ARALING ARTIKULO 12
Magpakita ng Malasakit sa Iba
‘Kayong lahat ay magpakita ng pakikipagkapuwa-tao.’—1 PED. 3:8.
AWIT 90 Patibayin ang Isa’t Isa
NILALAMAN *
1. Batay sa 1 Pedro 3:8, bakit gusto nating makasama ang mga taong nagmamalasakit sa atin?
GUSTONG-GUSTO nating makasama ang mga taong nagmamalasakit sa atin. Sinisikap kasi nilang ilagay ang kanilang sarili sa sitwasyon natin para maintindihan ang ating iniisip at nadarama. Naiisip nila kung ano ang kailangan natin at tumutulong sila—bago pa nga natin ito hilingin kung minsan. Pinahahalagahan natin ang mga taong nagpapakita sa atin ng “pakikipagkapuwa-tao.” *—Basahin ang 1 Pedro 3:8.
2. Bakit kailangan ang pagsisikap para makapagpakita tayo ng empatiya?
2 Bilang mga Kristiyano, gusto nating magpakita ng empatiya, o pakikipagkapuwa-tao. Pero ang totoo, hindi ito laging madaling gawin. Bakit? Una, hindi tayo sakdal. (Roma 3:23) May tendensiya tayong isipin muna ang ating sarili, kaya kailangan natin itong labanan. Ikalawa, baka nahihirapan ang ilan sa atin na magpakita ng empatiya dahil sa pagpapalaki sa atin o sa mga naranasan natin. Ikatlo, baka naiimpluwensiyahan tayo ng ugali ng mga taong nakakasama natin. Sa mga huling araw na ito, marami ang walang pakialam sa damdamin ng iba. Sa halip, sila ay “maibigin sa kanilang sarili.” (2 Tim. 3:1, 2) Ano ang makakatulong sa atin na mapaglabanan ang mga hamong ito?
3. (a) Ano ang makakatulong sa atin para makapagpakita ng pakikipagkapuwa-tao? (b) Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
3 Makakatulong sa atin ang halimbawa ng Diyos na Jehova at ng kaniyang Anak na si Jesu-Kristo para makapagpakita 1 Juan 4:8) Lubusang tinularan ni Jesus ang personalidad ng kaniyang Ama. (Juan 14:9) Noong nasa lupa si Jesus, ipinakita niya kung paano makapagpapakita ng habag ang isang tao. Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung paano nagmalasakit si Jehova at si Jesus sa iba. Pagkatapos, tatalakayin natin kung paano natin sila matutularan.
tayo ng pakikipagkapuwa-tao. Si Jehova ay Diyos ng pag-ibig, at nagpakita siya ng pinakamahusay na halimbawa ng pagmamalasakit sa iba. (PAGMAMALASAKIT NI JEHOVA
4. Paano ipinapakita ng Isaias 63:7-9 na mahalaga kay Jehova ang nadarama ng mga lingkod niya?
4 Itinuturo ng Bibliya na mahalaga kay Jehova ang nadarama ng mga lingkod niya. Halimbawa, isipin ang nadama ni Jehova noong nagdurusa ang mga Israelita. “Sa lahat ng kanilang kapighatian ay napipighati siya,” ang sabi ng Salita ng Diyos. (Basahin ang Isaias 63:7-9.) Nang maglaon, sa pamamagitan ni propeta Zacarias, sinabi ni Jehova na kapag pinagmamalupitan ang kaniyang bayan, parang siya na rin ang pinagmamalupitan. Sinabi ni Jehova sa mga lingkod niya: “Siya na humihipo sa inyo ay humihipo sa itim ng aking mata.” (Zac. 2:8) Napakagandang paglalarawan ng pagmamalasakit ni Jehova sa kaniyang bayan!
5. Magbigay ng halimbawa kung paano tinulungan ni Jehova ang mga lingkod niyang nagdurusa.
5 Hindi lang basta nahahabag si Jehova sa mga lingkod niyang nagdurusa. Kumikilos siya para tulungan sila. Halimbawa, noong nagdurusa ang mga Israelita sa Ehipto bilang mga alipin, naintindihan ni Jehova ang paghihirap nila at gusto niya silang tulungan. Sinabi ni Jehova kay Moises: “Nakita ko ang kapighatian ng aking bayan . . . , at narinig ko ang kanilang daing . . . Nalalaman kong lubos ang kirot na kanilang tinitiis. At bababa ako upang hanguin sila mula sa kamay ng mga Ehipsiyo.” (Ex. 3:7, 8) Dahil nahabag si Jehova sa kaniyang bayan, pinalaya niya sila sa pagkaalipin. Makalipas ang daan-daang taon, sa Lupang Pangako, sinalakay ng mga kalaban ang mga Israelita. Ano ang nadama ni Jehova? ‘Ikinalungkot ni Jehova ang kanilang pagdaing dahil sa mga naniniil at umaapi sa kanila.’ Muli, dahil sa empatiya, tinulungan ni Jehova ang bayan niya. Nagsugo siya ng mga hukom para iligtas ang mga Israelita sa mga kalaban nila.—Huk. 2:16, 18.
6. Magbigay ng halimbawa kung paano naging makonsiderasyon si Jehova sa damdamin ng isang taong hindi makatuwiran ang pananaw.
6 Makonsiderasyon si Jehova sa damdamin ng bayan niya—kahit pa nga hindi makatuwiran ang pananaw nila kung minsan. Isipin ang nangyari kay Jonas. Isinugo ng Diyos ang propetang ito para maghayag ng hatol laban sa mga Ninevita. Nang magsisi sila, ipinasiya ng Diyos na huwag na silang puksain. Pero hindi natuwa si Jonas. Siya ay “nag-init sa galit” dahil hindi natupad ang inihayag niya. Pero naging matiisin si Jehova kay Jonas at tinulungan niya itong magbago ng pananaw. (Jon. 3:10–4:11) Bandang huli, naintindihan din ni Jonas ang gustong ituro ni Jehova, at sa kaniya pa nga ipinasulat ni Jehova ang karanasan niya para makinabang tayo.—Roma 15:4. *
7. Ano ang pinatutunayan ng pakikitungo ni Jehova sa mga lingkod niya?
7 Pinatutunayan ng pakikitungo ni Jehova sa bayan niya na mayroon siyang empatiya sa kaniyang mga lingkod. Alam niya ang paghihirap at pagdurusa ng bawat isa sa atin. Si Jehova ang “lubos na nakaaalam sa puso ng mga anak ng sangkatauhan.” (2 Cro. 6:30) Naiintindihan niya ang ating mga iniisip, nadarama, at mga limitasyon. At “hindi niya hahayaang tuksuhin [tayo] nang higit sa matitiis [natin].” (1 Cor. 10:13) Talagang nakapagpapatibay iyan!
PAGMAMALASAKIT NI JESUS
8-10. Ano ang malamang na nakatulong kay Jesus para makapagpakita ng malasakit sa iba?
8 Noong nasa lupa si Jesus, nagpakita siya ng malasakit sa iba. May tatlong bagay na maaaring nakatulong kay Jesus para makapagpakita ng pagmamalasakit. Una, gaya ng nabanggit na, lubusang tinularan ni Jesus ang personalidad ng kaniyang Ama sa langit. Gaya ng kaniyang Ama, minahal ni Jesus ang mga tao. Bilang katulong ni Jehova sa paggawa, tuwang-tuwa si Jesus sa lahat ng nilalang ng kaniyang Ama, pero ang talagang ‘kinagigiliwan ni Jesus ay ang mga tao.’ (Kaw. 8:31) Dahil mahal ni Jesus ang mga tao, mahalaga sa kaniya ang damdamin nila.
9 Ikalawa, gaya ni Jehova, nakakabasa si Jesus ng puso. Nalalaman niya ang motibo at nadarama ng mga tao. (Mat. 9:4; Juan 13:10, 11) Kaya kapag nakikita ni Jesus na nasasaktan ang puso ng mga tao, inaaliw niya sila dahil may malasakit siya sa kanila.—Isa. 61:1, 2; Luc. 4:17-21.
10 Ikatlo, naranasan mismo ni Jesus ang ilan sa mga problema ng tao. Halimbawa, lumaki si Jesus sa isang mahirap na pamilya. Kasama ng ama-amahang si Jose, natuto si Jesus ng mabibigat na trabaho. (Mat. 13:55; Mar. 6:3) Lumilitaw na namatay si Jose bago matapos ang ministeryo ni Jesus. Kaya malamang na nadama ni Jesus ang sakit na mamatayan ng isang mahal sa buhay. Alam din ni Jesus ang pakiramdam ng may kapamilyang iba ang paniniwala. (Juan 7:5) Ang mga sitwasyong iyon at iba pa ang malamang na nakatulong kay Jesus na maintindihan ang mga problema at nararamdaman ng mga tao.
11. Kailan malinaw na nakita ang pagmamalasakit ni Jesus? Ipaliwanag. (Tingnan ang larawan sa pabalat.)
11 Kitang-kita ang pagmamalasakit ni Jesus nang gumawa siya ng mga himala. Hindi siya gumawa ng himala dahil lang sa kailangan niyang gawin iyon. Ginawa niya iyon dahil “nahabag” siya sa mga nagdurusa. (Mat. 20:29-34; Mar. 1:40-42) Halimbawa, isipin ang nadama ni Jesus nang ilayo niya sa mga tao ang isang lalaking bingi at pagalingin ito o nang buhayin niyang muli ang kaisa-isang anak ng isang biyuda. (Mar. 7:32-35; Luc. 7:12-15) Nagpakita ng simpatiya si Jesus sa mga tao at tinulungan niya sila.
12. Batay sa Juan 11:32-35, paano nagpakita si Jesus ng empatiya kina Marta at Maria?
12 Nagpakita ng empatiya si Jesus kina Marta at Maria. Nang makita niyang nagdadalamhati sila sa pagkamatay ng kapatid nilang si Lazaro, “si Jesus ay lumuha.” (Basahin ang Juan 11:32-35.) Hindi siya lumuha dahil lang sa hindi na niya makakasama ang malapít niyang kaibigan. Bubuhayin naman niyang muli si Lazaro. Lumuha siya dahil naintindihan niya ang sakit na nararamdaman ng mga kaibigan niya at naawa siya sa kanila.
13. Bakit nakapagpapatibay malaman na may empatiya si Jesus sa mga tao?
13 Nakapagpapatibay malaman na si Jesus ay may empatiya. Mahal natin siya dahil sa paraan ng pakikitungo niya sa mga tao. (1 Ped. 1:8) Napapatibay tayo dahil alam nating namamahala na siya ngayon bilang Hari ng Kaharian ng Diyos. Malapit na niyang alisin ang lahat ng pagdurusa. Dahil naging tao siya noon, siya ang talagang makakatulong para maalis ang paghihirap ng mga tao na idinulot ng pamamahala ni Satanas. Isa ngang pagpapala na binigyan tayo ng Tagapamahala na handang “makiramay sa ating mga kahinaan.”—Heb. 2:17, 18; 4:15, 16.
TULARAN SI JEHOVA AT SI JESUS
14. Ano ang ipinapayo ng Efeso 5:1, 2 na gawin natin?
14 Kapag pinag-iisipan natin ang halimbawa ni Jehova at ni Jesus, nauudyukan tayong higit na magpakita ng empatiya. (Basahin ang Efeso 5:1, 2.) Hindi tayo nakakabasa ng puso tulad nila. Pero puwede nating sikaping maintindihan ang damdamin at pangangailangan ng iba. (2 Cor. 11:29) Di-gaya ng mga tao sa ngayon na makasarili, nagsisikap tayong magtuon ng pansin “hindi lamang sa personal na kapakanan [natin], kundi sa personal na kapakanan din ng iba.”—Fil. 2:4.
15. Sino ang lalo nang dapat magpakita ng empatiya?
15 Ang mga elder sa kongregasyon ang lalo nang dapat magpakita ng empatiya. Alam nilang mananagot sila sa paraan ng pangangalaga nila sa mga tupang ipinagkatiwala sa kanila. (Heb. 13:17) Para matulungan ang mga kapatid, kailangang maging maunawain ang mga elder. Paano sila makapagpapakita ng empatiya?
16. Ano ang ginagawa ng isang elder na may empatiya, at bakit ito mahalaga?
16 Ang isang elder na may empatiya ay may panahon sa mga kapatid. Nagtatanong siya sa kanila at nakikinig na mabuti. Lalo nang kailangan iyan kapag gustong ibuhos ng isang kapatid ang kaniyang niloloob pero hindi niya alam kung paano ito sasabihin. (Kaw. 20:5) Kapag handang maglaan ng panahon sa mga kapatid ang isang elder, tumitibay ang pagtitiwala, pagkakaibigan, at pag-ibig nila sa isa’t isa.—Gawa 20:37.
17. Anong katangian ng mga elder ang pinakagusto ng mga kapatid? Magbigay ng halimbawa.
17 Maraming kapatid ang nagsasabi na ang pinakagusto nilang katangian ng mga elder ay ang pagiging mapagmalasakit sa iba. Bakit? “Mas madaling makipag-usap sa kanila, kasi alam mong maiintindihan ka nila,” ang sabi ni Adelaide. Sinabi pa niya: “Makikita mong may empatiya sila sa paraan ng pakikipag-usap nila sa iyo.” Sinabi naman ng isang brother: “Naiiyak ang kausap kong elder habang sinasabi ko ang problema ko. Hindi ko ’yon makakalimutan.”—Roma 12:15.
18. Paano tayo makapagpapakita ng empatiya?
18 Siyempre, hindi lang mga elder ang kailangang magpakita ng empatiya. Lahat tayo ay makapagpapakita ng ganiyang katangian. Paano? Sikaping maintindihan ang pinagdaraanan ng iyong mga kapamilya at kapananampalataya. Magpakita ng malasakit sa mga kabataan sa kongregasyon, maysakit, may-edad, at sa namatayan ng mahal sa buhay. Kumustahin sila. Makinig na mabuti kapag sinasabi nila ang nadarama nila. Ipakita mong talagang naiintindihan mo ang sitwasyon nila. Mag-alok ng anumang maitutulong mo. Kung gagawin natin iyan, makapagpapakita tayo ng tunay na pag-ibig.—19. Bakit kailangan nating ibagay ang paraan ng ating pagtulong?
19 Kailangan nating ibagay ang paraan ng ating pagtulong. Bakit? Dahil iba-iba ang paraan ng mga tao sa pagharap sa problema. Ang ilan, gustong-gustong ipakipag-usap ang problema nila; ang iba naman, ayaw. Gusto nating tumulong, pero dapat nating iwasang magtanong ng napakapersonal. (1 Tes. 4:11) Kapag sinasabi ng iba ang nadarama nila, posibleng iba ang pananaw natin sa pananaw nila. Pero tandaan natin na iyon ang nadarama nila. Gusto nating makinig na mabuti at huwag basta-basta magsalita.—Mat. 7:1; Sant. 1:19.
20. Ano ang tatalakayin natin sa susunod na artikulo?
20 Bukod sa pagpapakita ng empatiya, o pakikipagkapuwa-tao, sa loob ng kongregasyon, gusto rin nating ipakita ang magandang katangiang ito sa ating ministeryo. Paano natin ito maipapakita kapag gumagawa ng mga alagad? Tatalakayin natin iyan sa susunod na artikulo.
AWIT 130 Maging Mapagpatawad
^ par. 5 Si Jehova at si Jesus ay may malasakit sa iba. Tatalakayin sa artikulong ito kung ano ang matututuhan natin sa halimbawa nila. Tatalakayin din natin kung bakit kailangan tayong magpakita ng pakikipagkapuwa-tao, o empatiya, at kung paano natin ito magagawa.
^ par. 1 KARAGDAGANG PALIWANAG: Ang “pakikipagkapuwa-tao” ay ang pagsisikap na maintindihan ang nadarama ng iba at na madama rin ang nadarama nila. (Roma 12:15) Sa artikulong ito, magkapareho ang kahulugan ng “pakikipagkapuwa-tao” at “pagmamalasakit.”
^ par. 6 Naging mahabagin din si Jehova sa iba pa niyang tapat na lingkod na nasiraan ng loob o natakot. Isipin ang mga ulat tungkol kina Hana (1 Sam. 1:10-20), Elias (1 Hari 19:1-18), at Ebed-melec (Jer. 38:7-13; 39:15-18).
^ par. 65 LARAWAN: Sa mga pulong sa Kingdom Hall, marami tayong pagkakataong makapagpakita ng empatiya. Makikita natin ang (1) isang elder na mabait na nakikipag-usap sa batang mamamahayag at sa nanay nito, (2) isang mag-amang tumutulong sa may-edad na sister na makasakay sa kotse, at (3) dalawang elder na nakikinig na mabuti sa isang sister na humihingi ng payo.