Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 9

AWIT BLG. 75 Isugo Mo Ako!

Handa Ka Na Bang Mag-alay kay Jehova?

Handa Ka Na Bang Mag-alay kay Jehova?

“Ano ang igaganti ko kay Jehova sa lahat ng kabutihang ginawa niya sa akin?”AWIT 116:12.

MATUTUTUHAN

Kung paano ka magkakaroon ng malapít na kaugnayan kay Jehova para gustuhin mong mag-alay sa kaniya at magpabautismo.

1-2. Ano ang dapat gawin ng isa bago magpabautismo?

 SA NAKALIPAS na limang taon, mahigit isang milyon ang nagpabautismo bilang mga Saksi ni Jehova. Marami sa kanila ang naturuan ng katotohanan “mula pa noong sanggol” sila, gaya ng alagad noong unang siglo na si Timoteo. (2 Tim. 3:​14, 15) Ang iba naman sa kanila, nakilala si Jehova noong adulto na sila. Ang ilan naman, noong may-edad na sila. May isang babae nga na nagpa-Bible study sa mga Saksi ni Jehova at nabautismuhan sa edad na 97!

2 Kung nagba-Bible study ka ngayon o kung pinalaki ka ng mga magulang mo sa katotohanan, pinag-iisipan mo na bang magpabautismo? Napakagandang goal niyan! Pero bago ka magpabautismo, kailangan mo munang ialay ang sarili mo kay Jehova. Tatalakayin sa artikulong ito kung ano ang ibig sabihin ng pag-aalay. Tutulong din ito sa iyo na makita kung bakit hindi ka dapat matakot na mag-alay sa Diyos at magpabautismo kapag handa ka nang gawin ito.

ANO ANG PAG-AALAY?

3. Magbigay ng mga halimbawa sa Bibliya ng mga taong nakaalay kay Jehova.

3 Sa Bibliya, ang isang taong nakaalay kay Jehova ay ibinukod, o pinili, para sa isang sagradong layunin. Nakaalay kay Jehova ang bansang Israel. Pero may ilang Israelita na nakaalay sa kaniya sa espesyal na paraan. Halimbawa, may suot si Aaron na “banal na tanda ng pag-aalay”—isang makintab na laminang ginto na nakalagay sa harapan ng espesyal na turbante niya. Ipinapakita ng laminang ito na pinili siya para maglingkod kay Jehova sa espesyal na paraan—bilang mataas na saserdote ng Israel. (Lev. 8:9) Ang mga Nazareo ay nakaalay rin kay Jehova sa espesyal na paraan. Ang salitang “Nazareo,” na mula sa salitang Hebreo na nazirʹ, ay nangangahulugang “Isa na Nakabukod,” o “Isa na Nakaalay.” Kailangang sundin ng mga Nazareo ang mga ipinagbabawal sa kanila ng Kautusang Mosaiko.​—Bil. 6:​2-8.

4. (a) Kapag nag-alay ka na kay Jehova, ano na ang pinakamahalaga sa buhay mo? (b) Ano ang ibig sabihin ng ‘itakwil ang sarili’? (Tingnan din ang larawan.)

4 Kapag nag-alay ka kay Jehova, pinili mong maging alagad ni Jesu-Kristo at gawing pinakamahalaga sa buhay mo ang paggawa ng kalooban ng Diyos. Ano pa ang kasama sa pag-aalay na iyan? Sinabi ni Jesus: “Kung gusto ng isa na sumunod sa akin, dapat niyang itakwil ang kaniyang sarili.” (Mat. 16:24) Ang pariralang Griego na isinaling “dapat niyang itakwil ang kaniyang sarili” ay puwede ring isaling “dapat niyang hindian ang sarili niya.” Bilang nakaalay na lingkod ni Jehova, kailangan mong hindian ang anumang bagay na ayaw niya. (2 Cor. 5:​14, 15) Kasama dito ang “mga gawa ng laman,” gaya ng seksuwal na imoralidad. (Gal. 5:​19-21; 1 Cor. 6:18) Magiging mahirap ba sa iyo na sundin ang mga iyan? Hindi, kung mahal mo si Jehova at kumbinsido kang para sa ikakabuti mo ang mga utos niya. (Awit 119:97; Isa. 48:​17, 18) Sinabi ng brother na si Nicholas: “Nasa sa iyo kung ituturing mong gaya ng mga rehas ng bilangguan ang mga pamantayan ni Jehova, kasi napipigilan ka nitong gawin ang kahit anong gusto mo. Pero puwede mo rin itong ituring na gaya ng mga rehas sa kulungan ng leon, kasi napoprotektahan ka nito.”

Ano ang turing mo sa mga pamantayan ni Jehova? Gaya ba ito ng mga rehas ng bilangguan na pumipigil sa iyo na gawin ang gusto mo o gaya ito ng mga rehas sa kulungan ng leon na pumoprotekta sa iyo? (Tingnan ang parapo 4)


5. (a) Paano mo iaalay ang sarili mo kay Jehova? (b) Ano ang pagkakaiba ng pag-aalay at ng bautismo? (Tingnan din ang larawan.)

5 Paano mo iaalay ang sarili mo kay Jehova? Ipapangako mo sa kaniya sa panalangin na siya lang ang sasambahin mo at uunahin mo siya sa buhay mo. Ipapangako mo rin sa kaniya na iibigin mo siya “nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo at nang buong lakas mo.” (Mar. 12:30) Ang pag-aalay ay ginagawa nang mag-isa, walang ibang nakakaalam nito kundi si Jehova. Pero ang bautismo, ginagawa sa harap ng mga tao; ipinapakita nito sa iba na nag-alay ka na kay Jehova. Seryosong pangako ang pag-aalay. Dapat mong tuparin iyan. At talagang inaasahan ni Jehova na gagawin mo iyan.​—Ecles. 5:​4, 5.

Sa pag-aalay ng sarili mo kay Jehova, nangangako ka sa kaniya na siya lang ang sasambahin mo at uunahin mo siya sa buhay mo (Tingnan ang parapo 5)


BAKIT KA MAG-AALAY KAY JEHOVA?

6. Bakit iniaalay ng isa ang sarili niya kay Jehova?

6 Pag-ibig kay Jehova ang pinakadahilan kung bakit mo iaalay ang sarili mo sa kaniya. Hindi lang iyan dahil sa nararamdaman mo. Minahal mo si Jehova dahil kumuha ka ng “tumpak na kaalaman” tungkol sa kaniya at sa layunin niya. (Col. 1:9) Dahil sa pag-aaral mo ng Bibliya, naging kumbinsido ka na (1) totoo si Jehova, (2) galing sa kaniya ang Bibliya, at (3) ginagamit niya ang kaniyang organisasyon para matupad ang kalooban niya.

7. Ano ang dapat na ginagawa na natin bago tayo mag-alay sa Diyos?

7 Dapat na alam na ng mga nag-alay kay Jehova ang mga pangunahing turo sa Bibliya at sinusunod nila ang mga pamantayan niya. Ginagawa nila ang buong makakaya nila para masabi sa iba ang mga natutuhan nila. (Mat. 28:​19, 20) Mahal na mahal nila si Jehova, at siya lang ang gusto nilang sambahin. Nararamdaman mo rin ba iyan? Kung oo, hindi ka mag-aalay at magpapabautismo dahil lang sa iyan ang ginagawa ng lahat ng kaibigan mo o dahil sa gusto mong matuwa sa iyo ang nagba-Bible study sa iyo o ang mga magulang mo.

8. Paano makakatulong ang pagiging mapagpasalamat para makapagdesisyon kang mag-alay kay Jehova? (Awit 116:​12-14)

8 Kapag inisip mo ang lahat ng ginawa ni Jehova para sa iyo, makakaramdam ka ng utang na loob sa kaniya at gugustuhin mong pasalamatan siya at ialay ang buhay mo sa kaniya. (Basahin ang Awit 116:​12-14.) Tama lang na tawagin ng Bibliya si Jehova na Tagapagbigay ng ‘bawat mabuting kaloob at bawat perpektong regalo.’ (Sant. 1:17) Ang pagbibigay ng Anak niya na si Jesus bilang pantubos ang pinakamahalagang regalo niya sa atin. Isipin mo, dahil sa pantubos, puwede kang maging malapít kay Jehova! Binigyan ka rin niya ng pag-asang mabuhay magpakailanman. (1 Juan 4:​9, 10, 19) Kapag nag-alay ka kay Jehova, ipinapakita mong pinapahalagahan mo ang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig niya, pati na ang iba pang pagpapala niya sa iyo. (Deut. 16:17; 2 Cor. 5:15) Tinatalakay iyan sa aralin 46 number 4 ng aklat na Masayang Buhay Magpakailanman. Makikita rin dito ang tatlong-minutong video na Iharap ang Inyong mga Kaloob sa Diyos.

HANDA KA NA BANG MAG-ALAY AT MAGPABAUTISMO?

9. Bakit hindi dapat ma-pressure ang isa na mag-alay?

9 Baka pakiramdam mo, hindi ka pa handang mag-alay at magpabautismo. Baka may mga kailangan ka pang baguhin para masunod mo ang mga pamantayan ni Jehova, o baka kailangan mo pa ng panahon para mapatibay ang pananampalataya mo. (Col. 2:​6, 7) Hindi sabay-sabay ang pagsulong ng lahat ng Bible study, at hindi magkakapareho ng edad ang mga kabataang nag-aalay at nagpapabautismo. Kaya tingnan ang mga kailangan mo pang pasulungin at gawin ang magagawa mo. Huwag mong ikumpara ang sarili mo sa iba.​—Gal. 6:​4, 5.

10. Ano ang puwede mong gawin kung sa tingin mo, hindi ka pa handang mag-alay at magpabautismo? (Tingnan din ang kahong “ Para sa mga Pinalaki sa Katotohanan.”)

10 Kahit sa tingin mo, hindi ka pa handang mag-alay kay Jehova, gawin mo pa ring goal iyon. Hilingin kay Jehova na tulungan kang magawa ang mga kinakailangang pagbabago sa buhay mo. (Fil. 2:13; 3:16) Siguradong papakinggan niya ang panalangin mo at tutulungan ka niya.​—1 Juan 5:14.

KUNG BAKIT NATATAKOT ANG ILAN

11. Paano tayo tutulungan ni Jehova na manatiling tapat sa kaniya?

11 Kahit handa na ang ilan, natatakot pa rin silang mag-alay at magpabautismo. Baka iniisip nila, ‘Paano kung makagawa ako ng malubhang kasalanan at matiwalag?’ Kung ganiyan ang nararamdaman mo, makakapagtiwala ka na tutulungan ka ni Jehova ‘para makapamuhay ka nang karapat-dapat sa harap niya at sa gayon ay lubusan mo siyang mapalugdan.’ (Col. 1:10) Bibigyan ka rin niya ng lakas para magawa ang tama. Marami na siyang natulungan na magawa iyan. (1 Cor. 10:13) Isa iyan sa mga dahilan kung bakit kaunti lang ang natitiwalag sa mga kongregasyon. Tinutulungan ni Jehova ang mga lingkod niya na makapanatiling tapat.

12. Paano natin maiiwasang makagawa ng malubhang kasalanan?

12 Lahat ng di-perpektong tao, natutuksong gumawa ng mali. (Sant. 1:14) Pero nasa sa iyo kung magpapadala ka sa tukso. Ang totoo, ikaw ang may kontrol sa buhay mo. Sinasabi ng ilan na hindi natin kayang kontrolin ang nararamdaman at ginagawa natin. Pero mali iyon. Matututuhan nating kontrolin ang maling mga pagnanasa natin. Kaya kahit may dumating na tukso, puwede nating piliin na huwag magpadala doon. Para magawa mo iyan, manalangin kay Jehova araw-araw. Pag-aralan ang Salita ng Diyos. Dumalo sa mga pulong. Sabihin sa iba ang mga natututuhan mo. Kung regular mong gagawin ang mga iyan, magkakaroon ka ng lakas para matupad ang panata mo sa pag-aalay. At tandaan na tutulungan ka rin ni Jehova na magawa iyan.​—Gal. 5:16.

13. Ano ang matututuhan natin kay Jose?

13 Magiging mas madali sa iyo na tuparin ang pag-aalay mo kung alam mo na ang gagawin mo bago ka pa mapaharap sa tukso. Makikita sa Bibliya na may mga nakagawa niyan kahit hindi sila perpekto. Halimbawa, paulit-ulit na inakit si Jose ng asawa ni Potipar. Pero malinaw kay Jose kung ano ang gagawin niya. Sinasabi sa Bibliya na “tumanggi siya,” at sinabi niya: “Paano ko magagawa ang napakasamang bagay na ito at magkasala nga laban sa Diyos?” (Gen. 39:​8-10) Talagang alam na ni Jose ang gagawin niya bago pa siya tuksuhin ng asawa ni Potipar. Dahil diyan, hindi na siya nahirapan na gawin ang tama nang dumating ang tukso.

14. Paano natin matatanggihan ang mga tukso?

14 Paano mo matutularan si Jose? Ngayon pa lang, puwede mo nang pag-isipan kung ano ang gagawin mo kapag may dumating na tukso. Tanggihan agad ang mga bagay na ayaw ni Jehova, at huwag mo man lang isipin ang mga iyon. (Awit 97:10; 119:165) Kapag ginawa mo iyan, hindi ka na madadala sa tukso kasi malinaw na sa iyo kung ano ang gagawin mo.

15. Paano maipapakita ng isa na ‘hinahanap niya si Jehova nang buong puso’? (Hebreo 11:6)

15 Baka alam mong ito na ang katotohanan at gusto mong maglingkod kay Jehova nang buong puso. Pero baka pakiramdam mo, hindi ka pa rin handang mag-alay at magpabautismo. Puwede mong tularan si Haring David. Sabihin mo rin kay Jehova: “Siyasatin mo ako, O Diyos, at alamin mo ang laman ng puso ko. Suriin mo ako, at alamin mo ang mga ikinababahala ko. Tingnan mo kung mayroon akong anumang masamang saloobin, at akayin mo ako sa landas ng walang hanggan.” (Awit 139:​23, 24) Pinagpapala ni Jehova ang mga “humahanap sa kaniya nang buong puso.” Nakikita ni Jehova na ginagawa mo iyan kasi sinisikap mong maabot ang goal mo na mag-alay at magpabautismo.​—Basahin ang Hebreo 11:6.

PATULOY NA MAGING MALAPÍT KAY JEHOVA

16-17. Paano inilalapit ni Jehova sa kaniya ang mga pinalaki sa katotohanan? (Juan 6:44)

16 Sinabi ni Jesus na ang mga alagad niya ay inilapit ni Jehova sa kaniya. (Basahin ang Juan 6:44.) Napakagandang isipin niyan at ang epekto niyan sa iyo. Nakikita ni Jehova ang magagandang katangian ng bawat tao na inilalapit niya sa kaniya. Itinuturing niya ang taong iyon na “espesyal [o, “minamahal”] na pag-aari niya.” (Deut. 7:6; tlb.) Iyan din ang tingin niya sa iyo.

17 Pero baka isa kang kabataan na Saksi ang mga magulang. Kaya baka maisip mo na naglilingkod ka kay Jehova dahil lang sa kanila at hindi dahil inilapit ka ni Jehova sa kaniya. Pero sinasabi ng Bibliya: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” (Sant. 4:8; 1 Cro. 28:9) Kapag gumawa ka ng paraan para mapalapit kay Jehova, lalapit din siya sa iyo. Hindi niya iniisip na bahagi ka lang ng isang grupo. Inilalapit niya sa kaniya ang bawat tao—kasama na ang mga pinalaki sa katotohanan. Kapag sinikap ng isang tao na lumapit kay Jehova, lalapit din Siya sa kaniya, gaya ng sinasabi sa Santiago 4:8.​—Ihambing ang 2 Tesalonica 2:13.

18. Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo? (Awit 40:8)

18 Kapag nag-alay ka kay Jehova at nagpabautismo, tinutularan mo si Jesus. Kusang-loob na iniharap ni Jesus ang sarili niya para gawin ang kalooban ng kaniyang Ama. (Basahin ang Awit 40:8; Heb. 10:7) Sa susunod na artikulo, tatalakayin natin kung ano ang makakatulong sa iyo para patuloy kang tapat na makapaglingkod kay Jehova pagkatapos ng bautismo mo.

ANO ANG SAGOT MO?

  • Ano ang ibig sabihin ng pagiging nakaalay kay Jehova?

  • Paano tutulong ang pagiging mapagpasalamat para magdesisyon kang mag-alay kay Jehova?

  • Ano ang makakatulong para hindi ka makagawa ng malubhang kasalanan?

AWIT BLG. 38 Tutulungan Ka Niya