Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TALAMBUHAY

“Narito Kami! Isugo N’yo Kami!”

“Narito Kami! Isugo N’yo Kami!”

GUSTO mo bang gumawa nang higit para kay Jehova at maglingkod sa lugar na malaki ang pangangailangan, marahil sa ibang bansa? Kung oo, marami kang matututuhan kina Brother at Sister Bergame.

Sina Jack at Marie-Line ay magkasama na sa buong-panahong paglilingkod mula pa noong 1988. Madali silang mag-adjust, at tumanggap sila ng iba’t ibang atas sa Guadeloupe at French Guiana, na parehong pinangangasiwaan ngayon ng sangay sa France. Interbyuhin natin ang mag-asawa.

Ano ang nagpakilos sa inyo na maglingkod nang buong panahon?

Marie-Line: Lumaki ako sa Guadeloupe, at madalas na maghapon kaming nangangaral ni Nanay, isang masigasig na Saksi. Gustong-gusto kong makipag-usap sa mga tao, kaya nagpayunir agad ako pagka-graduate ko noong 1985.

Jack: Noong bata pa ako, madalas kong makasama ang masisigasig na payunir. Lagi akong nag-o-auxiliary pioneer kapag bakasyon sa paaralan. Paminsan-minsan, kapag weekend, nagba-bus kami para makasama ang mga payunir sa teritoryo nila. Maghapon kaming nangangaral. Pagkatapos, nagpupunta kami sa beach. Ang saya no’n!

Di-nagtagal pagkatapos ng kasal namin ni Marie-Line noong 1988, naisip ko, ‘Wala naman kaming pananagutan, kaya dapat kaming gumawa nang higit sa ministeryo.’ Kaya nagpayunir na rin ako kasama ni Marie-Line. Pagkalipas ng isang taon, pagkatapos naming dumalo sa pioneer school, naatasan kaming maging special pioneer. Na-enjoy namin ang iba’t ibang atas sa Guadeloupe, at pagkatapos ay inatasan kaming maglingkod sa French Guiana.

Sa nakalipas na mga taon, maraming beses na nagbago ang atas n’yo. Ano’ng nakatulong sa inyo na mag-adjust?

Marie-Line: Alam ng mga brother sa Bethel sa French Guiana na paboritong teksto namin ang Isaias 6:8. Kaya kapag tinatawagan nila kami at pabiro nilang sinasabing “Naaalala n’yo ba ang paborito n’yong teksto?” alam na namin na may bago kaming atas. Kaya sinasabi namin, “Narito kami! Isugo n’yo kami!”

Hindi namin ikinukumpara ang kasalukuyan naming atas sa dati naming mga atas para hindi mawala ang pagpapahalaga namin sa kung ano’ng meron kami. Nakikipagkaibigan din kami sa mga kapatid.

Jack: Dati, pinipigilan kaming umalis ng ilang kapatid kasi ayaw nilang mapalayo sa amin. Pero nang umalis kami sa Guadeloupe, ipinaalala sa amin ng isang brother ang sinabi ni Jesus sa Mateo 13:38: “Ang bukid ay ang mundo.” Kaya kapag nagbabago ang atas namin, sinasabi namin sa aming sarili na iisa pa rin ang teritoryo [o, “bukid”] na pinaglilingkuran namin, nasaan man kami. Tutal, ang mahalaga, may mga tao kaming nakakausap sa teritoryo!

Pagdating namin sa bagong atas, nakikita naming masaya ang mga tao doon. Kaya sinusubukan naming gayahin ang pamumuhay nila. Kahit iba ang pagkain nila sa nakasanayan namin, kinakain namin kung ano ang kinakain nila at iniinom kung ano ang iniinom nila. Pero siyempre, nag-iingat pa rin kami. Sinisikap naming maging positibo ang mga sinasabi namin tungkol sa bawat atas namin.

Marie-Line: Marami rin kaming natututuhan sa mga kapatid. Naaalala ko pa noong dumating kami sa French Guiana. Napakalakas ng ulan, kaya akala namin, magpapatila muna kami bago mangaral. Pero sinabi ng isang sister, “Tara na?” Nagulat ako, at sinabi ko, “Paano tayo makakaalis?” Ang sagot niya, “Kunin mo ang payong mo, at mamimisikleta tayo.” Kaya natuto akong magpayong habang namimisikleta. Kung hindi ko iyon natutuhan, hindi ako makakapangaral kapag tag-ulan!

Mga 15 beses na rin kayong nagpalipat-lipat. May maipapayo ba kayo sa mga lumilipat ng lugar?

Marie-Line: Hindi madaling lumipat. Pero ang mahalaga, pagkagaling mo sa ministeryo, marerelaks ka sa uuwian mong bahay.

Jack: Madalas na pinipinturahan ko ang loob ng bago naming tuluyan. Kaya kapag alam ng mga brother sa sangay na hindi kami magtatagal sa isang atas, kung minsan, sinasabi nila na huwag ko nang pipinturahan ang tutuluyan namin.

Eksperto sa pag-iimpake si Marie-Line! Inilalagay niya sa mga kahon ang mga gamit at isinusulat kung para ito sa banyo, kuwarto, kusina, at iba pa. Kaya paglipat namin, alam na namin kung saan ilalagay ang mga kahon. Inililista rin niya ang laman ng bawat kahon kaya nakikita namin agad ang kailangan namin.

Marie-Line: Dahil natuto kaming maging organisado, nakakapagsimula kami agad sa ministeryo.

Paano n’yo inaayos ang iskedyul n’yo para ‘maisagawa nang lubusan ang inyong ministeryo’?​—2 Tim. 4:5.

Marie-Line: Tuwing Lunes, nagpapahinga kami at naghahanda para sa mga pulong. Mula Martes hanggang Linggo, nangangaral kami.

Jack: Kahit may oras kaming kailangang abutin, hindi kami nagpopokus do’n. Ministeryo ang pinakamahalaga sa amin. Pag-alis namin ng bahay hanggang sa makauwi kami, kinakausap namin ang lahat ng taong makita namin.

Marie-Line: Halimbawa, lagi akong nagdadala ng mga tract kapag nagpipiknik kami. May mga lumalapit sa amin at humihingi ng publikasyon, kahit hindi pa namin sinasabing mga Saksi ni Jehova kami. Kaya lagi kaming nananamit nang maayos at nag-iingat sa pagkilos namin kasi napapansin iyon ng mga tao.

Jack: Nakakapagpatotoo rin kami sa pamamagitan ng pagiging mabuting kapitbahay. Pinupulot ko ang mga papel, itinatapon ang basura, at winawalis ang nalaglag na mga dahon sa palibot ng bahay namin. Napapansin iyon ng mga kapitbahay, at kung minsan, sinasabi nila, “Pahingi naman ng Bibliya.”

Madalas na sa liblib na mga lugar kayo nangangaral. Meron ba kayong di-malilimutang karanasan sa mga biyahe n’yo?

Jack: Mahirap puntahan ang ilang teritoryo sa Guiana. Sa loob ng isang linggo, madalas na kailangan naming magbiyahe nang 600 kilometro sa pangit na daan. Hindi namin malilimutan ang pagpunta namin sa St. Élie, sa kagubatan ng Amazon. Inabot kami nang ilang oras bago makarating doon sakay ng off-road vehicle at ng motorboat. Karamihan ng tagaroon ay minero ng ginto. Bilang pasasalamat sa mga publikasyon, may mga nagbigay sa amin ng mga piraso ng ginto! Kapag gabi, nagpapalabas kami ng video ng organisasyon. Maraming nanonood.

Marie-Line: Nitong nakaraan, inimbitahan si Jack na magpahayag sa Memoryal sa Camopi. Apat na oras kaming nagbiyahe sakay ng motorboat sa Oyapock River. Na-enjoy namin ’yon!

Jack: Delikado pagdating sa parte ng ilog na mabilis ang agos at mabato. Pero napakaganda do’n. Dapat na eksperto ang bangkero. Kakaibang karanasan iyon! Kahit na 6 lang kaming Saksi, mga 50 ang dumalo sa Memoryal, kasama na ang ilang Amerindian!

Marie-Line: Ganito kagandang karanasan ang naghihintay sa mga kabataang gustong gumawa nang higit para kay Jehova. Kailangan ninyong magtiwala kay Jehova sa ganitong mga sitwasyon, at mapapatibay ang pananampalataya ninyo. Lagi naming nararamdaman ang tulong ni Jehova.

Marami kayong alam na wika. Madali ba talaga kayong matuto ng wika?

Jack: Naku, hindi. Natuto lang ako kasi kailangan. Nauna pa nga akong mangasiwa sa Pag-aaral sa Bantayan sa Sranantongo * kaysa magkabahagi sa pagbabasa ng Bibliya! Tinanong ko ang isang brother kung naintindihan niya ako. Sabi niya, “May mga salitang hindi namin maintindihan, pero okey pa rin!” Malaking tulong sa amin ang mga bata. Kapag may nasabi akong mali, sinasabi nila iyon sa akin; hindi iyon ginagawa ng mga adulto. Marami akong natutuhan sa mga bata.

Marie-Line: Sa isang teritoryo, may mga Bible study ako sa wikang French, Portuguese, at Sranantongo. Sinabi ng isang sister na unahin ko ang Bible study ko sa pinakamahirap na wika at ihulí ang study ko sa wikang pinakapamilyar sa akin. At tama siya.

Minsan, una akong nag-Bible study sa wikang Sranantongo at pagkatapos, sa Portuguese. Noong nagsisimula na kami sa study sa Portuguese, sinabi ng sister na kasama ko, “Marie-Line, parang may mali!” Naisip kong imbes na sa Portuguese, kinakausap ko sa Sranantongo ang study kong taga-Brazil!

Mahal na mahal kayo ng mga kapatid. Paano kayo napalapít sa kanila?

Jack: Sabi ng Kawikaan 11:25: “Ang taong bukas-palad ay sasagana.” Hindi kami nag-aalangang ibigay ang panahon at lakas namin sa iba. Pagdating sa pagmamantini ng Kingdom Hall, may ilang nagsabi sa akin: “Ipaubaya mo na ’yan sa mga publisher.” Sabi ko naman: “Publisher din naman ako, a. Kaya gusto ko ring makatulong.” Totoo, kailangan natin ng panahon para sa sarili, pero lagi naming iniisip na hindi ito dapat makapigil sa pagtulong namin sa iba.

Marie-Line: Nagsisikap kaming magpakita ng interes sa mga kapatid. Kaya nalalaman namin kung kailangan nila ng tulong sa pagbabantay sa mga anak nila o sa pagsundo sa mga ito sa school. Agad naming binabago ang iskedyul namin para makatulong sa kanila. Kaya nagiging kaibigan namin ang mga kapatid, at lagi kaming nandiyan para sa kanila.

Anong mga pagpapala ang natanggap n’yo sa paglilingkod sa lugar na malaki ang pangangailangan?

Jack: Naging mas masaya kami. Marami kaming pagkakataon para ma-enjoy ang mga likha ni Jehova. Kahit na may mga hamon, payapa ang isip namin kasi alam naming nasaan man kami, susuportahan kami ng bayan ng Diyos.

Noong kabataan ako, nabilanggo ako sa French Guiana dahil sa neutralidad. Hindi ko naisip na babalik pala ako doon bilang misyonero at makakapangaral pa sa mga bilangguan. Talagang pinagpala kami ni Jehova!

Marie-Line: Napakasaya ko kapag nakakatulong ako sa iba. Masaya kaming mag-asawa sa paglilingkod kay Jehova. Dahil dito, naging mas malapít din kami sa isa’t isa. Kung minsan, nagtatanong si Jack kung puwede naming imbitahan ang isang mag-asawa na kailangan ng pampatibay. Ang madalas na sagot ko, “Iyan din ang nasa isip ko!” Madalas mangyari ’yon.

Jack: Nitong nakaraan, nakita ng mga doktor na meron akong prostate cancer. Ayaw itong pag-usapan ni Marie-Line, pero sinabi ko sa kaniya: “Mahal, hindi pa ako gano’n katanda kung mamamatay ako bukas. Pero masaya ako kasi alam kong ginamit ko ang buhay ko para paglingkuran si Jehova.”​—Gen. 25:8.

Marie-Line: Hindi namin inaasahan ang mga pribilehiyong ibinigay sa amin ni Jehova. Talagang napakasaya namin. Kaya kahit saan kami atasan ng organisasyon, pupunta kami, kasi alam naming tutulungan kami ni Jehova!

^ par. 32 Ang wikang Sranantongo ay pinagsama-samang English, Dutch, Portuguese, at mga wika sa Africa. Binuo ito ng mga alipin.