Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 21

Apocalipsis—Ang Kahulugan Nito Para sa Kinabukasan Mo

Apocalipsis—Ang Kahulugan Nito Para sa Kinabukasan Mo

“Amen! Dumating ka nawa, Panginoong Jesus.”​—APOC. 22:20.

AWIT 142 Manalig sa Ating Pag-asa

NILALAMAN *

1. Anong mahalagang desisyon ang kailangang gawin ng lahat ng tao?

 MAY mahalagang desisyong kailangang gawin ang mga tao sa ngayon. Sino ang susuportahan nila? Ang Diyos na Jehova na karapat-dapat na Tagapamahala sa uniberso, o ang malupit niyang kaaway, si Satanas na Diyablo? Hindi puwedeng maging neutral ang bawat isa. Kailangan nilang pumili ng papanigan. May epekto kasi ang gagawin nilang desisyon sa magiging kinabukasan nila. (Mat. 25:31-33, 46) Sa “malaking kapighatian,” mamarkahan sila para sa kaligtasan o para sa pagkapuksa.​—Apoc. 7:14; 14:9-11; Ezek. 9:4, 6.

2. (a) Ayon sa Hebreo 10:35-39, ano ang dapat nating gawin? (b) Paano tayo matutulungan ng aklat ng Apocalipsis?

2 Basahin ang Hebreo 10:35-39. Kung pinili mong suportahan ang pamamahala ni Jehova, tama ang desisyon mo. Ngayon, gusto mo ring tulungan ang iba na gumawa ng tamang desisyon. Para magawa mo iyan, puwede mong gamitin ang mga impormasyon sa aklat ng Apocalipsis. Sinasabi ng magandang aklat na iyan ang mangyayari sa mga sumasalansang kay Jehova. Pero ipinapakita rin nito ang mga pagpapala na tatanggapin ng mga tapat na sumusuporta sa pamamahala niya. Dapat nating pag-aralan ang mahahalagang katotohanang iyan para patuloy nating mapaglingkuran si Jehova. Magagamit naman natin ang mga natutuhan natin para tulungan ang iba na magpasiyang maglingkod din kay Jehova at patuloy na gawin iyon.

3. Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?

3 Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang mga tanong na ito: Ano ang mangyayari sa mga sumusuporta sa pamamahala ng Diyos? At ano naman ang mangyayari sa mga sumusuporta sa kulay-iskarlatang mabangis na hayop na inilarawan sa aklat ng Apocalipsis?

ANO ANG MANGYAYARI SA MGA TAPAT KAY JEHOVA?

4. Anong grupo ang nakita ni apostol Juan na kasama ni Jesus sa langit?

4 Sa pangitain ni apostol Juan, may nakita siyang dalawang grupo na sumusuporta sa pamamahala ni Jehova at tumatanggap sila ng pagpapalang buhay na walang hanggan. Ang unang grupo ay may bilang na 144,000. (Apoc. 7:4) Kinuha sila mula sa lupa para makasama ni Jesus sa Kaharian sa langit, at mamamahala sila sa buong lupa. (Apoc. 5:9, 10; 14:3, 4) Sa pangitaing iyon, nakita sila ni Juan sa langit kasama ni Jesus na nakatayo sa Bundok Sion.​—Apoc. 14:1.

5. Ano ang malapit nang mangyari sa natitirang mga pinahiran na nabubuhay pa sa lupa?

5 Mula pa nang panahon ng mga apostol hanggang ngayon, libo-libo na ang pinili para maging bahagi ng 144,000. (Luc. 12:32; Roma 8:17) Pero sinabi kay Juan na kaunting bilang na lang ng natitirang mga pinahiran ang nabubuhay sa lupa sa mga huling araw. Ang mga ‘natitirang’ ito ay tatanggap ng huling “tatak” ng pagsang-ayon ni Jehova bago magsimula ang malaking kapighatian. (Apoc. 7:2, 3; 12:17) Pagkatapos, sa panahon ng malaking kapighatian, titipunin tungo sa langit ang mga natitirang ito para makasama ng iba pang kabilang sa 144,000 na namatay nang tapat. Makakasama sila ni Jesus bilang tagapamahala sa Kaharian ng Diyos.​—Mat. 24:31; Apoc. 5:9, 10.

6-7. (a) Anong grupo ang sumunod na nakita ni Juan, at ano ang matututuhan natin tungkol sa kanila? (b) Bakit dapat maging interesado sa Apocalipsis kabanata 7 ang natitirang mga pinahiran at ang “malaking pulutong”?

6 Matapos makita ni Juan ang makalangit na grupo, nakita naman niya ang isang “malaking pulutong.” Di-gaya ng 144,000, hindi mabilang ang grupong ito. (Apoc. 7:9, 10) Ano ang matututuhan natin tungkol sa kanila? Sinabi kay Juan: “Sila ang mga lumabas mula sa malaking kapighatian, at nilabhan nila ang kanilang mahabang damit at pinaputi iyon sa dugo ng Kordero.” (Apoc. 7:14) Matapos makaligtas sa malaking kapighatian, ang “malaking pulutong” na ito ay mabubuhay sa lupa at tatanggap ng maraming pagpapala.​—Awit 37:9-11, 27-29; Kaw. 2:21, 22; Apoc. 7:16, 17.

7 Siguradong nakikita natin ang sarili natin sa mga paglalarawang ito sa Apocalipsis kabanata 7, sa langit man o sa lupa ang pag-asa natin. Napakasaya ngang panahon iyon para sa dalawang grupo ng mga lingkod ng Diyos! Masayang-masaya tayo na pinili nating suportahan ang pamamahala ni Jehova. Ano pa ang sinasabi ng aklat ng Apocalipsis tungkol sa malaking kapighatian?​—Mat. 24:21.

ANO ANG MANGYAYARI SA MGA SUMASALANSANG SA DIYOS?

8. Paano magsisimula ang malaking kapighatian, at ano ang gagawin ng maraming tao?

8 Gaya ng tinalakay sa naunang artikulo, malapit nang salakayin ng gobyerno ng tao ang Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. (Apoc. 17:16, 17) Magiging pasimula ito ng malaking kapighatian. Kapag nangyari iyan, magpapasiya kaya ang maraming tao na paglingkuran si Jehova? Hindi. Sa kabaligtaran, ipinapakita sa Apocalipsis kabanata 6 na sa panahong iyon, ang mga hindi naglilingkod kay Jehova ay hihingi ng tulong sa sistema ng politika at komersiyo, na itinulad sa mga bundok. Dahil hindi nila sinusuportahan ang Kaharian ng Diyos, ituturing sila ni Jehova na mga kaaway.​—Luc. 11:23; Apoc. 6:15-17.

9. Paano mapapaiba ang bayan ni Jehova sa malaking kapighatian, at ano ang magiging resulta?

9 Makikita na ibang-iba ang tapat na mga lingkod ni Jehova sa napakahirap na panahong iyon ng kapighatian. Sila lang ang kaisa-isang grupo ng mga tao sa lupa na naglilingkod sa Diyos na Jehova at tumatangging sumuporta sa “mabangis na hayop.” (Apoc. 13:14-17) Dahil nananatili silang tapat kay Jehova, magagalit sa kanila ang mga kaaway niya. Kaya sasalakayin ng koalisyon ng mga bansa ang bayan ng Diyos sa buong lupa. Tinatawag ito ng Bibliya na pagsalakay ni Gog ng Magog.​—Ezek. 38:14-16.

10. Ayon sa Apocalipsis 19:19-21, ano ang magiging reaksiyon ni Jehova kapag sinalakay ang bayan niya?

10 Ano ang magiging reaksiyon ni Jehova sa pagsalakay na ito? Sinabi niya: “Sisiklab ang matinding galit ko.” (Ezek. 38:18, 21-23) Inilalarawan ng Apocalipsis kabanata 19 ang susunod na mangyayari. Isusugo ni Jehova ang kaniyang Anak para ipagtanggol ang bayan Niya at talunin ang mga kaaway. Makakasama ni Jesus sa pakikipaglaban ang “mga hukbo sa langit”—ang tapat na mga anghel at ang 144,000. (Apoc. 17:14; 19:11-15) Ano ang magiging resulta ng digmaang ito? Lubusang pupuksain ang lahat ng tao at organisasyon na sumasalansang kay Jehova!—Basahin ang Apocalipsis 19:19-21.

ISANG KASALAN PAGKATAPOS NG DIGMAAN

11. Ano ang pinakamahalagang pangyayari sa aklat ng Apocalipsis?

11 Isip-isipin na lang ang mararamdaman ng mga tapat na makakaligtas kapag lubusan nang pinuksa ng Diyos ang mga kaaway niya! Siguradong napakasayang panahon iyon! Magiging napakasaya sa langit kapag napuksa na ang Babilonyang Dakila, pero may magbibigay pa ng higit na kagalakan. (Apoc. 19:1-3) Ang totoo, ito ang pinakamahalagang pangyayari sa aklat ng Apocalipsis—“ang kasal ng Kordero.”​—Apoc. 19:6-9.

12. Ayon sa Apocalipsis 21:1, 2, kailan mangyayari ang kasal ng Kordero?

12 Kailan mangyayari ang kasalan? Bago ang digmaan ng Armagedon, nasa langit na ang lahat ng kabilang sa 144,000. Pero hindi pa iyan ang panahon ng kasal ng Kordero. (Basahin ang Apocalipsis 21:1, 2.) Mangyayari ito pagkatapos ng digmaan ng Armagedon kapag wala na ang lahat ng kaaway ng Diyos.​—Awit 45:3, 4, 13-17.

13. Ano ang mangyayari sa kasal ng Kordero?

13 Ano ang mangyayari sa kasal ng Kordero? Pinagsasama ng kasal ang isang lalaki at babae. Ganiyan din ang mangyayari sa makasagisag na kasal ng Hari, si Jesu-Kristo, at ng “babaeng ikakasal,” ang 144,000. Iyan ang magiging pasimula ng bagong gobyerno na mamamahala sa lupa sa loob ng 1,000 taon.​—Apoc. 20:6.

ANG MALUWALHATING LUNSOD AT ANG KINABUKASAN MO

Inilalarawan ng Apocalipsis kabanata 21 ang makasagisag na lunsod ng Bagong Jerusalem na “bumababa ng langit mula sa Diyos.” Sa Sanlibong-Taóng Paghahari, magbibigay ito ng napakaraming pagpapala sa masunuring mga tao (Tingnan ang parapo 14-16)

14-15. Saan itinulad ng Apocalipsis kabanata 21 ang 144,000? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)

14 Sa Apocalipsis kabanata 21, itinulad ang 144,000 sa isang napakagandang lunsod na tinatawag na “Bagong Jerusalem.” (Apoc. 21:2, 9) Ang lunsod na ito ay may 12 batong pundasyon at nakasulat doon ang “12 pangalan ng 12 apostol ng Kordero.” Bakit interesado si Juan sa nakita niya? Dahil nakita niyang nakasulat ang pangalan niya sa isa sa mga batong iyon. Isa itong napakalaking karangalan!—Apoc. 21:10-14; Efe. 2:20.

15 Walang katulad ang makasagisag na lunsod na ito. Mayroon itong malapad na daan na purong ginto at 12 pintuang-daan na perlas. Ang pader at mga pundasyon nito ay gawa sa mamahaling bato, na ang haba, lapad, at taas ay magkakasukat. (Apoc. 21:15-21) Pero parang may kulang! Ganito ang sinabi ni Juan: “Wala akong nakitang templo roon, dahil ang Diyos na Jehova na Makapangyarihan-sa-Lahat ang templo nito, gayundin ang Kordero. Hindi kailangan ng lunsod ang sikat ng araw o liwanag ng buwan, dahil ang kaluwalhatian ng Diyos ang nagbibigay ng liwanag dito, at ang lampara nito ay ang Kordero.” (Apoc. 21:22, 23) Makakasama ng mga kabilang sa Bagong Jerusalem si Jehova. (Heb. 7:27; Apoc. 22:3, 4) Kaya si Jehova at si Jesus ang templo sa lunsod na iyon.

Sino ang makikinabang sa mga pagpapala na inilalarawan ng “isang ilog” at “mga puno”? (Tingnan ang parapo 16-17)

16. Ano ang mararanasan ng mga tao sa Sanlibong-Taóng Paghahari ng Kaharian ng Diyos?

16 Gustong-gusto ng mga pinahiran na bulay-bulayin ang lunsod na ito. Pero interesado rin dito ang mga may pag-asang mabuhay sa lupa. Sa Sanlibong-Taóng Paghahari ng Kaharian ng Diyos, napakaraming pagpapala ang ilalaan ng Bagong Jerusalem. Nakita ni Juan na ang mga pagpapalang ito ay umaagos na gaya ng “isang ilog ng tubig ng buhay.” At sa magkabilang panig ng ilog ay may “mga puno ng buhay” na ang mga dahon ay “para sa pagpapagaling ng mga bansa.” (Apoc. 22:1, 2) Mararanasan ng lahat ng taong mabubuhay roon ang mga pagpapalang ito. Unti-unti, magiging perpekto ang lahat ng masunuring tao. Mawawala na ang sakit, kirot, at pag-iyak dahil sa pagdadalamhati.​—Apoc. 21:3-5.

17. Ayon sa Apocalipsis 20:11-13, sino ang makikinabang sa panahon ng Sanlibong-Taóng Paghahari?

17 Sino ang makikinabang sa mga pagpapalang ito? Una sa lahat, ang malaking pulutong na makakaligtas sa Armagedon, pati na ang magiging mga anak nila sa bagong sanlibutan. Pero nangangako rin ang Apocalipsis kabanata 20 na bubuhaying muli ang mga patay. (Basahin ang Apocalipsis 20:11-13.) Ang mga “matuwid” na namatay nang tapat pati na ang mga “di-matuwid”—ang mga hindi nagkaroon ng pagkakataong makilala si Jehova—ay bubuhaying muli dito sa lupa. (Gawa 24:15; Juan 5:28, 29) Ibig bang sabihin, lahat ng namatay ay bubuhaying muli sa panahon ng Sanlibong-Taóng Paghahari? Hindi. Ang mga sadyang tumangging maglingkod kay Jehova bago sila mamatay ay hindi na bubuhaying muli. Mayroon na sana silang pagkakataon, pero ipinakita nilang hindi sila karapat-dapat mabuhay sa Paraisong lupa.​—Mat. 25:46; 2 Tes. 1:9; Apoc. 17:8; 20:15.

ANG HULING PAGSUBOK

18. Ano ang magiging kalagayan sa lupa sa katapusan ng 1,000 taon?

18 Sa katapusan ng 1,000 taon, naibalik na sa pagiging perpekto ang lahat ng nabubuhay sa lupa. Hindi na nila mararanasan ang epekto ng kasalanang minana kay Adan. (Roma 5:12) Lubusan na itong mawawala. Kaya, ibig sabihin, ang mga nasa lupa ay “nabuhay” dahil sila ay magiging mga perpekto sa pagtatapos ng 1,000 taon.​—Apoc. 20:5.

19. Bakit kailangan ang huling pagsubok?

19 Alam nating nanatiling tapat si Jesus sa Diyos kahit noong subukin siya ni Satanas. Pero ganiyan din kaya ang gagawin ng lahat ng perpektong tao kapag binigyan si Satanas ng pagkakataong subukin sila? Mapapatunayan ng bawat isa ang katapatan niya kay Jehova kapag pinakawalan si Satanas mula sa kalaliman pagkatapos ng 1,000 taon. (Apoc. 20:7) Ang mga mananatiling tapat sa huling pagsubok na ito ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan at tunay na kalayaan. (Roma 8:21) Ang mga magrerebelde naman kay Jehova ay lubusang pupuksain, kasama ng Diyablo at ng kaniyang mga demonyo.​—Apoc. 20:8-10.

20. Ano ang naramdaman mo tungkol sa kapana-panabik na mga hula sa aklat ng Apocalipsis?

20 Ano ang naramdaman mo pagkatapos nating isaalang-alang sa maikli ang aklat ng Apocalipsis? Nakikita mo ba ang sarili mo sa napakagandang hulang ito? Gusto mo rin bang tulungan ang iba na sumama sa atin sa dalisay na pagsamba sa ating Diyos? (Apoc. 22:17) Tiyak na sabik na sabik na tayo sa mga mangyayari sa hinaharap, at gusto rin nating sabihin ang sinabi ni apostol Juan: “Amen! Dumating ka nawa, Panginoong Jesus.”​—Apoc. 22:20.

AWIT 27 Ang Pagsisiwalat sa mga Anak ng Diyos

^ Ito ang huling artikulo tungkol sa aklat ng Apocalipsis sa isyu ng magasing ito. Malalaman natin na may magandang kinabukasang naghihintay para sa mga mananatiling tapat kay Jehova, pero kahiya-hiyang wakas naman para sa mga sumasalansang sa pamamahala ng Diyos.