ARALING ARTIKULO 11
Paano Ka Makakakuha ng Lakas Mula sa Kasulatan?
‘Ang Diyos ang nagbibigay ng lakas para makapagtiis.’—ROMA 15:5.
AWIT 94 Salamat sa Salita ng Diyos
NILALAMAN *
1. Anong mga pagsubok ang posibleng napapaharap sa mga lingkod ni Jehova?
MAY pinagdadaanan ka ba ngayong mahirap na pagsubok? Baka may kakongregasyon kang nakasakit sa iyo. (Sant. 3:2) O baka tinutuya ka ng mga katrabaho mo o kaeskuwela dahil naglilingkod ka kay Jehova. (1 Ped. 4:3, 4) O baka pinagbabawalan ka ng mga kapamilya mo na dumalo sa mga pulong o mangaral. (Mat. 10:35, 36) Kung napakahirap ng pagsubok, baka maisip mong sumuko na lang. Pero makakasiguro kang anumang hamon ang napapaharap sa iyo, bibigyan ka ni Jehova ng karunungan para maharap iyon at ng lakas para matiis iyon.
2. Ayon sa Roma 15:4, paano makakatulong sa atin ang pagbabasa ng Salita ng Diyos?
2 Sa kaniyang Salita, ipinasulat ni Jehova ang detalyadong paglalarawan kung paano naharap ng di-perpektong mga tao ang mahihirap na pagsubok. Bakit? Para matuto tayo sa kanila. Iyan ang dahilan kung bakit ipinasulat ni Jehova kay apostol Pablo ang Roma 15:4. (Basahin.) Ang pagbabasa ng mga ulat sa Bibliya ay nagbibigay sa atin ng kaaliwan at pag-asa. Pero para makinabang, hindi sapat ang basta pagbabasa lang ng Bibliya. Dapat nating hayaang baguhin ng Kasulatan ang ating isip at puso. Ano ang puwede nating gawin kung kailangan natin ng payo para maharap ang isang hamon? Puwede nating gawin ang paraang ito: (1) Manalangin, (2) Mag-imagine, (3) Magbulay-bulay, at (4) Magsabuhay. Isa-isahin natin ang mga ito. * Pagkatapos, gagamitin natin ang paraang ito ng pag-aaral para matuto mula sa karanasan ni Haring David at ni apostol Pablo.
3. Bago magbasa ng Bibliya, ano muna ang dapat mong gawin, at bakit?
3 (1) Manalangin. Bago magbasa ng Bibliya, hilingin kay Jehova na tulungan kang makita kung paano ka makikinabang sa babasahin mo. Halimbawa, kung kailangan mo ng payo para maharap ang isang problema, hilingin kay Jehova na tulungan kang makita ang mga simulain sa Bibliya na makakatulong sa iyo.—Fil. 4:6, 7; Sant. 1:5.
4. Ano ang makakatulong para maging buhay na buhay sa iyo ang isang ulat sa Bibliya?
4 (2) Mag-imagine. Binigyan tayo ni Jehova ng kakayahang mag-imagine. Para maging buhay na buhay sa iyo ang isang ulat sa Bibliya, gunigunihin ang isang eksena at isipin mong ikaw ang pangunahing karakter doon. Sikaping isipin kung ano ang nakikita niya at nararamdaman.
5. Ano ang pagbubulay-bulay, at paano mo iyan magagawa?
5 (3) Magbulay-bulay. Ang pagbubulay-bulay ay ang pag-iisip nang mabuti tungkol sa binabasa mo at kung paano iyon makakatulong sa iyo. Dahil dito, mapag-uugnay mo ang mga natututuhan mo at mas maiintindihan mo ang binabasa mo. Kung nagbabasa ka ng Bibliya nang hindi nagbubulay-bulay, para kang tumitingin sa mga piraso ng jigsaw puzzle na nasa mesa nang hindi ito binubuo. Pero kung nagbubulay-bulay ka, para mong binubuo ang mga piraso ng puzzle para makita ang kabuoan nito. Para matulungan kang magbulay-bulay, puwede mong pag-isipan ang sagot sa mga tanong na ito: ‘Ano ang ginawa ng pangunahing karakter para malutas ang problema niya? Paano siya tinulungan ni Jehova? Paano makakatulong ang mga natutuhan ko para matiis ko ang mga pagsubok?’
6. Bakit dapat nating isabuhay ang mga natututuhan natin?
6 (4) Magsabuhay. Sinabi ni Jesus na kung hindi natin isinasabuhay ang mga natututuhan natin, gaya tayo ng taong nagtayo ng bahay niya sa buhanginan. Nagpakapagod siya sa pagtatayo, pero sayang lang ang pinaghirapan niya. Bakit? Kasi kapag bumagyo at binaha ang bahay niya, guguho iyon. (Mat. 7:24-27) Kaya kung nananalangin tayo, nag-i-imagine, at nagbubulay-bulay pero hindi naman natin isinasabuhay ang mga natututuhan natin, nasasayang lang ang pagsisikap natin. Kapag nakaranas tayo ng pagsubok o pag-uusig, hindi magiging ganoon katibay ang pananampalataya natin. Pero kapag nag-aaral tayo at isinasabuhay ang mga natututuhan natin, nakakagawa tayo ng mas magagandang desisyon, mas nagiging payapa tayo, at tumitibay ang pananampalataya natin. (Isa. 48:17, 18) Gamit ang apat na tinalakay natin, tingnan kung ano ang puwede nating matutuhan sa karanasan ni Haring David.
ANO ANG MATUTUTUHAN MO KAY HARING DAVID?
7. Anong ulat sa Bibliya ang tatalakayin natin?
7 Tinraidor ka ba ng kaibigan o kapamilya mo? Kung oo, makakatulong sa iyo kung pag-aaralan mo ang ulat tungkol sa anak ni Haring David na si Absalom, na nagtraidor sa kaniyang ama at nagtangkang agawin ang trono nito.—2 Sam. 15:5-14, 31; 18:6-14.
8. Ano ang puwede mong gawin para tulungan ka ni Jehova?
8 (1) Manalangin. Habang pinag-iisipan ang ulat, sabihin kay Jehova ang nararamdaman mo tungkol sa masamang ginawa sa iyo. (Awit 6:6-9) Maging espesipiko. Pagkatapos, hilingin kay Jehova na tulungan kang makita ang mga simulain na makakatulong sa iyo habang sinisikap mong mapagtagumpayan ang mahirap na hamong ito.
9. Ano ang nangyari kina David at Absalom?
9 (2) Mag-imagine. Pag-isipan ang mga pangyayari sa ulat na ito at kung paano iyon nakaapekto kay Haring David. Sa loob ng maraming taon, pinagsikapan ni Absalom na magustuhan siya ng mga tao. (2 Sam. 15:7) Nang makakita siya ng pagkakataon, nagpadala siya ng mga espiya sa buong Israel para ihanda ang bayan na tanggapin siya bilang kanilang hari. Kinumbinsi pa nga niya si Ahitopel, isa sa malalapít na kaibigan at tagapayo ni David, na sumali sa rebelyon. Idineklara ni Absalom na siya na ang hari. Pagkatapos, tinangka niyang hulihin at patayin si David, na posibleng may malubhang sakit noong panahong iyon. (Awit 41:1-9) Nalaman ni David ang plano ni Absalom, kaya tumakas siya mula sa Jerusalem. Nang maglaon, naglaban ang hukbo ni Absalom at ang hukbo ni David. Natalo ang mga rebelde, at napatay si Absalom.
10. Ano ang puwede sanang ginawa ni Haring David?
10 Isipin din kung ano ang nararamdaman ni David sa lahat ng nangyayari sa kaniya. Mahal niya si Absalom at pinagkakatiwalaan si Ahitopel. Pero tinraidor nila siya at tinangka pa ngang patayin. Talagang nasaktan si David sa ginawa nila. Puwede sanang nawalan na ng tiwala si David sa iba pa niyang mga kaibigan at naghinalang kumampi na sila kay Absalom. Puwede sanang sarili na lang niya ang inisip niya at tumakas nang mag-isa. O puwede ring nawalan na lang siya ng pag-asa. Pero hindi ginawa ni David ang mga iyon. Sa halip, nakaya niya ang mahirap na pagsubok. Paano niya nagawa iyon?
11. Ano ang ginawa ni David para maharap ang mahirap na sitwasyon?
11 (3) Magbulay-bulay. Anong mga simulain ang matututuhan mo sa ulat na ito? Sagutin ang tanong na “Ano ang ginawa ni David para malutas ang problema niya?” Hindi siya nag-panic at nagpadalos-dalos sa paggawa ng desisyon. Hindi rin siya sobrang natakot hanggang sa puntong hindi na siya makapagdesisyon. Sa halip, humingi siya ng tulong kay Jehova sa panalangin. Nagpatulong din siya sa mga kaibigan niya. At agad niyang isinagawa ang mga desisyon niya. Talagang nasaktan si David, pero hindi siya naging mapaghinala at nagkimkim ng sama ng loob. Patuloy siyang nagtiwala kay Jehova at sa mga kaibigan niya.
12. Ano ang ginawa ni Jehova para tulungan si David?
12 Paano tinulungan ni Jehova si David? Sa pagre-research mo, malalaman mong binigyan ni Jehova si David ng lakas para matiis ang pagsubok na ito. (Awit 3:1-8; superskripsiyon) Pinagpala ni Jehova ang mga desisyon ni David. At sinuportahan niya ang mga tapat na kaibigan ni David noong nakikipaglaban sila para protektahan ang hari nila.
13. Paano mo tutularan si David kung may nakasakit sa iyo? (Mateo 18:15-17)
13 (4) Magsabuhay. Tanungin ang sarili, ‘Paano ko matutularan si David?’ Kailangan mong kumilos agad para lutasin ang problema. Depende sa sitwasyon, puwede kang kumilos kaayon ng sinabi ni Jesus sa Mateo kabanata 18. (Basahin ang Mateo 18:15-17.) Pero hindi ka dapat gumawa ng desisyon kapag galít ka. Dapat kang manalangin kay Jehova para maging kalmado ka at magkaroon ng karunungan na maharap ang sitwasyon. Huwag mawalan ng tiwala sa mga kaibigan mo. Sa halip, tanggapin ang tulong nila. (Kaw. 17:17) Higit sa lahat, sundin ang payo ni Jehova na nasa kaniyang Salita.—Kaw. 3:5, 6.
ANO ANG MATUTUTUHAN MO KAY PABLO?
14. Sa anong mga sitwasyon ka mapapatibay ng 2 Timoteo 1:12-16; 4:6-11, 17-22?
14 Pinag-uusig ka ba ng mga kapamilya mo? O hinihigpitan ba ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa bansa ninyo o ipinagbabawal pa nga? Kung oo, mapapatibay ka ng 2 Timoteo 1:12-16 at 4:6-11, 17-22. * Isinulat ni Pablo ang mga talatang ito noong nakabilanggo siya.
15. Ano ang puwede mong hilingin kay Jehova?
15 (1) Manalangin. Bago basahin ang mga talatang iyon, sabihin kay Jehova ang problema mo at ang nararamdaman mo. Maging espesipiko. Pagkatapos, hilingin kay Jehova na tulungan kang makita ang mga simulain sa ulat na makakatulong sa iyo na maharap ang problema mo.
16. Ano ang nangyari kay Pablo?
16 (2) Mag-imagine. Isipin mong ikaw si Pablo. Nakakadena siya at nakabilanggo sa Roma. Nabilanggo na siya dati, pero ngayon, inaasahan na niyang mamamatay siya. Iniwan siya ng ilang kasama niya, at pagod na pagod na siya.—2 Tim. 1:15.
17. Ano ang puwede sanang ginawa ni Pablo?
17 Puwede sanang pinagsisihan ni Pablo ang desisyon niya noon at inisip na kung hindi siya naging masigasig na Kristiyano, baka hindi siya naaresto. Puwede sanang nagalit siya sa mga taga-distrito ng Asia na nang-iwan sa kaniya, at puwede sanang naging mapaghinala siya sa iba pa niyang mga kaibigan. Pero hindi ginawa ni Pablo ang mga iyon. Bakit nanatiling positibo si Pablo at punong-puno ng pag-asa?
18. Ano ang ginawa ni Pablo sa mahirap na sitwasyon?
18 (3) Magbulay-bulay. Sagutin ang tanong na “Ano ang ginawa ni Pablo para maharap ang problema niya?” Kahit malapit nang mamatay si Pablo, hindi niya nakalimutan ang pinakamahalagang isyu—ang pagluwalhati kay Jehova. At palagi pa rin niyang iniisip kung paano mapapatibay ang iba. Madalas din siyang manalangin, na nagpapakitang umaasa siya kay Jehova. (2 Tim. 1:3) Imbes na magpokus sa mga nang-iwan sa kaniya, talagang ipinagpasalamat niya ang pagmamahal at suporta ng mga kaibigan niya na tumulong sa kaniya. Patuloy ding pinag-aralan ni Pablo ang Salita ng Diyos. (2 Tim. 3:16, 17; 4:13) Higit sa lahat, buo ang tiwala niyang mahal siya ni Jehova at ni Jesus. Hindi nila siya iniwan, at pagpapalain nila ang tapat na paglilingkod niya.
19. Paano tinulungan ni Jehova si Pablo?
19 Binabalaan ni Jehova si Pablo na pag-uusigin siya dahil sa pagiging Kristiyano. (Gawa 21:11-13) Paano tinulungan ni Jehova si Pablo? Sinagot niya ang mga panalangin nito at patuloy siyang pinalakas. (2 Tim. 4:17) Tiniyak kay Pablo na pagpapalain siya dahil sa pagsisikap niya. Ginamit din ni Jehova ang mga tapat na kaibigan ni Pablo para tulungan siya.
20. Paano natin matutularan si Pablo gaya ng makikita sa Roma 8:38, 39?
20 (4) Magsabuhay. Tanungin ang sarili, ‘Paano ko matutularan si Pablo?’ Gaya ni Pablo, dapat nating asahan na pag-uusigin tayo dahil sa pananampalataya natin. (Mar. 10:29, 30) Para makapanatiling tapat kay Jehova kapag may mga problema, kailangan nating patuloy na manalangin sa kaniya at regular na pag-aralan ang Salita niya. At dapat na lagi nating tandaan na ang isa sa pinakamahalagang magagawa natin ay ang luwalhatiin si Jehova. Makakatiyak tayo na hinding-hindi tayo iiwan ni Jehova at na walang makakapigil sa kaniya na mahalin tayo.—Basahin ang Roma 8:38, 39; Heb. 13:5, 6.
MATUTO MULA SA IBA PANG KARAKTER SA BIBLIYA
21. Ano ang nakatulong kina Aya at Hector na maharap ang mga hamon?
21 Anuman ang sitwasyon natin, mapapalakas tayo ng mga halimbawa sa Bibliya. Halimbawa, sinabi ni Aya, isang payunir sa Japan, na nakatulong sa kaniya ang kuwento tungkol kay Jonas para maharap niya ang takot sa public witnessing. Sinabi naman ni Hector, isang kabataan sa Indonesia at ang mga magulang ay hindi naglilingkod kay Jehova, na nakatulong sa kaniya ang halimbawa ni Ruth para kilalanin si Jehova at paglingkuran siya.
22. Paano ka makikinabang nang husto sa mga drama sa Bibliya o sa seryeng “Tularan ang Kanilang Pananampalataya”?
22 Saan ka makakakita ng mga halimbawa sa Bibliya na magpapalakas sa iyo? Makakatulong ang ating mga video at audio drama at ang seryeng “Tularan ang Kanilang Pananampalataya” para maging buhay na buhay ang mga ulat sa Bibliya. * Ni-research mabuti ang mga ito. Bago mo panoorin, pakinggan, o basahin ang mga ulat na ito, hilingin kay Jehova na tulungan kang makita ang espesipikong mga punto na maisasabuhay mo. Isipin mong ikaw ang pangunahing karakter. Bulay-bulayin kung ano ang ginawa ng tapat na mga lingkod na ito ni Jehova at kung paano niya sila tinulungan na maharap ang mga problema. Pagkatapos, isabuhay ang mga natutuhan mo. Pasalamatan si Jehova sa tulong na ibinibigay niya sa iyo. At maipapakita mong pinapahalagahan mo ang tulong na iyon kung maghahanap ka ng mga pagkakataon para patibayin at suportahan ang iba.
23. Ayon sa Isaias 41:10, 13, ano ang ipinangako ni Jehova na gagawin niya para sa atin?
23 Mahirap ang kalagayan sa mundong ito na kontrolado ni Satanas, at hindi pa nga natin alam ang gagawin kung minsan. (2 Tim. 3:1) Pero hindi tayo dapat mag-alala o matakot. Alam ni Jehova ang mga pinagdadaanan natin. Kapag kailangan natin ng tulong, nangangako siyang aalalayan niya tayo sa pamamagitan ng malakas niyang kanang kamay. (Basahin ang Isaias 41:10, 13.) Buo ang tiwala nating tutulungan niya tayo, at makakakuha tayo ng lakas mula sa Kasulatan para maharap ang anumang problema.
AWIT 96 Ang Aklat ng Diyos—Isang Kayamanan
^ par. 5 Pinapatunayan ng maraming ulat sa Bibliya na mahal ni Jehova ang mga lingkod niya at na tutulungan niya silang matiis ang anumang pagsubok. Tatalakayin sa artikulong ito kung paano mo gagawin ang pagpe-personal study para mas makinabang ka sa binabasa mo.
^ par. 2 Ang mungkahing ito ay isa lang sa mga paraan ng pag-aaral na puwede mong gamitin. Ang iba pang mga mungkahi ay nasa Tulong sa Pag-aaral ng mga Saksi ni Jehova sa paksang “Bibliya” at sa subtitulong “Pagbabasa at Pag-unawa sa Bibliya.”
^ par. 14 Huwag basahin ang mga ulat na ito sa panahon ng Pag-aaral sa Bantayan ng kongregasyon.
^ par. 22 Tingnan ang “Tularan ang Kanilang Pananampalataya—Mga Lalaki at Babae sa Bibliya” sa jw.org/tl. (Magpunta sa TURO NG BIBLIYA > PANANAMPALATAYA SA DIYOS.)