Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 24

Maaabot Mo ang mga Goal Mo

Maaabot Mo ang mga Goal Mo

“Huwag tayong tumigil sa paggawa ng mabuti, dahil mag-aani tayo sa takdang panahon kung hindi tayo titigil.”​—GAL. 6:9.

AWIT 84 Maglingkod Nang Lubos

NILALAMAN a

1. Ano ang nararanasan ng marami sa atin?

 MAYROON ka bang goal pero nahihirapan kang abutin iyon? b Nararanasan din iyan ng iba. Halimbawa, gusto ni Philip na mapasulong ang mga panalangin niya at gawin pa ito nang mas madalas, pero laging kulang ang oras niya para dito. Goal naman ni Erika na dumating nang maaga para sa mga pagtitipon bago lumabas sa larangan, pero lagi pa rin siyang nale-late. Ilang beses namang sinubukan ni Tomáš na basahin ang buong Bibliya. Sinabi niya: “Hindi ako nag-e-enjoy sa pagbabasa ng Bibliya. Tatlong beses kong sinubukan, pero hanggang Levitico lang ako lagi.”

2. Bakit hindi tayo dapat masiraan ng loob kapag hindi pa natin naaabot ang goal natin?

2 Kung may goal ka ngayon na hindi mo pa naaabot, huwag kang masiraan ng loob. Tandaan na kailangan ang panahon at pagsisikap kahit sa isang simpleng goal. Kapag sinisikap mong abutin ang goal mo, ibig sabihin, mahalaga sa iyo ang kaugnayan mo kay Jehova at gusto mong ibigay sa kaniya ang best mo. Pinapahalagahan ni Jehova ang mga pagsisikap mo. Hindi niya hihilingin sa iyo ang hindi mo kayang ibigay. (Awit 103:14; Mik. 6:8) Kaya umabot ng mga goal na talagang kaya mong abutin. Pero paano mo iyon maaabot? Talakayin natin ang ilang mungkahi.

MAGING PURSIGIDO

Manalangin para maging mas pursigido (Tingnan ang parapo 3-4)

3. Bakit mahalaga na pursigido kang maabot ang goal mo?

3 Mahalaga na pursigido kang abutin ang goal mo, kasi tutulong iyon para talagang magsikap ka. Ang kagustuhang iyan ay parang hangin na tumutulak sa sailboat na makarating sa destinasyon nito. Kapag tuloy-tuloy ang hangin, malamang na makakarating sa destinasyon ang manlalakbay. Kapag mas malakas ang hangin, mas mabilis siyang makakarating. Ganiyan din sa pag-abot ng goal. Kapag talagang pursigido tayo, malamang na mas maabot natin iyon. “Magsisikap ka kapag gustong-gusto mo,” ang sabi ni David, isang brother sa El Salvador. “Gagawin mo ang lahat para walang makapigil sa iyo sa pag-abot ng goal mo.” Kaya ano ang puwede mong gawin para maging mas pursigido kang abutin ang goal mo?

4. Ano ang puwede nating ipanalangin? (Filipos 2:13) (Tingnan din ang larawan.)

4 Manalangin. Puwede kang tulungan ng espiritu ni Jehova na magkaroon ng kagustuhang maabot ang goal mo. (Basahin ang Filipos 2:13.) Kung minsan, nagtatakda tayo ng goal kasi alam nating kailangan, at maganda naman iyon. Pero baka hindi naman talaga tayo pursigidong abutin iyon. Ganiyan ang nangyari kay Norina, isang sister sa Uganda. Goal niya na magkaroon ng Bible study, pero hindi siya ganoon kapursigido. Kasi pakiramdam niya, hindi naman siya mahusay magturo. Ano ang nakatulong sa kaniya? Sinabi niya: “Araw-araw kong ipinapanalangin kay Jehova na mas gustuhin kong magkaroon ng Bible study. Kaya pinasulong ko rin ang kakayahan kong magturo. Pagkalipas ng ilang buwan, naging mas pursigido na ako. Nang taon ding iyon, nagkaroon ako ng dalawang Bible study.”

5. Ano ang mga puwede nating pag-isipan para lalo tayong maging pursigido na abutin ang goal natin?

5 Pag-isipan ang mga ginawa ni Jehova para sa iyo. (Awit 143:5) Pinag-isipan ni apostol Pablo ang walang-kapantay na kabaitan ni Jehova sa kaniya. Nakatulong ito para lalo niyang gawin ang lahat para kay Jehova. (1 Cor. 15:9, 10; 1 Tim. 1:12-14) Kaya kung lagi mo ring pag-iisipan ang mga ginawa ni Jehova para sa iyo, magiging mas pursigido ka ring abutin ang goal mo. (Awit 116:12) Sinabi ng isang sister sa Honduras ang nakatulong sa kaniya para maabot ang goal niya na mag-regular pioneer: “Pinag-isipan ko kung gaano ako kamahal ni Jehova. Tinulungan niya akong maging bahagi ng bayan niya. Inaalagaan din niya ako at pinoprotektahan. Nang pag-isipan ko ang mga iyon, lalo kong minahal si Jehova at naging mas pursigido akong magpayunir.”

6. Ano pa ang makakatulong sa atin para maging mas pursigido?

6 Magpokus sa magagandang resulta. Pansinin ang nakatulong kay Erika, na binanggit kanina, na maabot ang goal niya na dumating nang maaga. Sinabi niya: “Na-realize ko na dahil lagi akong late, hindi ko nakukumusta at nakakakuwentuhan ang mga kapatid. Pero noong maaga na ako, nagagawa ko na iyon. Napapakinggan ko na rin ang mga mungkahi na makakatulong para mas ma-enjoy ko at mapasulong ang ministeryo ko.” Nagpokus si Erika sa magagandang resulta ng pagiging maaga, at naabot niya ang goal niya. Kaya ano ang mga puwede mong isipin? Kung tungkol sa pagbabasa ng Bibliya o pananalangin ang goal mo, puwede mong isipin kung paano nito mapapatibay ang kaugnayan mo kay Jehova. (Awit 145:18, 19) Kung goal mo naman na mapasulong ang isang katangiang Kristiyano, isipin kung paano ito makakatulong para maging mas malapít ka sa iba. (Col. 3:14) Subukan mong isulat ang lahat ng dahilan kung bakit gusto mong maabot ang goal mo, at lagi mong tingnan iyon. Sinabi ni Tomáš, na binanggit kanina: “Kapag marami akong dahilan na abutin ang goal ko, nagiging mas pursigido ako.”

7. Ano ang nakatulong kay Julio at sa asawa niya na maabot ang goal nila?

7 Makipagkaibigan sa mga susuporta sa goal mo. (Kaw. 13:20) Tingnan ang nakatulong kay Julio at sa asawa niya na maabot ang goal nila na magpalawak ng ministeryo. Sinabi ni Julio: “Nakipagkaibigan kami sa mga sumusuporta sa goal namin, at ikinuwento namin iyon sa kanila. Marami sa kanila ang nakapagpalawak na ng ministeryo, kaya alam namin na makakatulong sa amin ang mga payo nila. Lagi nilang kinukumusta ang goal namin at pinapatibay kami kung kailangan.”

KAPAG HINDI TAYO GANOON KAPURSIGIDO

Magsikap na abutin ang goal mo (Tingnan ang parapo 8)

8. Ano ang puwedeng mangyari kung sisikapin lang nating abutin ang goal natin sa mga panahong determinado tayo? (Tingnan din ang larawan.)

8 Ang totoo, may mga pagkakataon talaga na nawawalan tayo ng determinasyon na abutin ang goal natin. Susuko na ba tayo? Hindi. Halimbawa, makakatulong ang malakas na hangin para makarating ang sailboat sa destinasyon nito. Kaya lang, kung minsan, humihina ang hangin o nawawala pa nga. Pero hindi ibig sabihin nito na hindi na makakarating ang manlalakbay. May mga sailboat na may motor; ang iba naman, puwedeng gamitan ng sagwan. Puwedeng gamitin ng manlalakbay ang alinman sa mga ito para makarating sa destinasyon niya. Ang determinasyon ay parang hangin; puwedeng humina iyon. May mga pagkakataon pa nga na baka mawala iyon. Kaya kung sisikapin lang nating abutin ang goal natin sa mga panahong determinado tayo, baka hindi natin maabot iyon. Pero gaya ng manlalakbay na naghahanap ng ibang paraan para makarating sa destinasyon niya, puwede pa rin tayong magsikap na abutin ang goal natin kahit hindi tayo ganoon kapursigido. Kailangan diyan ng disiplina. Pero kapag naabot mo ang goal mo, magiging masaya ka. Pag-usapan muna natin ngayon ang isang tanong.

9. Dapat pa rin ba tayong magsikap na abutin ang goal natin kung nawala ang determinasyon natin? Ipaliwanag.

9 Gusto ni Jehova na paglingkuran natin siya nang masaya at buong puso. (Awit 100:2; 2 Cor. 9:7) Kaya dapat pa rin ba tayong magsikap na abutin ang goal natin kung nawala ang determinasyon natin? Tingnan ang halimbawa ni apostol Pablo. Sinabi niya: “Dinidisiplina ko nang husto ang aking katawan at ginagawa itong alipin.” (1 Cor. 9:25-27, study note sa talata 27) Pinilit ni Pablo ang sarili niya na gawin ang tama kahit noong mga panahong hindi iyon ang gusto niyang gawin. Tinanggap ba ni Jehova ang paglilingkod ni Pablo? Oo, at pinagpala siya sa mga pagsisikap niya.​—2 Tim. 4:7, 8.

10. Ano ang resulta kapag nagsikap pa rin tayong abutin ang goal natin kahit hindi tayo determinadong gawin iyon?

10 Masaya din si Jehova kapag nagsisikap tayong abutin ang goal natin kahit na hindi tayo determinadong gawin iyon. Alam niya na kahit hindi natin ganoon kagusto ang ginagawa natin, ginagawa naman natin iyon dahil mahal natin siya. Kung pinagpala ni Jehova si Pablo, pagpapalain din Niya ang mga pagsisikap natin. (Awit 126:5) At kapag nakikita na natin ang mga pagpapala ni Jehova, magiging determinado na ulit tayo. Sinabi ni Lucyna, isang sister sa Poland: “Minsan, wala akong ganang lumabas sa larangan, lalo na kapag pagod ako. Pero kapag tumuloy ako, lagi akong umuuwing masaya.” Kaya tingnan natin ang puwede nating gawin kapag nawala ang determinasyon natin.

11. Paano tayo matutulungan ni Jehova na mapasulong ang pagpipigil natin sa sarili?

11 Ipanalangin na magkaroon ka ng pagpipigil sa sarili. Ang pagpipigil sa sarili ay ang kakayahan ng isang tao na makontrol ang damdamin at pagkilos niya. Madalas itong tumutukoy sa pagpipigil natin na gumawa ng masama. Pero kailangan din natin ito para makontrol, o mapakilos, ang sarili natin na gumawa ng mabuti. At mas kailangan natin ito kapag mahirap ang gagawin natin o hindi tayo ganoon kadeterminadong gawin iyon. Tandaan na ang pagpipigil sa sarili ay isang katangian na bunga ng espiritu. Kaya hilingin kay Jehova na bigyan ka ng banal na espiritu na tutulong sa iyo na mapasulong ang katangiang iyan. (Luc. 11:13; Gal. 5:22, 23) Gusto ni David, na binanggit kanina, na maging regular ang personal study niya. Sinabi niya kung paano nakatulong sa kaniya ang panalangin: “Hiniling ko kay Jehova na tulungan ako para mapasulong ko ang pagpipigil sa sarili. Sa tulong niya, naging regular at makabuluhan ang personal study ko.”

12. Paano makakatulong ang Eclesiastes 11:4 sa pag-abot ng mga goal?

12 Huwag hintayin ang pinakamagandang kalagayan. Walang perpektong kalagayan ngayon. Kaya kung iyon ang hihintayin natin, baka hindi na natin maabot ang goal natin. (Basahin ang Eclesiastes 11:4.) Sinabi ng brother na si Dayniel: “Walang perpektong kalagayan. Kaya huwag nang maghintay. Simulan na natin.” Sinabi ni Paul, isang brother sa Uganda, ang isa pang dahilan kung bakit dapat tayong kumilos agad: “Kapag nagsimula tayo kahit mahirap ang sitwasyon, binibigyan natin si Jehova ng dahilan para pagpalain tayo.”​—Mal. 3:10.

13. Bakit magandang magsimula muna sa maliliit na goal?

13 Magsimula sa maliliit na goal. Baka mawalan tayo ng ganang abutin ang goal natin kasi parang napakahirap nito. Kaya kung ganiyan ang goal mo, baka puwede mong unti-untiin hanggang sa maabot mo iyon. Kung goal mo na mapasulong ang isang katangian, sikapin mo muna itong ipakita sa simpleng mga paraan. Kung goal mo naman na basahin ang buong Bibliya, baka puwede ka munang magbasa kahit ilang minuto lang. Sinabi ni Tomáš, na binanggit sa simula, na nahirapan siyang abutin ang goal niya na basahin ang buong Bibliya sa loob ng isang taon. Sinabi niya: “Mabigat pala iyon para sa akin. Kaya sinubukan ko ulit, pero ilang talata lang muna ang binabasa ko araw-araw at binubulay-bulay ko iyon. Kaya nag-enjoy na ako sa pagbabasa ng Bibliya.” Habang tumatagal, mas nag-e-enjoy pa si Tomáš, kaya mas hinahabaan na niya ang oras niya sa pagbabasa. Bandang huli, natapos niyang basahin ang buong Bibliya. c

HUWAG PANGHINAAN NG LOOB KAPAG NAGKAROON NG MGA HADLANG

14. Ano ang mga puwedeng maging hadlang sa pag-abot natin ng goal?

14 Nakakalungkot, gaano man tayo kapursigido o disiplinado, magkakaroon pa rin ng mga hadlang. Halimbawa, dahil sa mga “di-inaasahang pangyayari,” baka mawalan tayo ng panahon para abutin ang goal natin. (Ecles. 9:11) Baka magkaroon tayo ng problema na magpapahina ng loob at uubos ng lakas natin. (Kaw. 24:10) Dahil hindi tayo perpekto, baka makagawa tayo ng mga pagkakamali na makakapigil sa atin. (Roma 7:23) O baka pagod lang tayo. (Mat. 26:43) Kaya ano ang makakatulong sa atin kapag nagkaroon ng mga hadlang?

15. Bakit hindi tayo dapat huminto sa pag-abot ng goal kahit may mga hadlang? (Awit 145:14)

15 Huwag huminto. Sinasabi ng Bibliya na puwede tayong paulit-ulit na makaranas ng mga problema. Pero sinasabi rin nito na makakabangon tayo ulit sa tulong ni Jehova. (Basahin ang Awit 145:14.) Sinabi ni Philip, na binanggit kanina: “Hindi ako nagpopokus sa mga panahong hindi ko naaabot ang goal ko. Mas mahalaga sa akin na magsimula ulit at maabot iyon.” Sinabi naman ni David: “Hindi ko itinuturing na problema ang mga hadlang. Iniisip ko na pagkakataon iyon para maipakita ko kay Jehova kung gaano ko siya kamahal.” Kung patuloy nating aabutin ang goal natin kahit may mga hadlang, siguradong mapapasaya natin si Jehova!

16. Ano ang puwede nating matutuhan sa mga hadlang?

16 Tingnan ang mga puwedeng matutuhan. Pag-isipan ang naging hadlang at tanungin ang sarili, ‘Ano ang puwede kong gawin para hindi na iyon maulit?’ (Kaw. 27:12) Pero kung minsan, dahil sa mga hadlang, baka makita natin na hindi talaga natin posibleng maabot ang goal natin. Kung pakiramdam mo, totoo iyan sa iyo, pag-isipan ulit kung talaga bang kaya mong abutin ang goal mo. d Hindi iisipin ni Jehova na bigo ka dahil hindi mo naabot ang goal na hindi posible para sa iyo.​—2 Cor. 8:12.

17. Bakit mahalagang isipin ang mga goal na naabot mo na?

17 Isipin ang mga naabot mo na. Sinasabi ng Bibliya na “matuwid ang Diyos, kaya hindi niya lilimutin ang mga ginawa [mo].” (Heb. 6:10) Kaya huwag mo ring kalimutan ang mga iyon. Isipin ang mga goal na naabot mo na—maging mas malapít kay Jehova, sabihin sa iba ang tungkol sa kaniya, o pagpapabautismo. Kung nakagawa ka na noon ng pagsulong at nakaabot ng mga goal, makakaya mo ring abutin ang goal mo ngayon.​—Fil. 3:16.

Mag-enjoy (Tingnan ang parapo 18)

18. Ano ang dapat nating tandaan habang umaabot tayo ng goal? (Tingnan din ang larawan.)

18 Sa tulong ni Jehova, maaabot mo ang goal mo, gaya ng manlalakbay na nakarating sa destinasyon niya. Tandaan na maraming manlalakbay ang nag-enjoy hanggang sa makarating sa destinasyon nila. Kaya mag-e-enjoy ka rin habang nakikita mo kung paano ka tinutulungan at pinagpapala ni Jehova habang inaabot mo ang goal mo. (2 Cor. 4:7) Kung hindi ka susuko, marami kang tatanggaping pagpapala.​—Gal. 6:9.

AWIT 126 Manatiling Gisíng at Magpakatibay

a Lagi tayong pinapasigla ng organisasyon ni Jehova na magkaroon ng mga goal. Pero paano kung mayroon na tayong goal at nahihirapan tayong abutin iyon? Makakatulong sa atin ang mga mungkahi sa artikulong ito.

b KARAGDAGANG PALIWANAG: Kasama sa espirituwal na tunguhin, o goal, ang mga gusto mong mapasulong o maabot para mas mapaglingkuran mo si Jehova at mapasaya siya. Halimbawa, puwede mong gawing goal na mapasulong ang isang katangiang Kristiyano o isang bahagi ng pagsamba mo, gaya ng pagbabasa ng Bibliya, personal study, o ministeryo.

c Tingnan ang aklat na Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, p. 10, par. 4.

d Tingnan ang artikulong “Maging Makatuwiran sa Iyong mga Tunguhin, at Maging Maligaya” sa Bantayan, isyu ng Hulyo 15, 2008.