Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Huwag Mong Hayaang Lumamig ang Iyong Pag-ibig

Huwag Mong Hayaang Lumamig ang Iyong Pag-ibig

“Dahil sa paglago ng katampalasanan ang pag-ibig ng nakararami ay lalamig.”—MAT. 24:12.

AWIT: 60, 135

1, 2. (a) Kanino unang kumakapit ang sinabi ni Jesus sa Mateo 24:12? (b) Paano ipinakikita sa aklat ng Mga Gawa na patuloy na nagpakita ng pag-ibig ang karamihan sa unang mga Kristiyano? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

SA TANDA na ibinigay ni Jesus tungkol sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” sinabi niya na “ang pag-ibig ng nakararami ay lalamig.” (Mat. 24:3, 12) Noong unang siglo, inaangkin ng mga Judio na sila ang bayan ng Diyos, pero hinayaan nilang lumamig ang kanilang pag-ibig sa kaniya.

2 Samantala, maraming Kristiyano noon ang nanatiling abala sa “pagpapahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo” at sa pagpapakita ng pag-ibig sa Diyos, sa mga kapuwa Kristiyano, at sa mga di-sumasampalataya. (Gawa 2:44-47; 5:42) Pero hinayaan ng ilang tagasunod ni Jesus noong unang siglo na lumamig ang kanilang pag-ibig.

3. Bakit kaya lumamig ang pag-ibig ng ilang Kristiyano?

3 Sinabi ng binuhay-muling si Jesu-Kristo sa unang-siglong kongregasyon sa Efeso: “Mayroon akong laban sa iyo, na iniwan mo ang pag-ibig na taglay mo noong una.” (Apoc. 2:4) Bakit? Baka naimpluwensiyahan sila ng makalamang kaisipan ng sanlibutan. (Efe. 2:2, 3) Tulad ng maraming lunsod sa ngayon, laganap ang masasamang gawain sa Efeso noong unang siglo. Isa itong napakayamang lunsod kung saan labis ang pagpapahalaga ng mga tao sa luho, libangan, at sa maalwang pamumuhay. Maliwanag, natabunan ng pagkamakasarili ang mapagsakripisyong pag-ibig. Talamak din ang paggawi nang may kapangahasan at malubhang imoralidad.

4. (a) Paano lumalamig ang pag-ibig ng marami sa ngayon? (b) Sa anong tatlong aspekto puwedeng masubok ang ating pag-ibig?

4 Natutupad pa rin sa ngayon ang hula ni Jesus tungkol sa paglamig ng pag-ibig. Ang mga tao ay nawawalan na ng pag-ibig sa Diyos. Milyon-milyon ang tumatalikod sa kaniya at umaasa sa mga institusyon ng tao para solusyunan ang problema ng sangkatauhan. Kaya patuloy na lumalamig ang pag-ibig ng mga taong hindi sumasamba sa Diyos na Jehova. Pero gaya ng unang-siglong kongregasyon sa Efeso, baka maging kampante ang mga tunay na Kristiyano sa ngayon at unti-unting lumamig ang kanilang pag-ibig. Susuriin natin ngayon ang tatlong aspekto kung saan puwedeng masubok ang ating pag-ibig: (1) Pag-ibig kay Jehova, (2) pag-ibig sa katotohanan sa Bibliya, at (3) pag-ibig sa ating mga kapatid.

PAG-IBIG KAY JEHOVA

5. Bakit dapat nating ibigin ang Diyos?

5 Bago magbabala si Jesus tungkol sa pagkawala ng pag-ibig, idiniin niya ang pinakamahalagang pag-ibig sa lahat. Sinabi niya: “‘Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.’ Ito ang pinakadakila at unang utos.” (Mat. 22:37, 38) Oo, tutulong sa atin ang pagkakaroon ng malalim na pag-ibig kay Jehova para masunod natin ang mga utos niya, makapagbata, at kapootan ang kasamaan. (Basahin ang Awit 97:10.) Pero sinisikap ni Satanas at ng sanlibutan niya na pahinain ang ating pag-ibig sa Diyos.

6. Ano ang resulta ng pagkawala ng pag-ibig sa Diyos?

6 Pilipit ang pananaw ng sanlibutan sa pag-ibig. Sa halip na ibigin ang Maylikha, ang mga tao ay “maibigin sa kanilang sarili.” (2 Tim. 3:2) Itinataguyod ng sanlibutang ito na pinamamahalaan ni Satanas “ang pagnanasa ng laman at ang pagnanasa ng mga mata at ang pagpaparangya ng kabuhayan ng isa.” (1 Juan 2:16) Binabalaan ni apostol Pablo ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano laban sa pagpapalugod sa laman. Sinabi niya: “Ang pagsasaisip ng laman ay nangangahulugan ng kamatayan . . . sapagkat ang pagsasaisip ng laman ay nangangahulugan ng pakikipag-alit sa Diyos.” (Roma 8:6, 7) Kaya ang mga taong gumagamit ng kanilang buhay para magkamal ng materyal na mga bagay o palugdan ang kanilang seksuwal na mga pagnanasa ay nadidismaya at labis na nasasaktan.—1 Cor. 6:18; 1 Tim. 6:9, 10.

7. Anong mga panganib ang napapaharap sa mga Kristiyano sa ngayon?

7 Sa ilang lugar, itinataguyod ng mga ateista, agnostiko, at ebolusyonista ang mga ideyang sumisira ng pag-ibig sa Diyos at ng paniniwala sa kaniya. Nakumbinsi nila ang marami na ang taong naniniwala sa Maylikha ay ignorante at walang pinag-aralan. Tinitingala rin ang mga siyentipiko sa halip na ibigay ang kapurihan sa ating Maylikha. (Roma 1:25) Kung makikinig tayo sa gayong mga turo, baka mapalayo tayo kay Jehova, at lumamig ang ating pag-ibig sa kaniya.—Heb. 3:12.

8. (a) Anong mga kalagayang nakasisira ng loob ang nararanasan ng mga lingkod ni Jehova? (b) Ano ang tinitiyak sa atin ng Awit 136?

8 Kung magpapadaig tayo sa pagkasira ng loob, hihina rin ang ating pananampalataya at lalamig ang ating pag-ibig sa Diyos. Sa masamang sistemang ito na kontrolado ni Satanas, lahat tayo ay napapaharap sa mga kalagayang nakasisira ng loob. (1 Juan 5:19) Maaaring napapaharap tayo ngayon sa mga problemang dulot ng pagtanda, mahinang kalusugan, o kahirapan sa buhay. O baka nasisiraan tayo ng loob dahil wala tayong tiwala sa sarili, hindi nangyari ang mga inaasahan natin, o nakagawa tayo ng mga pagkakamali. Anuman ang pinagdaraanan natin, huwag nating isiping iniwan na tayo ni Jehova. Sa halip, bulay-bulayin natin ang katiyakan ng di-nagmamaliw na pag-ibig ni Jehova sa atin. Halimbawa, sinasabi ng Awit 136:23 na inaalaala tayo ni Jehova “sa ating mababang kalagayan: Sapagkat ang kaniyang maibiging-kabaitan ay hanggang sa panahong walang takda.” Oo, ang maibiging-kabaitan, o matapat na pag-ibig, ni Jehova sa kaniyang mga lingkod ay hindi nagbabago. Kaya makatitiyak tayo na diringgin niya ang ating paghingi ng tulong at sasagutin ito.—Awit 116:1; 136:24-26.

9. Ano ang nakatulong kay Pablo na mapanatili ang kaniyang pag-ibig sa Diyos?

9 Gaya ng salmista, napatibay si Pablo ng pagbubulay-bulay sa patuloy na pag-alalay ni Jehova sa kaniya. Isinulat ni Pablo: “Si Jehova ang aking katulong; hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?” (Heb. 13:6) Ang pagtitiwala ni Pablo sa maibiging pangangalaga ni Jehova ang nakatulong sa kaniya na harapin ang mga problema. Hindi siya nagpatalo sa negatibong mga kalagayan. Habang nasa bilangguan, sumulat pa nga si Pablo ng nakapagpapatibay na mga liham. (Efe. 4:1; Fil. 1:7; Flm. 1) Oo, kahit sa mahihirap na pagsubok, napanatili ni Pablo ang pag-ibig niya sa Diyos. Ano ang nakatulong sa kaniya? Patuloy siyang umasa sa ‘Diyos ng buong kaaliwan, na umaaliw sa atin sa lahat ng ating kapighatian.’ (2 Cor. 1:3, 4) Paano natin matutularan si Pablo at mapananatiling masidhi ang ating pag-ibig kay Jehova?

Ipakita ang pag-ibig kay Jehova (Tingnan ang parapo 10)

10. Paano natin mapananatiling masidhi ang ating pag-ibig kay Jehova?

10 Sinabi mismo ni Pablo ang isang mahalagang paraan para mapanatiling masidhi ang ating pag-ibig kay Jehova. Isinulat niya: “Manalangin kayo nang walang lubay.” Nang maglaon, isinulat din niya: “Magmatiyaga kayo sa pananalangin.” (1 Tes. 5:17; Roma 12:12) Panalangin ang pundasyon ng malapít na kaugnayan sa Diyos. (Awit 86:3) Kapag naglalaan tayo ng panahon para sabihin kay Jehova ang laman ng ating puso at isip, napapalapít tayo sa ating makalangit na Ama, ang “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) At kapag nakikita nating sinasagot ni Jehova ang ating mga panalangin, sumisidhi ang ating pag-ibig sa kaniya. Napatutunayan nating “si Jehova ay malapit sa lahat ng tumatawag sa kaniya.” (Awit 145:18) Ang pagtitiwala sa maibiging pag-alalay ni Jehova ay tutulong sa atin na maharap ang iba pang pagsubok sa ating pananampalataya.

PAG-IBIG SA KATOTOHANAN SA BIBLIYA

11, 12. Paano tayo magkakaroon ng malalim na pag-ibig sa katotohanan sa Bibliya?

11 Bilang mga Kristiyano, mahal natin ang katotohanan. Ang Salita ng Diyos ang pangunahing pinagmumulan ng katotohanan. Sa panalangin ni Jesus sa kaniyang Ama, sinabi niya: “Ang iyong salita ay katotohanan.” (Juan 17:17) Kaya naman ang pag-ibig sa katotohanan ay nagsisimula sa pagkuha ng tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos. (Col. 1:10) Pero hindi iyan sapat. Tinutulungan tayo ng kinasihang manunulat ng Awit 119 na maintindihan ang kahulugan ng pag-ibig sa katotohanan sa Bibliya. (Basahin ang Awit 119:97-100.) Naglalaan ba tayo ng panahon sa maghapon para pag-isipan ang mga nababasa natin sa Bibliya? Habang binubulay-bulay natin ang magagandang resulta ng pagkakapit ng katotohanan sa Bibliya, lalago ang pagpapahalaga natin dito.

12 Sinabi pa ng salmista: “Kay dulas sa aking ngalangala ng iyong mga pananalita, higit pa kaysa sa pulot-pukyutan sa aking bibig!” (Awit 119:103) Puwede rin nating lasapin ang masarap na espirituwal na pagkaing natatanggap natin sa organisasyon ng Diyos. Kapag ninanamnam natin ito, maaalaala natin ang “nakalulugod na mga salita” ng katotohanan at magagamit ito para tulungan ang iba.—Ecles. 12:10.

13. Ano ang nakatulong kay Jeremias na ibigin ang katotohanan sa Kasulatan, at paano ito nakaapekto sa kaniya?

13 Inibig ni propeta Jeremias ang katotohanan sa Kasulatan. Paano nakaapekto sa kaniya ang mga salita ng Diyos? “Ang iyong mga salita ay nasumpungan, at kinain ko ang mga iyon; at sa akin ang iyong salita ay naging pagbubunyi at pagsasaya ng aking puso; sapagkat ang iyong pangalan ay itinatawag sa akin, O Jehova na Diyos ng mga hukbo.” (Jer. 15:16) Sa diwa, kinain at tinunaw ni Jeremias ang mahahalagang salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa mga ito. Bilang resulta, taos-puso niyang pinahalagahan ang pribilehiyong itawag sa kaniya ang pangalan ng Diyos. Pakikilusin ba tayo ng pag-ibig sa katotohanan sa Bibliya na pahalagahan ang pribilehiyong dalhin ang pangalan ng Diyos at ihayag ang kaniyang Kaharian sa panahong ito ng kawakasan?

Ipakita ang pag-ibig sa katotohanan sa Bibliya (Tingnan ang parapo 14)

14. Paano pa natin mapalalalim ang ating pag-ibig sa katotohanan sa Bibliya?

14 Bukod sa pagbabasa ng Bibliya at ng mga publikasyon natin, paano pa natin mapalalalim ang ating pag-ibig sa katotohanan sa Bibliya? Sa pamamagitan ng regular na pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon. Ang lingguhang pag-aaral ng Bibliya gamit ang magasing Ang Bantayan ay isang pangunahing paraan para maturuan tayo. Para makinabang nang husto sa paksang tinatalakay, kailangan nating paghandaang mabuti ang bawat Pag-aaral sa Bantayan. Ang isang paraan ay ang pagbasa sa bawat binanggit na teksto. Maida-download na ngayon Ang Bantayan sa maraming wika mula sa website na jw.org o sa JW Library app. Sa ilang electronic format, madali nating mabubuksan ang binanggit na mga teksto sa bawat araling artikulo. Pero nakaimprenta man o electronic format ang gagamitin natin, ang maingat na pagbabasa at pagbubulay-bulay sa mga tekstong ito ay magpapalalim ng ating pag-ibig sa katotohanan sa Bibliya.—Basahin ang Awit 1:2.

PAG-IBIG SA ATING MGA KAPATID

15, 16. (a) Ayon sa Juan 13:34, 35, ano ang pananagutan natin? (b) Paano nauugnay ang ating pag-ibig sa mga kapatid sa pag-ibig natin sa Diyos at sa Bibliya?

15 Noong huling gabi ni Jesus sa lupa, sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos, na ibigin ninyo ang isa’t isa; kung paanong inibig ko kayo ay ibigin din ninyo ang isa’t isa. Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.”—Juan 13:34, 35.

16 Ang pag-ibig sa ating mga kapatid ay nauugnay sa pag-ibig natin kay Jehova. Sa katunayan, isinulat ni apostol Juan: “Siya na hindi umiibig sa kaniyang kapatid, na nakita niya, ay hindi makaiibig sa Diyos, na hindi niya nakita.” (1 Juan 4:20) Ang ating pag-ibig kay Jehova at sa ating mga kapatid ay nauugnay naman sa pag-ibig natin sa Bibliya. Bakit? Dahil ang pag-ibig sa katotohanan sa Bibliya ang nag-uudyok sa atin na sundin ang mga utos nito na ibigin ang Diyos at ang ating mga kapatid.—1 Ped. 1:22; 1 Juan 4:21.

Ipakita ang pag-ibig sa mga kapatid (Tingnan ang parapo 17)

17. Ano ang ilang paraan para maipakita ang ating pag-ibig?

17 Basahin ang 1 Tesalonica 4:9, 10. Ano ang ilang praktikal na paraan para maipakita ang pag-ibig sa mga kakongregasyon natin? Baka isang may-edad na kapatid ang nangangailangan ng masasakyan para makadalo sa mga pulong. Baka isang biyuda ang kailangang tulungan sa pagkukumpuni ng bahay niya. (Sant. 1:27) Bata man o may-edad na, ang mga kapatid na nasisiraan ng loob, nadedepres, o napapaharap sa mga pagsubok ay nangangailangan ng ating atensiyon, pampatibay, at pag-alalay. (Kaw. 12:25; Col. 4:11) Pinatutunayan natin na talagang mahal natin ang mga kapatid kapag ipinakikita natin sa salita at gawa na nagmamalasakit tayo “sa mga may kaugnayan sa atin sa pananampalataya.”—Gal. 6:10.

18. Ano ang tutulong para maayos ang maliliit na di-pagkakaunawaan sa ating mga kapananampalataya?

18 Inihula ng Bibliya na sa “mga huling araw” ng masamang sistemang ito ng mga bagay, ang mga tao ay magiging makasarili at sakim. (2 Tim. 3:1, 2) Kaya bilang mga Kristiyano, kailangan nating pasidhiin ang ating pag-ibig sa Diyos, sa katotohanan sa Bibliya, at sa isa’t isa. Totoo, nagkakaroon tayo ng maliliit na di-pagkakaunawaan sa ating mga kapananampalataya paminsan-minsan. Pero isa ngang pagpapala sa buong kongregasyon kapag inuudyukan tayo ng pag-ibig na ayusin sa maibiging paraan ang anumang di-pagkakaunawaan! (Efe. 4:32; Col. 3:14) Kaya huwag na huwag nating hayaang lumamig ang ating pag-ibig! Sa halip, patuloy nating pasidhiin ang ating pag-ibig kay Jehova, sa kaniyang Salita, at sa ating mga kapatid.