Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Bakit sinabi ng lalaking hindi binanggit ang pangalan na ‘manganganib ang sarili niyang mana’ kung pakakasalan niya si Ruth? (Ruth 4:1, 6)
Noong panahon ng Bibliya, kapag namatay ang asawang lalaki at hindi siya nagkaroon ng anak, may mga tanong na kailangang masagot: Kanino mapupunta ang lupain niya? Mapuputol na ba ang pangalan ng pamilya niya? Sinasagot iyan ng Kautusang Mosaiko.
Ano ang mangyayari sa lupain ng lalaking namatay o naghirap at ibinenta ang lupain niya? Puwede itong tubusin o bilhing muli ng isa sa mga kapatid niya o malapit na kamag-anak. Kaya mananatili itong pag-aari ng pamilya nila.—Lev. 25:23-28; Bil. 27:8-11.
Kapag namatay ang isang lalaki, paano maiiwasang maputol ang pangalan ng pamilya niya? Sa pamamagitan ng pag-aasawa bilang bayaw, gaya ng nangyari kay Ruth. Pakakasalan ng kapatid ng namatay ang biyuda nito para magkaanak sila na magdadala ng pangalan ng namatay at magmamana ng kaniyang lupain. Dahil sa kaayusang ito, mapapangalagaan din ang biyuda.—Deut. 25:5-7; Mat. 22:23-28.
Pag-isipan ang nangyari kay Noemi. Napangasawa niya si Elimelec at nagkaroon sila ng dalawang anak na lalaki. Pero nang mabiyuda siya at mamatay ang mga anak niya, wala nang mag-aalaga sa kaniya. (Ruth 1:1-5) Nang bumalik si Noemi sa Juda, sinabi niya sa manugang niyang si Ruth na pumunta kay Boaz at hilingan ito na tubusin ang lupain nila. Malapit na kamag-anak ni Boaz si Elimelec. (Ruth 2:1, 19, 20; 3:1-4) Pero alam ni Boaz na may mas malapit na kamag-anak na puwedeng tumubos sa lupain. Hindi binanggit ng Bibliya ang pangalan ng lalaking ito, pero siya ang unang may karapatan na tumubos.—Ruth 3:9, 12, 13.
Noong una, gustong tumulong ng lalaki. (Ruth 4:1-4) Kahit mapapagastos siya, alam niyang hindi na magkakaanak si Noemi na magmamana ng lupain ni Elimelec. Kaya makukuha ng lalaki ang lupain nito, at mukhang bentaha iyon para sa kaniya.
Pero nagbago ang isip ng lalaki nang malaman niyang kailangan niyang pakasalan si Ruth. Sinabi niya: “Hindi ko iyon kayang tubusin dahil baka manganib ang sarili kong mana.” (Ruth 4:5, 6) Bakit nagbago ang isip niya?
Kung magkakaanak ng lalaki si Ruth sa mapapangasawa niya, mamanahin nito ang lupain ni Elimelec. Bakit sinabi ng lalaki na ‘manganganib ang sarili niyang mana’? Hindi sinasabi ng Bibliya, pero ito ang ilang posibleng dahilan.
Una, baka iniisip niyang masasayang ang pera niya, kasi hindi mapupunta sa kaniya ang lupain ni Elimelec kundi sa anak ni Ruth.
Ikalawa, magiging obligasyon na niya na pakainin at alagaan sina Noemi at Ruth.
Ikatlo, kung magkakaroon sila ni Ruth ng iba pang mga anak, makikihati ang mga ito sa mana ng sariling mga anak ng lalaki.
Ikaapat, kung walang sariling anak ang lalaki, parehong mamanahin ng magiging anak nila ni Ruth ang lupain ni Elimelec at ang lupain niya. Mapupunta sa bata na nagdadala ng pangalan ni Elimelec ang lupain niya. Ayaw niyang manganib ang sarili niyang mana para makatulong kay Noemi. Mas gusto niyang ibigay kay Boaz, ang susunod na manunubos, ang obligasyong iyon. At ginawa iyon ni Boaz “para ang pangalan ng namatay ay maibalik sa kaniyang mana.”—Ruth 4:10.
Lumilitaw na mas interesado ang lalaki na maingatan ang sarili niyang pangalan at mana. Naging makasarili siya. Pero imbes na maingatan ang pangalan niya, hindi na natin ito alam ngayon. Napunta rin kay Boaz ang espesyal na pribilehiyong para sana sa kaniya—ang maging ninuno ng Mesiyas, si Jesu-Kristo. (Mat. 1:5; Luc. 3:23, 32) Napalampas niya iyan dahil naging makasarili siya at tumangging tumulong sa nangangailangan!