Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 10

AWIT BLG. 13 Si Kristo ang Ating Huwaran

‘Patuloy na Sundan’ si Jesus Pagkatapos ng Bautismo

‘Patuloy na Sundan’ si Jesus Pagkatapos ng Bautismo

“Kung gusto ng isa na sumunod sa akin, dapat niyang itakwil ang kaniyang sarili at araw-araw na buhatin ang kaniyang pahirapang tulos at patuloy akong sundan.”​—LUC. 9:23.

MATUTUTUHAN

Kung paano makakaapekto sa buhay natin ang pag-aalay natin. Lalo na itong makakatulong sa mga bagong bautisado na makapanatiling tapat.

1-2. Anong mga pagpapala ang natatanggap ng mga nagpapabautismo?

 MASAYA tayo nang mabautismuhan tayo at maging bahagi ng pamilya ni Jehova. Isang karangalan sa atin na maging malapít sa kaniya. Sang-ayon tayo sa sinabi ng salmistang si David kay Jehova: “Maligaya ang pinipili at pinalalapit mo para tumira sa iyong mga looban.”​—Awit 65:4.

2 Sino ang mga pinapalapit ni Jehova sa looban niya? Gaya ng tinalakay sa naunang artikulo, lumalapit siya sa mga lumalapit sa kaniya. (Sant. 4:8) Kapag nag-alay ka kay Jehova at nagpabautismo, nagiging malapít ka sa kaniya sa espesyal na paraan. Kaya siguradong ‘ibubuhos niya sa iyo ang pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan.’—Mal. 3:10; Jer. 17:​7, 8.

3. Ano ang seryosong pananagutan ng mga nakaalay at bautisadong Kristiyano? (Eclesiastes 5:​4, 5)

3 Siyempre, simula pa lang ang bautismo. Pagkatapos nito, gusto mong gawin ang buong makakaya mo para matupad ang panata mo sa pag-aalay, kahit pa mapaharap ka sa mga tukso o problema. (Basahin ang Eclesiastes 5:​4, 5.) Dahil alagad ka ni Jesus, gusto mo ring sundan ang halimbawa niya at sundin ang mga utos niya. (Mat. 28:​19, 20; 1 Ped. 2:21) Makakatulong sa iyo ang artikulong ito para magawa iyan.

‘PATULOY NA SUNDAN’ SI JESUS KAHIT MAY MGA PROBLEMA AT TUKSO

4. Bakit masasabing nagbubuhat ng “pahirapang tulos” ang mga alagad ni Jesus? (Lucas 9:23)

4 Pagkatapos ng bautismo, asahan mong magkakaproblema ka pa rin. Sinabi nga ni Jesus na magbubuhat ng “pahirapang tulos” ang mga tagasunod niya. Ang totoo, “araw-araw” nilang gagawin iyon. (Basahin ang Lucas 9:23.) Ibig bang sabihin ni Jesus, laging mahihirapan ang mga tagasunod niya? Hindi naman. Sinasabi lang niya na bukod sa mga pagpapala, magkakaroon din sila ng mga problema. At baka nga napakahirap ng ilan sa mga iyon.​—2 Tim. 3:12.

5. Anong mga pagpapala ang ipinangako ni Jesus sa mga nagsasakripisyo?

5 Baka pinag-usig ka ng mga kapamilya mo, o baka may isinakripisyo kang materyal na mga bagay para gawing pangunahin sa buhay mo ang Kaharian. (Mat. 6:33) Siguradong alam ni Jehova ang mga ginawa mo para sa kaniya. (Heb. 6:10) Malamang na naranasan mo na ang sinabi ni Jesus: “Ang lahat ng umiwan sa kanilang bahay, mga kapatid na lalaki, mga kapatid na babae, ina, ama, mga anak, o mga bukid alang-alang sa akin at alang-alang sa mabuting balita ay tatanggap ng 100 ulit sa panahong ito—ng mga bahay, mga kapatid na lalaki, mga kapatid na babae, mga ina, mga anak, at mga bukid, kasama ng mga pag-uusig—at sa darating na sistema ay ng buhay na walang hanggan.” (Mar. 10:​29, 30) Talagang nakakahigit ang mga pagpapalang natanggap mo kaysa sa anumang isinakripisyo mo!—Awit 37:4.

6. Pagkatapos ng bautismo, bakit kakailanganin mo pa ring labanan ang “pagnanasa ng laman”?

6 Pagkatapos ng bautismo, kakailanganin mo pa ring labanan ang “pagnanasa ng laman.” (1 Juan 2:16) Hindi ka pa rin kasi perpekto. Kung minsan, baka maramdaman mo rin ang naramdaman ni apostol Pablo. Isinulat niya: “Sa puso ko, talagang nalulugod ako sa kautusan ng Diyos, pero nakikita ko sa katawan ko ang isa pang kautusan na nakikipagdigma sa kautusan ng pag-iisip ko at ginagawa akong bihag sa kautusan ng kasalanan na nasa katawan ko.” (Roma 7:​22, 23) Dahil diyan, baka masiraan ka ng loob. Pero kung iisipin mo ang ipinangako mo kay Jehova nang ialay mo ang sarili mo sa kaniya, magiging mas determinado kang labanan ang tukso. Ang totoo, tutulong sa iyo ang panata mo sa pag-aalay para maging mas madali sa iyo na gawin ang tama. Paano?

7. Paano makakatulong sa iyo ang pagiging nakaalay kay Jehova para makapanatili kang tapat sa kaniya?

7 Kapag inialay mo na ang buhay mo kay Jehova, itinakwil mo na ang sarili mo. Ibig sabihin, tatanggihan mo na ang mga gusto at plano mo na ayaw ni Jehova. (Mat. 16:24) Kaya kapag may dumating na tukso, alam mo na ang gagawin mo. Malinaw na sa iyo na mananatili kang tapat kay Jehova, at determinado kang gawin iyon. Magiging gaya ka ni Job. Kahit napaharap siya sa mahihirap na sitwasyon, matatag pa rin niyang sinabi: “Mananatili akong tapat.”​—Job 27:5.

8. Kung pag-iisipan mo ang panalangin mo ng pag-aalay, paano ito makakatulong sa iyo na malabanan ang tukso?

8 Kung pag-iisipan mo ang panalangin mo ng pag-aalay kay Jehova, magkakaroon ka ng lakas na labanan ang anumang tukso. Halimbawa, makikipag-flirt ka ba sa asawa ng iba? Siyempre, hindi! Nangako ka na kay Jehova na hindi ka gagawa ng ganiyang mga bagay. Dahil hindi mo hinayaang magkaroon ka ng maling damdamin, wala kang kailangang paglabanan. ‘Makakalayo’ ka sa “landas ng kasamaan.”​—Kaw. 4:​14, 15.

9. Kung pag-iisipan mo ang panalangin mo ng pag-aalay, paano ito makakatulong sa iyo na patuloy na unahin si Jehova sa buhay mo?

9 Paano kung may mag-alok sa iyo ng trabaho na makakaapekto sa regular na pagdalo mo sa mga pulong? Alam mo na ang gagawin mo. Bago pa may mag-alok sa iyo, nakapagdesisyon ka nang tanggihan ang ganiyang trabaho. Kaya hindi ka na matutuksong tanggapin iyon; hindi ka na rin mamomroblema kung paano mo uunahin si Jehova sa buhay mo. Makakatulong sa iyo kung pag-iisipan mo ang halimbawa ni Jesus. Determinado siyang mapasaya ang kaniyang Ama. Gaya niya, maging determinado ka rin na tanggihan agad ang anumang ayaw ni Jehova. Sa kaniya ka nakaalay.​—Mat. 4:10; Juan 8:29.

10. Pagkatapos ng bautismo, paano ka tutulungan ni Jehova na ‘patuloy na masundan’ si Jesus?

10 Ang totoo, kapag may dumating na mga problema o tukso, pagkakataon iyon para maipakita mo na determinado kang ‘patuloy na sundan’ si Jesus. At makakapagtiwala kang tutulungan ka ni Jehova. Sinasabi sa Bibliya: “Ang Diyos ay tapat, at hindi niya hahayaang tuksuhin kayo nang higit sa matitiis ninyo, kundi gagawa siya ng daang malalabasan para matiis ninyo ang tukso.”​—1 Cor. 10:13.

KUNG PAANO MO PATULOY NA MASUSUNDAN SI JESUS

11. Ano ang isa sa pinakamagandang paraan para patuloy mong masundan si Jesus? (Tingnan din ang larawan.)

11 Buong pusong naglingkod si Jesus, at lagi siyang nananalangin para makapanatili siyang malapít kay Jehova. (Luc. 6:12) Kaya patuloy mo ring gawin ang mga bagay na mas magpapalapit sa iyo kay Jehova. Isa iyan sa pinakamagandang paraan para patuloy mong masundan si Jesus pagkatapos ng bautismo mo. Sinasabi sa Bibliya: “Anumang antas ng pagsulong ang naabot na natin, patuloy tayong lumakad nang maayos sa gayong landasin.” (Fil. 3:16) May maririnig kang karanasan ng mga kapatid na gumawa nang higit para kay Jehova. Baka nag-aral sila sa School for Kingdom Evangelizers, o baka lumipat sila sa lugar na malaki ang pangangailangan. Magandang goal iyan kung posible sa sitwasyon mo. Gustong-gusto ng mga lingkod ni Jehova na mapalawak ang ministeryo nila. (Gawa 16:9) Pero paano kung hindi iyan posible sa iyo ngayon? Huwag ikumpara ang sarili mo sa kanila. Ang mahalaga, makapagtiis ka hanggang sa wakas. (Mat. 10:22) Tandaan na napapasaya mo si Jehova kapag ginagawa mo ang buong makakaya mo sa paglilingkod sa kaniya. Mahalagang paraan iyan para patuloy mong masundan si Jesus pagkatapos ng bautismo mo.​—Awit 26:1.

Pagkatapos ng bautismo mo, gawin mong goal na patuloy na magawa ang mga bagay na mas magpapalapit sa iyo kay Jehova (Tingnan ang parapo 11)


12-13. Ano ang puwede mong gawin kung nababawasan na ang sigasig mo? (1 Corinto 9:​16, 17) (Tingnan din ang kahong “ Manatili sa Takbuhan.”)

12 Paano kung napansin mo na hindi na mula sa puso ang mga panalangin mo o na hindi ka na masyadong nag-e-enjoy sa pangangaral gaya ng dati? O paano kung hindi ka na nag-e-enjoy sa pagbabasa ng Bibliya? Kung maramdaman mo iyan pagkatapos ng bautismo mo, huwag mong isipin na nawala na sa iyo ang espiritu ni Jehova. Hindi ka perpekto, kaya posibleng magbago ang nararamdaman mo paminsan-minsan. Kung nababawasan na ang sigasig mo, pag-isipan ang halimbawa ni apostol Pablo. Kahit sinisikap niyang tularan si Jesus, may mga pagkakataon pa rin na hindi siya ganoon kadesididong gawin ang mga kailangan niyang gawin. (Basahin ang 1 Corinto 9:​16, 17.) Sinabi niya: “Kahit gawin ko ito nang labag sa kalooban ko, nasa akin pa rin ang responsibilidad na ipinagkatiwala sa akin.” Ibig sabihin, determinado pa rin si Pablo na gawin ang ministeryo niya anuman ang nararamdaman niya.

13 Gaya ni Pablo, huwag kang magdesisyon base lang sa nararamdaman mo. Sikapin mong gawin ang tama kahit hindi iyon ang gusto mo. Kung gagawin mo iyan, puwede ring magbago ang nararamdaman mo. Tutulong sa iyo ang regular na personal study, pananalangin, pagdalo sa mga pulong, at pangangaral para patuloy mong masundan si Jesus pagkatapos ng bautismo mo. Kapag nakikita iyan sa iyo ng mga kapatid, mapapatibay rin sila.​—1 Tes. 5:11.

“PATULOY NA SUBUKIN . . . PATULOY NA PATUNAYAN”

14. Ano ang dapat na lagi mong suriin, at bakit? (2 Corinto 13:5)

14 Kapag nabautismuhan ka na, mahalaga kung lagi mong susuriin ang sarili mo. (Basahin ang 2 Corinto 13:5.) Paminsan-minsan, magandang pag-isipan ang rutin mo—kung araw-araw kang nananalangin, regular na nagbabasa at nag-aaral ng Bibliya, dumadalo sa mga pulong, at nangangaral. Gumawa ng mga paraan para mas mag-enjoy ka at makinabang sa mga ito. Halimbawa, tanungin ang sarili: ‘Kaya ko bang ipaliwanag sa iba ang pangunahing mga turo sa Bibliya? May magagawa pa ba ako para mas ma-enjoy ko ang ministeryo ko? Gaano kaespesipiko ang mga panalangin ko, at makikita ba sa mga ito na talagang nagtitiwala ako kay Jehova? Regular ba akong dumadalo sa mga pulong? Paano ako mas makakapagpokus at makakapagkomento sa mga pulong?’

15-16. Ano ang natutuhan mo sa isang brother tungkol sa paglaban sa tukso?

15 Mahalaga rin na alam mo ang mga kahinaan mo. Ikinuwento ng brother na si Robert ang nangyari sa kaniya: “Noong mga 20 ako, mayroon akong part-time na trabaho. Minsan, pagkatapos ng trabaho, niyaya ako ng katrabaho kong babae sa bahay niya. Sinabi niya na kaming dalawa lang ang nandoon at mag-e-enjoy kami. Noong una, nagdahilan lang ako kasi ayokong sabihin sa kaniya ang totoo. Pero bandang huli, tumanggi na ako at ipinaliwanag ko kung bakit.” Nilabanan ni Robert ang tukso, at mahusay ang ginawa niya. Pero nang pag-isipan niya ulit ang nangyari, naisip niya na may mas maganda pa sana siyang ginawa. Sinabi niya: “Hindi ko natularan si Jose na naging matatag at tumanggi agad sa asawa ni Potipar. (Gen. 39:​7-9) Hindi ko inasahan na ganoon pala kahirap para sa akin na tanggihan iyon. Na-realize ko dito na kailangan ko pang patibayin ang kaugnayan ko kay Jehova.”

16 Makakatulong din sa iyo kung susuriin mo ang sarili mo, gaya ng ginawa ni Robert. Kahit nalabanan mo ang tukso, tanungin ang sarili, ‘Gaano katagal bago ako nakatanggi?’ Kung nakita mo na may kailangan ka pang pasulungin, huwag panghinaan ng loob. Matuwa ka kasi nakita mo kung ano ang kahinaan mo. Ipanalangin mo iyon, at gumawa ka ng mga paraan para mapatibay ang determinasyon mong sundin ang mga pamantayan ni Jehova.​—Awit 139:​23, 24.

17. Paano naparangalan ni Robert ang pangalan ni Jehova?

17 May matututuhan pa tayo sa nangyari kay Robert. Sinabi ni Robert: “Nang tanggihan ko ang katrabaho ko, sinabi niya, ‘Nakapasa ka!’ Tinanong ko siya kung ano ang ibig niyang sabihin. Sinabi niya na may kaibigan siya na dating Saksi. Sinabi nito sa kaniya na lahat ng kabataang Saksi, palihim na gumagawa ng masama kapag may pagkakataon sila. Sinabi niya sa kaibigan niya na titingnan niya kung ganoon din ako. Napakasaya ko na naparangalan ko ang pangalan ni Jehova!”

18. Ano ang determinado mong gawin pagkatapos ng bautismo mo? (Tingnan din ang kahong “ Isang Serye na Magugustuhan Mo.”)

18 Kapag nag-alay ka kay Jehova at nagpabautismo, ipinapakita mo na gusto mong mapabanal ang pangalan niya anuman ang mangyari. Siguradong alam ni Jehova ang mga problema mo at ang mga tuksong pinaglalabanan mo. Pagpapalain niya ang mga pagsisikap mo na manatiling tapat. Makakapagtiwala ka na sa pamamagitan ng banal na espiritu niya, bibigyan ka niya ng lakas na magawa iyon. (Luc. 11:​11-13) Sa tulong ni Jehova, magagawa mong patuloy na sundan si Jesus pagkatapos ng bautismo mo.

ANO ANG SAGOT MO?

  • Bakit masasabing ‘araw-araw na nagbubuhat ng pahirapang tulos’ ang mga Kristiyano?

  • Ano ang puwede mong gawin para ‘patuloy mong masundan’ si Jesus pagkatapos ng bautismo mo?

  • Kung pag-iisipan mo ang panalangin mo ng pag-aalay, paano ito makakatulong sa iyo na makapanatiling tapat?

AWIT BLG. 89 Makinig at Sumunod Upang Pagpalain Ka