Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TALAMBUHAY

“Napakarami Kong Natutuhan sa Iba!”

“Napakarami Kong Natutuhan sa Iba!”

NAPAKADILIM ng gabing iyon sa kabundukan ng Algeria, kung saan kami nagkakampo ng mga kasamahan kong sundalo sa French army. Napakatindi ng bakbakan noon sa Algeria. Habang hawak ang machine gun, mag-isa akong nagbabantay sa puwesto ko—sa likod ng patong-patong na sako ng buhangin. Pero may biglang kumaluskos. May papalapit sa akin. Takot na takot ako. Napakabata ko pa at ayaw kong pumatay o mamatay. Nasabi ko, “Diyos ko po!”

Binago ng nakakatakot na pangyayaring iyon ang buhay ko dahil noon ko unang naisip ang Diyos. Pero bago ko sabihin kung ano ang nangyari noong gabing iyon, ikukuwento ko muna ang mga karanasan ko noong bata pa ako na naging dahilan kung bakit ko ginustong makilala ang Diyos.

MGA NATUTUHAN KO SA TATAY KO

Ipinanganak ako noong 1937 sa Guesnain, isang bayan na may minahan sa northern France. Minero ng karbon ang tatay ko, at natutuhan ko sa kaniya na mahalagang maging masipag. Natutuhan ko rin sa kaniya na ipaglaban ang katarungan. Naging tagapagtanggol siya ng mga minerong naaagrabyado. Sa kagustuhan niyang matulungan sila, sumali si Tatay sa mga unyon at welga. Dismayado din siya sa mga pari na puro pakitang-tao lang. Maalwan na ang buhay ng marami sa kanila, pero hinihingan pa nila ng pagkain at pera ang mga minerong hirap na hirap sa buhay. Sa sobrang inis ni Tatay sa ginagawa ng mga pari, hindi niya ako tinuruan tungkol sa relihiyon. Kahit minsan, hindi namin napag-usapan ang tungkol sa Diyos.

Habang lumalaki ako, tumitindi rin ang galit ko kapag may naaapi. Kasama diyan ang mababang tingin ng mga tao sa mga foreigner na nakatira sa France. Nakikipaglaro ako ng soccer sa mga anak ng foreigner, at masaya silang kasama. Polish din kasi ang nanay ko, hindi French. Pangarap kong magkaisa at magkapantay-pantay ang mga tao, anuman ang lahi nila.

NAGSIMULA AKONG MAG-ISIP TUNGKOL SA KAHULUGAN NG BUHAY

Noong nasa army ako

Ipinatawag ako para magsundalo noong 1957. Iyan ang dahilan kaya ako napadpad sa kabundukan ng Algeria, na ikinuwento ko kanina. Noong gabing iyon, pagkasabi ko ng “Diyos ko po!” isang wild donkey ang sumulpot sa harapan ko at hindi kalabang sundalo! Nakahinga ako nang maluwag! Pero dahil sa pangyayaring iyon—at dahil na rin sa digmaan—nagsimula akong mag-isip tungkol sa kahulugan ng buhay. Bakit ba tayo nandito? Nagmamalasakit ba ang Diyos sa atin? Magkakaroon pa kaya ng kapayapaan?

Noong naka-leave ako sa army at nasa bahay ng mga magulang ko, may nakilala akong isang Saksi ni Jehova. Binigyan niya ako ng kopya ng La Sainte Bible, isang Katolikong Bible na isinalin sa French. Binasa ko iyon pagbalik ko sa Algeria. Napaisip ako sa sinasabi sa Apocalipsis 21:3, 4: “Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan . . . At papahirin niya ang bawat luha sa mga mata nila, at mawawala na ang kamatayan, pati ang pagdadalamhati at ang pag-iyak at ang kirot.” * Nagulat ako. Naisip ko, ‘Totoo kaya ito?’ Wala akong kaalam-alam noon tungkol sa Diyos at sa Bibliya.

Nang umalis ako sa army noong 1959, nakilala ko ang Saksi na si François at marami siyang itinuro sa akin na katotohanan sa Bibliya. Halimbawa, ipinakita niya sa akin sa Bibliya na Jehova ang pangalan ng Diyos. (Awit 83:18) Sinabi rin niya na kikilos si Jehova para magkaroon ng katarungan sa lupa, gawin itong paraiso, at tuparin ang sinasabi sa Apocalipsis 21:3, 4.

Nakita kong posible talagang mangyari ang mga sinabi niya, at tumagos iyon sa puso ko. Pero kasabay nito, nagalit din ako nang husto sa mga pari at gusto kong ibulgar na nagtuturo sila ng mga bagay na wala sa Bibliya! Parang apektado pa rin ako ng pananaw ng tatay ko, at gusto kong ipaglaban ang katarungan. Gusto ko nang kumilos agad!

Tinulungan ako ni François at ng iba ko pang bagong kaibigang Saksi na maging kalmado. Sinabi nila na bilang mga Kristiyano, hindi natin tungkulin na humatol, kundi ang sabihin sa iba ang mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos para magkaroon sila ng pag-asa. Iyan ang ginawa ni Jesus at iyan din ang ipinapagawa niya sa mga tagasunod niya. (Mat. 24:14; Luc. 4:43) Kailangan ko ring matutuhang maging mabait at mataktika kapag nakikipag-usap sa mga tao, anuman ang paniniwala nila. Sinasabi ng Bibliya: “Ang alipin ng Panginoon ay hindi kailangang makipag-away, kundi kailangang maging mabait sa lahat.”​—2 Tim. 2:24.

Binago ko ang mga kailangang baguhin at nagpabautismo bilang Saksi ni Jehova noong 1959 sa isang circuit assembly. Nakilala ko doon ang sister na si Angèle, na nagustuhan ko. Nagsimula akong makidalo sa kongregasyon nila, at nagpakasal kami noong 1960. Napakahusay niyang sister at asawa, at mahalagang regalo siya mula kay Jehova.​—Kaw. 19:14.

Nang ikasal kami

MARAMI AKONG NATUTUHAN SA MARURUNONG AT MAKARANASANG BROTHER

Sa nakalipas na mga taon, marami akong mahahalagang aral na natutuhan sa marurunong at makaranasang brother. Ito ang isa sa pinakamahalagang natutuhan ko: Para magtagumpay sa anumang mahirap na atas, kailangan tayong maging mapagpakumbaba at sundin ang sinasabi sa Kawikaan 15:22: “Nagtatagumpay [ang plano] kapag marami ang tagapayo.”

Noong nasa circuit work sa France, 1965

Noong 1964, nakita ko kung gaano katotoo ang mga salitang iyon. Nang taóng iyon, naging circuit overseer ako at dumalaw sa mga kongregasyon para patibayin ang mga kapatid. Pero 27 pa lang ako noon at kulang pa sa karanasan, kaya nagkakamali ako. Pero sinikap kong matuto sa mga iyon. Higit sa lahat, marami akong natutuhang mahahalagang aral mula sa mahuhusay at makaranasang “tagapayo.”

Naalala ko tuloy ang isang pangyayari noong bago pa lang akong circuit overseer. Pagkatapos ng dalaw ko sa isang kongregasyon sa Paris, tinanong ako ng isang makaranasang brother kung puwede niya akong makausap. “Sige,” ang sabi ko.

Nagtanong siya, “Louis, kapag pumupunta sa bahay ang isang doktor, sino ba ang sadya niya?”

“Y’ong maysakit,” ang sagot ko.

Sinabi niya: “Tama. Pero napansin ko na mga kapatid na malalakas sa espirituwal ang lagi mong kasama, gaya ng congregation overseer. Maraming kapatid sa kongregasyon na pinanghihinaan ng loob, baguhan, o mahiyain. Matutuwa sila kung makakasama ka nila o kung pupunta ka pa nga sa bahay nila para makasalo sa pagkain.”

Ipinagpapasalamat ko ang payo ng brother na iyon. Damang-dama ko ang pagmamahal niya sa mga tupa ni Jehova. Kaya nilunok ko ang pride ko at sinunod agad ang payo niya. Nagpapasalamat ako kay Jehova dahil may ganoong mga brother.

Noong 1969 at 1973, inatasan akong maging overseer ng Food Service Department sa dalawang international convention sa Colombes, Paris. Sa convention noong 1973, mga 60,000 ang kailangang pakainin sa loob ng limang araw! Hindi ko alam kung paano namin gagawin iyon. Pero siyempre, nakatulong ulit ang Kawikaan 15:22—magtanong sa marurunong. Nagpatulong ako sa makaranasang mga brother na marunong sa food industry, kasama na ang mga nagtitinda ng karne, may taniman ng gulay, kusinero, at mga tagapamili. Sama-sama naming naisagawa ang napakalaking atas na ito.

Noong 1973, inimbitahan kaming mag-asawa na maglingkod sa Bethel sa France. Mabigat din ang unang atas ko doon. Kailangan kong mapadalhan ng literatura ang mga kapatid sa Cameroon, isang bansa sa Africa kung saan ipinagbawal ang gawain natin mula 1970 hanggang 1993. Nag-alala ako ulit kung paano ko gagawin iyon. Siguro nahalata iyon ng branch overseer noon sa France, kaya pinatibay niya ako: “Kailangang-kailangan ng mga kapatid sa Cameroon ang espirituwal na pagkain. Pakainin natin sila!” At iyon nga ang ginawa namin.

Special meeting sa Nigeria kasama ang mga kapatid mula sa Cameroon, 1973

Ilang beses akong nagpabalik-balik sa mga bansang nakapalibot sa Cameroon para makipagkita sa mga elder mula sa bansang iyon. Malalakas ang loob at marurunong ang mga brother na iyon. Tinulungan nila akong makagawa ng paraan para regular na makapagsuplay ng espirituwal na pagkain sa Cameroon. Pinagpala ni Jehova ang mga pagsisikap namin. Ang totoo, sa loob ng mga 20 taon, wala kahit isang isyu ng Bantayan at ng buwanang publikasyon na dating tinatawag na Ating Paglilingkod sa Kaharian ang hindi nakarating sa Cameroon.

Kami ni Angèle at ang mga circuit overseer at asawa nila mula sa Cameroon nang dumalaw kami sa Nigeria, 1977

MARAMI AKONG NATUTUHAN SA MAHAL KONG ASAWA

Noong kinikilala pa lang namin ang isa’t isa, napansin ko agad na mahusay ang espirituwalidad ni Angèle. Lalo kong nakita iyon noong mag-asawa na kami. Ang totoo, kinagabihan, pagkatapos ng kasal namin, hiniling niyang ipanalangin namin ang kagustuhan naming paglingkuran si Jehova sa abot ng aming makakaya bilang mag-asawa. Sinagot iyon ni Jehova.

Natulungan din ako ni Angèle na mas magtiwala kay Jehova. Halimbawa, noong 1973, nang imbitahan kaming maglingkod sa Bethel, nagdalawang-isip ako kasi gustong-gusto ko ang circuit work. Pero ipinaalala sa akin ni Angèle na inialay na namin kay Jehova ang buhay namin, at dapat lang naming gawin ang anumang ipinapagawa ng organisasyon niya. (Heb. 13:17) Paano ko naman kokontrahin iyon? Kaya napunta kami sa Bethel. Sa buong panahon ng pagsasama namin, nakita ko ang pagiging marunong at balanse ng asawa ko at ang pagmamahal niya kay Jehova. Nakatulong ang mga iyon para tumibay ang pagsasama namin at makagawa kami ng magagandang desisyon.

Kasama si Angèle sa hardin ng Bethel sa France

Ngayong nagkakaedad na kami, ganoon pa rin si Angèle—isang mahusay at supportive na asawa. Halimbawa, para makapag-aral sa mga theocratic school, na madalas ay sa English, sinikap namin ni Angèle na maging mas mahusay sa wikang iyon. Kaya lumipat kami sa English congregation, kahit nasa mid-70’s na kami noon. Dahil sa mga responsibilidad ko bilang miyembro ng Branch Committee sa France, hindi iyon ganoon kadali. Pero nagtulungan kami ni Angèle. Ngayong nasa 80’s na kami, pinaghahandaan pa rin namin ang mga pulong sa English at French. Hangga’t kaya namin, madalas kaming nagkokomento sa mga pulong at sumasama sa ministeryo. Pinagpala ni Jehova ang pagsisikap naming mag-aral ng English.

Isang napakalaking pagpapala ang natanggap namin noong 2017. Nagkapribilehiyo kami ni Angèle na mag-aral sa School for Branch Committee Members and Their Wives, na ginanap sa Watchtower Educational Center sa Patterson, New York.

Si Jehova talaga ang Dakilang Tagapagturo. (Isa. 30:20) Kaya hindi na nakakagulat na lahat tayo—bata man o matanda—ay tumatanggap ng pinakamahusay na edukasyon! (Deut. 4:5-8) Napatunayan kong kapag nakinig kay Jehova at sa mga makaranasang kapatid ang mga kabataan, susulong sila sa espirituwal at magiging matagumpay na mga adulto. Sinasabi sa Kawikaan 9:9: “Turuan mo ang marunong, at magiging mas marunong pa siya. Turuan mo ang matuwid, at lalago ang kaalaman niya.”

Kung minsan, naiisip ko pa rin ang madilim at nakakatakot na gabing iyon sa kabundukan ng Algeria mga 60 taon na ang nakakalipas. Sino ang makakapagsabing magiging ganito kasaya ang buhay ko? Napakarami kong natutuhan sa iba! Kami ni Angèle ay binigyan ni Jehova ng masaya at makabuluhang buhay. Kaya determinado kaming patuloy na matuto sa ating Ama sa langit at sa marurunong at makaranasang kapatid na umiibig kay Jehova.

^ par. 11 Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan.