Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Ginamit ba ang papiro sa paggawa ng mga bangka noong panahon ng Bibliya?

Halamang papiro

ALAM ng marami na papiro ang pangunahing materyal na pinagsusulatan sa sinaunang Ehipto. Nagsulat din sa papiro * ang mga Griego at Romano. Pero ang hindi alam ng marami, bukod sa pagsusulat, ginamit din iyon sa paggawa ng bangka.

Dalawang replika ng bangkang papiro na nakita sa loob ng libingan ng mga Ehipsiyo

Mahigit 2,500 taon na ang nakakaraan, isinulat ni propeta Isaias na ang mga nakatira “sa rehiyon ng mga ilog ng Etiopia” ay nagpadala ng ‘mga sugo na dumaan sa dagat, sakay ng mga bangkang papiro.’ Nang maglaon, inihula ni propeta Jeremias na kapag sinalakay ng mga Medo at mga Persiano ang lunsod ng Babilonya, susunugin nila ang “mga bangkang papiro” ng mga Babilonyo para hindi makatakas ang mga ito.​—Isa. 18:1, 2; Jer. 51:32.

Ang Bibliya ay mula sa Diyos, kaya hindi na nagtaka ang mga nag-aaral ng Bibliya nang matuklasan na talagang ginagamit ang papiro sa paggawa ng mga bangka noong panahon ng Bibliya. (2 Tim. 3:16) Ano ang nadiskubre ng mga arkeologo? Nakakita sila ng detalyadong ebidensiya kung paano ginagawa ang bangkang papiro sa Ehipto.

PAANO GINAGAWA ANG BANGKANG PAPIRO?

Sa libingan ng mga Ehipsiyo, may mga painting at mga ukit sa pader na nagpapakita kung paano sila nangunguha ng papiro at ginagawa itong mga bangka. Ang mga lalaki ay magpuputol ng mga tangkay ng papiro, ibubungkos ang mga iyon, pagsasama-samahin ang mga bungkos, at itatali nang mahigpit. Patatsulok ang mga tangkay ng papiro. Kaya kapag pinagsama-sama ang mga iyon at itinali nang mahigpit, nagiging siksik at napakatibay ng bungkos. Ayon sa aklat na A Companion to Ancient Egypt, ang haba ng mga bangkang papiro ay puwedeng lumampas nang 17 metro, kaya 10 o 12 sagwan ang kasya sa bawat panig.

Mga ukit sa pader sa Ehipto na nagpapakita kung paano ginagawa ang bangkang papiro

BAKIT GUMAMIT NG PAPIRO ANG MGA GUMAGAWA NG BANGKA?

Maraming papiro sa Lambak ng Nilo. Madali ring gawin ang mga bangkang papiro. Kahit na kahoy na ang pangunahing ginagamit sa paggawa ng malalaking bangka, lumilitaw na gumagamit pa rin ng mga balsa at maliliit na bangkang papiro ang mga mangingisda at mangangaso.

Matagal na ginamit noon ang mga bangkang papiro. Ayon sa Griegong awtor na si Plutarch, na nabuhay sa pagitan ng una at ikalawang siglo C.E., pamilyar pa rin sa mga balsang papiro ang mga mambabasa noong panahon niya.

^ par. 3 Tumutubo ang halamang papiro sa mga latian at katubigan na di-gaanong umaagos. Tumataas ito nang hanggang mga 5 metro, at puwedeng umabot nang mga 15 sentimetro ang diyametro ng pinakaibaba ng tangkay nito.