Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 12

Dahil sa Pag-ibig, Nakakapagtiis Tayo Kahit Kinapopootan

Dahil sa Pag-ibig, Nakakapagtiis Tayo Kahit Kinapopootan

“Iniuutos ko sa inyo ang mga ito para makapagpakita kayo ng pag-ibig sa isa’t isa. Kung napopoot sa inyo ang sanlibutan, tandaan ninyong napoot ito sa akin bago ito napoot sa inyo.”​—JUAN 15:17, 18.

AWIT 129 Hindi Tayo Susuko

NILALAMAN *

1. Ayon sa Mateo 24:9, bakit hindi tayo dapat magtaka kung kinapopootan tayo ng mga tao?

NILALANG tayo ni Jehova para magmahal at mahalin. Kaya kapag may napopoot sa atin, nasasaktan tayo at baka natatakot pa nga. Halimbawa, sinabi ng sister na si Georgina, na taga-Europe: “No’ng 14 ako, galit na galit sa akin ang nanay ko dahil naglilingkod ako kay Jehova. Pakiramdam ko, nag-iisa ako at parang ang sama ko.” * Isinulat naman ng brother na si Danylo: “Nang saktan ako ng mga sundalo, insultuhin, at pagbantaan dahil Saksi ni Jehova ako, natakot ako at napahiya.” Nasasaktan tayo kapag kinapopootan tayo, pero hindi natin iyan ipinagtataka dahil inihula iyan ni Jesus.​—Basahin ang Mateo 24:9.

2-3. Bakit kinapopootan ang mga tagasunod ni Jesus?

2 Kinapopootan ng sanlibutan ang mga tagasunod ni Jesus. Bakit? Dahil gaya ni Jesus, “hindi [tayo] bahagi ng sanlibutan.” (Juan 15:17-19) Kaya naman, kahit nirerespeto natin ang mga gobyerno ng tao, hindi natin sinasamba ang mga ito o ang mga sagisag ng mga ito. Si Jehova lang ang sinasamba natin. Sinusuportahan natin ang karapatan ng Diyos na mamahala sa mga tao—isang karapatan na tahasang kinukuwestiyon ni Satanas at ng “supling” niya. (Gen. 3:1-5, 15) Ipinapangaral natin na Kaharian lang ng Diyos ang pag-asa ng mga tao at malapit na nitong durugin ang lahat ng kumakalaban dito. (Dan. 2:44; Apoc. 19:19-21) Magandang balita iyan para sa maaamo pero masamang balita para sa masasama.​—Awit 37:10, 11.

3 Kinapopootan din tayo dahil sinusunod natin ang matuwid na mga pamantayan ng Diyos. Malayong-malayo ang mga pamantayang ito sa napakababang moralidad ng mundo. Halimbawa, tanggap na tanggap na ng marami ngayon ang napakaimoral na mga gawain—mga gawaing naging dahilan kung bakit pinuksa ng Diyos ang Sodoma at Gomorra! (Jud. 7) Dahil sinusunod natin ang mga pamantayan ng Bibliya, pinagtatawanan tayo ng marami at tinatawag na panatiko.​—1 Ped. 4:3, 4.

4. Anong mga katangian ang magpapatatag sa atin kapag kinapopootan tayo ng mga tao?

4 Ano ang makakatulong sa atin na magtiis kapag kinapopootan tayo at iniinsulto ng mga tao? Kailangan natin ng matibay na pananampalataya na tutulungan tayo ni Jehova. Gaya ng isang kalasag, ang pananampalataya natin ay puwedeng maging “panangga sa lahat ng nagliliyab na palaso ng isa na masama.” (Efe. 6:16) Pero bukod sa pananampalataya, kailangan din natin ang pag-ibig. Bakit? Dahil ang pag-ibig ay “hindi nagagalit.” Pinagpapasensiyahan nito at tinitiis ang lahat ng nakakasakit na bagay. (1 Cor. 13:4-7, 13) Tingnan natin kung paano makakatulong ang pag-ibig kay Jehova, sa ating mga kapatid, at maging sa ating mga kaaway para makapagtiis tayo kahit kinapopootan.

PAG-IBIG KAY JEHOVA

5. Paano napatatag si Jesus ng pag-ibig niya sa kaniyang Ama?

5 Noong gabi bago patayin si Jesus ng kaniyang mga kaaway, sinabi niya sa kaniyang tapat na mga tagasunod: “Iniibig ko ang Ama, [kaya] ginagawa ko ang mismong iniutos sa akin ng Ama.” (Juan 14:31) Dahil sa pag-ibig ni Jesus kay Jehova, naging matatag siya sa harap ng mga pagsubok. Ganiyan din ang maitutulong sa atin ng pag-ibig kay Jehova.

6. Ayon sa Roma 5:3-5, ano ang turing ng mga lingkod ni Jehova sa pagtitiis na ginagawa nila kapag kinapopootan sila?

6 Noon pa man, nakakatulong na ang pag-ibig sa Diyos para matiis ng mga lingkod ni Jehova ang pag-uusig. Halimbawa, nang utusan ng makapangyarihang korte suprema ng mga Judio ang mga apostol na tumigil sa pangangaral, pag-ibig sa Diyos ang nagpakilos sa kanila na “sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” (Gawa 5:29; 1 Juan 5:3) Ang di-natitinag na pag-ibig na ito ang nagpapatibay sa ating mga kapatid ngayon. Marami sa kanila ang matatag na naninindigan laban sa malupit at makapangyarihang mga gobyerno. Sa halip na masiraan ng loob, itinuturing nating isang pribilehiyo na magtiis kapag kinapopootan.​—Gawa 5:41; basahin ang Roma 5:3-5.

7. Ano ang dapat na maging reaksiyon natin kapag hinahadlangan tayo ng mga kapamilya natin?

7 Kapag kapamilya natin ang humadlang, baka iyon na ang isa sa pinakamahirap na pagsubok sa atin. Baka isipin nilang naliligaw tayo ng landas kapag napansin nilang gusto nating matuto tungkol kay Jehova. Baka isipin naman ng iba na nababaliw na tayo. (Ihambing ang Marcos 3:21.) Baka saktan pa nga nila tayo. Pero hindi na natin ito dapat ipagtaka. Sinabi ni Jesus: “Ang magiging kaaway ng isa ay ang sarili niyang pamilya.” (Mat. 10:36) Pero siyempre, anuman ang maging reaksiyon ng mga kamag-anak natin, hindi natin sila ituturing na kaaway. Sa halip, habang lumalalim ang pag-ibig natin kay Jehova, lumalalim din ang pagmamahal natin sa mga tao. (Mat. 22:37-39) Pero hinding-hindi natin susuwayin ang mga batas at prinsipyo sa Bibliya para lang mapasaya ang iba.

Kapag may pinagdadaanan tayo, laging nandiyan si Jehova para patibayin tayo at palakasin (Tingnan ang parapo 8-10)

8-9. Ano ang nakatulong sa isang sister na makapanindigan kahit matindi ang pag-uusig sa kaniya?

8 Nakapanindigan si Georgina, na binanggit kanina, kahit matindi siyang inuusig ng nanay niya. Sinabi ni Georgina: “Nagpa-Bible study kami ng nanay ko sa mga Saksi. Pero pagkalipas ng anim na buwan, no’ng gusto ko nang dumalo sa mga pulong, biglang nagbago ang trato sa akin ni Nanay. Nakikipag-usap pala siya sa mga apostata, at ginagamit niya ang mga argumento nila kapag nakikipag-usap siya sa akin. Iniinsulto niya ako, sinasabunutan, sinasakal, at itinatapon ang mga literatura ko. Nang mag-15 ako, nagpabautismo ako. Para mapahinto ako sa paglilingkod kay Jehova, ipinasok ako ni Nanay sa isang institusyon, at nakasama ko ang mga kapuwa ko tin-edyer na ang ilan ay nag-drugs at nakagawa ng krimen. Napakahirap tiisin ng pag-uusig kapag galing ito sa isang tao na dapat sana’y nagmamahal at nagmamalasakit sa ’yo.”

9 Ano ang nakatulong kay Georgina? Sinabi niya: “Noong araw na magbago ang trato sa akin ni Nanay, kakatapos ko lang mabasa ang buong Bibliya. Talagang kumbinsido na akong ito ang katotohanan, at pakiramdam ko, napakalapit ko kay Jehova. Lagi akong nananalangin sa kaniya, at pinapakinggan niya ako. Noong nasa institusyon ako, niyaya ako ng isang sister sa bahay nila at magkasama kaming nag-aral ng Bibliya. Pinapatibay din ako ng mga kapatid sa Kingdom Hall. Itinuring nila akong kapamilya. Kitang-kita ko na mas malakas si Jehova kaysa sa mga umuusig sa atin, kahit sino pa sila.”

10. Ano ang inaasahan nating gagawin ng Diyos na Jehova?

10 Isinulat ni apostol Pablo na walang “makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinapakita rin ni Kristo Jesus na ating Panginoon.” (Roma 8:38, 39) Kapag may pinagdadaanan tayo, laging nandiyan si Jehova para patibayin tayo at palakasin. Gaya ng nangyari kay Georgina, tinutulungan din tayo ni Jehova sa pamamagitan ng ating mahal na mga kapatid sa kongregasyon.

PAG-IBIG SA MGA KAPATID

11. Paano makakatulong sa mga alagad ang pag-ibig na binanggit ni Jesus sa Juan 15:12, 13? Magbigay ng halimbawa.

11 Noong gabi bago mamatay si Jesus, ipinaalala niya sa kaniyang mga alagad na ibigin nila ang isa’t isa. (Basahin ang Juan 15:12, 13.) Alam niya na makakatulong ang mapagsakripisyong pag-ibig para patuloy silang magkaisa at makapagtiis kahit kinapopootan. Tingnan ang halimbawa ng kongregasyon sa Tesalonica. Mula nang mabuo ito, pinag-usig na ang mga miyembro nito. Pero naging halimbawa ng katapatan at pag-ibig ang mga kapatid doon. (1 Tes. 1:3, 6, 7) Pinatibay sila ni Pablo na patuloy na magpakita ng pag-ibig at “pagbutihin” pa nga ito. (1 Tes. 4:9, 10) Papakilusin sila ng pag-ibig para patibayin ang mga pinanghihinaan ng loob at alalayan ang mahihina. (1 Tes. 5:14) Sinunod nila ang tagubilin ni Pablo. Kaya naman sa ikalawang liham niya, na isinulat pagkaraan ng mga isang taon, masasabi ni Pablo sa kanila: “Lalo pa ninyong minamahal ang isa’t isa.” (2 Tes. 1:3-5) Nakatulong ang pag-ibig para matiis nila ang paghihirap at pag-uusig.

Makakatulong ang pag-ibig natin sa isa’t isa para makapagtiis kahit kinapopootan (Tingnan ang parapo 12) *

12. Sa panahon ng digmaan, paano ipinakita ng mga kapatid sa isang bansa ang pag-ibig sa isa’t isa?

12 Tingnan ang karanasan ni Danylo, na binanggit kanina, at ng kaniyang asawa. Kahit umabot na sa kanilang bayan ang digmaan, patuloy pa rin silang dumadalo sa mga pulong, nangangaral sa abot ng kanilang makakaya, at nagbibigay ng pagkain sa kanilang mga kapatid. Isang araw, nilapitan si Danylo ng mga armadong sundalo. “Sinabi nilang talikuran ko ang relihiyon ko,” ang kuwento ni Danylo. “Nang tumanggi ako, binugbog nila ako at tinutukan ng baril pero hindi ako pinatamaan. Bago umalis, nagbanta silang babalik sila para gahasain ang misis ko. Pero dali-dali kaming isinakay ng mga kapatid sa tren papunta sa ibang bayan. Hinding-hindi ko makakalimutan ang pag-ibig ng mga kapatid. At pagdating sa bayang iyon, binigyan kami ng pagkain ng mga kapatid na tagaroon at tinulungang makahanap ng trabaho at matitirhan. Kaya naman, napapatulóy namin ang iba pang Saksi na tumatakas sa digmaan.” Ipinapakita ng ganitong mga karanasan na makakatulong ang pag-ibig natin sa isa’t isa para makapagtiis kahit kinapopootan.

PAG-IBIG SA MGA KAAWAY

13. Paano makakatulong ang banal na espiritu para makapagtiis tayo kahit kinapopootan dahil sa paglilingkod kay Jehova?

13 Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya na mahalin nila ang mga kaaway nila. (Mat. 5:44, 45) Madali ba iyon? Hindi! Pero magagawa natin iyon sa tulong ng banal na espiritu ng Diyos. Kasama sa mga katangian na bunga ng espiritu ang pag-ibig, pagtitiis, kabaitan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. (Gal. 5:22, 23) Makakatulong ang mga ito para makapagtiis tayo kahit kinapopootan. Maraming mang-uusig ang nagbago dahil nagpakita ng mga katangiang ito ang kanilang sumasampalatayang asawa, anak, o kapitbahay. Marami pa nga sa kanila ang naging mga kapatid natin. Kung nahihirapan kang mahalin ang mga napopoot sa iyo dahil ayaw nilang naglilingkod ka kay Jehova, manalangin para sa banal na espiritu. (Luc. 11:13) At magtiwala na ang pagsunod sa Diyos ang laging pinakamabuting gawin.​—Kaw. 3:5-7.

14-15. Paano nakatulong kay Yasmeen ang Roma 12:17-21 para makapagpakita ng pag-ibig sa kaniyang asawa kahit pinag-uusig siya nito?

14 Tingnan ang karanasan ni Yasmeen, na taga-Middle East. Nang maging Saksi ni Jehova siya, inisip ng asawa niyang nadaya siya at pinigilan siya nitong maglingkod sa Diyos. Ininsulto siya nito at sinulsulan ang mga kamag-anak nila, pati na ang isang lider ng relihiyon at isang mangkukulam para pagbantaan siya at akusahang sinisira niya ang pamilya niya. Pinagsisigawan pa nga ng mister niya ang mga kapatid habang nagpupulong! Madalas na umiiyak si Yasmeen dahil sa di-magandang pagtrato sa kaniya.

15 Sa Kingdom Hall, pinapatibay at pinapalakas ng mga kapatid si Yasmeen. Pinayuhan siya ng mga elder na sundin ang sinasabi sa Roma 12:17-21. (Basahin.) “Ang hirap no’n,” ang sabi ni Yasmeen. “Pero nagpatulong ako kay Jehova at nagsikap na sundin ang sinasabi ng Bibliya. Kahit sinasadya ng asawa kong magkalát sa kusina, nililinis ko ’yon. Kahit iniinsulto niya ako, mahinahon akong sumasagot. At kapag nagkakasakit siya, inaalagaan ko siya.”

Kapag nagpapakita tayo ng pag-ibig sa mga umuusig sa atin, baka lumambot ang puso nila (Tingnan ang parapo 16-17) *

16-17. Ano ang natutuhan mo sa halimbawa ni Yasmeen?

16 Pinagpala si Yasmeen dahil sa pag-ibig na ipinakita niya sa asawa niya. Sinabi niya: “Unti-unting nagtiwala sa akin ang asawa ko dahil alam niyang lagi akong magsasabi ng totoo. Nakikinig na siya kapag pinag-uusapan namin ang tungkol sa relihiyon, at pumayag na siyang maging payapa ang pagsasama namin. Siya pa ngayon ang nagsasabi sa aking dumalo ako sa mga pulong. Napakalaki ng ipinagbago ng pamilya namin, at tahimik na ang buhay namin ngayon. Sana tanggapin na ng asawa ko ang katotohanan at maglingkod na rin siya kay Jehova.”

17 Makikita sa karanasan ni Yasmeen na “pinagpapasensiyahan [ng pag-ibig] ang lahat ng bagay, . . . inaasahan ang lahat ng bagay, at tinitiis ang lahat ng bagay.” (1 Cor. 13:4, 7) Makapangyarihan ang poot, pero mas makapangyarihan ang pag-ibig. Kaya nitong baguhin ang mga tao. At mapapasaya nito si Jehova. Pero patuloy man tayong kapootan ng mga umuusig sa atin, puwede pa rin tayong maging masaya. Paano?

MASAYA KAHIT KINAPOPOOTAN

18. Bakit masaya pa rin tayo kahit kinapopootan?

18 Sinabi ni Jesus: “Maligaya kayo kapag napopoot sa inyo ang mga tao.” (Luc. 6:22) Hindi natin gustong kapootan tayo. Ayaw din nating magpakamartir. Kaya bakit masaya pa rin tayo kahit kinapopootan? Tingnan ang tatlong dahilan. Una, kapag nagtitiis tayo, natutuwa sa atin ang Diyos. (1 Ped. 4:13, 14) Ikalawa, nasusubok at tumitibay ang pananampalataya natin. (1 Ped. 1:7) At ikatlo, tatanggap tayo ng walang-katulad na gantimpala—buhay na walang hanggan.​—Roma 2:6, 7.

19. Bakit masaya pa rin ang mga apostol matapos silang pagpapaluin?

19 Di-nagtagal pagkatapos buhaying muli si Jesus, naranasan ng mga apostol ang sinasabi niyang kaligayahan. Matapos pagpapaluin at utusang tumigil sa pangangaral, nagsaya sila. Bakit? Dahil para sa kanila, isang “karangalang magdusa alang-alang sa pangalan [ni Jesus.]” (Gawa 5:40-42) Mas malaki ang pag-ibig nila sa kanilang Panginoon kaysa sa takot sa poot ng kanilang mga kaaway. At ipinakita nila ang kanilang pag-ibig sa pamamagitan ng “walang pagod” na paghahayag ng mabuting balita. Marami sa mga kapatid natin ngayon ang patuloy na naglilingkod nang tapat kahit may mga problema. Alam nilang hindi lilimutin ni Jehova ang mga ginagawa nila at ang pag-ibig nila para sa kaniyang pangalan.​—Heb. 6:10.

20. Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

20 Habang nananatili ang sistemang ito, patuloy tayong kapopootan ng mga tao. (Juan 15:19) Pero hindi tayo dapat matakot. Gaya ng makikita sa susunod na artikulo, ‘palalakasin at poprotektahan’ ni Jehova ang mga tapat sa kaniya. (2 Tes. 3:3) Kaya patuloy nating ibigin si Jehova, ang ating mga kapatid, at maging ang ating mga kaaway. Kapag ginawa natin iyan, mananatili tayong nagkakaisa at matibay sa pananampalataya, mapaparangalan natin si Jehova, at mapapatunayan natin na mas makapangyarihan ang pag-ibig kaysa sa poot.

AWIT 106 Mahalaga ang Pag-ibig

^ par. 5 Sa artikulong ito, makikita natin kung paano makakatulong ang pag-ibig kay Jehova, sa ating mga kapatid, at maging sa ating mga kaaway para makapagtiis tayo kahit kinapopootan ng sanlibutan. Maiintindihan din natin kung bakit sinabi ni Jesus na puwede tayong maging masaya kahit kinapopootan.

^ par. 1 Binago ang mga pangalan.

^ par. 58 LARAWAN: Matapos pagbantaan ng mga sundalo si Danylo, silang mag-asawa ay tinulungan ng mga kapatid na makapunta sa ibang lugar, at inasikaso naman sila nang husto doon.

^ par. 60 LARAWAN: Inusig ng mister niya si Yasmeen, pero binigyan siya ng mga elder ng magandang payo. Pinatunayan niyang mabuti siyang asawa at inalagaan ang mister niya nang magkasakit ito.