Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 13

AWIT BLG. 127 Ang Uri ng Pagkatao na Dapat Kong Taglayin

Natutuwa sa Iyo si Jehova

Natutuwa sa Iyo si Jehova

“Nalulugod ako sa iyo.”​—LUC. 3:22.

MATUTUTUHAN

Kung paano ka makakasigurado na natutuwa sa iyo si Jehova.

1. Ano ang posibleng naiisip ng ilang tapat na lingkod ni Jehova?

 SIGURADO tayo na natutuwa si Jehova sa bayan niya. Sinasabi sa Bibliya: “Nalulugod si Jehova sa bayan niya.” (Awit 149:4) Pero kung minsan, nasisiraan ng loob ang ilan at baka naitatanong nila, ‘Natutuwa ba talaga sa akin si Jehova?’ Naisip din iyan ng maraming tapat na lingkod ni Jehova noong panahon ng Bibliya.​—1 Sam. 1:​6-10; Job 29:​2, 4; Awit 51:11.

2. Kanino natutuwa si Jehova?

2 Malinaw na makikita sa Bibliya na puwedeng matuwa si Jehova sa di-perpektong mga tao. Paano? Dapat tayong manampalataya kay Jesu-Kristo at magpabautismo. (Juan 3:16) Sa ganitong paraan, ipinapakita natin sa iba na pinagsisihan na natin ang mga kasalanan natin at na nangako tayo sa Diyos na gagawin natin ang kalooban niya. (Gawa 2:38; 3:19) Napakasaya ni Jehova kapag ginagawa natin ang mga ito para maging kaibigan natin siya. Kung gagawin natin ang buong makakaya natin para matupad ang panata natin sa pag-aalay, matutuwa sa atin si Jehova at ituturing niya tayong malapít na kaibigan.​—Awit 25:14.

3. Anong tatlong tanong ang tatalakayin natin?

3 Pero bakit naiisip ng ilan kung minsan na ayaw ng Diyos sa kanila? Paano ba ipinapakita ni Jehova na natutuwa siya sa atin? At paano makakasigurado ang isang Kristiyano na natutuwa sa kaniya ang Diyos?

KUNG BAKIT POSIBLENG NAIISIP NG ILAN NA AYAW SA KANILA NI JEHOVA

4-5. Kahit naiisip natin na wala tayong halaga, sa ano tayo makakasigurado?

4 Mula pagkabata, marami ang nag-iisip na wala silang halaga. (Awit 88:15) Sinabi ng brother na si Adrián: “Pakiramdam ko lagi, wala akong kuwenta. Noong bata pa ako, ipinapanalangin ko na sana, makatira sa Paraiso ang pamilya ko. Pero sigurado ako na hindi ako makakasama sa kanila.” Sinabi naman ni Tony, na lumaki sa pamilyang di-Saksi: “Kahit minsan, hindi sinabi ng mga magulang ko na mahal nila ako o na proud sila sa akin. Kaya pakiramdam ko, hindi sila matutuwa sa akin kahit kailan.”

5 Kahit nararamdaman natin kung minsan na wala tayong halaga, tandaan na si Jehova mismo ang naglapit sa atin sa kaniya. (Juan 6:44) Nakikita niya ang magagandang katangian natin na baka hindi natin nakikita, at alam niya ang nasa puso natin. (1 Sam. 16:7; 2 Cro. 6:30) Kaya makakapagtiwala tayo sa sinabi niya na mahalaga tayo sa kaniya.​—1 Juan 3:​19, 20.

6. Ano ang naramdaman ni apostol Pablo dahil sa nagawa niyang mga kasalanan?

6 Bago natin nalaman ang katotohanan, baka may ilan sa atin na nakagawa ng kasalanan at nakokonsensiya pa rin hanggang ngayon. (1 Ped. 4:3) Kahit ang ilang tapat na Kristiyano, may pinaglalabanan pa ring mga kahinaan. Pakiramdam mo ba kung minsan, hindi ka kayang patawarin ni Jehova? Kung oo, hindi ka nag-iisa. Naramdaman din iyan ng ibang tapat na lingkod ni Jehova. Halimbawa, sinabi ni apostol Pablo na miserable siya kapag naiisip niya ang mga kahinaan at nagawa niyang kasalanan. (Roma 7:24) Siyempre, pinagsisihan na ni Pablo ang mga kasalanan niya at nabautismuhan na siya. Pero tinukoy pa rin niya ang sarili niya na “pinakamababa sa mga apostol” at ang “pinakamakasalanan” sa lahat.​—1 Cor. 15:9; 1 Tim. 1:15.

7. Ano ang dapat nating tandaan tungkol sa dati nating mga kasalanan?

7 Nangako ang Ama natin sa langit na papatawarin niya tayo kung nagsisisi tayo. (Awit 86:5) Kaya kung talagang pinagsisihan na natin ang dati nating mga kasalanan, makakapagtiwala tayo sa sinabi ni Jehova—pinatawad na niya tayo.​—Col. 2:13.

8-9. Paano natin maaalis ang pakiramdam na hinding-hindi natin mapapasaya si Jehova?

8 Gusto nating lahat na magawa ang buong makakaya natin sa paglilingkod kay Jehova. Pero para sa ilan, hinding-hindi nila mapapasaya si Jehova. Pakiramdam kasi nila, kulang ang nagagawa nila. Sinabi ng sister na si Amanda: “Madalas, iniisip ko na para maibigay ko kay Jehova ang best ko, dapat na marami akong ginagawa para sa kaniya. Kaya madalas, sinusubukan kong gawin ang higit sa makakaya ko. At kapag hindi ko nagawa iyon, iniisip ko na dismayado sa akin si Jehova kasi iyon ang pakiramdam ko sa sarili ko.”

9 Paano natin maaalis ang pakiramdam na hinding-hindi natin mapapasaya si Jehova? Tandaan na makatuwiran si Jehova. Hindi niya inaasahan na gagawin natin ang higit sa makakaya natin. Natutuwa siya kapag ginagawa natin ang buong makakaya natin para sa kaniya. Pag-isipan din ang mga halimbawa sa Bibliya na naglingkod nang buong puso kay Jehova. Isa na diyan si Pablo. Maraming taon siyang masigasig na naglingkod. Naglakbay siya nang libo-libong kilometro at nagtatag ng maraming kongregasyon. Pero nang magbago ang sitwasyon niya at hindi na siya masyadong makapangaral gaya ng dati, natuwa pa rin ba sa kaniya ang Diyos? Oo. Pinagpala siya ni Jehova kasi patuloy niyang ginawa ang buong makakaya niya. (Gawa 28:​30, 31) Baka maranasan din natin iyan. Posibleng magbago ang nagagawa natin para kay Jehova. Pero ang mahalaga sa kaniya ay kung bakit tayo naglilingkod. Pag-usapan natin ngayon ang ilang paraan kung paano ipinapakita ni Jehova na natutuwa siya sa atin.

KUNG PAANO IPINAPAKITA NI JEHOVA NA NATUTUWA SIYA SA ATIN

10. Paano natin puwedeng “marinig” na sinasabi ni Jehova na natutuwa siya sa atin? (Juan 16:27)

10 Ibinigay niya sa atin ang Bibliya. Gustong-gustong ipakita ni Jehova sa mga lingkod niya na mahal niya sila at natutuwa siya sa kanila. Sa Bibliya, dalawang beses sinabi ni Jehova kay Jesus na siya ang Kaniyang anak na minamahal at kinalulugdan. (Mat. 3:17; 17:5) Gusto mo bang marinig na sinasabi rin iyan ni Jehova sa iyo? Hindi direktang nakikipag-usap sa atin si Jehova mula sa langit; ginagamit niya ang Bibliya. Kapag binasa natin ang sinabi ni Jesus sa mga Ebanghelyo, para na rin nating naririnig na sinasabi sa atin iyon ni Jehova. (Basahin ang Juan 16:27.) Perpektong natularan ni Jesus ang mga katangian ng kaniyang Ama. Kaya kapag nabasa natin na sinabi ni Jesus sa di-perpekto pero tapat na mga tagasunod niya na natutuwa siya sa kanila, puwede nating isipin na sinasabi sa atin iyon ni Jehova.​—Juan 15:​9, 15.

Ipinapakita ni Jehova sa iba’t ibang paraan na natutuwa siya sa atin (Tingnan ang parapo 10)


11. Kapag may mga problema tayo, ibig bang sabihin, ayaw na sa atin ni Jehova? Ipaliwanag. (Santiago 1:12)

11 Ibinibigay niya kung ano ang kailangan natin. Gustong-gusto tayong tulungan ni Jehova. Halimbawa, inilalaan niya ang materyal na mga pangangailangan natin. Pero kung minsan, posibleng hayaan ni Jehova na makaranas tayo ng mga problema, gaya ng nangyari kay Job. (Job 1:​8-11) Ibig bang sabihin nito, ayaw na sa atin ng Diyos? Hindi. Ang totoo, pagkakataon ito para mapatunayan natin kay Jehova kung gaano natin siya kamahal at na talagang nagtitiwala tayo sa kaniya. (Basahin ang Santiago 1:12.) At habang tinutulungan niya tayo na makapagtiis, mararamdaman natin na mahal na mahal niya tayo at sinusuportahan.

12. Ano ang matututuhan natin kay Dmitrii?

12 Isipin ang nangyari kay Dmitrii, isang brother sa Asia. Nawalan siya ng trabaho. At kahit maraming buwan na siyang naghahanap, wala pa rin siyang makita. Para ipakita na nagtitiwala siya kay Jehova, dinagdagan niya ang panahon niya sa ministeryo. Lumipas ulit ang maraming buwan pero wala pa rin siyang makitang trabaho. Pagkatapos, nagkaroon siya ng malubhang sakit at naging bedridden siya. Kaya naisip niya na hindi na siya mabuting asawa at tatay at na baka ayaw na sa kaniya ni Jehova. Isang gabi, may ibinigay sa kaniya ang anak niyang babae na isang papel. Naka-print doon ang Isaias 30:15: “Magkakaroon kayo ng lakas kung mananatili kayong panatag at magtitiwala.” Sinabi ng anak niya, “Daddy, kapag nalulungkot po kayo, isipin n’yo ang tekstong ito.” Na-realize ni Dmitrii na sa tulong ni Jehova, may nakakain pa ang pamilya niya, may naisusuot, at may tirahan. Sinabi niya, “Ang kailangan ko lang gawin, manatiling panatag at patuloy na magtiwala kay Jehova.” Kung ganiyan din ang sitwasyon mo ngayon, makakasigurado kang nagmamalasakit sa iyo si Jehova at tutulungan ka niya na makapagtiis.

Ipinapakita ni Jehova sa iba’t ibang paraan na natutuwa siya sa atin (Tingnan ang parapo 12)⁠ a


13. Sino ang puwedeng gamitin ni Jehova para ipakitang natutuwa siya sa atin, at paano?

13 Ibinigay niya sa atin ang mga kapatid. Ginagamit ni Jehova ang mga kapatid para ipakitang natutuwa siya sa atin. Halimbawa, puwede niya silang pakilusin na patibayin tayo sa panahong kailangan natin. Nangyari iyan sa isang sister sa Asia noong panahong marami siyang problema. Nawalan siya ng trabaho at nagkaroon ng malubhang sakit. Nakagawa rin ng malubhang kasalanan ang asawa niya at natanggal sa pagiging elder. Sinabi ng sister: “Hindi ko alam kung bakit nangyayari ito. Inisip ko na baka may nagawa akong mali kaya ayaw na sa akin ni Jehova.” Nakiusap ang sister kay Jehova na ipakitang natutuwa pa rin Siya sa kaniya. Paano siya sinagot ni Jehova? Sinabi ng sister, “Kinausap ako ng mga elder, at tinulungan nila akong makita na mahal pa rin ako ni Jehova.” Pagkalipas ng ilang panahon, humingi ulit siya ng tulong kay Jehova. Sinabi niya: “Nang araw ding iyon, nakatanggap ako ng sulat galing sa mga kapatid sa kongregasyon. Napatibay ako sa mga sinabi nila. Naramdaman kong pinakinggan ako ni Jehova.” Talagang ginagamit ni Jehova ang mga kapatid para patibayin tayo at ipakitang natutuwa siya sa atin.​—Awit 10:17.

Ipinapakita ni Jehova sa iba’t ibang paraan na natutuwa siya sa atin (Tingnan ang parapo 13)⁠ b


14. Ano ang isa pang paraan ni Jehova para ipakitang natutuwa siya sa atin?

14 Ipinapakita rin ni Jehova na natutuwa siya sa atin kapag ginagamit niya ang mga kapatid para payuhan tayo kung kailangan. Halimbawa, noong unang siglo, ginamit ni Jehova si apostol Pablo para sumulat ng 14 na liham. Sa mga liham na iyon, nagbigay si Pablo ng prangka pero maibiging payo sa mga Kristiyano noon. Bakit iyon ipinasulat ni Jehova? Mabuting Ama kasi si Jehova, at dinidisiplina niya ang mga “kinalulugdan niyang anak.” (Kaw. 3:​11, 12) Kaya kapag may nagbigay sa atin ng payo galing sa Bibliya, hindi ibig sabihin nito na ayaw na sa atin ni Jehova. Ang totoo, patunay ito na mahal niya tayo. (Heb. 12:6) Paano pa natin malalaman na natutuwa sa atin si Jehova?

IBA PANG PARAAN PARA MALAMAN NA NATUTUWA SA ATIN SI JEHOVA

15. Kanino ibinibigay ni Jehova ang banal na espiritu niya, at bakit ito nakakapagpatibay?

15 Ibinibigay ni Jehova ang banal na espiritu niya sa mga kinalulugdan niya. (Mat. 12:18) Isipin ito, ‘Naipapakita ko ba ang ilang katangian na bunga ng espiritu ng Diyos?’ Mas matiisin ka na ba ngayon kaysa noong hindi mo pa kilala si Jehova? Ang totoo, habang mas naipapakita mo ang mga katangian na bunga ng espiritu ng Diyos, mas makakapagtiwala ka na natutuwa sa iyo si Jehova.​—Tingnan ang kahong “ Ang mga Katangian na Bunga ng Espiritu ay . . .

Paano mo malalaman na natutuwa sa iyo si Jehova? (Tingnan ang parapo 15)


16. Sino ang ginagamit ni Jehova para ipangaral ang mabuting balita, at ano ang epekto nito sa iyo? (1 Tesalonica 2:4)

16 Ipinagkakatiwala ni Jehova ang mabuting balita sa mga kinalulugdan niya. (Basahin ang 1 Tesalonica 2:4.) Tingnan ang naging epekto sa sister na si Jocelyn nang ibahagi niya sa iba ang mabuting balita. Minsan, lungkot na lungkot si Jocelyn paggising niya. Sinabi niya: “Wala akong lakas, at pakiramdam ko, wala akong silbi. Pero payunir ako, at araw iyon ng paglabas ko. Kaya nanalangin ako at tumuloy sa pangangaral.” Nang umagang iyon, nakilala ni Jocelyn si Mary, na tumanggap ng Bible study. Pagkalipas ng ilang buwan, sinabi ni Mary na nananalangin siya at humihingi ng tulong sa Diyos nang kumatok si Jocelyn sa bahay niya. Ano ang natutuhan ni Jocelyn sa karanasan niyang ito? Sinabi niya, “Pakiramdam ko, parang sinasabi sa akin ni Jehova, ‘Natutuwa ako sa iyo.’” Siyempre, hindi naman lahat ng makakausap natin, makikinig sa mensahe natin. Pero siguradong natutuwa si Jehova kapag ginagawa natin ang buong makakaya natin para maipangaral ang mabuting balita.

Paano mo malalaman na natutuwa sa iyo si Jehova? (Tingnan ang parapo 16)⁠ c


17. Ano ang natutuhan mo sa mga sinabi ni Vicky tungkol sa pantubos? (Awit 5:12)

17 Gusto ni Jehova na makinabang sa pantubos ang mga kinalulugdan niya. (1 Tim. 2:​5, 6) Pero paano kung pakiramdam pa rin natin, ayaw sa atin ni Jehova kahit na may pananampalataya tayo sa pantubos at bautisado na tayo? Tandaan na hindi laging mapagkakatiwalaan ang nararamdaman natin. Pero makakapagtiwala tayo kay Jehova. Itinuturing niyang matuwid ang mga nananampalataya sa pantubos, at nangako siyang pagpapalain niya sila. (Basahin ang Awit 5:12; Roma 3:26) Nakatulong kay Vicky nang pag-isipan niya ang tungkol sa pantubos. Na-realize niya: “Matagal na pala akong pinagtitiisan ni Jehova . . . Pero parang sinasabi ko sa kaniya: ‘Gaanuman kalaki ang pag-ibig mo, kulang pa rin iyan para mahalin ako. Hindi kayang takpan ng sakripisyo ng iyong Anak ang aking mga kasalanan.’” Dahil pinag-isipan niya ang tungkol sa pantubos, naramdaman niyang mahal siya ni Jehova. Mararamdaman din natin iyan at makikita nating natutuwa sa atin si Jehova kung pag-iisipan natin ang tungkol sa pantubos.

Paano mo malalaman na natutuwa sa iyo si Jehova? (Tingnan ang parapo 17)


18. Kung patuloy nating mamahalin si Jehova, sa ano tayo makakasigurado?

18 Kahit nagsikap na tayong sundin ang mga natutuhan natin sa artikulong ito, baka panghinaan pa rin tayo ng loob kung minsan. Baka magduda pa rin tayo kung talaga bang natutuwa sa atin si Jehova. Kapag nangyari iyan, tandaan na nalulugod siya sa “mga patuloy na umiibig sa Kaniya.” (Sant. 1:12) Kaya patuloy na maging malapít kay Jehova at laging isipin ang mga patunay na natutuwa siya sa iyo. At huwag mong kalimutan na ‘hindi malayo si Jehova sa bawat isa sa atin.’—Gawa 17:27.

ANO ANG SAGOT MO?

  • Bakit posibleng naiisip ng ilan na ayaw sa kanila ni Jehova?

  • Ano ang ilang paraan ni Jehova para ipakita na natutuwa siya sa atin?

  • Bakit tayo makakasigurado na natutuwa sa atin ang Diyos?

AWIT BLG. 88 Ipaalam Mo sa Akin ang Iyong mga Daan

a LARAWAN: Pagsasadula

b LARAWAN: Pagsasadula

c LARAWAN: Pagsasadula