MULA SA AMING ARCHIVE
“Taglay ang Higit na Sigasig at Pag-ibig sa Aming mga Puso Kaysa Noon”
BIYERNES ng umaga noon ng Setyembre 1922, at nagsisimula nang uminit habang pumapasok sa awditoryum ang 8,000 katao. Ipinatalastas ng chairman na sa panahon ng mahalagang sesyon na iyon, malayang lumabas ang sinuman, pero hindi na siya papayagang makapasok muli sa bulwagan.
Sa pambukas na “Praise Service,” nag-awitan ang mga kapatid. Pagkatapos, pumunta na sa lectern si Joseph F. Rutherford. Marami sa mga tagapakinig ang di-mapakali sa kanilang kinauupuan. May ilang palakad-lakad dahil sa init. Nakiusap ang tagapagsalita na umupo na sila at makinig. Nang magsimula na ang pahayag, may nakapansin kaya sa malaking telang nakarolyo at nakabitin sa ibabaw ng entablado?
Ang paksa ni Brother Rutherford ay “Ang kaharian ng langit ay malapit na.” Sa loob ng isa’t kalahating oras, umalingawngaw ang malakas na boses niya sa bulwagan habang tinatalakay niya kung paano inianunsiyo nang may katapangan ng mga propeta noon ang pagdating ng Kaharian. Sa pinakamahalagang bahagi ng kaniyang pahayag, nagtanong siya, “Naniniwala ba kayo na ang Hari ng kaluwalhatian ay nagsimula nang mamahala?” Tumugon ang mga tagapakinig ng malakas na “Oo!”
“Kung gayon bumalik sa larangan, O kayong mga anak ng kataas-taasang Diyos!” ang sigaw ni Brother Rutherford. “Masdan, namamahala na ang Hari! Kayo ang kaniyang mga kinatawang tagapagbalita. Kung gayon ay ianunsiyo, ianunsiyo, ianunsiyo, ang Hari at ang kaniyang kaharian.”
Sa sandaling iyon, iniladlad ang telang nakarolyo, at mababasa roon ang mga salitang “Ianunsiyo ang Hari at Kaharian.”
“Talagang napasigla ang mga tagapakinig,” ang naalaala ni Ray Bopp. Binanggit naman ni Anna Gardner na “nayanig ang mga biga dahil sa palakpakan.” “Sabay-sabay na tumayo ang lahat ng tagapakinig,” ang sabi ni Fred Twarosh. At sinabi ni Evangelos Scouffas, “Para bang may malakas na puwersa na nagpatayo sa amin mula sa aming kinauupuan, at napaluha kami.”
Marami sa kombensiyong iyon ang nangangaral na ng mabuting balita ng Kaharian. Pero ngayon, nagkaroon sila ng bagong inspirasyon para gawin ito. Ikinuwento ni Ethel Bennecoff na humayo ang mga Estudyante ng Bibliya “taglay ang higit na sigasig at pag-ibig sa [kanilang] mga puso kaysa noon.” Dahil sa kombensiyong iyon, determinado si Odessa Tuck, 18 anyos noon, na tumugon sa panawagan na “Sino ang yayaon?” Sinabi niya: “Hindi ko alam kung saan o kung paano. Ang alam ko lang, gusto kong maging tulad ni Isaias, na nagsabi: ‘Narito ako! Isugo mo ako.’” (Isa. 6:8) “Ang mahalagang araw na iyon,” ang sabi ni Ralph Leffler, “ang talagang pasimula ng kampanya ng pag-aanunsiyo ng Kaharian na naipalaganap na ngayon sa buong lupa.”
Hindi nga kataka-takang ituring na mahalagang
pangyayari sa teokratikong kasaysayan ang kombensiyon sa Cedar Point, Ohio, noong 1922. Sinabi ni George Gangas, “Dahil sa kombensiyong iyon, naudyukan akong huwag palampasin ang susunod pang mga kombensiyon.” At sa pagkakaalaala niya, wala nga siyang napalampas kahit isa. Isinulat ni Julia Wilcox: “Hindi ko mailarawan ang saya ko sa tuwing binabanggit sa ating literatura ang tungkol sa Cedar Point noong 1922. Gustong-gusto kong sabihin, ‘Salamat, Jehova, pinahintulutan n’yo po akong makadalo roon.’”Malamang, marami rin sa atin ngayon ang may mahahalagang alaala ng isang kombensiyon na umantig sa ating puso at pumuno sa atin ng sigasig at pag-ibig para sa ating dakilang Diyos at sa hinirang niyang Hari. Kapag naaalaala natin iyon, nauudyukan din tayong sabihin, “Salamat, Jehova, pinahintulutan n’yo po akong makadalo roon.”