Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ayon sa 2 Samuel 21:7-9, “naawa [si David] kay Mepiboset,” pero bakit ipinapatay si Mepiboset?
Baka ganiyan ang itanong ng ilan sa mga nagbasa ng ulat na ito. Pero sa mga talatang iyon, may dalawang lalaki na parehong nagngangalang Mepiboset, at may matututuhan tayo rito.
Si Haring Saul ng Israel ay may pitong anak na lalaki at dalawang anak na babae. Si Jonatan ang panganay na anak na lalaki. Nang maglaon, nagkaroon ng anak na lalaki si Saul, na ang pangalan ay Mepiboset, sa pangalawahing asawa niya na si Rizpa. Si Jonatan naman ay nagkaroon ng anak na lalaki na Mepiboset din ang pangalan. Kaya si Haring Saul ay may anak at apo na parehong Mepiboset ang pangalan.
Nagalit si Haring Saul sa mga Gibeonita na nakatirang kasama ng mga Israelita at tinangka niya sila na pataying lahat. Lumilitaw na marami ang napatay. Maling-mali iyon. Bakit? Kasi noong panahon ni Josue, nakipagpayapaan at nakipagkasundo ang mga pinuno ng Israel sa mga Gibeonita.—Jos. 9:3-27.
May bisa pa rin ang kasunduang iyon noong panahon ni Haring Saul. Pero nilabag ng hari ang kasunduang iyon at tinangka niyang lipulin ang mga Gibeonita. Dahil diyan, “si Saul at ang sambahayan niya ay may pagkakasala sa dugo.” (2 Sam. 21:1) Nang maging hari si David, nakipag-usap sa kaniya ang mga nakaligtas na Gibeonita tungkol sa ginawa ni Haring Saul. Tinanong sila ni David kung paano niya mababayaran ang kasalanan ni Saul para pagpalain ni Jehova ang lupain. Hindi pera ang hiningi ng mga Gibeonita kundi ang buhay ng pitong anak na lalaki ng taong nagtangkang umubos sa kanila. (Bil. 35:30, 31) Pumayag si David sa kahilingan ng mga Gibeonita.—2 Sam. 21:2-6.
Nang panahong iyon, namatay na sa pakikipagdigma sina Saul at Jonatan, pero buháy pa ang anak na lalaki ni Jonatan na si Mepiboset. Napilay ito sa isang aksidente noong bata pa at hindi siya kasama sa ginawang pag-atake ng lolo niya sa mga Gibeonita. Nangako si David kay Jonatan na mananatili ang pagkakaibigan nila, at na makikinabang dito ang kani-kanilang mga anak, kasama na ang anak ni Jonatan na si Mepiboset. (1 Sam. 18:1; 20:42) Sinasabi ng ulat: “Naawa ang hari [si David] kay Mepiboset, ang anak ni Jonatan na anak ni Saul, dahil sa sumpaan nina David at Jonatan . . . sa harap ni Jehova.”—2 Sam. 21:7.
Pinagbigyan ni David ang kahilingan ng mga Gibeonita. Ibinigay niya sa kanila ang dalawang anak na lalaki ni Saul, isa na rito si Mepiboset, at ang limang apo ni Saul. (2 Sam. 21:8, 9) Dahil sa ginawa ni David, natigil ang pagkakasala sa dugo sa lupain.
Hindi lang ito basta bahagi ng kasaysayan. Malinaw ang utos ng Diyos. Sinasabi rito: “Ang anak ay hindi papatayin dahil sa ginawa ng ama niya.” (Deut. 24:16) Kung inosente ang dalawang anak ni Saul at ang limang apo nito, tiyak na hindi papayagan ni Jehova ang ginawa sa kanila. Sinabi pa sa utos: “Papatayin lang ang isang tao dahil sa sarili niyang kasalanan.” Lumilitaw na ang pitong inapo ni Saul na pinatay ay sangkot sa pagtatangka nito na lipulin ang mga Gibeonita. Dahil dito, pinagbayaran nila ang kasalanan nila.
Ipinapakita ng ulat na ito na hindi puwedeng isipin o ikatuwiran ng isang gumawa ng kasalanan na sumusunod lang siya sa utos. Sinasabi ng isang kawikaan: “Patagin mo ang landas ng mga paa mo, at magiging tuwid ang lahat ng iyong lakad.”—Kaw. 4:24-27; Efe. 5:15.