Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 21

Pinapahalagahan Mo Ba ang mga Regalo ng Diyos?

Pinapahalagahan Mo Ba ang mga Regalo ng Diyos?

“Napakarami mong ginawa, O Jehova na aking Diyos, ang iyong kamangha-manghang mga gawa at ang mga iniisip mo para sa amin.”​—AWIT 40:5.

AWIT 5 Mga Kamangha-manghang Gawa ng Diyos

NILALAMAN *

1-2. Gaya ng binabanggit sa Awit 40:5, ano ang mga iniregalo ni Jehova sa atin, at bakit natin tatalakayin ang mga ito?

BUKAS-PALAD na Diyos si Jehova. Pag-isipan ang ilang regalong ibinigay niya sa atin: ang maganda at natatangi nating tahanan, ang lupa; ang kamangha-mangha nating utak; at ang Salita niya, ang Bibliya. Dahil sa tatlong regalong ito, nagkaroon tayo ng tirahan, ng kakayahang mag-isip at makipag-usap, at ng sagot sa pinakamahahalagang tanong natin.​—Basahin ang Awit 40:5.

2 Tatalakayin sa artikulong ito ang tatlong regalong iyan. Kapag binulay-bulay natin ang mga ito, mas mapapahalagahan natin ito at mas gugustuhin nating mapasaya ang ating maibiging Maylalang, si Jehova. (Apoc. 4:11) Mas matutulungan din natin ang mga nailigaw ng maling turo ng ebolusyon.

ANG NATATANGI NATING PLANETA

3. Bakit natatangi ang lupa?

3 Kitang-kita ang karunungan ng Diyos sa pagkakagawa niya sa ating tahanan, ang lupa. (Roma 1:20; Heb. 3:4) Hindi lang ang planeta natin ang umiikot sa araw, pero natatangi ito dahil may kakayahan itong sumuporta sa buhay ng tao.

4. Bakit natin masasabing nakakahigit ang lupa kaysa sa anumang bangka?

4 Ang lupa ay parang isang bangkang nakalutang sa karagatan. Pero malaki ang pagkakaiba ng lupa at ng bangkang punô ng tao. Halimbawa, magtatagal kaya ang buhay ng mga tao sa isang bangka kung sila mismo ang maglalaan ng sarili nilang oxygen, pagkain, at tubig at kung wala silang mapagtatapunan ng mga basura nila? Siguradong hindi. Sa kabaligtaran, bilyon-bilyon ang nananatiling buháy sa lupa. Naglalaan ang lupa ng oxygen, pagkain, at tubig na kailangan natin, at hindi tayo nauubusan ng mga ito. Kahit nananatili sa lupa ang mga waste product nito, maganda pa rin ito at puwede pa ring tirhan. Bakit? Dahil dinisenyo ni Jehova ang lupa na may kakayahang gamitin ulit ang mga bagay na patapon na sana. Tatalakayin natin kung paano makikita ang karunungan ni Jehova sa cycle ng oxygen at ng tubig.

5. Ano ang oxygen cycle, at ano ang pinapatunayan nito?

5 Ang oxygen ay isang gas na kailangan ng mga tao at hayop para mabuhay. Sa loob ng isang taon, tinatayang 100 bilyong tonelada ng oxygen ang nilalanghap ng mga nilalang na ito. Ang mga ito rin ay naglalabas ng waste product na tinatawag na carbon dioxide. Pero hindi nauubos ang oxygen at hindi rin napupuno ng carbon dioxide ang atmospera. Bakit? Dahil lumikha rin si Jehova ng mga puno at halaman na kumukuha ng carbon dioxide at naglalabas ng oxygen. Kaya pinapatunayan ng oxygen cycle ang sinasabi sa Gawa 17:24, 25: ‘Ang Diyos ang nagbibigay sa lahat ng tao ng buhay at hininga.’

6. Ano ang water cycle, at ano ang pinapatunayan nito? (Tingnan din ang kahong “ Water Cycle—Regalo ni Jehova.”)

6 Likido ang tubig natin dahil tamang-tama ang distansiya ng lupa mula sa araw. Kung napalapit ito nang kaunti, matutuyo ang lahat ng tubig dahil sa init at walang mabubuhay sa lupa. Kung napalayo naman ito nang kaunti, magyeyelo ang lahat ng tubig at matatakpan ng yelo ang lupa. Inilagay ni Jehova ang lupa sa tamang lokasyon kaya napapanatili ng water cycle ang buhay sa lupa. Dahil sa araw, umiinit ang tubig sa mga karagatan at sa lupa at nag-e-evaporate ito para maging ulap. Taon-taon, halos 500,000 cubic kilometer ng tubig ang nag-e-evaporate. Ang tubig na nag-evaporate ay nananatili sa atmospera nang mga 10 araw bago maging ulan o snow. Pagkatapos, babalik ito sa mga karagatan at sa iba pang anyo ng tubig, at mauulit ang cycle. Dinisenyo ni Jehova ang cycle na ito para laging may tubig sa lupa. Pinapatunayan nito na si Jehova ay marunong at makapangyarihan.​—Job 36:27, 28; Ecles. 1:7.

7. Ano ang ilang paraan para maipakitang pinapahalagahan natin ang regalong binabanggit sa Awit 115:16?

7 Ano ang tutulong sa atin para magkaroon ng pagpapahalaga sa kahanga-hanga nating planeta at sa lahat ng magagandang bagay na narito? (Basahin ang Awit 115:16.) Ang isang paraan ay ang pagbubulay-bulay sa mga ginawa ni Jehova. Mapapakilos tayo nitong pasalamatan siya araw-araw para sa mga ibinibigay niya sa atin. At maipapakita nating pinapahalagahan natin ang lupa kung pananatilihin nating malinis ang lugar na tinitirhan natin.

ANG KAMANGHA-MANGHA NATING UTAK

8. Bakit natin masasabing kamangha-mangha ang pagkakadisenyo sa utak natin?

8 Kamangha-mangha ang pagkakadisenyo sa utak ng tao. Nasa tiyan ka pa lang ng nanay mo, nakaplano na ang disenyo ng utak mo at libo-libong brain cell ang nabubuo rito kada minuto! Tinataya ng mga mananaliksik na ang utak ng isang adulto ay may halos 100 bilyong cell na tinatawag na neuron. Ang mga cell na ito ang bumubuo sa utak natin, na may timbang na 1.5 kilo. Talakayin natin ang ilan sa mga nagagawa ng utak.

9. Ano ang nagpapatunay na ang kakayahan nating magsalita ay regalo ng Diyos?

9 Isang himala ang kakayahan nating magsalita. Pag-isipan ang nangyayari kapag nagsasalita tayo. Sa bawat salitang sinasabi mo, pinapagalaw ng utak mo ang mga 100 muscle sa iyong dila, lalamunan, labi, panga, at dibdib. Dapat na nasa tamang pagkakasunod-sunod ang paggalaw ng mga ito para maintindihan ang sinasabi mo. Ipinakita ng isang pag-aaral na inilathala noong 2019 na ang bagong-silang na mga sanggol ay nakakakilala na ng mga salita. Sinusuportahan nito ang paniniwala ng maraming mananaliksik—na ipinanganak tayong may kakayahang makakilala at matuto ng mga wika. Oo, ang kakayahan nating magsalita ay regalo ng Diyos.​—Ex. 4:11.

10. Paano natin maipapakitang pinapahalagahan natin ang kakayahang magsalita?

10 Maipapakita nating pinapahalagahan natin ang kakayahang magsalita kung ipapaliwanag natin sa mga naniniwala sa ebolusyon ang tungkol sa paglalang. (Awit 9:1; 1 Ped. 3:15) Naniniwala ang mga ito na walang nagdisenyo sa lupa at sa mga nabubuhay rito. Kung gagamitin natin ang Bibliya at ang mga puntong tinalakay sa artikulong ito, maipagtatanggol natin ang ating Ama sa langit at maipapaliwanag sa mga nakikinig kung bakit tayo kumbinsidong si Jehova ang Maylalang ng langit at lupa.​—Awit 102:25; Isa. 40:25, 26.

11. Ano ang isang dahilan kung bakit kahanga-hanga ang utak natin?

11 Kahanga-hanga ang kakayahan nating makaalala. Noon, tinataya ng isang awtor na kayang tandaan ng utak natin ang impormasyong katumbas ng 20 milyong aklat. Pero ngayon, sinasabing mas marami na tayong kayang tandaan. Dahil sa memoryang ito, nagkaroon pa tayo ng isang kakayahan.

12. Paano tayo naiiba sa lahat ng nilalang sa lupa?

12 Sa lahat ng nilalang sa lupa, mga tao lang ang may kakayahang matuto sa nakaraan. Kapag binabalikan natin ang nakaraang mga pangyayari, natututo tayo at nababago natin ang ating pag-iisip at pamumuhay. (1 Cor. 6:9-11; Col. 3:9, 10) Ang totoo, puwede nating sanayin ang konsensiya natin na makilala ang tama at mali. (Heb. 5:14) Puwede tayong matutong magpakita ng pag-ibig, pagmamalasakit, at awa. Puwede rin nating matularan ang katarungan ni Jehova.

13. Ayon sa Awit 77:11, 12, paano natin dapat gamitin ang kakayahan nating makaalala?

13 Maipapakita nating pinapahalagahan natin ang kakayahan nating makaalala kung hindi natin kakalimutan ang tulong at pampatibay sa atin ni Jehova noon. Dahil dito, mas makakapagtiwala tayong tutulungan din niya tayo sa hinaharap. (Basahin ang Awit 77:11, 12; 78:4, 7) Makakapagpakita rin tayo ng pagpapahalaga kung hindi natin kakalimutan ang magagandang bagay na ginawa sa atin ng iba at kung pasasalamatan natin sila. Ayon sa isang pag-aaral, mas malamang na maging masaya ang mga taong mapagpasalamat. Maganda ring tularan si Jehova sa mga bagay na hindi niya tinatandaan. Halimbawa, perpekto ang memorya ni Jehova, pero kung nagsisisi tayo, pinapatawad niya tayo at kinakalimutan ang mga pagkakamali natin. (Awit 25:7; 130:3, 4) At ganiyan din ang gusto niyang gawin natin kapag may nakasakit sa atin na humihingi ng tawad.​—Mat. 6:14; Luc. 17:3, 4.

Maipapakita nating pinapahalagahan natin ang ating utak kung gagamitin natin ito para parangalan si Jehova (Tingnan ang parapo 14) *

14. Paano natin maipapakitang pinapahalagahan natin ang kamangha-mangha nating utak?

14 Maipapakita nating pinapahalagahan natin ang kamangha-mangha nating utak kung gagamitin natin ito para parangalan ang nagbigay nito sa atin. Ginagamit ito ng ilan para magtakda ng sarili nilang pamantayan ng tama at mali. Pero dahil si Jehova ang lumalang sa atin, makatuwiran lang isipin na nakakahigit ang pamantayan niya kaysa sa pamantayan ng tao. (Roma 12:1, 2) Payapa tayo kapag sinusunod natin ang pamantayan ni Jehova. (Isa. 48:17, 18) Nalalaman din natin ang gusto niyang gawin natin—ang parangalan at pasayahin ang ating Maylalang at Ama.​—Kaw. 27:11.

ANG BIBLIYA—ISANG NAPAKAHALAGANG REGALO

15. Bakit ang pagbibigay ni Jehova ng Bibliya sa atin ay nagpapakitang mahal niya tayo?

15 Ang Bibliya ay regalo ng Diyos. Ipinasulat ito ng ating Ama sa langit dahil mahal na mahal niya tayo. Sa tulong ng Bibliya, ipinaalám ni Jehova ang sagot sa pinakamahahalagang tanong natin, gaya ng: Saan tayo nagmula? Ano ang layunin ng buhay? At ano ang mangyayari sa hinaharap? Gusto ni Jehova na malaman ng lahat ng anak niya ang sagot sa mga tanong na iyan, kaya ipinasalin niya ang Bibliya sa maraming wika. Ngayon, makukuha na sa mahigit 3,000 wika ang buong Bibliya o ang ilang bahagi nito! Sa buong kasaysayan, ang Bibliya ang aklat na may pinakamaraming salin at kopyang naipamahagi. Saanman nakatira ang mga tao o anuman ang wika nila, ang karamihan ay may pagkakataong malaman ang mensahe ng Bibliya sa sarili nilang wika.​—Tingnan ang kahong “ Paggawa ng Bibliya sa mga Wika sa Africa.”

16. Batay sa Mateo 28:19, 20, paano natin mapapatunayang pinapahalagahan natin ang Bibliya?

16 Mapapatunayan nating pinapahalagahan natin ang Bibliya kung babasahin natin ito araw-araw, bubulay-bulayin ang itinuturo nito, at gagawin ang ating buong makakaya para masunod ang natututuhan natin. Maipapakita rin natin ang pasasalamat sa Diyos kung gagawin natin ang lahat para masabi sa pinakamaraming tao ang mensahe nito.​—Awit 1:1-3; Mat. 24:14; basahin ang Mateo 28:19, 20.

17. Anong mga regalo ang natalakay na natin, at ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

17 Natalakay na natin ang mga regalo ng Diyos gaya ng tahanan natin, ang lupa; ang kamangha-mangha nating utak; at ang Salita ng Diyos, ang Bibliya. Pero may iba pang regalo si Jehova na hindi natin nakikita. Tatalakayin natin ang mga ito sa susunod na artikulo.

AWIT 12 Dakilang Diyos, Jehova

^ par. 5 Sa artikulong ito, lalo nating mapapahalagahan si Jehova at ang tatlo sa mga regalong ibinigay niya sa atin. Tutulungan din tayo nitong mangatuwiran sa mga nagdududa sa pag-iral ng Diyos.

^ par. 64 LARAWAN: Isang sister na nag-aaral ng ibang wika para maituro sa mga dayuhan ang katotohanan sa Salita ng Diyos.