Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TALAMBUHAY

Hindi Hadlang ang Pagiging Bingi sa Aking Pagtuturo

Hindi Hadlang ang Pagiging Bingi sa Aking Pagtuturo

Nabautismuhan ako noong 1941 sa edad na 12. Pero noong 1946 ko lang talaga naunawaan ang katotohanan sa Bibliya. Paano nangyari iyon? Ikukuwento ko sa inyo.

NOONG mga 1910, lumipat sa Canada ang aming mga magulang mula sa Tbilisi, Georgia, at tumira sa isang farmhouse, malapit sa Pelly, Saskatchewan, sa kanluran ng Canada. Isinilang ako noong 1928, ang bunso sa anim na magkakapatid. Namatay si Itay anim na buwan bago ako ipanganak, at namatay naman si Inay nang sanggol pa lang ako. Di-nagtagal, sumunod na namatay ang panganay naming babae, si Ate Lucy, sa edad na 17. Kaya kinupkop kaming magkakapatid ni Tiyo Nick.

Isang araw, noong maliit na bata pa ako, nakita ako ng pamilya ko na hinihila ang buntot ng barakong kabayo namin. Natakot sila kasi baka sipain ako ng kabayo, kaya sumigaw sila para pigilan ako—pero wala akong reaksiyon. Nakatalikod ako, at hindi ko naririnig ang sigaw nila. Buti na lang hindi ako napahamak, pero nang araw na iyon, nadiskubre ng pamilya ko na ako ay bingi.

Iminungkahi ng isang kaibigan ng pamilya namin na mag-aral ako kasama ng ibang batang bingi, kaya ipinasok ako ni Tiyo Nick sa paaralan ng mga bingi sa Saskatoon, Saskatchewan. Tumira ako sa isang lugar na mga ilang oras ang layo mula sa aking mga kapamilya, at dahil limang taóng gulang lang ako, natakot ako. Nadadalaw ko ang aking mga kapamilya kapag holiday at bakasyon. Sa kalaunan, natuto ako ng sign language at masaya nang nakapaglalaro kasama ng ibang bata.

NATUTUHAN ANG KATOTOHANAN SA BIBLIYA

Noong 1939, napangasawa ng ate naming si Marion si Bill Danylchuck, at silang mag-asawa ang nag-alaga sa amin ni Ate Frances. Sila ang una sa pamilya namin na nakipag-aral sa mga Saksi ni Jehova. Kapag bakasyon, ibinabahagi nila sa akin ang mga natututuhan nila sa Bibliya sa abot ng kanilang makakaya. Sa totoo lang, hindi madali ang komunikasyon namin dahil hindi sila marunong ng sign language. Pero nakita nilang mahalaga sa akin ang espirituwal na mga bagay. Alam kong may kaugnayan sa Bibliya ang ginagawa nila, kaya sumasama ako kapag nangangaral sila. Di-nagtagal, gusto ko nang magpabautismo, at noong Setyembre 5, 1941, binautismuhan ako ni Kuya Bill sa isang metal na dram na punô ng tubig na galing sa balon. Sobrang lamig ng tubig!

Kasama ng isang grupo ng mga bingi sa isang kombensiyon sa Cleveland, Ohio, noong 1946

Noong tag-araw ng 1946, umuwi ako sa amin at dumalo kami sa isang kombensiyon sa Cleveland, Ohio, U.S.A. Nang unang araw ng kombensiyon, nagsasalitan ang mga ate ko sa pagsulat ng nota para maintindihan ko ang programa. Pero noong ikalawang araw, natuwa akong malaman na may grupo pala ng mga bingi at interpreter ng sign language doon. Sa wakas, naiintindihan ko na ang programa, at malinaw na sa akin ang katotohanan sa Bibliya!

PAGTUTURO NG KATOTOHANAN

Nang panahong iyon, katatapos lang ng Digmaang Pandaigdig II at matindi ang nasyonalismo. Pero pagkatapos ng kombensiyon at pagbalik ko sa paaralan, determinado akong manindigan para sa aking pananampalataya. Kaya inihinto ko ang pakikibahagi sa pagsaludo sa bandila at sa pambansang awit. Hindi na rin ako nakibahagi sa selebrasyon ng mga kapistahan at sa pagdalo sa simbahan kasama ng ibang bata. Hindi natuwa ang staff ng paaralan, at sinubukan nila akong takutin at linlangin para magbago ang isip ko. Napansin ito ng mga kaeskuwela ko, at dahil dito, nagkaroon ako ng mga pagkakataon para magpatotoo. Tinanggap ng ilan sa mga kaeskuwela ko, gaya nina Larry Androsoff, Norman Dittrick, at Emil Schneider, ang katotohanan, at tapat pa rin silang naglilingkod kay Jehova hanggang ngayon.

Kapag dumadalaw ako sa ibang lunsod, sinisikap kong magpatotoo sa mga bingi. Halimbawa, sa Montreal, may isang samahan ng mga bingi. Doon, nakapagpatotoo ako kay Eddie Tager, isang kabataan na dating miyembro ng isang gang. Umugnay siya sa sign-language congregation sa Laval, Quebec, hanggang sa kaniyang kamatayan noong nakaraang taon. Nakilala ko rin ang kabataang si Juan Ardanez. Kagaya ng mga taga-Berea, nagsaliksik siya para matiyak kung totoo nga ang sinasabi ng Bibliya. (Gawa 17:10, 11) Tinanggap din niya ang katotohanan, at naglingkod siya bilang elder sa Ottawa, Ontario, hanggang sa kaniyang kamatayan.

Pagpapatotoo sa lansangan noong mga dekada ’50

Noong 1950, lumipat ako sa Vancouver. Bagaman gustong-gusto kong mangaral sa mga bingi, hinding-hindi ko malilimutan ang nangyari nang magpatotoo ako sa isang babaeng nakaririnig, si Chris Spicer, na napatotohanan ko sa lansangan. Tinanggap niya ang suskripsiyon ng magasin at gusto niyang makilala ko ang asawa niyang si Gary. Kaya dumalaw ako sa bahay nila, at nagkaroon kami ng mahabang pag-uusap sa pamamagitan ng pagsusulat ng nota. Iyon lang ang naging pag-uusap namin. Pero pagkalipas ng ilang taon, nasorpresa ako nang magkita-kita kami sa isang kombensiyon sa Toronto, Ontario. Nang araw na iyon, babautismuhan si Gary. Ipinaaalaala sa akin ng karanasang iyon na mahalagang patuloy na mangaral dahil hindi natin alam kung saan at kailan tutubo ang katotohanan.

Nang maglaon, bumalik ako sa Saskatoon. Nakilala ko roon ang isang ina na may anak na kambal na babae at parehong bingi, sina Jean at Joan Rothenberger. Mga kaeskuwela ko sila dati at gusto ng nanay nila na turuan ko sila ng Bibliya. Agad nilang ibinahagi sa kanilang mga kaklase ang natutuhan nila, at lima sa mga ito ang naging Saksi ni Jehova. Isa rito si Eunice Colin. Una kong nakilala si Eunice sa paaralan namin noong high school pa ako. Binigyan niya ako noon ng candy at tinanong kung puwede ba kaming maging magkaibigan. Nang maglaon, naging mahalagang bahagi siya ng buhay ko—siya ang napangasawa ko!

Kasama si Eunice noong 1960 at noong 1989

Nang malaman ng nanay ni Eunice na nag-aaral siya ng Bibliya, kinausap niya ang prinsipal ng paaralan na kumbinsihin si Eunice na itigil ito. Kinuha pa nga ng prinsipal ang mga publikasyong ginagamit niya sa pag-aaral ng Bibliya. Pero determinado si Eunice na manatiling tapat kay Jehova. Nang gusto na niyang magpabautismo, sinabihan siya ng mga magulang niya, “Kapag naging Saksi ni Jehova ka, lumayas ka na sa pamamahay na ito!” Sa edad na 17, umalis nga si Eunice sa kanilang bahay, pero kinupkop siya ng isang pamilyang Saksi. Ipinagpatuloy niya ang kaniyang pag-aaral ng Bibliya, at nabautismuhan. Nang ikasal kami noong 1960, hindi pumunta ang mga magulang ni Eunice. Pero habang lumilipas ang mga taon, unti-unti naming nakuha ang kanilang paggalang dahil sa aming mga paniniwala at sa paraan ng pagpapalaki sa aming mga anak.

KINALINGA AKO NI JEHOVA

Naglilingkod sa Bethel sa London ang anak kong si Nicholas at ang asawa niyang si Deborah

Bilang mga magulang na bingi, hindi madaling magpalaki ng pitong anak na lalaking nakaririnig. Pero tiniyak namin na matututo sila ng sign language para makausap namin sila at maturuan ng katotohanan. Napakalaking tulong ng mga kapatid sa kongregasyon. Halimbawa, isang kapatid ang sumulat ng maikling nota sa amin para ipaalam na ang isang anak namin ay nagsasalita ng di-maganda sa Kingdom Hall, at agad namin itong inasikaso. Apat sa mga anak namin—sina James, Jerry, Nicholas, at Steven—ang tapat na naglilingkod ngayon kay Jehova kasama ng kani-kanilang asawa at pamilya. Silang apat ay elder. Si Nicholas at ang asawa niyang si Deborah ay tumutulong sa sign-language translation sa sangay sa Britain. Si Steven naman at ang asawa niyang si Shannan ay kasama sa sign-language translation team sa sangay sa United States.

Ang mga anak kong sina James, Jerry, at Steven, kasama ng kani-kanilang asawa, ay sumusuporta sa gawaing pangangaral sa sign language sa iba’t ibang paraan

Isang buwan bago ang ika-40 anibersaryo ng aming kasal, namatay si Eunice dahil sa cancer. Matapang niyang hinarap ang kaniyang sakit. Dahil sa pananampalataya niya sa pagkabuhay-muli, naging matatag siya. Pinananabikan ko ang araw na makita siyang muli.

Sina Faye at James, Jerry at Evelyn, Shannan at Steven

Noong Pebrero 2012, natumba ako at nabalian ng balakang. Dahil dito, nakita kong kailangan ko na ng tulong. Kaya lumipat ako at tumira kasama ng isa kong anak at ng asawa niya. Nakaugnay kami ngayon sa Calgary Sign-Language Congregation, kung saan patuloy akong naglilingkod bilang elder. Ang totoo, ito ang unang pagkakataon na naging bahagi ako ng isang sign-language congregation. Isipin mo iyon! Nasa English congregation ako mula pa noong 1946. Paano ko napanatiling matatag ang espirituwalidad ko? Tinupad ni Jehova ang pangako niya na hindi niya pababayaan ang “batang lalaking walang ama.” (Awit 10:14) Pinasasalamatan ko ang lahat ng nagsikap na sumulat ng nota, nag-aral ng sign language, at nag-interpret para sa akin sa abot ng kanilang makakaya.

Nag-aral ako sa pioneer school sa American Sign Language (ASL) sa edad na 79

Ang totoo, may mga panahong pinanghihinaan ako ng loob at gusto ko nang sumuko dahil hindi ko naiintindihan ang sinasabi ng iba at parang hindi rin naiintindihan ng mga tao ang pangangailangan ng mga bingi. Pero sa mga panahong iyon, inaalaala ko ang sinabi ni Pedro kay Jesus: “Panginoon, kanino kami paroroon? Ikaw ang may mga pananalita ng buhay na walang hanggan.” (Juan 6:66-68) Tulad ng maraming brother at sister na bingi na matagal nang nasa katotohanan, natutuhan kong maging matiisin. Natutuhan kong maghintay kay Jehova at sa kaniyang organisasyon, at talagang nakinabang ako dahil dito! Ngayon, napakasagana ng espirituwal na pagkain sa aming wika, at nasisiyahan ako sa pakikipagsamahan sa mga kapatid sa mga pulong at kombensiyon sa American Sign Language (ASL). Talagang naging masaya ang buhay ko sa paglilingkod kay Jehova, ang ating dakilang Diyos.