publikasyon na maidadahilan ko para makasama ang anak at apo ko.” Sinabi rin niya: “Pero sa mabait na paraan, tinulungan ako ng mister ko na makitang hindi na kami ang responsable sa anak namin.”

13 Makalipas ang ilang taon, nakabalik sa kongregasyon ang anak. “Ngayon, halos araw-araw na niya akong tinatawagan o tinetext!” ang sabi ng ina. “At talagang iginagalang niya kami ng mister ko dahil alam niyang sinunod namin ang Diyos. Maganda na ang ugnayan namin.” Kung may anak kang tiwalag, ‘magtitiwala ka ba kay Jehova nang iyong buong puso at hindi mananalig sa iyong sariling pagkaunawa’? (Kaw. 3:5, 6) Tandaan na makikita sa disiplina ni Jehova ang kaniyang di-mapapantayang karunungan at pag-ibig. Ibinigay niya ang kaniyang Anak para sa lahat, kasama na ang anak mo. Ayaw niyang mapuksa ang sinuman. (Basahin ang 2 Pedro 3:9.) Kaya manampalataya ka sa disiplina at patnubay ni Jehova, kahit masakit ito sa iyo bilang magulang. Makipagtulungan ka sa disiplina ni Jehova; huwag mo itong salansangin.

SA LOOB NG KONGREGASYON

14. Paano tayo nakikinabang sa pagtuturo ni Jehova sa pamamagitan ng “tapat na katiwala”?

14 Nangako si Jehova na pangangalagaan, poprotektahan, at tuturuan niya ang kongregasyong Kristiyano. Ginagawa niya ito sa maraming paraan. Halimbawa, ipinagkatiwala niya ang kongregasyon sa kaniyang Anak, na nag-atas naman ng isang “tapat na katiwala” para maglaan ng espirituwal na pagkain sa tamang panahon. (Luc. 12:42) Ang pagkaing ito ay naglalaan ng pagtuturo, o disiplina. Pag-isipan ito: Napakikilos ka ba ng mga pahayag o artikulo sa ating mga magasin na gumawa ng pagbabago sa iyong pag-iisip o paggawi? Kung oo, magsaya ka dahil hinahayaan mo si Jehova na hubugin o disiplinahin ka sa ikabubuti mo.—Kaw. 2:1-5.

15, 16. (a) Paano tayo makikinabang sa “kaloob na mga tao” sa kongregasyon? (b) Paano natin gagawing mas kasiya-siya ang gawain ng mga elder?

15 Nagbigay rin si Kristo ng “kaloob na mga tao” sa kongregasyon—mga elder na nagpapastol sa kawan ng Diyos. (Efe. 4:8, 11-13) Paano tayo makikinabang mula sa mahahalagang kaloob na ito? Ang isang paraan ay ang pagtulad sa pananampalataya ng mga elder at sa kanilang magandang halimbawa. Ang isa pa ay ang pagsunod sa payo nila mula sa Kasulatan. (Basahin ang Hebreo 13:7, 17.) Tandaan na mahal tayo ng mga elder at gusto nilang sumulong tayo sa espirituwal. Halimbawa, kapag napansin nila na madalas tayong wala sa pulong o nananamlay ang ating sigasig, tiyak na agad nila tayong tutulungan. Pakikinggan nila tayo at patitibayin sa tulong ng payo mula sa Kasulatan. Itinuturing mo ba ang gayong tulong bilang kapahayagan ng pag-ibig ni Jehova sa iyo?

16 Tandaan, baka hindi madali para sa mga elder na payuhan tayo. Halimbawa, isipin kung gaano kahirap para kay propeta Natan na kausapin si Haring David nang pagtakpan nito ang kaniyang malubhang kasalanan. (2 Sam. 12:1-14) Siguradong nag-ipon din ng lakas ng loob si apostol Pablo bago niya ituwid si Pedro, isa sa 12 apostol, nang magpakita ito ng paboritismo sa mga kapatid na Judio. (Gal. 2:11-14) Kaya paano mo gagawing madali para sa mga elder ang pagbibigay ng payo? Maging mapagpakumbaba, madaling lapitan, at mapagpasalamat. Ituring ang tulong nila bilang kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos sa iyo. Makikinabang ka na, madaragdagan mo pa ang kagalakan nila habang ginagampanan nila ang kanilang gawain.

17. Paano nakinabang ang isang sister sa maibiging tulong ng mga elder sa kongregasyon?

17 Dahil sa kaniyang nakaraan, nahirapan ang isang sister na mahalin si Jehova. Sinabi niya: “Kapag pinanghihinaan ako ng loob dahil sa aking nakaraan at iba pang problema, alam kong dapat na akong lumapit sa mga elder. Hindi nila ako pinapagalitan o hinuhusgahan. Sa halip, pinapatibay nila ako. Pagkatapos ng pulong, gaano man sila ka-busy, may isa sa kanila na mangungumusta sa akin. Dahil sa nakaraan ko, parang hindi ako karapat-dapat sa pag-ibig ng Diyos. Pero sa pamamagitan ng kongregasyon at ng mga elder, laging ipinapadama sa akin ni Jehova na mahal niya ako. Sana hinding-hindi ako mawalay sa kaniya.”

ANO ANG MAS MASAKIT KAYSA SA SAKIT NA DULOT NG DISIPLINA?

18, 19. Ano ang mas masakit kaysa sa sakit na dulot ng disiplina? Magbigay ng halimbawa.

18 Masakit ang madisiplina, pero mayroon pang mas masakit dito—ang pinsalang dulot ng pagtanggi sa disiplina. (Heb. 12:11) Tingnan ang dalawang halimbawa—si Cain at si Haring Zedekias. Gustong patayin ni Cain si Abel dahil sa galit. Kaya naman binabalaan ng Diyos si Cain: “Bakit ka nag-iinit sa galit at bakit namamanglaw ang iyong mukha? Kung gagawa ka ng mabuti, hindi ba magkakaroon ng pagkakataas? Ngunit kung hindi ka gagawa ng mabuti, ang kasalanan ay nakaabang sa pasukan, at ikaw ang hinahangad niyaon; at mapananaigan mo ba naman iyon?” (Gen. 4:6, 7) Pero hindi nakinig si Cain. Dinaig siya ng kasalanan. Dahil dito, buong-buhay na pinagdusahan ni Cain ang ginawa niya! (Gen. 4:11, 12) Hindi sana ganoon ang sakit na naranasan niya kung tinanggap niya ang pagsaway ni Jehova.

19 Si Zedekias ay isang mahina at napakasamang hari. Namahala siya noong madilim na yugto sa kasaysayan ng Jerusalem. Paulit-ulit siyang pinayuhan ni propeta Jeremias na magbago pero tinanggihan ng hari ang disiplina. Napakasaklap ng nangyari sa kaniya! (Jer. 52:8-11) Gusto ni Jehova na maiwasan natin ang gayong pagdurusa.—Basahin ang Isaias 48:17, 18.

20. Ano ang mangyayari sa mga tumatanggap sa disiplina ng Diyos at sa mga tumatanggi rito?

20 Sa mundong ito, binabale-wala at hinahamak ang disiplina. Pero kamangmangan iyan at hahantong sa kapahamakan. (Kaw. 1:24-31) Kaya “makinig [tayo] sa disiplina at magpakarunong.” Gaya ng sabi ng Kawikaan 4:13, “humawak ka sa disiplina; huwag mong bibitiwan. Ingatan mo ito, sapagkat ito mismo ang iyong buhay.”