ARALING ARTIKULO 23
Mga Magulang—Tulungan ang Inyong mga Anak na Mahalin si Jehova
“Dapat mong ibigin si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo.”—MAT. 22:37.
AWIT 134 Mga Anak—Ipinagkatiwala ng Diyos
NILALAMAN *
1-2. Ipaliwanag kung paano nagiging mas makabuluhan sa atin ang ilang prinsipyo sa Bibliya kapag nagbago ang kalagayan natin.
SA ARAW ng kanilang kasal, nakikinig na mabuti ang magkasintahan sa pahayag na mula sa Bibliya tungkol sa pag-aasawa. Hindi na bago sa kanila ang tinatalakay na mga prinsipyo sa Bibliya. Pero mula sa araw na iyon, mas magiging makabuluhan para sa kanila ang mga prinsipyong iyon. Bakit? Kasi susundin na nila iyon bilang mag-asawa.
2 Totoo rin iyan kapag naging magulang na ang mag-asawa. Sa loob ng maraming taon, baka marami na silang narinig na pahayag tungkol sa pagpapalaki ng mga anak. Pero ngayon, mas magiging makabuluhan para sa kanila ang mga prinsipyong ito. Magkakaroon na sila ng mga anak na palalakihin nila. Isa itong malaking pananagutan! Kaya kapag nagbago ang kalagayan natin, nagiging mas makabuluhan sa atin ang ilang prinsipyo sa Bibliya. Isang dahilan iyan kung bakit binabasa ng mga mananamba ni Jehova ang Kasulatan at, gaya ng iniutos sa mga hari ng Israel noon, binubulay-bulay nila ito sa “bawat araw” ng buhay nila.—Deut. 17:19.
3. Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
3 Mga magulang, napakalaki ng pribilehiyo ninyo bilang Kristiyano—ang turuan ang inyong mga anak tungkol kay Jehova. Hindi mo lang basta sasabihin sa kanila ang mga impormasyon tungkol sa Diyos. Gusto mo ring tulungan sila na mahalin si Jehova. Paano mo sila tutulungang mahalin si Jehova? Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang apat na prinsipyo sa Bibliya na makakatulong sa iyo bilang magulang. (2 Tim. 3:16) Tatalakayin din natin kung paano nakikinabang ang ilang Kristiyanong magulang sa pagsunod sa mga payo ng Bibliya.
APAT NA PRINSIPYO NA MAKAKATULONG SA MGA MAGULANG
4. Ano ang isang prinsipyo na makakatulong sa mga magulang para maturuan nila ang mga anak nila na mahalin si Jehova? (Santiago 1:5)
4 Prinsipyo 1: Hingin ang patnubay ni Jehova. Hilingin kay Jehova na bigyan ka ng karunungan na kailangan mo para matulungan ang mga anak mo na mahalin siya. (Basahin ang Santiago 1:5.) Si Jehova ang makapagbibigay sa iyo ng pinakamahusay na payo. At maraming dahilan kung bakit natin nasabi iyan. Talakayin natin ang dalawa. Una, si Jehova ang pinakamakaranasang magulang. (Awit 36:9) At ikalawa, laging kapaki-pakinabang ang mga payo niya.—Isa. 48:17.
5. (a) Ano ang ibinibigay ng organisasyon ni Jehova para tulungan ang mga magulang? (b) Gaya ng makikita sa video, ano ang matututuhan mo kina Brother at Sister Amorim sa pagpapalaki sa mga anak nila?
5 Sa tulong ng Bibliya at ng organisasyon niya, nagbibigay si Jehova ng saganang espirituwal na pagkain na tutulong sa iyo para maturuan mo ang mga anak mo na mahalin si Jehova. (Mat. 24:45) Halimbawa, makakakita ka ng maraming praktikal na payo sa serye ng artikulong “Tulong Para sa Pamilya.” Naging serye ito sa magasing Gumising! sa loob ng maraming taon, pero ngayon, available na ito sa ating website. Marami ring video ng interbyu at pagsasadula sa jw.org na makakatulong sa mga magulang na masunod ang mga payo ni Jehova habang nagpapalaki sila ng mga anak. *—Kaw. 2:4-6.
6. Ano ang nadarama ng isang tatay sa patnubay na natatanggap nilang mag-asawa mula sa organisasyon ni Jehova?
6 Maraming magulang ang nagpapasalamat sa tulong na tinatanggap nila kay Jehova sa pamamagitan ng organisasyon niya. Inamin ng tatay na si Joe: “Hindi birong magpalaki ng tatlong anak sa katotohanan. Lagi kaming nananalanging mag-asawa kay Jehova na tulungan niya kami. At madalas na may lumalabas na isang artikulo o video na tamang-tama sa sitwasyon namin. Lagi kaming umaasa sa patnubay ni Jehova.” Nakita ni Joe at ng asawa niya na nakatulong ang mga paglalaang iyon para mapalapít kay Jehova ang mga anak nila.
7. Bakit dapat sikapin ng mga magulang na maging mabuting halimbawa sa mga anak nila? (Roma 2:21)
7 Prinsipyo 2: Maging mabuting halimbawa. Madalas na ginagaya ng mga bata kung ano ang nakikita nila sa mga magulang nila. Siyempre, walang perpektong magulang. (Roma 3:23) Pero dapat pa ring sikapin ng mga magulang na maging mabuting halimbawa sa kanilang mga anak. (Basahin ang Roma 2:21.) Sinabi ng isang tatay tungkol sa mga anak niya: “Para silang mga sponge dahil naa-absorb nila ang lahat ng sinasabi at ginagawa natin.” Sinabi pa niya: “Sasabihin nila sa atin kapag ang ginagawa natin ay hindi tugma sa itinuturo natin.” Kaya kung gusto nating mahalin ng mga anak natin si Jehova, dapat na kitang-kita nila na talagang mahal natin siya.
8-9. Ano ang natutuhan mo sa sinabi nina Andrew at Emma?
8 Maraming paraan para maturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak na mahalin si Jehova. Pansinin ang sinabi ni Andrew na edad 17: “Laging itinuturo ng mga magulang ko na napakahalagang manalangin. Gabi-gabi, nananalangin si Tatay kasama ako, kahit nakapanalangin na ako. Laging sinasabi ng mga magulang ko: ‘Puwede kayong manalangin kay Jehova kahit ilang beses n’yo gusto.’ Nakatulong iyon sa akin para pahalagahan ko ang panalangin, at ngayon, komportableng-komportable akong manalangin kay Jehova kasi nadarama kong isa siyang mapagmahal na Ama.” Mga magulang, tandaan na nakikita ng mga anak ninyo ang lalim ng pag-ibig ninyo kay Jehova at nakakatulong iyon para mahalin din nila siya.
9 Tingnan din ang halimbawa ni Emma. Nang iwan sila ng tatay niya, kinailangang bayaran ng nanay niya ang iniwan nitong napakalaking utang. Sinabi ni Emma: “Madalas na hirap na hirap si Nanay sa pinansiyal. Pero lagi niyang sinasabi kung paano pinapangalagaan ni Jehova ang mga lingkod niya. Kitang-kita ko na talagang naniniwala siya roon. Isinasabuhay ni Nanay ang mga itinuturo niya.” Ang aral? Puwedeng maging mabuting halimbawa ang mga magulang kahit sa mahihirap na sitwasyon.—Gal. 6:9.
10. Anong mga pagkakataon mayroon ang maraming Israelitang magulang para kausapin ang mga anak nila? (Deuteronomio 6:6, 7)
10 Prinsipyo 3: Laging kausapin ang mga anak ninyo. Inutusan ni Jehova ang mga Israelita noon na laging turuan ang mga anak nila tungkol sa kaniya. (Basahin ang Deuteronomio 6:6, 7.) Sa buong maghapon, maraming pagkakataon ang mga magulang na makipag-usap sa mga anak nila at turuan silang mahalin si Jehova. Halimbawa, maraming oras na magkasama ang tatay at ang anak na lalaki sa pagtatanim o pag-aani. Ang nanay naman at ang anak na babae ay magkasamang nananahi, naghahabi, at gumagawa sa bahay sa buong maghapon. Habang magkasamang gumagawa ang mga magulang at ang mga anak, marami silang mahahalagang bagay na puwedeng pag-usapan. Halimbawa, puwede nilang pag-usapan kung gaano kabuti si Jehova at kung paano niya tinutulungan ang pamilya nila.
11. Kailan magandang kausapin ng Kristiyanong mga magulang ang mga anak nila?
11 Malaki na ang ipinagbago ng buhay ngayon. Sa maraming lupain, halos wala nang panahong magkasama ang mga magulang at mga anak sa buong maghapon. Nasa trabaho ang mga magulang, at nasa paaralan naman ang mga anak. Kaya dapat na humanap ng mga pagkakataon ang mga magulang para kausapin ang mga anak nila. (Efe. 5:15, 16; Fil. 1:10) Magandang pagkakataon ang pampamilyang pagsamba. Sinabi ng kabataang si Alexander: “Laging may iskedyul si Tatay para sa family worship namin, at hindi niya hinahayaan na may umagaw sa oras na iyon na magkakasama kami. Pagkatapos naming mag-aral, nagkukuwentuhan kami.”
12. Ano ang dapat tandaan ng ulo ng pamilya sa panahon ng pampamilyang pagsamba?
12 Kung isa kang ulo ng pamilya, ano ang puwede mong gawin para maging masaya ang mga anak mo sa pampamilyang pagsamba ninyo? Puwede mong gamitin sa pagtuturo sa kanila ang bagong publikasyon na Masayang Buhay Magpakailanman. Isang napakagandang pagkakataon iyan para maging masaya ang pag-uusap ninyo. Gusto mong sabihin ng mga anak mo ang nararamdaman nila at ikinababahala, kaya huwag gamitin ang pampamilyang pagsamba para sermunan o pagalitan sila. At sikaping huwag magalit kapag may sinabi sila na hindi kaayon ng mga prinsipyo sa Bibliya. Sa halip, pasalamatan sila sa pagsasabi ng talagang nararamdaman nila at tulungan silang laging gawin iyon. Matutulungan mo lang ang mga anak mo kung alam mo ang talagang nararamdaman nila.
13. Anong iba pang pagkakataon mayroon ang mga magulang para turuan ang mga anak nila na maging malapít kay Jehova?
13 Mga magulang, humanap ng mga pagkakataon sa buong maghapon na tulungan ang mga anak ninyo na maging malapít kay Jehova. Hindi mo kailangang hintayin ang pag-aaral ninyo ng Bibliya para turuan sila tungkol sa ating mapagmahal na Diyos. Pansinin ang sinabi ng nanay na si Lisa: “Ginagamit namin ang mga nilalang para turuan ang mga anak namin tungkol kay Jehova. Halimbawa, kapag may ginawa ang aso namin at natawa sila, sinasabi namin sa kanila na si Jehova ay masayahing Diyos at na gusto niya na maging masaya tayo.”
14. Bakit mahalagang tulungan ng mga magulang ang mga anak nila na pumili ng mabubuting kaibigan? (Kawikaan 13:20)
14 Prinsipyo 4: Tulungan ang mga anak ninyo na magkaroon ng mabubuting kaibigan. Sinasabi ng Salita ng Diyos na puwedeng maging mabuti o masamang impluwensiya ang mga kaibigan natin. (Basahin ang Kawikaan 13:20.) Mga magulang, kilala n’yo ba ang mga kaibigan ng inyong mga anak? Nakasama n’yo na ba sila? Ano ang puwede ninyong gawin para magkaroon ang mga anak ninyo ng mga kaibigang mahal si Jehova? (1 Cor. 15:33) Kung mag-iimbita kayo ng mga kapatid na malapít kay Jehova para makasama ng pamilya ninyo, matutulungan ninyo ang mga anak ninyo.—Awit 119:63.
15. Ano ang puwedeng gawin ng mga magulang para matulungan ang mga anak nila na magkaroon ng mabubuting kaibigan?
15 Ipinaliwanag ng tatay na si Tony kung ano ang ginawa nilang mag-asawa para magkaroon ng mabubuting kaibigan ang mga anak nila. Sinabi niya: “Sa loob ng maraming taon, nag-iimbita kami sa bahay ng mga kapatid na iba-iba ang edad at pinagmulan. Magkakasama kaming nagpa-family worship at kumakain. Magandang pagkakataon iyon para mas makilala namin ang mga taong mahal si Jehova at masayang naglilingkod sa kaniya. Isang pagpapala na makasama namin ang mga tagapangasiwa ng sirkito, misyonero, at iba pang kapatid sa bahay namin. Nakatulong ang mga karanasan nila, sigasig, at pagiging mapagsakripisyo para mas mapalapít ang mga anak namin kay Jehova.” Mga magulang, maging determinadong tulungan ang mga anak ninyo na magkaroon ng mabubuting kaibigan.
HUWAG MAWALAN NG PAG-ASA!
16. Paano kung sabihin ng anak mo na ayaw niyang maglingkod kay Jehova?
16 Paano kung sa kabila ng mga pagsisikap mo, sinabi ng isa sa mga anak mo na ayaw niyang maglingkod kay Jehova? Huwag mong isipin na bigo ka na bilang isang magulang. Lahat tayo—kasama na ang anak mo—ay binigyan ni Jehova ng kalayaang magpasiya, ang kakayahang pumili kung maglilingkod tayo sa Diyos o hindi. Kung iwan ng anak mo si Jehova, huwag mawalan ng pag-asa na balang-araw, manunumbalik din siya. Tandaan ang ilustrasyon tungkol sa nawawalang anak. (Luc. 15:11-19, 22-24) Naligaw ng landas at gumawa ng masasamang bagay ang kabataang iyon, pero bandang huli, nanumbalik siya. Baka sabihin ng iba, “Kuwento lang ’yon. Nangyayari ba talaga iyon sa totoong buhay?” Oo naman! Ang totoo, nangyari iyan sa kabataang si Elie.
17. Paano ka napatibay ng karanasan ni Elie?
17 Sinabi ni Elie tungkol sa mga magulang niya: “Ginawa nila ang lahat para mahalin ko si Jehova at ang kaniyang Salita, ang Bibliya. Noong tin-edyer ako, nagsimula akong magrebelde.” Nagkaroon si Elie ng dobleng pamumuhay, at binale-wala niya ang lahat ng pagsisikap ng mga magulang niya na tulungan siya sa espirituwal. Umalis siya ng bahay nila, at gumawa ng masasamang bagay. Pero kung minsan, naipapakipag-usap niya sa isa sa mga kaibigan niya ang tungkol sa Bibliya. Sinabi ni Elie: “Habang dumadalas ang pag-uusap namin tungkol sa Diyos, dumadalas din ang pag-iisíp ko tungkol kay Jehova. Unti-unti, ang mga binhi ng katotohanan sa Bibliya—na sinikap itanim ng mga magulang ko sa aking puso—ay nagsimulang tumubo.” Nang maglaon, bumalik si Elie sa katotohanan. * Isipin ang saya ng mga magulang niya na nagsikap na turuan siya mula pagkabata na mahalin si Jehova!—2 Tim. 3:14, 15.
18. Ano ang nadarama mo sa mga magulang na lubusang nagsisikap na turuan ang mga anak nila na mahalin si Jehova?
18 Mga magulang, napakaganda ng pribilehiyo ninyo—ang magpalaki ng mga anak na isang bagong henerasyon ng mga mananamba ni Jehova. (Awit 78:4-6) Hindi iyan madaling gawin, kaya talagang kinokomendahan namin kayo sa mga pagsisikap ninyo na tulungan ang mga anak ninyo! Kung patuloy kayong magsisikap na tulungan ang mga anak ninyo na mahalin si Jehova at palakihin sila sa disiplina at patnubay niya, makatitiyak kayo na mapapasaya ninyo ang mapagmahal nating Ama sa langit.—Efe. 6:4.
AWIT 135 “Magpakarunong Ka, Anak Ko”
^ Mahal na mahal ng Kristiyanong mga magulang ang mga anak nila. Talagang nagsisikap silang ibigay ang pisikal at emosyonal na pangangailangan ng mga ito. At higit sa lahat, ginagawa nila ang buong makakaya nila para tulungan ang mga anak nila na mahalin si Jehova. Tatalakayin sa artikulong ito ang apat na prinsipyo sa Bibliya na makakatulong sa mga magulang na magawa iyan.
^ Tingnan sa jw.org ang video na Tinuruan Kami ni Jehova na Palakihin ang Aming mga Anak.
^ Tingnan ang artikulong “Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay” sa Bantayan, Abril 1, 2012.
^ LARAWAN: Nakikipaglaro ng basketball ang isang tatay sa anak niya at sa kaibigan nito para makilala niya ang kaibigan ng anak niya.