Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 20

Tulong Para sa mga Biktima ng Pang-aabuso

Tulong Para sa mga Biktima ng Pang-aabuso

“Ang Diyos . . . ang umaaliw sa atin sa harap ng lahat ng pagsubok.”—2 COR. 1:3, 4.

AWIT 134 Mga Anak—Ipinagkatiwala ng Diyos

NILALAMAN *

1-2. (a) Anong halimbawa ang nagpapakitang likas sa ating mga tao ang mangailangan ng tulong at may kakayahan din tayong tumulong? (b) Paano nasasaktan ang ilang bata?

LIKAS sa ating mga tao na mangailangan ng tulong at may kakayahan din tayong tumulong. Halimbawa, kapag nadapa at nasugatan ang isang bata habang naglalaro, umiiyak siyang tatakbo sa kaniyang nanay o tatay. Hindi kayang pagalingin agad ng mga magulang ang sugat niya, pero kaya nilang patahanin ang bata. Itatanong nila kung ano ang nangyari, pupunasan ang luha niya, yayakapin siya, at gagamutin pa nga ang kaniyang sugat. Mayamaya, tatahan na siya at maglalaro na ulit. Pagkalipas ng ilang araw, gagaling na rin ang sugat niya.

2 Pero kung minsan, mas masakit pa rito ang nararanasan ng mga bata. May mga nabibiktima ng seksuwal na pang-aabuso. Maaari itong mangyari nang minsan lang o paulit-ulit sa loob ng maraming taon. Alinman dito ang maranasan ng biktima, mag-iiwan ito sa kaniya ng mapapait na alaala. May pagkakataong nahuhuli at napaparusahan ang nang-abuso. Minsan naman, parang natatakasan niya ang hustisya. Pero kahit naparusahan ang nang-abuso, posibleng tumagal ang pagdurusa ng biktima hanggang sa pagtanda niya.

3. Gaya ng binabanggit sa 2 Corinto 1:3, 4, ano ang gusto ni Jehova, at anong mga tanong ang tatalakayin natin?

3 Kapag ang isang Kristiyanong naabuso noong bata pa ay nagdurusa pa rin, ano ang makakatulong sa kaniya? (Basahin ang 2 Corinto 1:3, 4.) Gusto ni Jehova na makadama ng pagmamahal at tumanggap ng tulong ang kaniyang tupa na nangangailangan. Kaya talakayin natin ang tatlong tanong: (1) Bakit nangangailangan pa rin ng pampatibay ang mga naabuso noong bata sila? (2) Sino ang makakatulong sa kanila? (3) Paano natin sila matutulungan?

BAKIT KAILANGAN NILA NG TULONG?

4-5. (a) Bakit mahalagang malaman na magkaiba ang mga bata at ang mga adulto? (b) Kapag naabuso ang isang bata, ano ang posibleng maging epekto nito sa kaniya?

4 May mga adultong naabuso noong bata pa na kailangan pa ring tulungan kahit maraming taon na ang lumipas. Bakit? Para maintindihan ito, kailangan muna nating malaman na ang mga bata ay ibang-iba sa mga adulto. Iba ang epekto sa mga bata ng masamang pagtrato kumpara sa mga adulto. Tingnan natin ang ilang halimbawa.

5 Ang mga bata ay kailangang magtiwala at maging malapít sa mga nagpapalaki at nag-aalaga sa kanila. Sa gayon, magiging panatag sila at matututong magtiwala sa mga nagmamahal sa kanila. (Awit 22:9) Kaya lang, ang pang-aabuso ay madalas na nangyayari sa loob mismo ng tahanan, at karaniwan nang mga kapamilya o mga kaibigan ng pamilya ang gumagawa nito. Kapag nangyari ito, ang biktima ay nahihirapan nang magtiwala sa iba kahit lumipas pa ang maraming taon.

6. Bakit ang seksuwal na pang-aabuso ay nakakapinsala at isang kalupitan?

6 Walang kalaban-laban ang mga bata. Ang seksuwal na pang-aabuso ay nakakapinsala at isang kalupitan. Kapag pinuwersa ang mga bata na makipag-sex, napakasama ng magiging epekto nito sa kanila dahil ang kanilang katawan, damdamin, o isip ay hindi pa handa para dito. Mapipilipit nito ang kanilang tingin sa sex, sa kanilang sarili, o sa sinumang gustong mapalapít sa kanila.

7. (a) Bakit madali para sa nang-aabuso na linlangin ang isang bata, at paano niya ito ginagawa? (b) Ano ang mga resulta ng gayong mga kasinungalingan?

7 Limitado pa ang kakayahan ng mga bata na mag-isip, mangatuwiran, o makakita ng panganib at makaiwas dito. (1 Cor. 13:11) Kaya madali silang malinlang ng mga nang-aabuso. Tinuturuan sila ng mga ito ng kung ano-anong kasinungalingan, gaya ng sila raw ang dapat sisihin, na dapat ilihim ang pang-aabuso, na walang makikinig o magmamalasakit kapag nagsumbong sila, o na normal lang na mag-sex ang isang adulto at isang bata dahil sa pagmamahal. Baka paniwalaan ng isang bata ang mga kasinungalingang iyan sa loob ng mahabang panahon. Habang lumalaki siya, baka isipin niyang sira na ang buhay niya, marumi na siya, at hindi na karapat-dapat sa pagmamahal at suporta.

8. Bakit tayo makakatiyak na matutulungan ni Jehova ang mga nasaktan?

8 Hindi nga nakapagtatakang magkaroon ng matagal na epekto sa biktima ang seksuwal na pang-aabuso. Napakasama ng krimeng ito! Ang paglaganap nito ay malinaw na ebidensiyang nabubuhay na tayo sa mga huling araw, sa panahong marami ang “walang likas na pagmamahal” at “ang masasamang tao at mga impostor ay lalo pang sásamâ.” (2 Tim. 3:1-5, 13) Talagang napakasama ng mga taktika ni Satanas, at nakakalungkot makitang ginagawa ng mga tao ang gusto ng Diyablo. Pero di-hamak na mas malakas si Jehova kaysa kay Satanas at sa mga kampon nito. Nakikita niya ang mga taktika ni Satanas. Makakatiyak tayong naiintindihan ni Jehova ang sakit na nararamdaman natin, at matutulungan niya tayo. Mabuti na lang at naglilingkod tayo sa “Diyos na nagbibigay ng kaaliwan sa anumang sitwasyon, ang umaaliw sa atin sa harap ng lahat ng pagsubok, para maaliw rin natin ang iba na napapaharap sa anumang pagsubok sa pamamagitan ng kaaliwan na tinanggap natin mula sa Diyos.” (2 Cor. 1:3, 4) Pero sino ba ang ginagamit ni Jehova para tumulong?

SINO ANG MAKAKATULONG?

9. Ayon sa sinabi ni Haring David sa Awit 27:10, ano ang gagawin ni Jehova para sa mga pinabayaan ng sarili nilang pamilya?

9 Lalo nang nangangailangan ng tulong ang mga pinabayaan ng mga magulang o nabiktima ng mga malapít sa kanila. Alam ng salmistang si David na lagi tayong makakaasa sa tulong ni Jehova. (Basahin ang Awit 27:10.) Naniniwala si David na kukupkupin ni Jehova ang mga pinabayaan ng kanilang mga mahal sa buhay. Paano? Gagamitin niya ang kaniyang tapat na mga lingkod. Ang ating mga kapananampalataya ay mga kapamilya na rin natin. Halimbawa, tinukoy ni Jesus ang mga kasama niyang sumasamba kay Jehova bilang kaniyang ina at mga kapatid.—Mat. 12:48-50.

10. Paano inilarawan ni apostol Pablo ang kaniyang ginagawa bilang elder?

10 Tingnan ang isang halimbawa ng ganitong pagsasamahan sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Si apostol Pablo ay isang masipag at tapat na elder. Nagpakita siya ng magandang halimbawa, at ginabayan pa nga siya ng Diyos na payuhan ang iba na tularan siya gaya ng pagtulad niya kay Kristo. (1 Cor. 11:1) Pansinin ang paglalarawan ni Pablo sa ginagawa niya bilang elder: “Naging mapagmahal at mabait kami sa inyo, gaya ng isang ina na buong pagmamahal na nag-aalaga sa mga anak niya.” (1 Tes. 2:7) Kapag gumagamit ang mga elder ng mababait na pananalita sa pagtulong sa iba gamit ang Bibliya, natutularan nila si Pablo.

Mapapatibay ng mga may-gulang na Kristiyanong babae ang ibang sister (Tingnan ang parapo 11) *

11. Ano ang nagpapakitang hindi lang mga elder ang makakatulong?

11 Mga elder lang ba ang makakatulong sa mga biktima ng pang-aabuso? Hindi. Lahat tayo ay may pananagutang ‘patuloy na magpatibay sa isa’t isa.’ (1 Tes. 4:18) Malaki ang maitutulong ng mga may-gulang na Kristiyanong babae sa mga sister na nangangailangan ng pampatibay. Ikinumpara mismo ni Jehova ang kaniyang sarili sa isang inang umaaliw sa kaniyang anak. (Isa. 66:13) At isinama sa Bibliya ang halimbawa ng mga babaeng tumulong sa mga nagdurusa. (Job 42:11) Tuwang-tuwa si Jehova kapag nakikita niya ang mga Kristiyanong babae sa ngayon na umaalalay sa kapuwa nila mga sister! Kung minsan, kinakausap ng isa o dalawang elder ang isang may-gulang na sister para hilingan itong tumulong sa isang sister na nagdurusa. *

PAANO TAYO MAKAKATULONG?

12. Ano ang hindi natin dapat gawin?

12 Siyempre, hindi tayo dapat makialam sa mga bagay na gustong mapanatiling pribado ng isang kapatid. (1 Tes. 4:11) Pero paano kaya tayo makakatulong? Pag-usapan natin ang limang paraan mula sa Bibliya.

13. Sa 1 Hari 19:5-8, ano ang ginawa ng anghel ni Jehova para kay Elias, at paano natin matutularan ang anghel?

13 Magbigay ng praktikal na tulong. Noong tumatakas si propeta Elias mula sa mga nagbabanta sa buhay niya, nasiraan siya ng loob at gusto na niyang mamatay. Nagpadala si Jehova kay Elias ng isang makapangyarihang anghel para magbigay ng praktikal na tulong. Binigyan niya si Elias ng mainit na pagkain at kinumbinsi itong kumain. (Basahin ang 1 Hari 19:5-8.) May magandang aral na makukuha rito: Kung minsan, malaki ang naitutulong ng simpleng bagay na nagagawa natin para sa iba. Halimbawa, puwede tayong magbigay ng pagkain, simpleng regalo, o card sa isang nanlulumong kapatid para maipadamang mahal natin siya. Kaya hindi man tayo komportableng mapag-usapan ang personal na mga bagay at masasakit na karanasan, maipapakita pa rin nating nagmamalasakit tayo sa pagbibigay ng ganitong praktikal na mga tulong.

14. Ano pa ang matututuhan natin sa karanasan ni Elias?

14 Tulungan ang mga nagdurusa na makadama ng kapanatagan. May matututuhan pa tayo sa karanasan ni Elias. Makahimalang tinulungan ni Jehova ang propeta na makapaglakbay nang malayo hanggang Bundok Horeb. Maaaring nadama ni Elias na ligtas siya sa malayong lugar na iyon, kung saan nakipagtipan si Jehova sa kaniyang bayan ilang siglo na ang nakalilipas. Baka nadama niyang sa wakas ay hindi na siya matutunton ng mga humahabol sa kaniya. Ano ang aral? Kung gusto nating matulungan ang mga biktima ng pang-aabuso, baka kailangan munang mapanatag sila. Halimbawa, dapat isipin ng mga elder kung saan magiging komportable ang isang nagdurusang sister na kakausapin nila. May iba na mas marerelaks kung sa bahay sila kakausapin habang nagkakape. Mayroon namang mas gusto sa Kingdom Hall.

Makakatulong tayo sa pamamagitan ng matiyagang pakikinig, taimtim na pananalangin, at paggamit ng nakakapagpatibay na pananalita (Tingnan ang parapo 15-20) *

15-16. Ano ang ibig sabihin ng pagiging mabuting tagapakinig?

15 Maging mabuting tagapakinig. Malinaw ang payo ng Bibliya: “Ang bawat tao ay dapat na maging mabilis sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita.” (Sant. 1:19) Mabuting tagapakinig ba tayo? Baka iniisip natin na ang isang tagapakinig ay walang ginagawa—nakatingin lang sa kausap at hindi nagsasalita. Pero hindi ganiyan ang isang mabuting tagapakinig. Halimbawa, sinabi ni Elias kay Jehova ang lahat ng ikinababahala niya, at nakinig namang mabuti si Jehova. Nakita ni Jehova na si Elias ay takot na takot at nakakadamang nag-iisa siya at walang saysay ang lahat ng ginawa niya. Isa-isang inalis ni Jehova ang mga ikinababahala ng propeta. Ipinakita niyang talagang nakinig siya kay Elias.—1 Hari 19:9-11, 15-18.

16 Paano tayo makakapagpakita ng simpatiya at habag habang nakikinig? Kung minsan, naipapakita natin ito sa paggamit ng mabait na pananalita. Puwede mong sabihin: “Nakakalungkot naman! Hindi iyon dapat ginagawa sa bata!” Puwede ka ring magtanong para makatiyak na naiintindihan mo ang idinaraing ng iyong kaibigan. Puwede mong itanong, “Ano’ng ibig mong sabihin?” o “Ibig mo bang sabihin . . . Tama ba?” Sa gayon, maipapakita mong talagang nakikinig ka at tinitiyak mong naiintindihan mo siya.—1 Cor. 13:4, 7.

17. Bakit dapat tayong maging matiyaga at “mabagal sa pagsasalita”?

17 Pero maging “mabagal sa pagsasalita.” Huwag kang sasabat para payuhan o ituwid siya. At maging matiyaga! Nang ibuhos ni Elias kay Jehova ang laman ng puso niya, kitang-kita sa kaniyang pananalita kung gaano kabigat ang dinadala niya. Matapos patibayin ni Jehova ang pananampalataya ni Elias, ganoon pa rin ang pananalita niya. (1 Hari 19:9, 10, 13, 14) Ang aral? Kung minsan, kailangan ng mga taong nadedepres na paulit-ulit na sabihin ang kanilang nadarama. Gaya ni Jehova, maging matiyaga rin tayo sa pakikinig. Sa halip na sikaping magbigay ng solusyon, magpakita tayo ng simpatiya at habag.—1 Ped. 3:8.

18. Paano makakatulong ang ating panalangin para gumaan ang loob ng mga nagdurusa?

18 Taimtim na manalangin kasama ang kapatid na nagdurusa. Kung minsan, ang isang taong nadedepres ay nahihirapang manalangin. Baka iniisip niyang hindi siya karapat-dapat lumapit kay Jehova. Kung gusto natin siyang tulungan, puwede tayong manalanging kasama siya at banggitin ang pangalan niya. Maaari nating sabihin kay Jehova na ang kapatid na ito ay mahal na mahal natin at ng kongregasyon. Maaari nating hilingin kay Jehova na tulungang maging kalmado at panatag ang mahal niyang lingkod na ito. Ang gayong panalangin ay tiyak na makakapagpagaan ng loob ng kapatid na nagdurusa.—Sant. 5:16.

19. Ano ang makakatulong sa atin para makapagpaginhawa sa iba?

19 Gumamit ng mga salitang nakakaginhawa. Mag-isip muna bago magsalita. Nakakasakit ang hindi pinag-isipang salita. Pero nakakaginhawa ang mabait na pananalita. (Kaw. 12:18) Kaya manalangin kay Jehova na tulungan kang makaisip ng mga salitang mabait at nakakapagpatibay. Tandaan na wala nang pananalitang higit na makakapagpatibay kundi ang mga ginamit mismo ni Jehova sa Bibliya.—Heb. 4:12.

20. Ano ang maaaring isipin ng ilan tungkol sa kanilang sarili dahil sa kanilang masasaklap na karanasan, at ano ang puwede nating ipaalaala sa kanila?

20 Baka iniisip ng isang naabuso na siya ay marumi o walang halaga, na walang nagmamahal sa kaniya, at hindi siya karapat-dapat mahalin. Pero hindi iyan totoo! Kaya gamitin ang Bibliya para ipaalaala sa kaniya kung gaano siya kamahal ni Jehova. (Tingnan ang kahong “ Tulong Mula sa Kasulatan.”) Alalahanin kung paano pinatibay ng anghel si propeta Daniel noong nanlulumo ito. Gusto ni Jehova na malaman ng propeta na mahal na mahal niya ito. (Dan. 10:2, 11, 19) Mahal na mahal din ni Jehova ang nagdurusa nating mga kapatid!

21. Ano ang mangyayari sa mga di-nagsisising nagkasala, at ano ang dapat nating gawin para sa mga biktima ng pang-aabuso?

21 Sa pagtulong sa iba, naipapaalaala natin sa kanila na mahal sila ni Jehova. At huwag nating kalilimutang si Jehova ay isa ring Diyos ng katarungan. Walang pang-aabusong maililihim sa kaniya. Nakikita ni Jehova ang lahat, at titiyakin niyang mapaparusahan ang mga di-nagsisising nagkasala. (Bil. 14:18) Samantala, gawin natin ang ating makakaya para makapagpakita ng pagmamahal sa mga biktima ng pang-aabuso. Nakakapagpatibay malaman na sa hinaharap, permanenteng aalisin ni Jehova ang pagdurusa nila na idinulot ni Satanas at ng sanlibutang ito! Malapit nang dumating ang panahon na hindi na nila maaalaala pa ang masaklap nilang karanasan.—Isa. 65:17.

AWIT 109 Umibig Nang Masidhi Mula sa Puso

^ par. 5 Ang mga biktima ng seksuwal na pang-aabuso noong bata pa ay posibleng nagdurusa pa rin kahit lumipas na ang maraming taon. Tutulungan tayo ng artikulong ito na maintindihan kung bakit. Tatalakayin din natin kung sino ang makakatulong sa kanila at kung paano sila matutulungan.

^ par. 11 Personal na desisyon ng biktima ng pang-aabuso kung magpapatingin siya sa doktor o hindi.

^ par. 76 LARAWAN: Pinapatibay ng may-gulang na sister ang kapatid na nagdurusa.

^ par. 78 LARAWAN: Dinalaw ng dalawang elder ang sister na nagdurusa. Naroon din ang may-gulang na sister.