Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 13

Gamitin ang mga Nilalang Para Turuan ang mga Anak Mo Tungkol kay Jehova

Gamitin ang mga Nilalang Para Turuan ang mga Anak Mo Tungkol kay Jehova

“Sino ang lumalang sa mga ito?”—ISA. 40:26.

AWIT 11 Mga Nilikha​—Pumupuri sa Diyos

NILALAMAN a

1. Ano ang gustong-gusto ng mga magulang para sa mga anak nila?

 MGA magulang, alam naming gusto ninyong makilala at mahalin ng mga anak ninyo si Jehova. Pero hindi nakikita ang Diyos. Kaya paano mo tutulungan ang mga anak mo na makitang totoo si Jehova at maging malapít sa kaniya?​—Sant. 4:8.

2. Paano tuturuan ng mga magulang ang mga anak nila tungkol sa mga katangian ni Jehova?

2 Para maging malapít ang mga anak ninyo kay Jehova, mahalagang mag-aral ng Bibliya kasama sila. (2 Tim. 3:14-17) Pero may isa pang paraan na sinasabi ang Bibliya para mas makilala ng mga anak ninyo si Jehova. Sa aklat ng Kawikaan, makikita ang isang ama na pinapaalalahanan ang anak niya na laging isipin ang mga katangian ni Jehova na makikita sa mga nilalang. (Kaw. 3:19-21) Talakayin natin ang ilang paraan kung paano magagamit ng mga magulang ang mga nilalang para makilala ng mga anak nila si Jehova.

PAANO MO GAGAMITIN ANG MGA NILALANG PARA TURUAN ANG MGA ANAK MO?

3. Ano ang dapat ituro ng mga magulang sa mga anak nila?

3 Sinasabi ng Bibliya na ang “di-nakikitang mga katangian [ng Diyos] ay malinaw na nakikita mula pa nang lalangin ang mundo, dahil ang mga ito . . . ay nakikita sa mga bagay na ginawa niya.” (Roma 1:20) Mga magulang, malamang na nae-enjoy ninyong pagmasdan ang kalikasan kasama ang mga anak ninyo. Magandang pagkakataon ito para tulungan ang mga anak ninyo na makita ang mga katangian ni Jehova sa “mga bagay na ginawa niya.” Alamin natin kung ano ang matututuhan ng mga magulang kay Jesus.

4. Paano ginamit ni Jesus ang mga nilalang para turuan ang mga alagad niya? (Luc. 12:24, 27-30)

4 Tingnan kung paano ginamit ni Jesus ang mga nilalang para magturo. Sa isang pagkakataon, sinabi niya sa mga alagad na tingnan ang mga uwak at liryo. (Basahin ang Lucas 12:24, 27-30.) Puwede sanang ibang hayop o halaman na lang ang binanggit ni Jesus, pero pinili niya ang ibon at bulaklak dahil pamilyar na pamilyar doon ang mga alagad. At habang nagsasalita si Jesus, posibleng may nakikita silang mga bulaklak at lumilipad na mga ibon. Nai-imagine mo ba si Jesus na nakaturo sa mga iyon? At ano ang ginawa niya pagkatapos banggitin ang mga iyon? May itinuro siya sa mga alagad tungkol sa pagiging mabait at mapagbigay ng kanilang Ama: Pinaglalaanan ni Jehova ng pagkain at damit ang mga tapat na lingkod niya kung paanong pinapakain niya ang mga uwak at binibihisan ang mga liryo sa parang.

5. Anong mga nilalang ang puwedeng gamitin ng mga magulang para turuan ang mga anak nila tungkol kay Jehova?

5 Kung isa kang magulang, paano mo matutularan si Jesus sa pagtuturo sa mga anak mo? Puwede mong ikuwento sa kanila kung alin sa mga nilalang ang nagustuhan mo. Halimbawa, puwede mong sabihin kung ano ang paborito mong hayop o halaman. At habang nagkukuwento, ipaliwanag mo kung ano ang itinuturo nito tungkol kay Jehova. Pagkatapos, puwede mo silang tanungin kung ano ang paborito nilang hayop o halaman. Kung pag-uusapan ninyo ang mga nilalang na gustong-gusto nila, malamang na mas makikinig sila sa ituturo mo tungkol kay Jehova.

6. Ano ang matututuhan natin sa nanay ni Christopher?

6 Kailangan ba ng mga magulang ng mahabang panahon para mag-research tungkol sa mga hayop o halaman bago turuan ang mga anak nila tungkol kay Jehova? Hindi naman. Hindi komplikado ang paliwanag ni Jesus kung paano kumakain ang mga uwak o kung paano lumalaki ang mga liryo. Totoo, baka gusto ng anak mo ng mas detalyadong paliwanag tungkol sa mga nilalang. Pero minsan, puwede na ang mga simpleng komento o tanong para turuan sila. Naalala ng brother na si Christopher: “Noong bata pa ako, kinokomentuhan ni Nanay ang mga nilalang na nasa paligid namin para mapahalagahan namin iyon. Halimbawa, kapag malapit kami sa mga bundok, sinasabi niya: ‘Tingnan n’yo kung gaano kalaki at kaganda ang mga bundok! Napakagaling talaga ni Jehova!’ Kapag malapit naman kami sa dagat, sinasabi niya: ‘Tingnan n’yo, ang lalakas ng mga alon! Talagang makapangyarihan ang Diyos!’” Sinabi ni Christopher: “Simple lang ang mga sinasabi ni Nanay, pero talagang tumatak iyon sa isip namin.”

7. Paano mo sasanayin ang mga anak mo na pag-isipan ang mga nilalang?

7 Habang lumalaki ang mga anak mo, puwede mo silang sanayin na pag-isipan ang mga nilalang at kung ano ang itinuturo ng mga iyon tungkol kay Jehova. Puwede ninyong pag-usapan ang kahit isa lang sa mga nilalang ng Diyos. Pagkatapos, tanungin ang mga anak mo, “Ano ang itinuturo nito sa inyo tungkol kay Jehova?” Baka magulat ka sa sasabihin nila!—Mat. 21:16.

KAILAN MO GAGAMITIN ANG MGA NILALANG PARA TURUAN ANG MGA ANAK MO?

8. Anong pagkakataon mayroon ang mga magulang na Israelita habang “naglalakad sa daan”?

8 Inutusan ang mga Israelita na ituro sa mga anak nila ang kautusan ni Jehova habang “naglalakad sa daan.” (Deut. 11:19) Sa mga daan noon sa Israel, makikita ang iba’t ibang hayop, ibon, at bulaklak. Kaya habang naglalakbay ang mga pamilyang Israelita, may pagkakataon ang mga magulang na gamitin ang mga nilalang para turuan ang mga anak nila tungkol kay Jehova. Mga magulang, baka puwede rin ninyong samantalahin ang ganiyang mga pagkakataon. Tingnan kung paano iyan ginawa ng ilang magulang.

9. Ano ang matututuhan mo kina Punitha at Katya?

9 Sinabi ni Punitha, isang nanay na nakatira sa isang siyudad sa India: “Kapag umuuwi kami sa probinsiya para bumisita sa mga kamag-anak namin, sinasamantala namin ang mga pagkakataong iyon para turuan ang mga anak namin tungkol sa kahanga-hangang mga nilalang ni Jehova. Tingin ko, mas napapahalagahan ng mga anak ko ang mga nilalang kapag malayo sila sa matataong lugar at sa napakaraming sasakyan.” Mga magulang, malamang na hindi makakalimutan ng mga anak ninyo ang mga panahong magkakasama kayo sa isang magandang lugar. Sinabi ni Katya, isang sister sa Moldova: “Hinding-hindi ko makakalimutan ang mga panahong kasama ko ang mga magulang ko sa probinsiya noong bata pa ako. Talagang nagpapasalamat ako sa kanila kasi tinuruan nila akong huminto muna at obserbahan ang mga nilalang para mas makilala pa si Jehova.”

Kahit nasa siyudad kayo, makakakita ka pa rin ng mga nilalang na magagamit mo para ituro sa mga anak mo ang mga katangian ni Jehova (Tingnan ang parapo 10)

10. Kung mahirap para sa inyo na pumasyal sa mga lugar na malapit sa kalikasan, ano ang puwede ninyong gawin? (Tingnan ang kahong “ Tulong Para sa mga Magulang.”)

10 Paano kung hindi posible para sa inyo na pumasyal sa mga lugar na malapit sa kalikasan? Sinabi ni Amol, na nakatira din sa India: “Sa lugar namin, kailangang magtrabaho ng maraming oras ng mga magulang, at magastos bumiyahe papunta sa magagandang lugar. Pero makikita mo ang mga nilalang ni Jehova at mapag-uusapan ang mga katangian niya kapag pumunta ka sa maliliit na park at sa rooftop o terrace.” Kaya kung mag-oobserba ka, malamang na makakita ka ng iba’t ibang nilalang malapit sa bahay ninyo at puwede mong ipakita iyon sa mga anak mo. (Awit 104:24) Baka makakita ka ng mga ibon, insekto, halaman, at iba pa. Sinabi ni Karina, na taga-Germany: “Gustong-gusto ni Nanay ang mga bulaklak. Kaya noong maliit pa ako, itinuturo niya ang magagandang bulaklak na nakikita niya habang naglalakad kami.” Mga magulang, puwede rin ninyong gamitin ang mga video o publikasyon natin tungkol sa mga nilalang para turuan ang mga anak ninyo. Saan man kayo nakatira, puwede ninyong tulungan ang mga anak ninyo na obserbahan ang mga nilikha ng Diyos. Talakayin natin ang ilan sa mga katangian ni Jehova na puwede ninyong ituro sa mga anak ninyo.

MALINAW NA NAKIKITA ANG DI-NAKIKITANG MGA KATANGIAN NI JEHOVA

11. Paano matutulungan ng mga magulang ang mga anak nila na maunawaan ang pag-ibig ni Jehova?

11 Para tulungan ang mga anak mo na maunawaan ang pag-ibig ni Jehova, puwede mong ipaliwanag kung paano inaalagaan ng mga hayop ang mga anak nila. (Mat. 23:37) Puwede mo ring ituro ang iba’t ibang nilalang na nagpapasaya sa iyo. Sinabi ni Karina, na binanggit kanina: “Kapag naglalakad kami ni Nanay, pinapahinto muna niya ako para obserbahan kung paano naiiba ang bawat bulaklak at kung paano makikita dito ang pag-ibig ni Jehova. Kahit ilang taon na ang nakakalipas, pinagmamasdan ko pa rin ang mga bulaklak—ang pagkakaiba-iba ng klase, disenyo, at kulay ng mga ito. Palaging ipinapaalala nito sa akin kung gaano tayo kamahal ni Jehova.”

Puwede mong gamitin ang kahanga-hangang pagkakadisenyo sa katawan natin para ituro sa mga anak mo ang tungkol sa karunungan ng Diyos (Tingnan ang parapo 12)

12. Paano matutulungan ng mga magulang ang mga anak nila na makita ang karunungan ng Diyos? (Awit 139:14) (Tingnan din ang larawan.)

12 Tulungan ang mga anak mo na makita ang karunungan ng Diyos. Di-hamak na mas marunong si Jehova kaysa sa atin. (Roma 11:33) Halimbawa, puwede mong ituro sa mga anak mo ang water cycle—kung paano kamangha-manghang nabubuo ang mga ulap mula sa tubig at pagkatapos ay bumubuhos sa ibang lugar. (Job 38:36, 37) Puwede mo ring ituro sa kanila ang kahanga-hangang pagkakadisenyo sa katawan ng tao. (Basahin ang Awit 139:14.) Tingnan kung paano iyan ginawa ng tatay na si Vladimir. Sinabi niya: “Minsan, natumba ang anak ko habang nagba-bike at nasugatan siya. Pagkalipas ng ilang araw, magaling na ang sugat niya. Ipinaliwanag namin ng nanay niya na ginawa ni Jehova ang katawan ng tao na may kakayahang pagalingin ang sarili nito. Sinabi namin na hindi iyan kayang gawin ng mga bagay na ginawa ng tao. Halimbawa, kapag nasira ang isang sasakyan dahil sa aksidente, hindi nito kayang ayusin ang sarili nito. Nakatulong ito sa anak namin na maintindihan ang karunungan ni Jehova.”

13. Paano matutulungan ng mga magulang ang mga anak nila na makita ang kapangyarihan ng Diyos? (Isaias 40:26)

13 Gusto ni Jehova na tumingala tayo sa langit at pag-isipan ang kamangha-manghang kapangyarihan na ginagamit niya para panatilihing organisado ang uniberso. (Basahin ang Isaias 40:26.) Puwede mong sabihin sa mga anak mo na gawin din iyon at pag-isipan ang mga nakikita nila. Naalala ng isang sister sa Taiwan: “Minsan, noong bata ako, nag-camping kami ni Nanay. Walang mga ilaw doon mula sa siyudad kaya kitang-kita namin ang mga bituin sa langit. Noong mga panahong iyon, magulo ang isip ko kasi malakas ang pressure sa school at nag-aalala ako kung makakapanatili akong tapat kay Jehova. Sinabi ni Nanay na pag-isipan ko ang kapangyarihang ginamit ni Jehova para gawin ang mga bituin. Puwede ring gamitin ni Jehova ang kapangyarihang iyon para tulungan akong maharap ang anumang hamon. Dahil sa camping namin, napakilos akong mas kilalanin pa si Jehova at patibayin ang determinasyon kong paglingkuran siya.”

14. Paano gagamitin ng mga magulang ang mga nilalang para tulungan ang mga anak nila na makitang si Jehova ay maligayang Diyos?

14 Makikita sa mga nilalang ni Jehova na gusto niyang mag-enjoy tayo dahil siya ay maligayang Diyos. Naobserbahan ng mga siyentipiko na naglalaro ang karamihan sa mga hayop, gaya ng mga ibon at mga isda. (Job 40:20) Malamang na natatawa ang mga anak mo kapag may nakikita silang mga hayop na naglalaro. Halimbawa, baka may makita silang mga kuting o tuta na nagkukulitan. Puwede mong ipaalala sa kanila na ang maligayang Diyos na pinaglilingkuran natin ang lumalang sa mga ito.​—1 Tim. 1:11.

MGA PAMILYA, MAG-ENJOY SA MGA NILALANG NI JEHOVA

Kapag nasa isang lugar kayo na may magandang tanawin, mas relaks ang mga anak mo at mas magiging madali sa kanila na sabihin ang iniisip at nararamdaman nila (Tingnan ang parapo 15)

15. Ano ang makakatulong sa mga magulang na malaman ang iniisip ng mga anak nila? (Kawikaan 20:5) (Tingnan din ang larawan.)

15 Minsan, baka hamon para sa mga magulang na malaman ang problema ng mga anak nila. Kung ganiyan ang sitwasyon mo, baka kailangan mong gumawa ng paraan para masabi nila kung ano talaga ang nasa isip nila. (Basahin ang Kawikaan 20:5.) Nakita ng ilang magulang na mas madaling gawin iyan kapag nagpupunta sila sa mga lugar na may magagandang tanawin kasama ang mga anak nila. Mas marami kasi silang panahon para mag-usap. Sinabi ni Masahiko, isang tatay sa Taiwan, ang isa pang dahilan: “Kapag kasama namin ang mga bata sa beach o kapag nagha-hiking kami, mas relaks sila. Kaya mas nagiging madali para sa kanila na sabihin ang iniisip at nararamdaman nila.” Sinabi ni Katya, na binanggit kanina: “Pagkatapos ng klase, dinadala ako ni Nanay sa magandang park. Dahil tahimik at maganda doon, mas madali sa akin na ikuwento ang mga nangyari sa school at ang mga problema ko.”

16. Paano puwedeng marelaks at ma-enjoy ng bawat pamilya ang mga nilikha ni Jehova?

16 Tumitibay rin ang ugnayan ng magkakapamilya kapag sama-sama silang nag-e-enjoy sa mga nilalang ni Jehova. Sinasabi ng Bibliya na may “panahon ng pagtawa” at “panahon ng paglukso-lukso.” (Ecles. 3:1, 4, tlb.) Lumikha rin si Jehova ng magagandang lugar at puwede tayong mag-enjoy doon. Maraming pamilya ang gustong-gustong pumunta sa mga park, zoo, bundok, at beach. Gusto ng mga bata na tumakbo at maglaro sa mga park, makakita ng mga hayop, o maligo sa mga ilog, lawa, o dagat. Kaya kapag nasa ganiyang mga lugar, siguradong marerelaks ang buong pamilya!

17. Bakit dapat tulungan ng mga magulang ang mga anak nila na ma-enjoy ang mga nilalang ng Diyos?

17 Siguradong mas mae-enjoy ng bawat pamilya ang mga nilalang ni Jehova sa bagong sanlibutan. Doon, hindi na tayo matatakot sa mga hayop at hindi na rin sila matatakot sa atin. (Isa. 11:6-9) Mas marami tayong panahon para mag-enjoy sa mga nilikha ni Jehova. (Awit 22:26) Pero mga magulang, ngayon pa lang, tulungan na ang mga anak ninyo na ma-enjoy ang mga nilalang ni Jehova para matuto sila sa mga ito. Siguradong mararamdaman nila ang naramdaman ni Haring David nang sabihin niya: “O Jehova, walang katulad ang mga gawa mo.”​—Awit 86:8.

AWIT 134 Mga Anak—Ipinagkatiwala ng Diyos

a Maraming kapatid ang may magagandang alaala noong tinuturuan sila ng kanilang mga Kristiyanong magulang tungkol sa mga nilalang. Hindi nila nalimutan ang mga natutuhan nila tungkol sa mga katangian ni Jehova. Kung may mga anak ka, paano mo gagamitin ang mga nilalang para turuan sila tungkol sa mga katangian ng Diyos? Sasagutin iyan sa artikulong ito.