Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 12

Kailan Tayo Dapat Magsalita?

Kailan Tayo Dapat Magsalita?

“May . . . panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita.”​—ECLES. 3:1, 7.

AWIT 124 Ipakita ang Katapatan

NILALAMAN *

1. Ano ang matututuhan natin sa Eclesiastes 3:1, 7?

GUSTO ng ilan na magsalita nang magsalita. Gusto naman ng iba na tumahimik. Gaya ng ipinapakita sa temang teksto, may panahon ng pagsasalita at panahon ng pagtahimik. (Basahin ang Eclesiastes 3:1, 7.) Pero baka may mga kapatid na gusto nating mas magsalita pa. At baka may ilan naman na gusto nating huwag masyadong magsalita.

2. Sino ang dapat magtakda ng pamantayan kung kailan at kung paano tayo dapat magsalita?

2 Ang kakayahang magsalita ay regalo mula kay Jehova. (Ex. 4:10, 11; Apoc. 4:11) Sa Bibliya, ipinaalám niya sa atin kung paano iyan gagamitin nang tama. Tatalakayin natin sa artikulong ito ang mga halimbawa sa Bibliya na tutulong sa ating malaman kung kailan dapat magsalita at kung kailan dapat tumahimik. Aalamin din natin kung ano ang epekto kay Jehova ng sinasabi natin sa iba. Una, talakayin natin kung kailan tayo dapat magsalita.

KAILAN DAPAT MAGSALITA?

3. Batay sa Roma 10:14, kailan tayo dapat magsalita?

3 Dapat na lagi tayong handang magsalita tungkol kay Jehova at sa Kaharian. (Mat. 24:14; basahin ang Roma 10:14.) Kapag ginawa natin ito, tinutularan natin si Jesus. Isa sa pangunahing dahilan kung bakit bumaba si Jesus sa lupa ay para sabihin sa iba ang katotohanan tungkol sa kaniyang Ama. (Juan 18:37) Pero dapat nating tandaan na mahalaga rin kung paano tayo nagsasalita. Kaya kapag nakikipag-usap sa iba tungkol kay Jehova, dapat na “mahinahon [tayo] at may matinding paggalang” at dapat nating ipakita na mahalaga sa atin ang nararamdaman at pinaniniwalaan ng kausap natin. (1 Ped. 3:15) Sa paggawa nito, hindi lang tayo basta nagsasalita, nagtuturo din tayo at posibleng maabot natin ang puso ng kausap natin.

4. Batay sa Kawikaan 9:9, paano natin matutulungan ang iba kapag nagsalita tayo?

4 Hindi dapat magdalawang-isip ang mga elder na magsalita kapag kailangang payuhan ang isang kapatid. Siyempre, kailangan nilang pumili ng tamang pagkakataon para hindi mapahiya ang kapatid. Baka gusto nilang gawin ito kapag wala nang ibang nakakarinig. Laging sinisikap ng mga elder na magsalita sa paraang maiingatan ang dignidad ng kausap nila. Pero hindi sila nag-aalangang sabihin ang mga prinsipyo sa Bibliya na makakatulong sa iba na gawin ang tama. (Basahin ang Kawikaan 9:9.) Bakit napakahalaga na mayroon tayong lakas ng loob na magsalita kung kinakailangan? Pansinin ang dalawang magkaibang halimbawa: kailangang ituwid ng isang lalaki ang mga anak niya at kailangang sabihan ng isang babae ang kasunod na hari.

5. Ano ang naging pagkakamali ng mataas na saserdoteng si Eli?

5 Ang mataas na saserdoteng si Eli ay may dalawang anak na mahal na mahal niya. Pero hindi nila iginagalang si Jehova. May pribilehiyo silang maglingkod bilang saserdote sa tabernakulo. Pero inabuso nila ang awtoridad nila, nilapastangan ang mga handog kay Jehova, at hayagang nagsagawa ng seksuwal na imoralidad. (1 Sam. 2:12-17, 22) Ayon sa Kautusang Mosaiko, dapat patayin ang mga anak ni Eli, pero sinaway lang niya sila at hinayaang patuloy na maglingkod sa tabernakulo. (Deut. 21:18-21) Ano ang naging reaksiyon ni Jehova? Sinabi niya kay Eli: “Bakit mas pinararangalan mo ang mga anak mo kaysa sa akin?” Sinabi rin niya na mamamatay ang dalawang masamang lalaking ito.​—1 Sam. 2:29, 34.

6. Ano ang matututuhan natin sa nangyari kay Eli?

6 May mahalaga tayong matututuhan sa nangyari kay Eli. Kapag nalaman nating lumabag sa batas ng Diyos ang kaibigan natin o kamag-anak, dapat tayong magsalita at ipaalala sa kaniya ang mga pamantayan ni Jehova. Dapat nating tiyakin na makakatanggap siya ng kinakailangang tulong mula sa mga inatasan ni Jehova. (Sant. 5:14) Ayaw nating maging tulad ni Eli; mas pararangalan natin si Jehova kaysa sa mga kaibigan natin o kamag-anak. Kailangan ng lakas ng loob para ituwid ang iba, pero puwedeng maging maganda ang resulta nito. Tingnan natin ang pagkakaiba ng ginawa ni Eli sa ginawa ng Israelitang si Abigail.

Nagpakita si Abigail ng magandang halimbawa kung kailan dapat magsalita (Tingnan ang parapo 7-8) *

7. Bakit nakipag-usap si Abigail kay David?

7 Si Abigail ay asawa ng mayamang si Nabal na may-ari ng lupain. Nang si David at ang mga tauhan niya ay tumatakas kay Haring Saul, nakasama nila ang mga pastol ni Nabal at pinrotektahan ang kawan nito mula sa mga magnanakaw. Pinahalagahan ba ni Nabal ang ginawa nila? Hindi. Nang humingi si David ng kaunting pagkain at tubig para sa mga tauhan niya, nagalit si Nabal at ininsulto sila. (1 Sam. 25:5-8, 10-12, 14) Kaya gustong patayin ni David ang lahat ng lalaki sa sambahayan ni Nabal. (1 Sam. 25:13, 22) Paano naiwasan ang trahedyang ito? Nakita ni Abigail na panahon ito para magsalita, kaya lakas-loob siyang humarap sa 400 gutóm at galít na nasasandatahang lalaki at nakipag-usap kay David.

8. Ano ang matututuhan natin kay Abigail?

8 Lakas-loob na kinausap ni Abigail si David. Ginawa niya ito nang may paggalang at nakumbinsi niya ito. Kahit na walang kasalanan si Abigail, humingi pa rin siya ng tawad kay David. Sinabi rin niya na mabuting tao si David at alam niyang gagawin nito ang tama. Nagtiwala rin siyang tutulungan siya ni Jehova. (1 Sam. 25:24, 26, 28, 33, 34) Gaya ni Abigail, kailangan nating lakas-loob na magsalita kapag nakita nating napapalihis ng landas ang isang kapatid. (Awit 141:5) Pero dapat pa rin tayong maging magalang. Kapag nagbibigay tayo ng kinakailangang payo sa isang kapatid, pinapatunayan nating tayo ay tunay na kaibigan.​—Kaw. 27:17.

9-10. Ano ang dapat tandaan ng mga elder kapag nagpapayo sa iba?

9 Ang mga elder ang lalo nang dapat may lakas ng loob na makipag-usap sa isang kapatid na nakagawa ng maling hakbang. (Gal. 6:1) Alam ng mapagpakumbabang mga elder na hindi rin sila perpekto at mangangailangan din sila ng payo. Pero hindi ito makakapigil sa kanila sa pagsaway sa mga nangangailangan ng disiplina. (2 Tim. 4:2; Tito 1:9) Kapag nagpapayo sila, sinisikap nilang maging mataktika at matiyaga. Mahal nila ang mga kapatid, at iyon ang nagpapakilos sa kanila na tumulong. (Kaw. 13:24) Pero ang pangunahin sa kanila ay ang maparangalan si Jehova; gusto nilang itaguyod ang mga pamantayan niya at protektahan ang kongregasyon.​—Gawa 20:28.

10 Natalakay na natin kung kailan dapat magsalita. Pero may mga pagkakataon na dapat tayong tumahimik. Anong mga hamon ang puwedeng mapaharap sa atin sa mga sitwasyong ito?

KAILAN DAPAT TUMAHIMIK?

11. Anong ilustrasyon ang ginamit ni Santiago, at bakit angkop ito?

11 Mahirap kontrolin ang ating dila. May ginamit na ilustrasyon ang manunulat ng Bibliya na si Santiago para ilarawan ito. Sinabi niya: “Kung ang sinuman ay hindi nagkakamali sa pagsasalita, siya ay taong perpekto, na kaya ring rendahan ang buong katawan niya.” (Sant. 3:2, 3) Ang renda ay inilalagay sa ulo at bibig ng kabayo. Kapag hinatak ito, nakokontrol o napapahinto ng nakasakay ang kabayo. Kapag nabitawan ng nakasakay ang renda, hindi na niya makokontrol ang kabayo at puwede siyang mapahamak, pati na ang kabayo. Sa katulad na paraan, kapag hindi natin kinontrol ang ating dila, puwede itong pagmulan ng maraming problema. Tingnan natin ang ilang sitwasyon kung kailan natin dapat rendahan ang ating dila at hindi magsalita.

12. Kailan natin dapat rendahan ang ating dila at hindi magsalita?

12 Ano ang ginagawa mo kapag ang isang kapatid ay may alam na kompidensiyal na impormasyon? Halimbawa, kapag may nakilala kang kapatid na nakatira sa isang bansang may pagbabawal, itinatanong mo ba sa kaniya ang detalye ng gawain natin sa bansang iyon? Mabuti naman ang intensiyon mo. Mahal natin ang mga kapatid at interesado tayo sa mga nangyayari sa kanila. Gusto rin nating maging espesipiko kapag ipinapanalangin sila. Pero ito ang pagkakataon na dapat nating rendahan ang ating dila at hindi magsalita. Kapag pinipilit natin ang isang kapatid na magsabi ng kompidensiyal na impormasyon, hindi tayo nagpapakita ng pag-ibig sa kaniya at sa mga kapatid na nagtitiwalang hindi siya magsasalita tungkol sa gawain nila. Tiyak na ayaw nating dagdagan ang paghihirap ng mga kapatid na nakatira sa mga bansang may pagbabawal. Siyempre, ayaw rin ng mga kapatid na naglilingkod sa mga bansang iyon na magbigay ng detalye tungkol sa pangangaral at iba pang gawain ng mga Saksi roon.

13. Gaya ng sinasabi sa Kawikaan 11:13, ano ang dapat gawin ng mga elder, at bakit?

13 Lalo nang dapat sundin ng mga elder ang prinsipyo sa Kawikaan 11:13—iingatan nila ang kompidensiyal na mga bagay. (Basahin.) Hindi ito madali, lalo na kung may asawa ang elder. Pinapatibay ng mag-asawa ang ugnayan nila kapag madalas silang nag-uusap at kapag sinasabi nila sa isa’t isa ang mga iniisip, nararamdaman, at ikinababahala nila. Pero alam ng isang elder na hindi niya dapat sabihin sa asawa niya ang “kompidensiyal na mga bagay” na sinabi sa kaniya ng isang kapatid. Kapag ginawa niya ito, mawawala ang tiwala ng kongregasyon sa kaniya at masisira ang reputasyon niya. Ang mga may pananagutan sa kongregasyon ay hindi dapat maging “dalawang-dila.” (1 Tim. 3:8, tlb.) Ibig sabihin, hindi sila mapanlinlang—hindi sila nagkukunwaring pinananatili nilang lihim ang isang bagay pero ang totoo, sinasabi nila ito sa iba. Kung mahal ng elder ang asawa niya, hindi niya ito pabibigatan ng impormasyong hindi nito kailangang malaman.

14. Paano matutulungan ng asawang babae ang asawa niyang elder na mapanatili ang magandang reputasyon?

14 Matutulungan ng asawang babae ang asawa niya na mapanatili ang magandang reputasyon kung hindi niya ito pipiliting magsabi ng kompidensiyal na mga bagay. Kapag ginawa ito ng asawang babae, hindi lang niya sinusuportahan ang asawa niya; pinararangalan din niya ang mga kapatid na nagtiwala sa asawa niya. At ang pinakamahalaga, napapasaya niya si Jehova kasi nakakatulong siya para maging payapa at nagkakaisa ang kongregasyon.​—Roma 14:19.

ANO ANG EPEKTO KAY JEHOVA NG PANANALITA NATIN?

15. Ano ang naging reaksiyon ni Jehova sa ginawa ng tatlong kasamahan ni Job, at bakit?

15 Matututuhan natin sa aklat ng Job kung paano at kung kailan tayo magsasalita. Matapos dumanas si Job ng maraming trahedya, may apat na lalaking pumunta para magpatibay at magpayo sa kaniya. Matagal silang tumahimik. Pero nang magsalita ang tatlo sa kanila—sina Elipaz, Bildad, at Zopar—malinaw na hindi nila pinag-isipan kung paano tutulungan si Job. Ang inisip nila ay kung paano patutunayang may nagawang mali si Job. Tama naman sila sa ilang bagay, pero karamihan sa sinabi nila tungkol kay Job at kay Jehova ay mali o masama. Sinabi nilang masamang tao si Job. (Job 32:1-3) Ano ang naging reaksiyon ni Jehova? Galit na galit siya sa tatlong lalaking ito. Tinawag niya silang mangmang at sinabi sa kanilang hilingin kay Job na ipanalangin sila.​—Job 42:7-9.

16. Ano ang matututuhan natin sa babalang halimbawa nina Elipaz, Bildad, at Zopar?

16 May matututuhan tayo sa babalang halimbawa nina Elipaz, Bildad, at Zopar. Una, hindi natin dapat hatulan ang mga kapatid. (Mat. 7:1-5) Dapat muna tayong makinig na mabuti sa kanila bago magsalita. Sa ganitong paraan lang natin maiintindihan ang sitwasyon nila. (1 Ped. 3:8) Ikalawa, kapag nagsalita na tayo, dapat tayong magsabi ng totoo at maging mabait. (Efe. 4:25) At ikatlo, talagang interesado si Jehova sa sinasabi natin sa iba.

17. Ano ang matututuhan natin kay Elihu?

17 Ang ikaapat na lalaking pumunta kay Job ay si Elihu na kamag-anak ni Abraham. Nakinig siya sa pag-uusap ni Job at ng tatlong lalaki. Masasabing nakinig siyang mabuti kasi nakapagbigay siya ng mabait pero direktang payo na nakatulong kay Job na ituwid ang kaisipan niya. (Job 33:1, 6, 17) Ang pinakamahalaga kay Elihu ay ang parangalan si Jehova, hindi ang sarili niya o ang sinuman. (Job 32:21, 22; 37:23, 24) Natutuhan natin kay Elihu na may panahon ng pagtahimik at pakikinig. (Sant. 1:19) Natutuhan din natin na kapag nagpapayo, dapat na pangunahin sa atin na maparangalan si Jehova at hindi ang sarili natin.

18. Paano natin maipapakitang mahalaga sa atin ang kakayahan nating magsalita?

18 Maipapakita nating mahalaga sa atin ang kakayahan nating magsalita kapag sinusunod natin ang payo ng Bibliya kung kailan at kung paano magsasalita. Isinulat ng matalinong haring si Solomon: “Gaya ng mga gintong mansanas sa lalagyang pilak ang salitang sinabi sa tamang panahon.” (Kaw. 25:11) Kapag nakikinig tayong mabuti sa sinasabi ng iba at nag-iisip bago magsalita, ang mga salita natin ay magiging gaya ng gintong mansanas na mahalaga at maganda. Sa gayon, marami man o kaunti ang sabihin natin, mapapatibay ang iba at mapapasaya natin si Jehova. (Kaw. 23:15; Efe. 4:29) Napakaganda ngang paraan para maipakita natin ang pagpapahalaga sa regalong ito ng Diyos!

AWIT 82 Pasikatin ang Inyong Liwanag

^ par. 5 Mababasa natin sa Salita ng Diyos ang mga prinsipyong tutulong sa atin na malaman kung kailan dapat magsalita at kung kailan dapat tumahimik. Kapag alam natin ang sinasabi ng Bibliya at sinunod ito, mapapasaya natin si Jehova.

^ par. 62 LARAWAN: Isang sister ang nagpapayo sa isa pang sister.

^ par. 64 LARAWAN: Isang brother ang nagbibigay ng mungkahi tungkol sa kalinisan.

^ par. 66 LARAWAN: Sa tamang pagkakataon, nakiusap si Abigail kay David at maganda ang naging resulta.

^ par. 68 LARAWAN: Hindi sinasabi ng isang mag-asawa ang detalye ng gawain natin sa isang bansang may pagbabawal.

^ par. 70 LARAWAN: Tinitiyak ng isang elder na walang makakarinig sa sasabihin niyang kompidensiyal na mga bagay.