Alam Mo Ba?
Bukod sa ulat ng Bibliya, ano pa ang ebidensiya na naging alipin sa Ehipto ang mga Israelita?
Iniulat ng Bibliya na matapos dalhin ng mga Midianita si Jose sa Ehipto, ang patriyarkang si Jacob at ang pamilya niya ay lumipat mula sa Canaan papuntang Ehipto. Tumira sila sa Gosen, isang lugar sa Ehipto sa may bukana ng Nilo. (Gen. 47:1, 6) ‘Napakabilis ng pagdami at paglakas’ ng mga Israelita. Kaya natakot sa kanila ang mga Ehipsiyo at ginawa silang alipin.—Ex. 1:7-14.
Sinasabi ng ilang kritiko ngayon na hindi totoo ang ulat na ito ng Bibliya. Pero may mga ebidensiyang ang mga Semita * ay naging alipin noon sa Ehipto.
Halimbawa, ang mga arkeologo ay may natuklasang sinaunang mga pamayanan sa hilagang Ehipto. Iniulat ni Dr. John Bimson na may 20 o higit pang pamayanang Semitiko sa lugar na iyon sa hilagang Ehipto. Sinabi pa ng Egyptologist na si James K. Hoffmeier: “Noong mga 1800 hanggang 1540 B.C., gustong-gusto ng mga taga-kanlurang Asia na nagsasalita ng wikang Semitiko na mandayuhan sa Ehipto.” Sinabi rin niya: “Ang panahong ito ay kasabay ng pinaniniwalaang ‘Panahon ng mga Patriyarka’ at umaakma sa panahon at mga kalagayan na inilalarawan sa Genesis.”
May iba pang ebidensiya mula sa timugang Ehipto. Mababasa sa isang papiro, na nagmula pa noong mga 2000 hanggang mga 1600 B.C.E., ang pangalan ng mga alipin na nagtrabaho sa isang sambahayan sa timugang Ehipto. Mahigit 40 sa mga pangalang iyon ay Semitiko. Ang mga aliping ito ay naglingkod bilang kusinero, manghahabi, at trabahador. Sinabi ni Hoffmeier: “Dahil mahigit apatnapung Semita ang nagtatrabaho sa iisang sambahayan sa Thebaid [timugang Ehipto], malamang na maraming Semita sa buong Ehipto, lalo na sa may bukana ng ilog.”
Sinabi ng arkeologong si David Rohl na ang ilang pangalan ng mga alipin sa listahan ay katunog ng mga pangalang mababasa mo sa Bibliya. Halimbawa, may mga pangalang katulad ng Isacar, Aser, at Sipra. (Ex. 1:3, 4, 15) “Ito ay malinaw na ebidensiya na naging alipin sa Ehipto ang mga Israelita,” ang sabi ni Rohl.
Sinabi ni Dr. Bimson: “Ang sinasabi ng Bibliya na pagkaalipin sa Ehipto at pag-alis dito ay may matibay na basehan sa kasaysayan.”
^ par. 4 Ang pangalang Semita ay nagmula kay Sem, isa sa tatlong anak ni Noe. Malamang na kasama sa mga inapo ni Sem ang mga Elamita, Asiryano, sinaunang Caldeo, Hebreo, Siryano, at iba’t ibang tribong Arabe.