Kilalanin ang Kaaway Mo
‘Hindi tayo walang-alam sa mga pakana ni Satanas.’—2 COR. 2:11.
1. Sa Eden, ano ang isiniwalat ni Jehova tungkol sa ating kaaway?
ALAM ni Adan na hindi nakapagsasalita ang ahas. Kaya malamang na naisip niya na isang espiritung nilalang ang talagang kumausap kay Eva. (Gen. 3:1-6) Hindi kilala nina Adan at Eva ang espiritung ito. Pero kusang pinili ni Adan na talikuran ang kaniyang maibiging Ama sa langit at pumanig sa isang estranghero para salansangin ang kalooban ng Diyos. (1 Tim. 2:14) Agad-agad, nagsiwalat si Jehova ng impormasyon tungkol sa masamang kaaway na ito at nangakong mapupuksa ito sa hinaharap. Pero nagbabala rin si Jehova na magkakaroon muna ang espiritung ito ng kapangyarihan na salansangin ang mga umiibig sa Diyos.—Gen. 3:15.
2, 3. Ano ang posibleng dahilan kung bakit kaunti lang ang isiniwalat tungkol kay Satanas bago dumating ang Mesiyas?
2 Hindi sinabi ni Jehova ang personal na pangalan ng anghel na nagrebelde sa kaniya. * At pagkatapos ng rebelyon sa Eden, lumipas pa ang mga 2,500 taon bago isiwalat ng Diyos ang isang pangalan para tukuyin ang kaaway na iyon. (Job 1:6) Sa katunayan, tatlong aklat lang sa Hebreong Kasulatan—1 Cronica, Job, at Zacarias—ang bumabanggit kay Satanas, na nangangahulugang “Mananalansang.” Bakit kaunting impormasyon lang ang ibinigay tungkol sa kaaway na ito bago dumating ang Mesiyas?
3 Posibleng ayaw ni Jehova na masyadong magtuon ng pansin ang mga tao kay Satanas kung kaya kaunti lang ang binabanggit ng Hebreong Kasulatan tungkol sa kaniya at sa mga ginagawa niya. Ang pinakalayunin ng bahaging ito ng Kasulatan ay para ipakilala ang Mesiyas at akayin ang bayan ng Diyos sa kaniya. (Luc. 24:44; Gal. 3:24) Nang matupad na iyon at dumating na ang Mesiyas, siya at ang mga alagad niya ang ginamit ni Jehova para magsiwalat ng higit pang impormasyon tungkol kay Satanas at sa mga anghel na pumanig sa kaniya. * Bakit angkop ito? Dahil si Jesus at ang mga pinahiran ang gagamitin ni Jehova para durugin si Satanas at ang mga alipores nito.—Roma 16:20; Apoc. 17:14; 20:10.
4. Bakit hindi tayo dapat labis na matakot sa Diyablo?
4 Inilarawan ni apostol Pedro si Satanas na Diyablo na isang “leong umuungal,” at tinawag siya ni Juan na isang “serpiyente” at “dragon.” (1 Ped. 5:8; Apoc. 12:9) Pero hindi tayo dapat labis na matakot sa Diyablo. Bakit? Dahil limitado ang kapangyarihan niya. (Basahin ang Santiago 4:7.) Pinoprotektahan tayo ni Jehova, ni Jesus, at ng tapat na mga anghel. Sa tulong nila, malalabanan natin ang ating kaaway. Pero kailangan pa rin nating malaman ang sagot sa tatlong mahahalagang tanong: Gaano kalawak ang impluwensiya ni Satanas? Paano niya ginagamit ang impluwensiya niya sa mga indibiduwal? At ano ang mga limitasyon ng kaniyang kapangyarihan? Habang tinatalakay natin ang mga tanong na ito, aalamin din natin ang mga aral na matututuhan natin.
GAANO KALAWAK ANG IMPLUWENSIYA NI SATANAS?
5, 6. Bakit walang kakayahan ang mga gobyerno ng tao na ipatupad ang mga pagbabagong kailangang-kailangan ng mga tao?
5 Malaki-laking bilang ng mga anghel ang sumama kay Satanas sa pagrerebelde. Bago ang Baha, nahikayat ni Satanas ang ilan sa kanila na magkaroon ng imoral na relasyon sa mga babae dito sa lupa. Inilarawan ito ng Bibliya sa simbolikong paraan: “Kinakaladkad ng [dragon] ang isang katlo ng mga bituin” nang mahulog siya mula sa langit. (Gen. 6:1-4; Jud. 6; Apoc. 12:3, 4) Nang iwan ng mga anghel na iyon ang pamilya ng Diyos, nagpakontrol sila kay Satanas. Pero hindi lang basta nanggugulo ang grupo ng mga rebeldeng ito. Nagtatag si Satanas ng sarili niyang kaharian, na siya mismo ang hari. Inorganisa niya ang mga demonyo, binigyan sila ng awtoridad, at ginawa silang mga tagapamahala ng sanlibutan.—Efe. 6:12.
6 Ginagamit ni Satanas ang kaniyang organisasyon para kontrolin ang lahat ng gobyerno ng tao. Napatunayan ito nang ipakita ni Satanas kay Jesus ang “lahat ng mga kaharian ng tinatahanang lupa” at sinabi: “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng awtoridad na ito at ang kaluwalhatian nila, sapagkat ibinigay na sa akin, at sa kaninumang nais ko ay ibinibigay ko ito.” (Luc. 4:5, 6) Kahit may masamang impluwensiya si Satanas, maraming gobyerno ang gumagawa ng mabuti sa kanilang mamamayan at may mga tagapamahala na gusto talagang makatulong. Pero walang gobyerno ng tao o indibiduwal na tagapamahala ang may kakayahang ipatupad ang mga pagbabago na kailangang-kailangan ng mga tao.—Awit 146:3, 4; Apoc. 12:12.
7. Bukod sa mga gobyerno, paano ginagamit ni Satanas ang huwad na relihiyon at sistema ng komersiyo? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
7 Bukod sa mga gobyerno, ginagamit din Apoc. 12:9) Dahil sa huwad na relihiyon, naipalalaganap ni Satanas ang mga kasinungalingan tungkol kay Jehova. Determinado rin ang Diyablo na ipalimot sa mga tao ang pangalan ng Diyos. (Jer. 23:26, 27) Bilang resulta, marami ang nadaya sa pag-aakalang sinasamba nila ang Diyos pero ang totoo, mga demonyo ang sinasamba nila. (1 Cor. 10:20; 2 Cor. 11:13-15) Naipalalaganap din ni Satanas ang mga kasinungalingan sa pamamagitan ng sistema ng komersiyo. Halimbawa, pinapaniwala nito ang mga tao na kailangan ang maraming pera at ari-arian para maging masaya. (Kaw. 18:11) Ginugugol ng mga naniniwala sa kasinungalingang ito ang kanilang buhay sa paglilingkod sa “Kayamanan” sa halip na sa Diyos. (Mat. 6:24) Sa bandang huli, ang kanilang pag-ibig sa materyal na mga bagay ay sasakal sa kanilang pag-ibig sa Diyos.—Mat. 13:22; 1 Juan 2:15, 16.
ni Satanas at ng mga demonyo ang huwad na relihiyon at ang sistema ng komersiyo para iligaw ang “buong tinatahanang lupa.” (8, 9. (a) Anong dalawang aral ang matututuhan natin tungkol kina Adan at Eva, at sa mga rebeldeng anghel? (b) Bakit magandang malaman natin ang lawak ng impluwensiya ni Satanas?
8 May dalawang mahahalagang aral tayong matututuhan kina Adan at Eva, at sa mga rebeldeng anghel. Una, mayroon lang dalawang panig, at dapat tayong pumili. Mananatili ba tayong tapat kay Jehova o papanig tayo kay Satanas? (Mat. 7:13) Ikalawa, limitado lang ang pakinabang ng mga pumapanig kay Satanas. Nagkaroon sina Adan at Eva ng pagkakataong magtakda ng sarili nilang pamantayan ng mabuti at masama, at nagkaroon naman ang mga demonyo ng impluwensiya sa mga gobyerno ng tao. (Gen. 3:22) Pero laging masama ang ibinubunga ng tila mga pakinabang na iniaalok ni Satanas.—Job 21:7-17; Gal. 6:7, 8.
9 Bakit magandang malaman natin ang lawak ng impluwensiya ni Satanas? Tutulong ito sa atin na magkaroon ng balanseng pananaw sa mga sekular na awtoridad at maging pursigido sa gawaing pangangaral. Gusto ni Jehova na igalang natin ang mga opisyal ng gobyerno. (1 Ped. 2:17) At inaasahan niyang susundin natin ang mga batas ng gobyerno ng tao basta hindi ito salungat sa kaniyang pamantayan. (Roma 13:1-4) Pero dapat tayong manatiling neutral, na hindi pumapanig sa isang partido o opisyal. (Juan 17:15, 16; 18:36) Dahil alam nating ipinalilimot ni Satanas ang pangalan ni Jehova at sinisiraan ang kaniyang reputasyon, mas lalo nating gugustuhing ituro sa iba ang katotohanan tungkol sa Diyos. Ipinagmamalaki nating dalhin at gamitin ang kaniyang pangalan. Alam nating mas mahalagang ibigin ang Diyos kaysa sa pera o materyal na mga bagay.—Isa. 43:10; 1 Tim. 6:6-10.
PAANO INIIMPLUWENSIYAHAN NI SATANAS ANG MGA INDIBIDUWAL?
10-12. (a) Paano gumamit ng pain si Satanas para mahikayat ang ilang anghel? (b) Ano ang matututuhan natin tungkol sa mga nagrebeldeng anghel?
10 Gumagamit si Satanas ng epektibong mga paraan para impluwensiyahan ang mga indibiduwal. Halimbawa, gumagamit siya ng mga pain para mahuli sila. Tinatakot din sila ni Satanas para sumunod sa kaniya.
11 Alalahanin kung gaano kaepektibo ang paing ginamit ni Satanas para mahikayat ang malaki-laking bilang ng mga anghel na pumanig sa kaniya. Malamang na pinag-aralan niya muna silang mabuti. Kinagat ng ilang anghel ang pain at nakipagtalik sa mga babae, at nagbunga ito ng mararahas na higante na naging malupit sa mga tao. (Gen. 6:1-4) Bukod sa imoralidad, posibleng nangako rin si Satanas sa mga anghel na iyon na magkakaroon sila ng kapangyarihan na kontrolin ang sangkatauhan. Malamang na layunin niyang hadlangan ang pagdating ng ipinangakong ‘binhi ng babae.’ (Gen. 3:15) Pero sinira ni Jehova ang lahat ng mga plano ni Satanas at ng mga rebeldeng anghel sa pamamagitan ng Baha.
12 Anong mga aral ang matututuhan natin dito? Huwag maliitin ang tukso ng imoralidad o ang panganib ng pride. Ang mga anghel na pumanig kay Satanas ay naglilingkod noon sa mismong presensiya ng Diyos sa loob ng maraming taon! Pero kahit napakaganda ng kalagayan nila, hinayaan ng marami sa kanila na mag-ugat at tumubo ang masasamang pagnanasa. Sa katulad na paraan, baka maraming dekada na rin tayong naglilingkod sa makalupang bahagi ng organisasyon ng Diyos. Pero kahit na nasa malinis na organisasyon tayo, puwede pa ring mag-ugat ang maling pagnanasa. (1 Cor. 10:12) Kaya napakahalagang suriing palagi ang ating puso, iwasan ang imoral na kaisipan, at alisin ang pagiging ma-pride!—Gal. 5:26; basahin ang Colosas 3:5.
13. Ano pang epektibong pain ang ginagamit ni Satanas, at paano natin ito maiiwasan?
13 Ang isa pang epektibong pain na ginagamit ni Satanas ay ang pagiging mausisa sa espiritismo. Bukod sa huwad na relihiyon, ginagamit din niya ang industriya ng paglilibang para magkaroon ng interes ang mga tao sa mga demonyo. Dahil sa mga pelikula, electronic games, at iba pang uri ng libangan, parang naging exciting ang espiritismo. Paano natin maiiwasan ang mga paing ito? Huwag tayong umasa na magbibigay ang organisasyon ng Diyos ng listahan ng katanggap-tanggap at di-katanggap-tanggap na libangan. Dapat nating sanayin ang ating budhi na maging kaayon ng mga pamantayan ng Diyos. (Heb. 5:14) Pero makapipili tayo nang tama kung susundin natin ang kinasihang payo ni apostol Pablo na ang ating pag-ibig sa Diyos ay “huwag magkaroon ng pagpapaimbabaw.” (Roma 12:9) Tanungin ang sarili: ‘Ipinakikita ba ng mga pinipili kong libangan na mapagkunwari ako? Kung makikita ito ng mga Bible study o return visit ko, iisipin ba nilang ginagawa ko ang itinuturo ko sa kanila?’ Kung ginagawa natin ang itinuturo natin, mas madali nating maiiwasan ang mga pain ni Satanas.—1 Juan 3:18.
14. Paano tayo tinatakot ni Satanas, at ano ang makatutulong sa atin?
14 Bukod sa paggamit ng pain, tinatakot din tayo ni Satanas para ikompromiso natin ang ating katapatan kay Jehova. Halimbawa, puwede niyang maniobrahin ang mga gobyerno para ipagbawal ang ating pangangaral. Puwede rin niyang udyukan ang mga katrabaho natin o kaeskuwela na tuyain tayo dahil namumuhay tayo ayon sa mga pamantayang moral ng Bibliya. (1 Ped. 4:4) Baka impluwensiyahan din niya ang mga nagmamalasakit nating kapamilya na pigilan tayo sa pagdalo sa mga pulong. (Mat. 10:36) Ano ang makatutulong sa atin? Una, dapat nating asahan ang ganitong uri ng direktang pag-atake ni Satanas dahil nakikipagdigma siya sa atin. (Apoc. 2:10; 12:17) Pagkatapos, tingnan natin ang mas malaking isyu sa likod ng mga pagsubok na ito. Sinasabi ni Satanas na naglilingkod lang tayo kay Jehova kapag kumbinyente ito at na kung gigipitin tayo, tatalikuran natin ang Diyos. (Job 1:9-11; 2:4, 5) Panghuli, dapat tayong humingi kay Jehova ng lakas para maharap ang isyung ito. Tandaan, hinding-hindi niya tayo iiwan.—Heb. 13:5.
ANO ANG MGA LIMITASYON NG KAPANGYARIHAN NI SATANAS?
15. Puwede ba tayong pilitin ni Satanas na gawin ang labag sa ating kalooban? Ipaliwanag.
15 Hindi puwedeng pilitin ni Satanas ang mga tao na gumawa ng labag sa kalooban nila. (Sant. 1:14) Hindi man lang namamalayan ng marami na ang ginagawa nila ay ang gusto ni Satanas. Pero kapag alam na nila ang katotohanan, dapat silang magpasiya kung sino ang gusto nilang paglingkuran. (Gawa 3:17; 17:30) Kung determinado tayong gawin ang kalooban ng Diyos, walang magagawa si Satanas para sirain ang ating katapatan.—Job 2:3; 27:5.
16, 17. (a) Ano pa ang limitasyon ni Satanas at ng mga demonyo? (b) Bakit hindi tayo dapat matakot na manalangin nang malakas kay Jehova?
16 May iba pang limitasyon si Satanas at ang mga demonyo. Halimbawa, wala tayong mababasa sa Kasulatan na nakababasa sila ng isip o puso. Tanging si Jehova at si Jesus lang ang may ganitong kakayahan. (1 Sam. 16:7; Mar. 2:8) Pero kumusta naman ang pagsasalita o pananalangin nang malakas? Dapat ba tayong matakot na maririnig ng Diyablo o ng mga demonyo ang sinasabi natin at gamitin nila iyon laban sa atin? Hindi. Bakit? Hindi tayo takót gumawa ng mabuti at maglingkod kay Jehova kahit nakikita ito ng Diyablo. Kaya hindi rin tayo dapat matakot na manalangin nang malakas dahil lang sa maaari itong marinig ng Diyablo. Sa katunayan, ipinakikita ng Bibliya na maraming lingkod ng Diyos ang nanalangin nang malakas, at walang pahiwatig na natakot silang baka marinig sila ng Diyablo. (1 Hari 8:22, 23; Juan 11:41, 42; Gawa 4:23, 24) Kung gagawin natin ang ating buong makakaya na magsalita at kumilos ayon sa kalooban ng Diyos, makatitiyak tayo na hindi hahayaan ni Jehova ang Diyablo na gawan tayo ng anumang bagay na talagang ikapapahamak natin.—Basahin ang Awit 34:7.
17 Dapat nating kilalanin ang ating kaaway, pero hindi tayo dapat matakot sa kaniya. Sa tulong ni Jehova, madaraig natin si Satanas kahit hindi tayo perpekto. (1 Juan 2:14) Kung sasalansangin natin siya, tatakas siya mula sa atin. (Sant. 4:7; 1 Ped. 5:9) Sa ngayon, lumilitaw na mga kabataan ang partikular na pinupuntirya ni Satanas. Ano ang magagawa nila para makatayo silang matatag laban sa Diyablo? Sasagutin iyan sa susunod na artikulo.
^ par. 2 Ipinakikita ng Bibliya na may personal na pangalan ang ilang anghel. (Huk. 13:18; Dan. 8:16; Luc. 1:19; Apoc. 12:7) Dahil binigyan ni Jehova ng pangalan ang bawat bituin (Awit 147:4), makatuwirang isipin na may personal na pangalan ang kaniyang mga anghel, pati na ang isa na naging Satanas.
^ par. 3 Ang titulong “Satanas” ay 18 beses lang binanggit sa Hebreong Kasulatan, pero mahigit 30 beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan.