Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 19

Walang Makakatisod sa mga Matuwid

Walang Makakatisod sa mga Matuwid

“Ang saganang kapayapaan ay para sa mga umiibig sa kautusan mo; walang makakatisod sa kanila.”​—AWIT 119:165.

AWIT 122 Magpakatatag!

NILALAMAN *

1-2. Ano ang sinabi ng isang manunulat, at ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?

MILYON-MILYON sa ngayon ang nagsasabing naniniwala sila kay Jesus, pero hindi naman nila tinatanggap ang mga turo niya. (2 Tim. 4:3, 4) Sa katunayan, sinabi ng isang manunulat: “Kung may isa pang ‘Jesus’ sa panahon natin na magsasabi ng mga bagay na sinabi ng orihinal na Jesus noon . . . , tatanggihan ba natin siya ngayon gaya ng ginawa natin dalawang libong taon na ang nakakaraan? . . . Ang sagot ay: Oo.”

2 Noong unang siglo, marami ang nakarinig sa mga turo ni Jesus at nakakita sa mga ginawa niyang himala, pero hindi sila nanampalataya sa kaniya. Bakit? Sa naunang artikulo, tinalakay natin ang apat na dahilan kung bakit natisod ang mga tao sa sinabi at ginawa ni Jesus. Talakayin naman natin ang apat pang dahilan at kung bakit tinatanggihan ng mga tao sa ngayon ang mga tagasunod ni Jesus at kung paano natin maiiwasang matisod.

(1) HINDI NAGTATANGI SI JESUS

Marami ang natisod dahil sa pinili ni Jesus na maging kasama. Bakit masasabing iyan din ang ikinatitisod ng ilan sa ngayon? (Tingnan ang parapo 3) *

3. Ano ang ginawa ni Jesus na ikinatisod ng ilan?

3 Noong nasa lupa si Jesus, nakipagsamahan siya sa lahat ng uri ng tao. Kumain siyang kasama ng mayayaman at makapangyarihan, pero madalas siyang kasama ng mahihirap at mga naaapi. Nagmalasakit din siya sa mga itinuturing na “makasalanan.” Sa ginawang ito ni Jesus, natisod ang ilang mapagmatuwid na tao. Tinanong nila ang mga alagad niya: “Bakit kayo kumakain at umiinom kasama ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?” Bilang sagot, sinabi ni Jesus: “Ang malulusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga maysakit. Dumating ako hindi para tawagin ang mga matuwid, kundi para akayin sa pagsisisi ang mga makasalanan.”​—Luc. 5:29-32.

4. Ayon kay propeta Isaias, ano ang dapat sanang inasahan ng mga Judio tungkol sa Mesiyas?

4 Ano ang sinasabi ng Kasulatan? Matagal pa bago dumating ang Mesiyas, sinabi na ni propeta Isaias na hindi tatanggapin si Jesus ng sanlibutan. Sinasabi ng hula: “Siya ay hinamak at iniwasan . . . Parang nakatago ang mukha niya sa amin. Hinamak siya, at winalang-halaga namin siya.” (Isa. 53:3) Inihula na iiwasan ang Mesiyas, kaya dapat sanang inasahan na ng mga Judio noon na hindi siya tatanggapin ng mga tao.

5. Ano ang tingin ng marami ngayon sa mga tagasunod ni Jesus?

5 Ganiyan din ba ang problema ngayon? Oo. Kapag ang isa ay prominente, mayaman, at itinuturing na marunong, tinatanggap agad siya ng mga lider ng relihiyon bilang miyembro nila. Ginagawa nila iyan kahit labag sa mga pamantayan ng Diyos ang moralidad at paraan ng pamumuhay ng bagong miyembrong iyon. Pero mababa naman ang tingin nila sa masisigasig at malinis sa moral na mga lingkod ni Jehova na hindi prominente sa sanlibutang ito. Gaya ng sinabi ni Pablo, pinili ng Diyos ang “mga minamaliit.” (1 Cor. 1:26-29) Pero para kay Jehova, napakahalaga ng lahat ng tapat na lingkod niya.

6. Paano natin matutularan si Jesus, gaya ng mababasa sa Mateo 11:25, 26?

6 Paano natin maiiwasang matisod? (Basahin ang Mateo 11:25, 26.) Huwag gayahin ang pananaw ng sanlibutan sa bayan ng Diyos. Tandaan na mga mapagpakumbaba lang ang ginagamit ni Jehova para gawin ang kalooban niya. (Awit 138:6) At isipin kung gaano karami ang naisagawa niya dahil ginamit niya ang mga hindi itinuturing na matalino ng sanlibutang ito.

(2) INILANTAD NI JESUS ANG MGA MALING TURO

7. Bakit tinawag ni Jesus na mapagkunwari ang mga Pariseo, at ano ang reaksiyon nila?

7 Walang takot na kinondena ni Jesus ang pakitang-taong mga gawain ng mga relihiyon noong panahon niya. Halimbawa, inilantad niya ang pagiging mapagkunwari ng mga Pariseo; mas mahalaga pa sa kanila ang paghuhugas ng mga kamay nila kaysa sa pag-aalaga sa mga magulang nila. (Mat. 15:1-11) Nagulat siguro ang mga alagad ni Jesus sa sinabi niya. Kaya tinanong nila siya: “Alam mo bang hindi nagustuhan ng mga Pariseo ang sinabi mo?” Sumagot si Jesus: “Bawat pananim na hindi itinanim ng Ama kong nasa langit ay bubunutin. Pabayaan ninyo sila. Sila ay bulag na mga tagaakay. At kung isang taong bulag ang umaakay sa taong bulag, pareho silang mahuhulog sa hukay.” (Mat. 15:12-14) Hindi hinayaan ni Jesus ang negatibong reaksiyon ng mga lider ng relihiyon na mapahinto siya sa pagsasalita ng katotohanan.

8. Paano ipinakita ni Jesus na hindi lahat ng paniniwala ng mga relihiyon ay katanggap-tanggap sa Diyos?

8 Inilantad din ni Jesus ang mga maling turo ng relihiyon. Hindi niya sinabing katanggap-tanggap sa Diyos ang lahat ng paniniwala ng mga relihiyon. Sa halip, sinabi niyang marami ang lalakad sa malapad na daang papunta sa pagkapuksa, at kakaunti lang ang lalakad sa makitid na daang papunta sa buhay. (Mat. 7:13, 14) Nilinaw niya na may ilang parang naglilingkod sa Diyos pero hindi naman. Nagbabala siya: “Mag-ingat kayo sa huwad na mga propeta na lumalapit sa inyo na nakadamit-tupa, pero sa loob ay hayok na mga lobo. Makikilala ninyo sila sa mga bunga nila.”​—Mat. 7:15-20.

Marami ang natisod dahil sa paglalantad ni Jesus ng mga maling turo at gawain. Bakit masasabing iyan din ang ikinatitisod ng ilan sa ngayon? (Tingnan ang parapo 9) *

9. Ano ang ilang maling turo ng relihiyon na inilantad ni Jesus?

9 Ano ang sinasabi ng Kasulatan? Inihula ng Bibliya na mag-aalab ang sigasig ng Mesiyas para sa bahay ni Jehova. (Awit 69:9; Juan 2:14-17) Dahil sa sigasig na iyon, inilantad ni Jesus ang maling paniniwala at gawain ng mga relihiyon. Halimbawa, naniniwala ang mga Pariseo na imortal ang kaluluwa, pero itinuro ni Jesus na natutulog ang mga patay. (Juan 11:11) Hindi naniniwala ang mga Saduceo sa pagkabuhay-muli, pero binuhay-muli ni Jesus ang kaibigan niyang si Lazaro. (Juan 11:43, 44; Gawa 23:8) Naniniwala ang mga Pariseo na itinadhana na ng Diyos ang lahat ng bagay, pero itinuro ni Jesus na makakapili ang mga tao kung maglilingkod sila sa Diyos o hindi.​—Mat. 11:28.

10. Bakit marami ang natitisod sa mga turo natin?

10 Ganiyan din ba ang problema ngayon? Oo. Marami ang natitisod dahil inilalantad ng mga turo natin mula sa Bibliya ang mga maling turo ng relihiyon. Itinuturo ng mga lider ng relihiyon na pinaparusahan ng Diyos ang masasama sa impiyerno. Ginagamit nila ang maling turong iyan para patuloy na kontrolin ang mga tao. Bilang mga lingkod ni Jehova, na sumasamba sa Diyos ng pag-ibig, inilalantad natin ang maling turong iyan. Itinuturo din ng mga lider ng relihiyon na imortal ang kaluluwa. Inilalantad natin na ang doktrinang iyan ay galing sa mga pagano. Kung totoo ang turong iyan, hindi na kailangan ang pagkabuhay-muli. At di-gaya ng paniniwala ng maraming relihiyon tungkol sa tadhana, itinuturo natin na may kalayaang magpasiya ang isang tao kung maglilingkod siya sa Diyos o hindi. Ano ang reaksiyon ng mga lider ng relihiyon? Kadalasan, galit na galit sila!

11. Ayon sa sinabi ni Jesus sa Juan 8:45-47, ano ang hinihiling ng Diyos sa bayan niya?

11 Paano natin maiiwasang matisod? Kung iniibig natin ang katotohanan, dapat nating tanggapin ang pananalita ng Diyos. (Basahin ang Juan 8:45-47.) Di-gaya ni Satanas na Diyablo, naninindigan tayo sa katotohanan. Hinding-hindi natin ikokompromiso ang ating mga paniniwala. (Juan 8:44) Hinihiling ng Diyos sa bayan niya na ‘kamuhian ang masama’ at ‘ibigin ang mabuti,’ gaya ng ginawa ni Jesus.​—Roma 12:9; Heb. 1:9.

(3) PINAG-USIG SI JESUS

Marami ang natisod dahil sa pagkamatay ni Jesus sa tulos. Bakit masasabing iyan din ang ikinatitisod ng ilan sa ngayon? (Tingnan ang parapo 12) *

12. Bakit ikinatisod ng maraming Judio ang paraan ng pagkamatay ni Jesus?

12 Ano ang isa pang ikinatisod ng mga Judio noong panahon ni Jesus? Sinabi ni Pablo: “Ipinangangaral natin si Kristo na ipinako sa tulos, na isang katitisuran para sa mga Judio.” (1 Cor. 1:23) Bakit maraming Judio ang natisod sa paraan ng pagkamatay ni Jesus? Iniisip nilang dahil namatay si Jesus sa tulos, naging parang kriminal tuloy siya at makasalanan—at hindi Mesiyas.​—Deut. 21:22, 23.

13. Ano ang ayaw paniwalaan ng mga natisod kay Jesus?

13 Ayaw maniwala ng mga Judiong natisod kay Jesus na inosente siya, na mali ang paratang sa kaniya, at na di-makatarungan ang ginawang pagtrato sa kaniya. Walang pakialam sa katarungan ang mga lumilitis kay Jesus noon. Basta na lang nagkaroon ng pagdinig ang korte suprema ng mga Judio, at hindi nila sinunod ang batas tungkol sa paglilitis. (Luc. 22:54; Juan 18:24) Hindi naging patas ang mga hukom nang marinig nila ang mga paratang at ebidensiya laban kay Jesus. Naghanap pa nga sila ng “gawa-gawang testimonya laban kay Jesus para maipapatay siya.” Nang hindi iyan magtagumpay, gumawa ng paraan ang mataas na saserdote para may masabi si Jesus na magagamit nila laban sa kaniya. Labag iyon sa batas. (Mat. 26:59; Mar. 14:55-64) At nang buhaying muli si Jesus, ang mga sundalong Romanong nagbabantay sa libingan niya ay binayaran ng mga tiwaling hukom na iyon ng “maraming piraso ng pilak” para magkalat ng kasinungalingan kung bakit walang laman ang libingan.​—Mat. 28:11-15.

14. Ano ang inihula ng Kasulatan tungkol sa kamatayan ng Mesiyas?

14 Ano ang sinasabi ng Kasulatan? Hindi inaasahan ng maraming Judio noong panahon ni Jesus na kailangang mamatay ang Mesiyas, pero pansinin ang inihula sa Kasulatan: “Ibinuhos niya ang sarili niya hanggang sa kamatayan at itinuring na isa sa mga makasalanan; dinala niya ang kasalanan ng maraming tao, at namagitan siya para sa mga makasalanan.” (Isa. 53:12) Kaya walang dahilan ang mga Judio na matisod noong patayin si Jesus bilang makasalanan.

15. Anong mga akusasyon laban sa mga Saksi ni Jehova ang ikinatisod ng ilan?

15 Ganiyan din ba ang problema ngayon? Oo. Hindi naging makatarungan ang paratang at paghatol kay Jesus, at ganiyan din ang ginagawa sa mga Saksi ni Jehova. Pansinin ang ilang halimbawa. Noong 1930’s at 1940’s sa United States, paulit-ulit na kinuwestiyon sa mga korte ang kalayaan nating sumamba sa Diyos. Kitang-kita na hindi patas ang ilang hukom. Sa Quebec, Canada, nagsabuwatan ang Simbahan at Gobyerno para pahintuin ang gawain natin. Ibinilanggo ang maraming kapatid natin dahil lang sa sinabi nila sa iba ang tungkol sa Kaharian ng Diyos. Sa Nazi Germany, pinatay ang maraming kabataang brother ng walang-awang rehimeng iyon. At nitong nakaraang mga taon, hinatulan ang maraming kapatid natin sa Russia at ibinilanggo dahil sa pagtuturo ng Bibliya, na tinukoy bilang “ekstremistang gawain.” Ipinagbawal pa nga ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa wikang Russian at idineklara itong “ekstremistang babasahín” dahil gumagamit ito ng pangalang Jehova.

16. Ayon sa 1 Juan 4:1, bakit hindi tayo dapat maniwala sa mga kuwentong di-totoo tungkol sa bayan ni Jehova?

16 Paano natin maiiwasang matisod? Alamin ang buong katotohanan. Sa kaniyang Sermon sa Bundok, binabalaan ni Jesus ang mga tagapakinig niya na may ‘magpaparatang ng kung ano-anong masasamang bagay’ sa kanila. (Mat. 5:11) Galing kay Satanas ang mga kasinungalingang iyon. Iniimpluwensiyahan niya ang mga mang-uusig na magkalat ng mga kasinungalingan tungkol sa mga umiibig sa katotohanan. (Apoc. 12:9, 10) Hindi natin dapat pakinggan ang mga kasinungalingang iyon. Huwag na huwag nating hahayaang matakot tayo o humina ang ating pananampalataya dahil sa mga iyon.​—Basahin ang 1 Juan 4:1.

(4) TINRAIDOR SI JESUS AT INIWAN

Marami ang natisod dahil sa pagtatraidor ni Hudas kay Jesus. Bakit masasabing iyan din ang ikinatitisod ng ilan sa ngayon? (Tingnan ang parapo 17-18) *

17. Bakit natisod ang ilan dahil sa mga nangyari bago mamatay si Jesus?

17 Bago mamatay si Jesus, tinraidor siya ng isa sa 12 apostol. Tatlong beses naman siyang ikinaila ng isa pang apostol, at iniwan siya ng lahat ng apostol noong gabi bago siya mamatay. (Mat. 26:14-16, 47, 56, 75) Hindi ito ikinagulat ni Jesus. Inihula pa nga niya na mangyayari iyon. (Juan 6:64; 13:21, 26, 38; 16:32) Nang makita ito ng ilan, posibleng natisod sila, na sinasabi, ‘Kung ganiyan ang mga apostol ni Jesus, ayokong sumama sa kanila!’

18. Anong mga hula ang natupad noong malapit nang mamatay si Jesus?

18 Ano ang sinasabi ng Kasulatan? Daan-daang taon bago nito, isiniwalat ni Jehova sa kaniyang Salita na tatraidurin ang Mesiyas sa halagang 30 pirasong pilak. (Zac. 11:12, 13) Isa sa malalapít na kaibigan ni Jesus ang magtatraidor sa kaniya. (Awit 41:9) Isinulat din ni propeta Zacarias: “Saktan mo ang pastol, at hayaang mangalat ang kawan.” (Zac. 13:7) Sa halip na matisod sa mga pangyayaring ito, mapapalakas pa nga ang mga tapat-puso dahil nakikita nilang natutupad kay Jesus ang mga hulang ito.

19. Ano ang alam ng mga tapat-puso?

19 Ganiyan din ba ang problema ngayon? Oo. Sa panahon natin, may ilang kilaláng Saksi na umiwan sa katotohanan at naging apostata, at tinangka nilang italikod ang iba. Nagkakalat sila ng mga negatibong balita, mapandayang kuwento, at kasinungalingan tungkol sa mga Saksi ni Jehova gamit ang media at Internet. Pero hindi natitisod ang mga tapat-puso. Alam nilang inihula sa Bibliya na mangyayari ang mga iyon.​—Mat. 24:24; 2 Ped. 2:18-22.

20. Paano natin maiiwasang matisod ng mga umiwan sa katotohanan? (2 Timoteo 4:4, 5)

20 Paano natin maiiwasang matisod? Kailangan nating patuloy na patibayin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng regular na pag-aaral, laging pananalangin, at pananatiling busy sa gawaing ibinigay ni Jehova. (Basahin ang 2 Timoteo 4:4, 5.) Kung may pananampalataya tayo, hindi tayo magpa-panic kapag nakarinig tayo ng negatibong balita. (Isa. 28:16) Makakatulong ang pag-ibig kay Jehova, sa kaniyang Salita, at sa mga kapatid para maiwasan nating matisod ng mga umiwan sa katotohanan.

21. Kahit hindi tinatanggap ng karamihan ang mensahe natin, sa ano tayo makakapagtiwala?

21 Noong unang siglo, marami ang natisod at hindi tumanggap kay Jesus. Pero marami rin ang tumanggap sa kaniya. Kasama dito ang isa o higit pang miyembro ng Judiong Sanedrin at ‘maraming saserdote.’ (Gawa 6:7; Mat. 27:57-60; Mar. 15:43) Sa ngayon, milyon-milyon din ang hindi natitisod kay Jesus. Bakit? Dahil alam nila at iniibig ang katotohanang nasa Kasulatan. Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Ang saganang kapayapaan ay para sa mga umiibig sa kautusan mo; walang makakatisod sa kanila.”​—Awit 119:165.

AWIT 124 Ipakita ang Katapatan

^ par. 5 Sa naunang artikulo, tinalakay natin ang apat na dahilan kung bakit tinanggihan noon ng mga tao si Jesus at kung bakit tinatanggihan ngayon ang mga tagasunod niya. Sa artikulong ito, may apat pang dahilan tayong tatalakayin. Makikita din natin kung bakit hindi hinahayaan ng mga tapat-pusong umiibig kay Jehova na matisod sila.

^ par. 60 LARAWAN: Kumakain si Jesus kasama ni Mateo at ng mga maniningil ng buwis.

^ par. 62 LARAWAN: Pinapalayas ni Jesus ang mga negosyante sa templo.

^ par. 64 LARAWAN: Ipinapapasan kay Jesus ang pahirapang tulos.

^ par. 66 LARAWAN: Tinatraidor ni Hudas si Jesus sa pamamagitan ng isang halik.