Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 14

“Malalaman ng Lahat na Kayo ay mga Alagad Ko”

“Malalaman ng Lahat na Kayo ay mga Alagad Ko”

“Kung mahal ninyo ang isa’t isa, malalaman ng lahat na kayo ay mga alagad ko.”​—JUAN 13:35.

AWIT 106 Mahalaga ang Pag-ibig

NILALAMAN a

Ano ang epekto sa iba kapag nakikita nila ang pag-ibig sa bayan ni Jehova? (Tingnan ang parapo 1)

1. Saan humahanga ang maraming interesado nang unang beses silang dumalo sa pulong? (Tingnan din ang larawan.)

 ISIPIN ang mag-asawang unang beses na dumalo sa pulong ng mga Saksi ni Jehova sa Kingdom Hall. Talagang naramdaman nilang welcome sila at kitang-kita nila ang pag-ibig ng mga kapatid sa isa’t isa. Nang pauwi na sila galing pulong, sinabi ng babae sa asawa niya: ‘Ibang-iba ang mga Saksi ni Jehova. Masaya silang kasama.’

2. Bakit may ilan na tumigil na sa paglilingkod?

2 Napakaespesyal ng pag-ibig na ipinapakita ng mga kapatid sa kongregasyon. Siyempre, hindi perpekto ang mga Saksi ni Jehova. (1 Juan 1:8) Kaya habang mas nakikilala natin ang mga kapatid, mas nakikita natin ang mga pagkukulang nila. (Roma 3:23) Nakakalungkot, nagiging dahilan iyan para tumigil ang iba sa paglilingkod.

3. Saan makikilala ang mga tunay na tagasunod ni Jesus? (Juan 13:34, 35)

3 Tingnan ulit ang temang teksto sa artikulong ito. (Basahin ang Juan 13:34, 35.) Saan makikilala ang mga tunay na tagasunod ni Kristo? Sa pag-ibig nila; hindi sa pagiging perpekto. Pansinin din na hindi sinabi ni Jesus: ‘Malalaman ninyo na kayo ay mga alagad ko.’ Ang sabi niya: “Malalaman ng lahat na kayo ay mga alagad ko.” Ipinapakita nito na makikilala ng lahat—kahit ng mga di-Kristiyano—ang mga tunay na tagasunod niya dahil sa di-makasariling pag-ibig nila sa isa’t isa.

4. Ano ang gustong malaman ng ilan tungkol sa mga tunay na Kristiyano?

4 Baka maitanong ng mga hindi Saksi ni Jehova: ‘Bakit sa pag-ibig makikilala ang mga tunay na tagasunod ni Jesus? Paano nagpakita ng pag-ibig si Jesus sa mga apostol niya? At paano posibleng matularan ang halimbawa ni Jesus ngayon?’ Mahalagang pag-isipan natin ang sagot sa mga tanong na iyan para mas maipakita natin ang pag-ibig, lalo na kapag nagawan tayo ng mali ng iba.​—Efe. 5:2.

BAKIT SA PAG-IBIG MAKIKILALA ANG MGA TUNAY NA TAGASUNOD NI JESUS?

5. Ipaliwanag ang sinabi ni Jesus sa Juan 15:12, 13.

5 Ipinaliwanag ni Jesus na ipapakita ng mga tagasunod niya ang pag-ibig sa espesyal na paraan. (Basahin ang Juan 15:12, 13.) Pansinin ang utos ni Jesus sa kanila: “Ibigin ninyo ang isa’t isa kung paanong inibig ko kayo.” Ano ang ibig sabihin niyan? Gaya ng ipinaliwanag ni Jesus, ito ay mapagsakripisyong pag-ibig. Dapat mahalin ng isang Kristiyano ang mga kapatid niya nang higit pa sa sarili niya. Handa pa nga siyang mamatay para sa kanila kung kinakailangan. b

6. Paano ipinapakita ng Salita ng Diyos na napakahalaga ng pag-ibig?

6 Ipinapakita ng Salita ng Diyos na napakahalaga ng pag-ibig. Ito ang ilan sa mga tekstong paborito ng marami: “Ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) “Dapat mong mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Mat. 22:39) “Ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.” (1 Ped. 4:8) “Ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.” (1 Cor. 13:8) Ipinapakita ng mga tekstong ito at ng iba pa na napakahalagang magkaroon ng pag-ibig at ipakita ang napakagandang katangiang ito.

7. Bakit hindi kayang pagkaisahin at turuan ni Satanas ang mga tao na mahalin ang isa’t isa?

7 Itinatanong ng marami: ‘Paano ko makikilala ang tunay na relihiyon? Sinasabi ng lahat ng relihiyon na itinuturo nila ang katotohanan, pero iba-iba naman ang turo nila tungkol sa Diyos.’ Gumawa ng mga huwad na relihiyon si Satanas para lituhin ang mga tao. Pero hindi niya kayang gumawa ng pambuong-daigdig na kapatiran ng mga Kristiyano na mahal ang isa’t isa. Si Jehova lang ang makakagawa niyan. Alam natin iyan dahil si Jehova ang pinagmumulan ng tunay na pag-ibig—ang mga may espiritu lang niya at ang mga pinagpapala niya ang puwedeng magkaroon ng tunay na pag-ibig sa isa’t isa. (1 Juan 4:7) Kaya hindi na nakakapagtaka kung bakit sinabi ni Jesus na sa pag-ibig makikilala ang mga tunay na tagasunod niya.

8-9. Paano nakaapekto sa marami ang pag-ibig na nakita nila sa mga Saksi ni Jehova?

8 Gaya ng inihula ni Jesus, marami ang nakapansin sa tunay na pag-ibig na ipinapakita ng mga tunay na tagasunod niya. Halimbawa, naalala ng brother na si Ian nang unang beses siyang dumalo ng kombensiyon sa isang sports stadium na malapit sa bahay nila. Mga ilang buwan bago nito, nakapunta na si Ian sa stadium na iyon para manood ng isang sports event. Sinabi niya: “Ibang-iba ang kombensiyong ito. Magalang at maayos manamít ang mga Saksi, at napakabait ng mga bata.” Sinabi pa niya: “Nasalamin ko sa kanila ang pagiging kontento at tiwasay—mga bagay na hinahangad ko. Wala akong natandaan sa mga tinalakay sa programa, pero tumatak sa isip ko ang paggawi ng mga Saksi.” c Resulta iyan ng tunay na pag-ibig natin sa isa’t isa. Dahil mahal natin ang mga kapatid, mabait at may respeto tayo sa kanila.

9 Ganiyan din ang napansin ng brother na si John nang magsimula siyang dumalo sa mga pulong ng kongregasyon: “Humanga ako sa pagiging palakaibigan nila . . . Para silang mga santo. Dahil sa kanilang taimtim na pag-ibig, nakumbinsi akong ito na ang tunay na relihiyon.” d Ipinapakita ng mga karanasang ito na pinapatunayan ng bayan ni Jehova na sila ang mga tunay na Kristiyano.

10. Sa anong mga pagkakataon lalo nating maipapakita ang Kristiyanong pag-ibig? (Tingnan din ang talababa.)

10 Gaya ng binanggit sa simula, walang perpekto sa mga kapatid. At baka may pagkakataong may masabi o magawa sila na ikakainis natin. e (Sant. 3:2) Kapag nangyari iyan, may pagkakataon tayong ipakita ang Kristiyanong pag-ibig sa magiging reaksiyon natin. Ano ang matututuhan natin kay Jesus?​—Juan 13:15.

PAANO IPINAKITA NI JESUS NA MAHAL NIYA ANG MGA APOSTOL NIYA?

Nagpakita ng pag-ibig at kabaitan si Jesus sa mga apostol niya kahit maraming beses silang nagkamali (Tingnan ang parapo 11-13)

11. Anong di-magagandang ugali ang ipinakita nina Santiago at Juan? (Tingnan din ang larawan.)

11 Hindi inaasahan ni Jesus na magiging perpekto ang mga tagasunod niya. Tinulungan pa nga niya silang alisin ang di-magagandang ugali para mapasaya nila si Jehova. Halimbawa, hiniling ng mga apostol na sina Santiago at Juan sa nanay nila na kausapin si Jesus para bigyan sila ng prominenteng posisyon sa Kaharian. (Mat. 20:20, 21) Makikita kina Santiago at Juan na mataas ang tingin nila sa sarili at naging ambisyoso sila.​—Kaw. 16:18.

12. Sina Santiago at Juan lang ba ang nagpakita ng di-magandang ugali? Ipaliwanag.

12 Hindi lang sina Santiago at Juan ang nagpakita ng di-magandang ugali nang pagkakataong iyon. Pansinin kung ano ang naging reaksiyon ng ibang apostol: “Nang marinig ito ng 10 iba pa, nagalit sila sa magkapatid.” (Mat. 20:24) Nai-imagine mo ba ang sagutan nina Santiago, Juan, at ng iba pang mga apostol? Baka sinabi ng ilan sa kanila: ‘Sino kayo para humingi ng mataas na posisyon sa Kaharian? Pare-pareho lang tayong naglilingkod kasama ni Jesus. Hindi lang kayo ang kuwalipikado sa espesyal na pribilehiyo!’ Anuman ang nangyari nang pagkakataong iyon, nakalimutan nilang magpakita ng pag-ibig at maging mabait sa isa’t isa.

13. Ano ang reaksiyon ni Jesus sa pagkukulang ng mga apostol niya? (Mateo 20:25-28)

13 Ano ang ginawa ni Jesus nang pagkakataong iyon? Hindi siya nagalit. Hindi niya sinabing maghahanap na lang siya ng mas mahuhusay na apostol, na mas mapagpakumbaba at laging nagpapakita ng pag-ibig. Sa halip, kinausap sila ni Jesus sa mabait na paraan dahil alam niyang gusto ng mga lalaking ito na gawin kung ano ang tama. (Basahin ang Mateo 20:25-28.) Laging mabait ang pakikitungo ni Jesus sa mga apostol kahit na ilang beses nilang pinagtalunan kung sino sa kanila ang pinakadakila.​—Mar. 9:34; Luc. 22:24.

14. Ano ang kinalakhan ng mga apostol ni Jesus?

14 Siguradong inisip ni Jesus ang kinalakhan ng mga apostol niya. (Juan 2:24, 25) Lumaki sila sa turo ng mga lider ng relihiyon na mahalaga lang ang isang tao kapag may mataas siyang posisyon. (Mat. 23:6; ihambing ang video na Pinakamagandang Puwesto sa Sinagoga sa study note ng Mateo 23:6.) Iniisip ng mga Judiong lider ng relihiyon na angat sila sa iba. f (Luc. 18:9-12) Naintindihan ni Jesus na nakaapekto ang kinalakhan ng mga apostol sa naging tingin nila sa sarili at sa iba. (Kaw. 19:11) Alam ni Jesus na magkakamali ang mga alagad niya at naging mapagpasensiya siya sa kanila. Alam niya na gusto naman nilang gawin ang tama. Kaya matiyaga niya silang tinulungan na maging mapagpakumbaba at magpakita ng pag-ibig imbes na makipagtalo kung sino ang pinakamagaling.

PAANO NATIN MATUTULARAN ANG HALIMBAWA NI JESUS?

15. Ano ang matututuhan natin sa ginawa nina Santiago at Juan at sa reaksiyon ng ibang mga apostol?

15 May mga aral tayong matututuhan sa ginawa nina Santiago at Juan. Hindi sila dapat humingi ng mataas na posisyon sa Kaharian. Pero mali rin ang ibang mga apostol. Hindi nila sinikap na mapanatili ang pagkakaisa. Pero nanatiling mabait si Jesus sa 12 apostol. Ano ang matututuhan natin? Kahit na makagawa ng pagkakamali ang iba, dapat din nating bantayan ang magiging reaksiyon natin. Kaya kapag nainis tayo sa isang kapatid, tanungin ang sarili: ‘Bakit ba masyado akong apektado? May kahinaan ba ako na dapat kong paglabanan? May pinagdadaanan lang kaya siya? Kahit na may dahilan naman akong mainis, puwede bang patawarin ko na lang siya para maipakita ko ang pag-ibig?’ Kapag ipinapakita natin na mahal natin ang isa’t isa, mas pinapatunayan nating mga tunay na tagasunod tayo ni Jesus.

16. Ano pa ang matututuhan natin sa halimbawa ni Jesus?

16 Natutuhan din natin sa halimbawa ni Jesus na dapat nating sikapin na unawain ang mga kapatid. (Kaw. 20:5) Hindi tayo nakakabasa ng puso gaya ni Jesus. Pero puwede tayong maging mapagpasensiya sa mga kapatid kapag nagkakamali sila. (Efe. 4:1, 2; 1 Ped. 3:8) Magiging mas madali iyan kung kikilalanin pa natin sila. Tingnan ang isang halimbawa.

17. Ano ang resulta nang mas makilala ng isang tagapangasiwa ng sirkito ang isang brother?

17 Naalala ng isang tagapangasiwa ng sirkito ang isang brother sa dinalaw niyang kongregasyon sa East Africa. Akala niya noong una, masama ang ugali ng brother. Ano ang ginawa ng tagapangasiwa ng sirkito? Sinabi niya: “Sa halip na iwasan ang kapatid na ito, ipinasiya kong kilalanin siya nang higit.” Dahil dito, nalaman ng tagapangasiwa ng sirkito ang kinalakhan ng brother at ang epekto nito sa pakikitungo niya sa iba. Sinabi rin ng tagapangasiwa ng sirkito: “Nang maunawaan ko kung gaano katindi ang pakikipagpunyagi ng kapatid na ito upang mapagtagumpayan ang ganitong kinalakhan at kung gaano na kalaki ang nagawa niyang pagsulong, hinangaan ko siya. Naging matalik na magkaibigan kami.” Kaya kapag sinisikap nating unawain ang mga kapatid, magiging mas madali sa atin na magpakita ng pag-ibig sa kanila.

18. Ano ang mga puwede nating itanong sa sarili kung nasaktan tayo ng isang kapatid? (Kawikaan 26:20)

18 Baka minsan, gusto nating kausapin ang kapatid na nakasakit sa atin. Pero bago natin gawin iyan, tanungin ang sarili: ‘Alam ko ba talaga ang buong pangyayari?’ (Kaw. 18:13) ‘Posible kayang hindi naman niya sinasadyang gawin iyon?’ (Ecles. 7:20) ‘Nagawa ko na rin ba iyon sa iba?’ (Ecles. 7:21, 22) ‘Kapag kinausap ko siya, maaayos ba ang sitwasyon o lálaki lang ang isyu?’ (Basahin ang Kawikaan 26:20.) Kung pag-iisipan natin ang mga tanong na iyan, puwede tayong mapakilos ng pag-ibig na palampasin na lang ang pagkakamali ng kapatid.

19. Ano ang determinado mong gawin?

19 Pinapatunayan ng mga Saksi ni Jehova na mga tunay na tagasunod sila ni Jesus. Mapapatunayan ng bawat isa sa atin na mga tunay tayong tagasunod ni Jesus kung ipapakita natin ang di-makasariling pag-ibig sa mga kapatid kahit nagkakamali sila. Dahil diyan, puwede nating matulungan ang iba na makita ang tunay na relihiyon at maglingkod din sila kay Jehova, ang Diyos ng pag-ibig. Kaya maging determinado tayong patuloy na magpakita ng pag-ibig, dahil dito makikilala ang mga tunay na Kristiyano.

AWIT 17 Handang Tumulong

a Marami ang nagiging interesado sa katotohanan dahil nakikita nila ang tunay na pag-ibig natin sa isa’t isa. Pero hindi tayo perpekto, at may mga pagkakataong nahihirapan tayong magpakita ng pag-ibig. Kaya alamin natin kung bakit napakahalaga ng pag-ibig at kung paano natin matutularan si Jesus kapag nagkakamali ang iba.

c Tingnan ang artikulong “Sa Wakas, May Layunin Na ang Buhay Ko,” sa Bantayan, Nobyembre 1, 2012, p. 13-14.

d Tingnan ang artikulong “Parang Wala Na Akong Mahihiling Pa sa Buhay Ko,” sa Bantayan, Mayo 1, 2012, p. 18-19.

e Hindi malulubhang kasalanan ang tinatalakay sa artikulong ito. Ang malulubhang kasalanan, gaya ng nakaulat sa 1 Corinto 6:9, 10, ay kailangang asikasuhin ng mga elder.

f Ayon sa isang ulat, sinabi ng isang rabbi: “Sa buong mundo, hindi bababa sa tatlumpu ang matuwid na gaya ni Abraham. Kung may tatlumpu, kami ng anak ko ang dalawa doon; kung sampu, kami ng anak ko ang dalawa doon; kung lima, kami ng anak ko ang dalawa doon; kung dalawa, kami iyon ng anak ko; kung isa lang, ako iyon.”