Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 11

AWIT BLG. 129 Hindi Tayo Susuko

Maging Matatag Kahit Nakakadismaya ang Sitwasyon

Maging Matatag Kahit Nakakadismaya ang Sitwasyon

“Naging matatag ka sa harap ng mga problema alang-alang sa pangalan ko.”​—APOC. 2:3.

MATUTUTUHAN

Kung paano tayo patuloy na makakapaglingkod kay Jehova kahit nakakadismaya ang sitwasyon.

1. Ano ang ilan sa mga pagpapalang natatanggap natin dahil bahagi tayo ng organisasyon ni Jehova?

 PASAMA nang pasama ang kalagayan sa mundo sa mga huling araw na ito. Pero marami tayong natatanggap na pagpapala dahil bahagi tayo ng organisasyon ni Jehova. Binigyan niya tayo ng isang nagkakaisang kapatiran. (Awit 133:1) Tinutulungan din niya tayo para maging masaya ang pamilya natin. (Efe. 5:33–6:1) At binibigyan niya tayo ng karunungan para maging payapa ang isip natin.

2. Ano ang kailangan nating gawin, at bakit?

2 Pero kailangan ang pagsisikap para patuloy tayong makapaglingkod nang tapat kay Jehova. Bakit? Kasi kung minsan, baka nasasaktan tayo dahil sa mga nasasabi o nagagawa ng iba. Baka nalulungkot din tayo dahil sa sarili nating mga pagkakamali, lalo na kung paulit-ulit nating nagagawa iyon. Kailangan nating maging matatag kapag nadismaya tayo (1) sa isang kapatid, (2) sa asawa natin, at (3) sa sarili natin. Tatalakayin natin sa artikulong ito ang mga sitwasyong iyan. At sa bawat sitwasyon, aalamin natin kung ano ang matututuhan natin sa isang tapat na karakter sa Bibliya.

MAGING MATATAG KAHIT NADISMAYA TAYO SA ISANG KAPATID

3. Anong sitwasyon ang napapaharap sa mga lingkod ni Jehova?

3 Ang sitwasyon. Baka naiirita tayo sa ugali ng ilang kapatid. Baka mayroon ding nakasakit o nakitungo nang hindi maganda sa atin. Baka may nagawang mali ang mga elder. Dahil sa mga sitwasyong ito, baka magduda ang ilan kung totoong organisasyon ito ng Diyos. Kaya imbes na patuloy na maglingkod nang “balikatan” kasama ng mga kapatid, baka iwasan na nila ang mga nakasakit sa kanila o hindi na sila dumalo sa mga pulong. (Zef. 3:9) Makakatulong kaya iyon? Tingnan natin kung ano ang matututuhan natin sa isang karakter sa Bibliya.

4. Anong mga sitwasyon ang napaharap kay apostol Pablo?

4 Ang halimbawa sa Bibliya. Alam ni apostol Pablo na hindi perpekto ang mga kapatid. Halimbawa, noong bago pa lang siya sa kongregasyon, hinusgahan siya ng ilan. (Gawa 9:26) Paglipas ng ilang panahon, may mga nanira naman sa reputasyon niya. (2 Cor. 10:10) Nakita rin ni Pablo ang maling desisyon ng isang tagapangasiwa na posibleng nakatisod sa iba. (Gal. 2:​11, 12) At talagang nadismaya siya kay Marcos, isa sa mga kasama niya sa paglalakbay. (Gawa 15:​37, 38) Puwede sanang iwasan na lang ni Pablo ang mga nakasakit sa kaniya. Pero hindi nawala ang pagpapahalaga niya sa mga kapatid, at patuloy siyang naglingkod kay Jehova. Ano ang nakatulong kay Pablo?

5. Ano ang nakatulong kay Pablo na manatiling malapít sa mga kapatid? (Colosas 3:​13, 14) (Tingnan din ang larawan.)

5 Mahal ni Pablo ang mga kapatid. Kaya nagpokus siya, hindi sa mga kahinaan nila, kundi sa magaganda nilang katangian. Dahil dito, sinunod din niya ang isinulat niya sa Colosas 3:​13, 14. (Basahin.) Halimbawa, kahit iniwan siya ni Marcos noong unang paglalakbay niya bilang misyonero, hindi siya nagkimkim ng sama ng loob. Ang totoo, nang sumulat siya sa kongregasyon sa Colosas, pinuri niya si Marcos. Sinabi niya na “kamanggagawa” niya si Marcos at “talagang napalalakas” siya nito. (Col. 4:​10, 11) Noong nakakulong siya sa Roma, hiniling pa nga niya na puntahan siya ni Marcos para tulungan siya. (2 Tim. 4:11) Talagang hindi sinukuan ni Pablo ang mga kapatid. Ano ang matututuhan natin sa kaniya?

Nagkaroon ng di-pagkakaunawaan sina Pablo, Bernabe, at Marcos, pero hindi nagkimkim ng sama ng loob si Pablo at masaya pa rin siyang naglingkod kasama ni Marcos (Tingnan ang parapo 5)


6-7. Ano ang makakatulong para patuloy nating mahalin ang mga kapatid kahit nagkakamali sila? (1 Juan 4:7)

6 Ang aral. Gusto ni Jehova na patuloy nating mahalin ang mga kapatid. (Basahin ang 1 Juan 4:7.) Kapag pinakitunguhan tayo nang hindi maganda ng isang kapatid, puwede nating isipin na hindi naman niya iyon sinasadya at na sinisikap pa rin niyang gawin ang tama sa paningin ni Jehova. (Kaw. 12:18) Mahal ng Diyos ang tapat na mga lingkod niya kahit hindi sila perpekto. Kapag nakakagawa tayo ng pagkakamali, hindi niya tayo itinatakwil; hindi rin siya nagtatanim ng sama ng loob. (Awit 103:9) Napakahalaga nga na tularan natin ang mapagpatawad nating Ama!—Efe. 4:32–5:1.

7 Tandaan din na habang papalapit ang wakas, kailangan natin na manatiling malapít sa mga kapatid. Asahan na natin na lalo pang titindi ang pag-uusig. Posible pa nga tayong makulong dahil sa pananampalataya natin. Kapag nangyari iyan, mas kakailanganin natin ang mga kapatid. (Kaw. 17:17) Tingnan ang nangyari kay Josep, a isang elder sa Spain. Nakulong siya kasama ng iba pang mga brother dahil sa pagiging neutral. Sinabi niya: “Dahil walang privacy sa kulungan, hindi namin maiwasang magkainisan kung minsan. Kailangan naming pagtiisan at lubusang patawarin ang isa’t isa. Nakatulong iyon para manatili kaming nagkakaisa at maprotektahan ang bawat isa. Marami kaming kasama sa kulungan na hindi lingkod ni Jehova. Minsan, na-injure ang braso ko at nakabenda ito. Dahil hindi ko kaya, ipinaglaba ako ng isang brother at tinulungan ako sa iba pang paraan. Nagpakita ng pag-ibig sa akin ang mga kapatid noong kailangang-kailangan ko iyon.” Hindi ba magandang dahilan iyan para ngayon pa lang, ayusin na natin ang mga problema natin sa mga kapatid?

MAGING MATATAG KAPAG NADISMAYA KA SA ASAWA MO

8. Anong sitwasyon ang napapaharap sa mga mag-asawa?

8 Ang sitwasyon. Sinasabi ng Bibliya na ang lahat ng mag-asawa ay magkakaroon ng “karagdagang mga problema sa buhay.” (1 Cor. 7:28) Bakit? Dahil parehong hindi perpekto ang mag-asawa. Posibleng magkaiba rin ang personalidad, kagustuhan, kultura, o pinagmulan nila. Baka may lumabas silang ugali na hindi nakita ng asawa nila bago sila ikasal. Imbes na aminin na may pagkakamali ang bawat isa sa kanila at ayusin ang problema, baka magsisihan sila. Baka isipin pa nga nila na maghiwalay o magdiborsiyo na lang. Pero iyon ba ang solusyon? b Tingnan natin ang matututuhan natin sa isang karakter sa Bibliya.

9. Anong sitwasyon ang napaharap kay Abigail?

9 Ang halimbawa sa Bibliya. Asawa ni Abigail si Nabal. Sinasabi ng Bibliya na mabagsik ito at masama ang ugali. (1 Sam. 25:3) Dahil ganoon ang asawa ni Abigail, siguradong mahirap iyon para sa kaniya. May paraan ba para matakasan ni Abigail ang sitwasyon niya? Oo. Noong hindi pa hari ng Israel si David, gusto niyang patayin si Nabal dahil ininsulto siya nito at ang mga tauhan niya. (1 Sam. 25:​9-13) Puwede sanang tumakas na lang si Abigail at hayaan si David na gawin ang plano niya. Pero hindi niya ginawa iyon. Sa halip, kinumbinsi niya si David na huwag patayin si Nabal. (1 Sam. 25:​23-27) Bakit?

10. Ano ang posibleng dahilan kung bakit hindi iniwan ni Abigail ang masamang asawa niya?

10 Mahal ni Abigail si Jehova, at iginalang niya ang pamantayan Niya sa pag-aasawa. Siguradong alam niya ang sinabi ng Diyos kina Adan at Eva nang ikasal Niya sila. (Gen. 2:24) Alam ni Abigail na para kay Jehova, sagrado ang pag-aasawa. Gusto niyang mapasaya ang Diyos, kaya sinikap niyang iligtas ang sambahayan niya, pati na ang asawa niya. Kumilos siya agad para pigilan si David sa pagpatay kay Nabal. Humingi rin ng kapatawaran si Abigail para sa pagkakamaling hindi naman niya ginawa. Siguradong minahal ni Jehova si Abigail dahil hindi ito makasarili at malakas ang loob nito. Ano ang matututuhan ng mga mag-asawa kay Abigail?

11. (a) Ano ang inaasahan ni Jehova sa mga may asawa? (Efeso 5:33) (b) Ano ang matututuhan mo sa pagsisikap ni Carmen na ingatan ang pagsasama nila ng asawa niya? (Tingnan din ang larawan.)

11 Ang aral. Gusto ni Jehova na igalang ng mga may asawa ang kaayusan niya kahit mahirap pakisamahan ang asawa nila. Siguradong napakasaya ng Diyos kapag nakikita niyang sinisikap ng mga mag-asawa na ayusin ang mga problema nila at nagpapakita sila ng di-makasariling pag-ibig at paggalang sa isa’t isa. (Basahin ang Efeso 5:33.) Tingnan ang halimbawa ni Carmen. Mga anim na taon na silang kasal ng asawa niya nang makipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Nabautismuhan si Carmen. Pero sinabi niya: “Hindi iyon nagustuhan ng asawa ko. Nagselos siya kay Jehova. Ininsulto niya ako at nagbantang iiwan ako.” Pero sinikap ni Carmen na ingatan ang pagsasama nila. Sa loob ng 50 taon, nagsikap siyang magpakita ng pag-ibig at paggalang sa asawa niya. Sinabi niya: “Sa paglipas ng mga taon, natutuhan kong maging mas maunawain sa asawa ko at maging mabait sa pakikipag-usap sa kaniya. Dahil alam kong sagrado para kay Jehova ang pag-aasawa, ginawa ko ang lahat para ingatan ito. Hindi ko iniwan ang asawa ko dahil mahal ko si Jehova.” c Kung magkaproblema ang pagsasama ninyo ng asawa mo, makakatiyak ka na tutulungan ka ni Jehova na maging matatag.

Ano ang matututuhan mo kay Abigail sa pagsisikap niyang iligtas ang sambahayan niya? (Tingnan ang parapo 11)


MAGING MATATAG KAPAG NADISMAYA KA SA SARILI MO

12. Anong sitwasyon ang puwedeng mapaharap sa atin kapag nakagawa tayo ng malubhang kasalanan?

12 Ang sitwasyon. Kapag nakagawa tayo ng malubhang kasalanan, puwede tayong masiraan ng loob. Sinasabi ng Bibliya na kapag nagkasala tayo, posible tayong makadama ng matinding kalungkutan. (Awit 51:17) Maraming taóng nagsikap ang brother na si Robert para maging ministeryal na lingkod. Pero nakagawa siya ng malubhang kasalanan. Pakiramdam niya, binigo niya si Jehova. Sinabi niya: “Sobra akong nakonsensiya. Ang bigat sa pakiramdam. Iyak ako nang iyak, at nanalangin ako kay Jehova. Inisip ko na hindi na niya ako papakinggan kasi dismayado siya sa akin.” Kapag natukso tayong magkasala, baka isipin natin na wala na tayong pag-asa kasi hindi na tayo mahal ni Jehova. (Awit 38:4) Kung ganiyan ang nararamdaman mo, may matututuhan ka sa isang karakter sa Bibliya.

13. Anong malubhang kasalanan ang nagawa ni apostol Pedro, at anong mga pagkakamali ang nagawa niya bago iyon?

13 Ang halimbawa sa Bibliya. Noong gabi bago patayin si Jesus, nakagawa si apostol Pedro ng sunod-sunod na pagkakamali na humantong sa pinakamalubhang kasalanan na nagawa niya sa buhay niya. Una, dahil sa sobrang tiwala sa sarili, ipinagyabang ni Pedro na mananatili siyang tapat kahit iwan ng ibang mga apostol si Jesus. (Mar. 14:​27-29) Noong nasa hardin na sila ng Getsemani, paulit-ulit namang nakatulog si Pedro at hindi siya nakapagbantay. (Mar. 14:​32, 37-41) Pagkatapos, iniwan ni Pedro si Jesus sa mga taong umaresto sa Kaniya. (Mar. 14:50) Bandang huli, tatlong beses na ikinaila ni Pedro si Jesus. Sumumpa pa nga siya na nagsasabi siya ng totoo kahit na nagsisinungaling siya. (Mar. 14:​66-71) Ano ang reaksiyon ni Pedro matapos siyang magkasala nang malubha? Nanlupaypay siya at humagulgol dahil sa sobrang pagkakonsensiya. (Mar. 14:72) At isipin na lang ang sakit ng kalooban ni Pedro nang pagkalipas lang ng ilang oras, pinatay ang kaibigan niyang si Jesus. Baka naisip nga ni Pedro na hindi na siya mapapatawad sa nagawa niya!

14. Ano ang nakatulong kay Pedro na magpatuloy sa paglilingkod kay Jehova? (Tingnan ang larawan.)

14 Ano ang nakatulong kay Pedro na magpatuloy sa paglilingkod kay Jehova? Una, hindi niya ibinukod ang sarili niya. Lagi niyang kasama ang mga kapuwa niya alagad, at siguradong napatibay nila siya. (Luc. 24:33) Isa pa, nang buhaying muli si Jesus, nagpakita siya kay Pedro, malamang na para palakasin ito. (Luc. 24:34; 1 Cor. 15:5) Pagkatapos nito, imbes na pagsabihan ni Jesus si Pedro dahil sa mga pagkakamali niya, pinagkatiwalaan siya ni Jesus ng mas mabigat na pananagutan. (Juan 21:​15-17) Alam ni Pedro na nakagawa siya ng malubhang kasalanan, pero hindi siya sumuko. Bakit? Kasi kumbinsido siya na hindi siya sinukuan ng Panginoon niya, si Jesus. Sinuportahan din siya ng ibang mga alagad. Ano ang matututuhan natin kay Pedro?

Hindi sumuko si Pedro kasi hindi siya sinukuan ni Jesus, gaya ng makikita sa Juan 21:​15-17 (Tingnan ang parapo 14)


15. Sa ano tayo gusto ni Jehova na maging kumbinsido? (Awit 86:5; Roma 8:​38, 39) (Tingnan din ang larawan.)

15 Ang aral. Gusto ni Jehova na maging kumbinsido tayo na mahal niya tayo at handa niya tayong patawarin. (Basahin ang Awit 86:5; Roma 8:​38, 39.) Kapag nakagawa tayo ng kasalanan, nakokonsensiya tayo. Normal lang na maramdaman natin iyan. Pero huwag nating isipin na hindi na tayo mamahalin o papatawarin ni Jehova. Sa halip, humingi agad tayo ng tulong. Sinabi ni Robert, na binanggit kanina, “Nagkasala ako kasi akala ko, kaya kong labanan ang tukso nang mag-isa.” Naisip niya na kailangan niyang makipag-usap sa mga elder. Sinabi niya: “Nang gawin ko iyon, naramdaman ko agad ang pag-ibig ni Jehova sa akin dahil sa kanila. Ipinadama ng mga elder sa akin na may pag-asa pa ako at na mahal pa rin ako ni Jehova.” Kung pagsisisihan natin ang mga kasalanan natin, hihingi tayo ng tulong, at sisikaping hindi na maulit ang mga iyon, makakatiyak tayo na papatawarin tayo ni Jehova at patuloy na mamahalin. (1 Juan 1:​8, 9) Dahil diyan, patuloy tayong makakapaglingkod sa kaniya kahit nakagawa tayo ng pagkakamali.

Ano ang masasabi mo sa pagsisikap ng mga elder na tulungan ka? (Tingnan ang parapo 15)


16. Bakit determinado kang patuloy na maglingkod kay Jehova?

16 Kahit mahirap, nagsisikap tayong maglingkod kay Jehova sa mga huling araw na ito, at talagang pinapahalagahan niya iyon. Sa tulong niya, magiging matatag tayo kahit nakakadismaya ang sitwasyon. Kaya patuloy nating mahalin ang mga kapatid at patawarin sila kapag nasaktan nila tayo. Sikaping ayusin ang mga problema natin sa ating asawa para maipakita natin sa Diyos na mahal natin Siya at iginagalang ang mga kaayusan Niya. At kung makagawa tayo ng kasalanan, humingi tayo ng tulong kay Jehova, tanggapin natin ang pag-ibig at kapatawaran niya, at patuloy tayong maglingkod sa kaniya. Siguradong sagana niya tayong pagpapalain kung ‘hindi tayo titigil sa paggawa ng mabuti.’—Gal. 6:9.

PAANO TAYO PATULOY NA MAKAKAPAGLINGKOD KAY JEHOVA KAPAG NADISMAYA TAYO . . .

  • sa isang kapatid?

  • sa asawa natin?

  • sa sarili natin?

AWIT BLG. 139 Kapag Naging Bago ang Lahat ng Bagay

a Binago ang ilang pangalan.

b Sinasabi ng Bibliya na hindi dapat maghiwalay ang mag-asawa. Sinasabi rin nito na hindi puwedeng mag-asawa ulit ng iba ang mga mag-asawang naghiwalay. Pero may mga sitwasyon na kinailangang makipaghiwalay ng ilang Kristiyano sa asawa nila. Tingnan ang Karagdagang Impormasyon 4 na “Paghihiwalay ng Mag-asawa” sa aklat na Masayang Buhay Magpakailanman.

c Para sa isa pang halimbawa, panoorin ang video na Huwag Maniwala sa Kapayapaang Ibinibigay ng Mundo!—Darrel at Deborah Freisinger na nasa jw.org.